Lumang Tipan 2022
Setyembre 25. Ano ang Ating mga Responsibilidad sa Gawain ng Kaligtasan at Kadakilaan? Isaias 40–49


“Setyembre 25. Ano ang Ating mga Responsibilidad sa Gawain ng Kaligtasan at Kadakilaan? Isaias 40–49,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2022 (2021)

“Setyembre 25. Ano ang Ating mga Responsibilidad sa Gawain ng Kaligtasan at Kadakilaan?” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2022

Larawan
mga kabataang nakatayo sa labas ng templo

Setyembre 25

Ano ang Ating mga Responsibilidad sa Gawain ng Kaligtasan at Kadakilaan?

Isaias 40–49

Larawan
icon ng sama-samang magpayuhan

Sama-samang Magpayuhan

Pinamumunuan ng isang miyembro ng quorum o class presidency; 10–20 minuto

Sa simula ng miting, bigkasin nang sabay-sabay ang Tema ng Young Women o ang Tema ng Korum ng Aaronic Priesthood. Pagkatapos ay pamunuan ang isang talakayan tungkol sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan gamit ang isa o mahigit pa sa mga tanong sa ibaba o ang sarili mong mga tanong (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 10.2, 11.2, ChurchofJesusChrist.org). Magplano ng mga paraan para kumilos ayon sa tinatalakay ninyo.

  • Ipamuhay ang ebanghelyo. Ano ang tinalakay natin noong nakaraan, at anong mga paanyaya o assignment ang ginawa? Ano ang nagawa natin para kumilos ayon sa mga paanyaya o assignment na iyon?

  • Pangalagaan ang mga nangangailangan. Ano ang magagawa o masasabi natin para tulungan ang mga maaaring makadama na sila ay nag-iisa o malayo sa Ama sa Langit?

  • Anyayahan ang lahat na tanggapin ang ebanghelyo. Ano ang ilang paraan na maipadarama natin sa iba ang pagmamahal ni Jesucristo?

  • Pagkaisahin ang mga pamilya para sa kawalang-hanggan. Anong mga ideya ang maibabahagi natin sa isa’t isa para mapatatag ang ating mga pamilya?

Sa pagtatapos ng lesson, kung angkop, gawin ang sumusunod:

  • Patotohanan ang mga alituntuning itinuro.

  • Ipaalala sa mga miyembro ng klase o korum ang mga plano at paanyayang ginawa sa oras ng miting.

Ituro ang Doktrina

Pinamumunuan ng isang adult leader o kabataan; 25–35 minuto

Espirituwal na Ihanda ang Iyong Sarili

Malinaw mula sa mga banal na kasulatan na ang pagtulong sa gawain ng Panginoon ay hindi lamang para sa matatanda. Si Samuel ay isang bata nang una siyang kausapin ng Panginoon. Malamang na isang dalagita si Maria nang bisitahin siya ng isang anghel, na ibinabalita na siya ang magiging ina ng Tagapagligtas. At si Joseph Smith ay 14 na taong gulang nang tawagin siya ng Panginoon para ipanumbalik ang ebanghelyo. Kamakailan lamang, inanyayahan ni Pangulong Russell M. Nelson ang lahat ng kabataan na “sumali sa batalyon ng mga kabataan ng Panginoon para tumulong na tipunin ang Israel (“Pag-asa ng Israel” [pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, Hunyo 3, 2018], ChurchofJesusChrist.org). Siyempre, nang sabihin ng Panginoon na, “Ikaw, Israel, [ay] lingkod ko” (Isaias 41:8), kasama rito ang lahat ng Kanyang pinagtipanang tao, pati na ang mga nasa inyong klase o korum.

Kahit nakikipagtipan tayong lahat na maglingkod sa Diyos kapag nabinyagan tayo, hindi lahat ng kabataan ay itinuturing ang kanilang sarili na mga lingkod ng Panginoon. Maaaring hindi nila makilala ang mga natatanging paraan na makakatulong sila sa Kanyang gawain. Maghanap ng mga sipi sa Isaias 41–44 at sa bahagi 1.2 ng Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na magpapaunawa sa mga kabataan sa kahulugan ng maging mga lingkod ng Panginoon.

Larawan
mga kabataang babae sa labas ng templo

Bawat kabataan ay may natatanging kakayahang mag-ambag sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan.

Magkakasamang Matuto

Ang Isaias 41–44 ay magpapaunawa sa mga kabataan sa kahulugan ng maging lingkod ng Panginoon. Para makapagsimula ng talakayan, maaari mong isulat sa pisara ang mga reperensyang tulad nito: Isaias 41:8–10; 42:6–7; 43:9–12; 44:21. Bawat tao ay maaaring pumili ng isang sipi, basahin ito, at ibahagi ang natututuhan niya kung ano ang ibig sabihin ng maging lingkod ng Panginoon. Sa anong mga paraan tayo mga lingkod ng Panginoon? Anong mga pagpapala ang dumarating kapag tayo ay naglilingkod sa Kanya? Narito ang iba pang mga paraan para matulungan ang mga tinuturuan mo na madala ang mga tao kay Cristo bilang mga aktibong kalahok sa Kanyang gawain.

  • Nauunawaan ba ng mga tinuturuan mo kung ano ang “gawain ng kaligtasan at kadakilaan”? Para matulungan sila, maaari mo silang atasang pag-aralan (nang mag-isa o sa maliliit na grupo) ang isa sa apat na subsection ng bahagi 1.2 ng Pangkalahatang Hanbuk. Bawat subsection ay naglalarawan ng isang aspeto ng gawain. Hilingin sa mga kabataan na pagnilayan ang mga tanong na tulad nito: Ano ang mga partikular na bagay na maaaring gawin ng isang taong kaedad ko para makalahok sa aspetong ito ng gawain ng kaligtasan? Ano ang magagawa ng ating klase o korum? Maaaring ibahagi ng bawat tao o grupo ang natutuhan nila, pati na ang mga sagot sa mga tanong.

  • Maaaring makinabang ang mga tinuturuan mo sa pag-alam sa iba pa tungkol sa apat na aspeto ng gawain ng kaligtasan at kadakilaan—pamumuhay ng ebanghelyo ni Jesucristo, pangangalaga sa mga nangangailangan, pag-anyaya sa lahat na tanggapin ang ebanghelyo, at pagkakaisa ng mga pamilya para sa kawalang-hanggan. Maaari silang pumili ng isang aspetong interesado sila at saliksikin ang ilan sa mga bagay na may kaugnayan dito sa ilalim ng “Suportang Resources.” Hayaang ibahagi ng mga kabataan ang natagpuan nila na naghihikayat sa kanila na mas magbalik-loob sa Panginoon at tulungan ang iba na gawin din ang gayon. Pagkatapos ay maaari silang gumawa ng mga plano na gumawa ng isang bagay na tumutulong na isakatuparan ang gawaing ito. Maaaring pamunuan ng class o quorum president ang talakayang ito.

  • Para matulungan ang mga kabataan na pagnilayan kung paano nila magagamit ang kanilang mga talento para magdala ng mga kaluluwa kay Cristo, maaari mong hilingin sa bawat isa sa kanila na pag-aralan ang isang bahagi ng mensahe ni Elder John C. Pingree Jr. na “Ako ay May Gawain para sa Iyo” (Liahona, Nob. 2017, 32–35). Maaari nilang ibahagi kung paano maaaring makatulong ang natutuhan nila sa isang taong hindi nakatitiyak na makakatulong siya sa gawain ng Panginoon. Maaari din ninyong sama-samang rebyuhin ang bahaging “Tuklasin at Pagbutihin ang mga Espirituwal na Kaloob” sa mensahe ni Elder Pingree. Paano tayo tinutulungan ng Panginoon na tuklasin at linangin ang ating mga talento?

Kumilos nang May Pananampalataya

Hikayatin ang mga miyembro ng klase o korum na pagnilayan at itala kung ano ang gagawin nila para kumilos ayon sa mga impresyong natanggap nila ngayon. Kung gusto nila, maaari nilang ibahagi ang kanilang mga ideya. Anyayahan silang isipin kung paano mapapatibay ng pagkilos ayon sa kanilang mga impresyon ang kaugnayan nila sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

Suportang Resources

Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas

“Kung nadarama ng mga kabataan na nagtitiwala kayo sa kanila, madaragdagan ang tiwala nila sa kanilang banal na potensyal” (Pagtuturo sa Paraan ngTagapagligtas, 28).

Print