Lumang Tipan 2022
Oktubre 9. Bakit Dapat Maging Sentro si Jesucristo sa Buhay Ko? Isaias 58–66


“Oktubre 9. Bakit Dapat Maging Sentro si Jesucristo sa Buhay Ko? Isaias 58–66,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2022 (2021)

“Oktubre 9. Bakit Dapat Maging Sentro si Jesucristo sa Buhay Ko?” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2022

Larawan
Jesucristo

Oktubre 9

Bakit Dapat Maging Sentro si Jesucristo sa Buhay Ko?

Isaias 58–66

Larawan
icon ng sama-samang magpayuhan

Sama-samang Magpayuhan

Pinamumunuan ng isang miyembro ng quorum o class presidency; 10–20 minuto

Sa simula ng miting, bigkasin nang sabay-sabay ang Tema ng Young Women o ang Tema ng Korum ng Aaronic Priesthood. Pagkatapos, dagdag pa sa pagpapayo tungkol sa partikular na mga gawain sa klase o korum, maaari mong talakayin ang mga impresyon at tema mula sa pangkalahatang kumperensya. Maaaring makatulong ang sumusunod na mga tanong.

  • Anong mga tema o mensahe ang nakaagaw ng ating pansin? Ano ang nagpalakas sa ating pananampalataya kay Jesucristo?

  • Ano ang nagpalakas sa ating patotoo tungkol sa mga buhay na propeta? Ano ang nahikayat tayong gawin dahil sa ating natutuhan o nadama?

  • Ano ang kailangan nating gawin bilang isang klase o korum upang maalala at masunod ang payong narinig natin sa pangkalahatang kumperensya?

Sa pagtatapos ng lesson, kung angkop, gawin ang sumusunod:

  • Patotohanan ang mga alituntuning itinuro.

  • Ipaalala sa mga miyembro ng klase o korum ang mga plano at paanyayang ginawa sa oras ng miting.

Larawan
teach the doctrine icon

Ituro ang Doktrina

Pinamumunuan ng isang adult leader o kabataan; 25–35 minuto

Espirituwal na Ihanda ang Iyong Sarili

“Ako’y magagalak na mabuti sa Panginoon, ang aking buong pagkatao ay magagalak sa aking Diyos,” sabi ni Isaias, “sapagkat binihisan niya ako ng mga damit ng kaligtasan, kanyang tinakpan ako ng balabal ng katuwiran” (Isaias 61:10). Bakit kayo “nagagalak sa Panginoon”? Tulad ni Isaias, kapag kinikilala natin ang nagawa ng Panginoon para sa atin, nagagalak tayo, at madalas nating banggitin ang “kagandahang-loob ng Panginoon, at ang mga [papuri] ng Panginoon” (Isaias 63:7).

Ano ang nadarama ng mga tinuturuan mo tungkol sa Tagapagligtas? Ano ang mas magpapadama sa kanila ng higit na pagmamahal at pagpipitagan sa Kanya? Ano ang maaaring magpadama sa kanila ng Kanyang pagmamahal? Habang pinagninilayan mo ang mga tanong na ito at binabasa ang Isaias 58–66, maaari mo ring rebyuhin ang mensahe ni Elder Matthew S. Holland na “Ang Walang Katulad na Kaloob ng Anak” (Liahona, Nob. 2020, 45–47) at ang mensahe ni Sister Cristina B. Franco na “Ang Nakapagpapagaling na Kapangyarihan ni Jesucristo” (Liahona, Nob. 2020, 60–62).

Larawan
dalagitang nag-aaral ng mga banal na kasulatan

Kapag mas marami tayong nalalaman tungkol sa Tagapagligtas, nahihikayat tayong gawin Siyang sentro ng ating buhay.

Magkakasamang Matuto

Kapag nalaman ng mga miyembro ng klase o korum ang tungkol sa misyon na ipinagawa kay Jesucristo kaya Siya isinugo, mas mahihikayat sila na gawing sentro ng kanilang buhay ang Tagapagligtas. Marahil ay maaari nilang saliksikin ang Isaias 61:1–3 at ilista sa pisara ang ipinagawa sa Tagapagligtas kaya Siya hinirang (tingnan din sa Lucas 4:16–20). Paano tinupad ng Tagapagligtas ang mga aspetong ito ng Kanyang misyon? Paano Niya tinutupad ang mga ito sa ating buhay ngayon? Ang mga ideya sa ibaba ay makakatulong sa inyong klase o korum na patuloy na talakayin kung bakit si Jesucristo ang dapat maging sentro ng ating buhay.

  • Ang pangkalahatang kumperensya ay palaging may mga mensahe na nagpapatotoo kay Jesucristo. Maaari mong anyayahan ang ilang miyembro ng klase o korum na magbahagi ng isang bagay na natutuhan nila tungkol sa Tagapagligtas sa pangkalahatang kumperensya. Hikayatin silang ibahagi ang nadarama nila tungkol sa Tagapagligtas dahil sa natutuhan nila.

  • Matutulungan ng mga banal na kasulatan ang mga kabataan na mas maunawaan kung bakit dapat maging sentro ang Tagapagligtas sa kanilang buhay. Maaari mong isulat sa pisara ang Bakit dapat maging sentro si Jesucristo sa buhay ko? Hilingin sa mga kabataan na ibahagi ang kanilang mga iniisip. Pagkatapos ay maaari mong hilingin sa kanila (nang isa-isa o sa mga grupo) na saliksikin ang mga banal na kasulatan sa ilalim ng “Suportang Resources” para makahanap ng karagdagang mga sagot. Anyayahan ang mga kabataan na ibahagi ang natututuhan nila at kung bakit ito makabuluhan sa kanila.

  • Isiping hilingin sa mga tinuturuan mo na ilarawan ang pinakamahalagang araw ng kanilang buhay. Ano kaya ang pinakamahalagang araw sa kasaysayan? Anyayahan silang tuklasin kung ano ang sinabi ni Elder Dieter F. Uchtdorf na pinakamahalagang araw sa pamamagitan ng pagrerebyu ng kanyang mensaheng “Narito ang Tao!” (Liahona, Mayo 2018, 107–10). Hikayatin ang mga kabataan na hanapin ang mga pagpapalang ipinangako ni Elder Uchtdorf sa mga taong “minamasdan” si Jesucristo. Maaari din nilang ibahagi ang ginagawa nila para maging sentro ang Tagapagligtas sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Maaari mo silang hikayating isipin kung ano ang magagawa nila para mas mapalapit kay Jesucristo at magtakda ng mithiing gawin ito.

  • Kung may magtatanong sa atin kung bakit tayo naniniwala kay Jesucristo, ano ang sasabihin natin? Hikayatin ang mga kabataan na ibahagi ang kanilang mga iniisip at isulat ang mga ito sa pisara. Maaari mo rin silang anyayahang rebyuhin ang “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol” (ChurchofJesusChrist.org) o “Ang Ebanghelyo ni Jesucristo” sa kabanata 3 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo ([2004], 66–67). Hikayatin silang hanapin ang mga simpleng katotohanang ibabahagi nila para ipaliwanag kung bakit mahalaga ang Tagapagligtas sa kanila. Maaari nilang idagdag ang mga katotohanang makita nila sa listahan sa pisara at talakayin kung paano nila maibabahagi ang mga katotohanang ito sa mga taong kilala nila.

Kumilos nang May Pananampalataya

Hikayatin ang mga miyembro ng klase o korum na pagnilayan at itala kung ano ang gagawin nila para kumilos ayon sa mga impresyong natanggap nila ngayon. Kung gusto nila, maaari nilang ibahagi ang kanilang mga ideya. Anyayahan silang isipin kung paano mapapatibay ng pagkilos ayon sa kanilang mga impresyon ang kaugnayan nila sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

Suportang Resources

Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas

“Bawat indibiduwal sa klase mo ay saganang pagmumulan ng patotoo, mga kabatiran, at mga karanasan sa pamumuhay ng ebanghelyo. Anyayahan silang magbahaginan at magtulungan” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 5).

Print