Lumang Tipan 2022
Hulyo 24. Anong mga Pagpapala ang Dumarating mula sa Pagtanggap ng mga Ordenansa sa Templo? Ezra 1; 3–7; Nehemias 2; 4–6; 8


“Hulyo 24. Anong mga Pagpapala ang Dumarating mula sa Pagtanggap ng mga Ordenansa sa Templo? Ezra 1; 3–7; Nehemias 2; 4–6; 8,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2022 (2021)

“Hulyo 24. Anong mga Pagpapala ang Dumarating mula sa Pagtanggap ng mga Ordenansa sa Templo?” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2022

Larawan
templo

Hulyo 24

Anong mga Pagpapala ang Dumarating mula sa Pagtanggap ng mga Ordenansa sa Templo?

Ezra 1; 3–7; Nehemias 2; 4–68

Larawan
icon ng sama-samang magpayuhan

Sama-samang Magpayuhan

Pinamumunuan ng isang miyembro ng quorum o class presidency; 10–20 minuto

Sa simula ng miting, bigkasin nang sabay-sabay ang Tema ng Young Women o ang Tema ng Korum ng Aaronic Priesthood. Pagkatapos ay pamunuan ang isang talakayan tungkol sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan gamit ang isa o mahigit pa sa mga tanong sa ibaba o ang sarili mong mga tanong (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 10.2, 11.2, ChurchofJesusChrist.org). Magplano ng mga paraan para kumilos ayon sa tinatalakay ninyo.

  • Ipamuhay ang ebanghelyo. Paano natin nakita ang kamay ng Panginoon sa ating buhay?

  • Pangalagaan ang mga nangangailangan. Paano natin masusuportahan ang isa’t isa sa mga bagay na pinagdaraanan natin?

  • Anyayahan ang lahat na tanggapin ang ebanghelyo. Paano natin mas magagamit ang teknolohiya bilang kasangkapan para ibahagi ang ebanghelyo?

  • Pagkaisahin ang mga pamilya para sa kawalang-hanggan. Ano ang ginagawa natin para tulungan ang ating mga pamilya na lumapit kay Cristo?

Sa pagtatapos ng lesson, kung angkop, gawin ang sumusunod:

  • Patotohanan ang mga alituntuning itinuro.

  • Ipaalala sa mga miyembro ng klase o korum ang mga plano at paanyayang ginawa sa oras ng miting.

Ituro ang Doktrina

Pinamumunuan ng isang adult leader o kabataan; 25–35 minuto

Espirituwal na Ihanda ang Iyong Sarili

Nang bumalik ang mga Judio mula sa pagkakatapon sa Babilonia, natagpuan nila ang Jerusalem at ang templo nito sa mga guho (tingnan sa 2 Mga Hari 25:1–10; 2 Cronica 36:17–19). Inasam ng mga tao na muling itayo ang templo. Kaya, sa loob ng maikling panahon, sinimulan nila ang proseso ng muling pagtatayo at nagdiwang nang matapos ang templo (tingnan sa Ezra 3:8–13; 6:16–22). Ngayon, bilang mga pinagtipanang tao ng Diyos, nagtatayo rin tayo ng mga templo at nagagalak kapag may bagong templong itinatayo. Bakit? Dahil ang mga ordenansa sa templo ay humahantong sa pinakadakilang mga pagpapala ng Ama sa Langit. Naghahatid ang mga ito ng espirituwal na kapangyarihan. Binibigyan tayo ng mga ito ng direksyon. At tinutulungan tayo ng mga ito na maging katulad ng Diyos at matanggap ang lahat ng mayroon Siya. (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:19–22; 109:22–26.)

Paano mo tutulungan ang mga kabataan na kasabikan ang templo na tulad ng mga Israelita? Paano mo sila tutulungang hangarin nang buong puso na makipagtipan sa Diyos sa Kanyang banal na bahay? Habang naghahanda kang magturo, isiping rebyuhin ang mensahe ni Pangulong Thomas S. Monson na “Mga Pagpapala ng Templo” (Liahona, Mayo 2015, 91–93).

Larawan
mga kabataan sa labas ng templo

Tinutulungan tayo ng mga ordenansa sa templo na maging katulad ng Diyos at matanggap ang lahat ng mayroon Siya.

Magkakasamang Matuto

Para matulungan ang mga miyembro ng klase o korum na asamin ang mga pagpapalang matatanggap nila mula sa mga ordenansa sa templo, maaari mo silang anyayahang rebyuhin ang Ezra 3:10–13; 6:16, 21–22. Hilingin sa kanila na magbahagi ng mga salita o kataga na nagpapakita kung ano ang nadama ng mga Judio noong araw tungkol sa muling pagtatayo ng kanilang templo. Bakit dapat ipagdiwang ang pagtatayo ng isang templo? Paano tayo tinutulungan ng ating mga templo ngayon at ng gawaing ginagawa natin doon na mas mapalapit sa Tagapagligtas? Narito ang iba pang mga ideya para maipaunawa sa mga kabataan ang mga pagpapalang matatanggap nila sa templo.

  • Nang ilaan ni Joseph Smith ang Kirtland Temple, ibinigay niya ang panalangin ng paglalaan na matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan 109. Ang panalanging ito ay naglalarawan ng marami sa mga pagpapalang matatanggap natin sa pamamagitan ng mga ordenansa ng templo. Maaaring saliksikin ng mga miyembro ng klase o korum ang mga bahagi ng panalanging ito, lalo na ang mga talata 12–26, na hinahanap ang mga pagpapalang ipinagdasal ni Joseph Smith. Maaari nilang ilista ang mga pagpapalang ito sa pisara. Maaari mong hilingin sa mga kabataan na talakayin kung paano sila mapapalakas ng bawat isa sa mga pagpapalang ito ngayon at sa hinaharap. Patotohanan ang mga pagpapalang natanggap mo sa pamamagitan ng mga ordenansa sa templo.

  • Para matulungan ang mga miyembro ng klase o korum na ibahagi ang kanilang damdamin tungkol sa templo, hilingin sa kanila na kumpletuhin ang pangungusap na ito: “Kapag iniisip ko ang templo, nadarama ko …” Maaari mo silang anyayahang basahin ang unang limang talata ng mensahe ni Elder Kent F. Richards na “Ang Kapangyarihan ng Kabanalan” (Liahona, Mayo 2016, 118–20). Bakit mas kailangan natin ang templo kaysa anupamang bagay? Ano ang natutuhan natin tungkol sa kapangyarihang ibinibigay sa atin ng Diyos sa pamamagitan ng mga ordenansa sa templo? Pagkatapos ay maaaring saliksikin ng mga kabataan ang natitirang bahagi ng mensahe ni Elder Richards, na hinahanap ang mga pagpapalang dumarating sa atin sa pakikibahagi natin sa mga ordenansa sa templo. O maaari nilang hanapin ang mga pagpapalang ito sa mensahe ni Pangulong Thomas S. Monson na “Mga Pagpapala ng Templo.”

  • Tulungan ang mga miyembro ng klase o korum na pagnilayan ang mga sakripisyong handang gawin ng ilan upang matanggap ang mga pagpapala ng templo. Bakit handa kayong gawin ang gayon kalaking mga sakripisyo para makapunta sa templo?  (Tingnan sa Thomas S. Monson, “Ang Banal na Templo—Isang Tanglaw sa Mundo,” Liahona, Mayo 2011, 90–94.) Anong mga sakripisyo ang kailangan nating gawin para matanggap ang mga pagpapala ng templo? Maaari sigurong sumali sa miting ang isang taong nakapunta kamakailan sa templo at ibahagi ang kanyang karanasan. Maaari mong anyayahan ang mga kabataan na saliksikin ang mensahe ni Elder Ronald A. Rasband na “Rekomendado sa Panginoon” (Liahona, Nob. 2020, 22–25) at ibahagi ang mga pagpapala ng pagkakaroon ng temple recommend. Maaari din ninyong sama-samang rebyuhin ang mga tanong sa temple recommend (tingnan sa Russell M. Nelson, “Pangwakas na Mensahe,” Liahona, Nob. 2019, 120–22).

Kumilos nang May Pananampalataya

Hikayatin ang mga miyembro ng klase o korum na pagnilayan at itala kung ano ang gagawin nila para kumilos ayon sa mga impresyong natanggap nila ngayon. Kung gusto nila, maaari nilang ibahagi ang kanilang mga ideya. Anyayahan silang isipin kung paano mapapatibay ng pagkilos ayon sa kanilang mga impresyon ang kaugnayan nila sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

Suportang Resources

Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas

“Habang nagtuturo, sa halip na magbahagi lang ng impormasyon, tulungan ang mga kabataan na tuklasin ang mga katotohanan ng ebanghelyo sa kanilang sarili sa mga banal na kasulatan at sa mga salita ng mga propeta” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 28).

Print