Lumang Tipan 2022
Nobyembre 13. Paano Ako Makatatanggap ng Pagbuhos ng Espiritu ng Panginoon? Hosea 1–6; 10–14; Joel


“Nobyembre 13. Paano Ako Makatatanggap ng Pagbuhos ng Espiritu ng Panginoon? Hosea 1–6; 10–14; Joel,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2022 (2021)

“Nobyembre 13. Paano Ako Makatatanggap ng Pagbuhos ng Espiritu ng Panginoon?” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2022

Larawan
klase ng young women

Nobyembre 13

Paano Ako Makatatanggap ng Pagbuhos ng Espiritu ng Panginoon?

Hosea 1–6; 10–14; Joel

Larawan
icon ng sama-samang magpayuhan

Sama-samang Magpayuhan

Pinamumunuan ng isang miyembro ng quorum o class presidency; 10–20 minuto

Sa simula ng miting, bigkasin nang sabay-sabay ang Tema ng Young Women o ang Tema ng Korum ng Aaronic Priesthood. Pagkatapos ay pamunuan ang isang talakayan tungkol sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan gamit ang isa o mahigit pa sa mga tanong sa ibaba o ang sarili mong mga tanong (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 10.2, 11.2, ChurchofJesusChrist.org). Magplano ng mga paraan para kumilos ayon sa tinatalakay ninyo.

  • Ipamuhay ang ebanghelyo. Anong mga karanasan kamakailan ang nagpalakas sa ating patotoo?

  • Pangalagaan ang mga nangangailangan. Sino ang nangangailangan ng ating tulong at mga dalangin? Ano ang nahihikayat tayong gawin para tulungan sila?

  • Anyayahan ang lahat na tanggapin ang ebanghelyo. Paano tayo magiging ilaw sa mga kapamilya o kaibigan na hindi natin katulad ang mga paniniwala?

  • Pagkaisahin ang mga pamilya para sa kawalang-hanggan. Paano tayo maaaring magpakita ng higit na pagmamahal at suporta para sa ating pamilya at gumawa ng positibong kaibhan sa ating mga tahanan?

Sa pagtatapos ng lesson, kung angkop, gawin ang sumusunod:

  • Patotohanan ang mga alituntuning itinuro.

  • Ipaalala sa mga miyembro ng klase o korum ang mga plano at paanyayang ginawa sa oras ng miting.

Ituro ang Doktrina

Pinamumunuan ng isang adult leader o kabataan; 25–35 minuto

Espirituwal na Ihanda ang Iyong Sarili

Walang alinlangan na nabubuhay tayo sa panahon ng kawalang-katiyakan at pangamba. Inilarawan ng propetang si Joel sa Lumang Tipan ang ating panahon—ang “araw ng Panginoon”—bilang “isang araw ng kadiliman at pagkulimlim” at “dakila at kakilakilabot” (Joel 2:1–2, 11). Ngunit hindi iyan nangangahulugan na wala nang pag-asa ang ating panahon. Isipin ang pangakong ito ni Elder Dieter F. Uchtdorf: “Bagama’t may mga panahong nababaon na tayo ng mga pagsubok sa buhay o napapalibutan dalamhati, ang pag-ibig ng Diyos at ang mga pagpapala ng [ipinanumbalik na] ebanghelyo ni Jesucristo ay magdudulot ng isang bagay na hindi mailalarawan sa isip” (“Ang Diyos ay Gagawa ng Isang Bagay na Hindi Mailalarawan sa Isip,” Liahona, Nob. 2020, 52).

Kaya kapag napapansin ninyo ang kadiliman at kulimlim ng ating panahon, tandaan na nangako rin ang Panginoon ng dakila—maging ng mga pagpapalang hindi mailalarawan sa isip: ibubuhos ko ang aking Espiritu sa lahat ng laman; at ang inyong mga anak na lalaki at mga anak na babae ay magsasalita ng propesiya” (Joel 2:28; tingnan din sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:41). Pansinin ang partikular na pangako na ibubuhos ang Espiritu ng Diyos sa mga kabataang lalaki at kabataang babae. Sa palagay mo, bakit mahalaga na maunawaan ito ng mga tinuturuan mo? Pagnilayan ang tanong na ito habang binabasa mo ang Joel 2 at ang mensahe ni Elder Uchtdorf sa iyong paghahandang magturo.

Larawan
mga binatilyong nag-aaral ng mga banal na kasulatan

Nangako ang Panginoon na sa mga huling araw, ibubuhos Niya ang Kanyang Espiritu, at “ang inyong mga anak na lalaki at mga anak na babae ay magsasalita ng propesiya” (Joel 2:28).

Magkakasamang Matuto

Para mas maipaunawa sa mga tinuturuan mo ang Joel 2:28–29, maaari kang maglagay ng isang bagay sa mangkok at hayaan ang isang tao na buhusan ito ng tubig. Paano nito naipauunawa sa atin ang kahulugan ng “ibubuhos ang [Kanyang] espiritu sa lahat ng laman”? Paano natutupad ang mga propesiya sa Joel 2:28–29? Narito ang ilang ideyang mas magpapaunawa sa mga kabataan kung paano ibinubuhos ng Panginoon ang Kanyang Espiritu ngayon.

  • Nakatala sa mga banal na kasulatan ang maraming pagkakataon na ibinuhos ng Panginoon ang Kanyang Espiritu sa Kanyang mga tao. Ang pagrerebyu ng ilan sa mga ito ay maaaring mas magpaunawa sa mga kabataan kung paano tumanggap ng pagbuhos ng Espiritu ng Diyos sa kanilang buhay. Isiping magdrowing sa pisara ng isang malaking pitsel na nagbubuhos ng tubig at hilingin sa mga indibiduwal o maliliit na grupo na basahin ang isa o mahigit pa sa mga talata ng banal na kasulatan na nasa “Suportang Resources.” Maaari nilang isulat sa pisara sa paligid ng pitsel ang ginawa ng mga tao sa kanilang talata para maibuhos ng Panginoon ang Kanyang Espiritu at kung ano rin ang sumunod na mga pagpapala. Kailan natin nadama na pinapanatag, ginagabayan, o nililinis tayo ng Espiritu?

  • Maaari mong isulat sa pisara ang mga salitang ito ni Elder Dieter F. Uchtdorf: “Ang Diyos ay may plano na hindi mailalarawan sa isip na para sa inyong sarili lamang at para sa buong Simbahan—isang gawaing dakila at kamangha-mangha” (“Ang Diyos ay Gagawa ng Isang Bagay na Hindi Mailalarawan sa Isip,” 53). Isiping hilingin sa mga kabataan na hanapin sa mensahe ni Elder Uchtdorf ang mga pagpapalang hindi mailalarawan sa isip na ibinigay ng Diyos sa mga tao sa mga banal na kasulatan pagkaraan ng mga panahon ng paghihirap. Ano ang itinuro ni Elder Uchtdorf na gawin natin para makagawa tayo ng mabubuting desisyon kapag nahaharap tayo sa paghihirap? Anyayahan ang mga kabataan na ilista ang mga bagay na “hindi mailalarawan sa isip” na nasasaisip ng Diyos para sa atin. Anyayahan ang mga tinuturuan mo na pagnilayan kung ano ang handa nilang gawin para matanggap ang mga pagpapalang ito.

  • Hilingin sa mga kabataan na pakinggan ang mga ideya kung paano nangungusap sa atin ang Espiritu at paano Niya pinagpapala ang ating buhay. Maaari din nilang rebyuhin ang mensahe ni Pangulong Russell M. Nelson na “Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay” (Liahona, Mayo 2018, 93–96). Hilingin sa kanila na alamin ang mga sagot sa mga tanong na tulad nito: Paano hinangad at natanggap ni Pangulong Nelson ang mga pahiwatig ng Espiritu? Ano ang natututuhan natin mula kay Joseph Smith tungkol sa kahandaan ng Diyos na mangusap sa Kanyang mga anak? Ano ang hinimok ni Pangulong Nelson na gawin natin? Ikuwento sa mga kabataan ang isang pagkakataon na nadama mo na ibinubuhos ng Panginoon ang Kanyang Espiritu. Anyayahan silang pagnilayan ang mga karanasan nila at, kung komportable sila, ibahagi ang mga ito.

Kumilos nang May Pananampalataya

Hikayatin ang mga miyembro ng klase o korum na pagnilayan at itala kung ano ang gagawin nila para kumilos ayon sa mga impresyong natanggap nila ngayon. Kung gusto nila, maaari nilang ibahagi ang kanilang mga ideya. Anyayahan silang isipin kung paano mapapatibay ng pagkilos ayon sa kanilang mga impresyon ang kaugnayan nila sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

Suportang Resources

Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas

“Bukod sa pagtulong sa mga mag-aaral na madama at makilala ang Espiritu, tulungan silang kumilos ayon sa mga pahiwatig na natatanggap nila” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 10).

Print