Lumang Tipan 2022
Nobyembre 27. Paano Ko Maibabahagi ang Ebanghelyo? Jonas; Mikas


“Nobyembre 27. Paano Ko Maibabahagi ang Ebanghelyo? Jonas; Mikas,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2022 (2021)

“Nobyembre 27. Paano Ko Maibabahagi ang Ebanghelyo?” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2022

Larawan
mga dalagitang nag-uusap

Nobyembre 27

Paano Ko Maibabahagi ang Ebanghelyo?

Jonas; Mikas

Larawan
icon ng sama-samang magpayuhan

Sama-samang Magpayuhan

Pinamumunuan ng isang miyembro ng quorum o class presidency; 10–20 minuto

Sa simula ng miting, bigkasin nang sabay-sabay ang Tema ng Young Women o ang Tema ng Korum ng Aaronic Priesthood. Pagkatapos ay pamunuan ang isang talakayan tungkol sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan gamit ang isa o mahigit pa sa mga tanong sa ibaba o ang sarili mong mga tanong (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 10.2, 11.2, ChurchofJesusChrist.org). Magplano ng mga paraan para kumilos ayon sa tinatalakay ninyo.

  • Ipamuhay ang ebanghelyo. Paano tayo naging mas malapit sa Tagapagligtas? Paano tayo nagsisikap na maging lalong katulad Niya?

  • Pangalagaan ang mga nangangailangan. Sino ang nasa ating isipan nitong mga huling araw? Paano natin matutulungan ang mga indibiduwal na ito?

  • Anyayahan ang lahat na tanggapin ang ebanghelyo. Paano natin masasagot ang mga tanong ng ating mga kaibigan tungkol sa Simbahan?

  • Pagkaisahin ang mga pamilya para sa kawalang-hanggan. Ano ang ilang paraan na mas makakaugnayan natin ang mga kamag-anak, tulad ng mga lolo’t lola at mga pinsan?

Sa pagtatapos ng lesson, kung angkop, gawin ang sumusunod:

  • Patotohanan ang mga alituntuning itinuro.

  • Ipaalala sa mga miyembro ng korum o klase ang mga plano at paanyayang ginawa sa oras ng miting.

Ituro ang Doktrina

Pinamumunuan ng isang adult leader o kabataan; 25–35 minuto

Espirituwal na Ihanda ang Iyong Sarili

Maaaring may mga miyembro ng inyong klase o korum na regular na naghahanap ng mga paraan para maibahagi ang ebanghelyo. Siguro ay ginagawa mo rin ito! Gayunman, para sa maraming tao, ang pagbabahagi ng ebanghelyo ay mahirap at nakakatakot pa nga. Sa kabutihang-palad, lahat tayo ay maaaring maging mas mahusay sa pagbabahagi ng ating pananampalataya kay Jesucristo. Maaaring hindi mo pisikal na naririnig ang tinig ng Panginoon na nag-uutos sa iyo na gawin ang isang bagay tulad ng “pumaroon ka sa Ninive, sa malaking lunsod na iyon, at sumigaw ka laban doon,” tulad ng ginawa ni Jonas (Jonas 1:2). Ngunit ang payapang tinig ng Espiritu Santo ay maaaring maghikayat sa iyo na “pumaroon sa” partikular na mga kapamilya at kaibigan na naihanda para makinig sa iyong patotoo. Maging bukas sa matututuhan mo mula sa karanasan ni Jonas habang nag-aaral ka sa linggong ito, at ihanda ang iyong sarili na ibahagi sa mga tinuturuan mo ang natututuhan mo. Maaari mo ring basahin ang mensahe ni Elder D. Todd Christofferson na “Pagbabahagi ng Mensahe ng Pagpapanumbalik at ng Pagkabuhay na Mag-uli” habang naghahanda kang magturo (Liahona, Mayo 2020, 110–13).

Larawan
mga binatilyong nag-aaral ng mga banal na kasulatan

Mahihikayat tayo ng Espiritu Santo na ibahagi ang ebanghelyo sa mga taong naihanda nang makinig sa ating patotoo.

Magkakasamang Matuto

Para matulungan ang mga tinuturuan mo na magbahagi ng mga impresyon mula sa pag-aaral nila ng Jonas sa linggong ito, maaari kang magdispley ng isang larawan ni Jonas (tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya). Anyayahan silang talakayin ang natutuhan nila tungkol sa pagbabahagi ng ebanghelyo mula sa mga karanasan ni Jonas. Maaari mo silang anyayahang rebyuhin lalo na ang Jonas 1 at 3 at itanong: Ano ang natututuhan natin tungkol sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa mga taong tila hindi handang magbago? Ano ang matututuhan natin tungkol sa kahandaan ng Diyos na patawarin ang mga nagsisisi? Para mahikayat ang mga miyembro ng inyong klase o korum na ibahagi ang ebanghelyo, gamitin ang isa o mahigit pa sa sumusunod na mga aktibidad o lumikha ng sarili mo.

  • Para makakuha ng mga ideya kung paano ibahagi ang ebanghelyo ng Tagapagligtas sa iba, maaaring rebyuhin ng inyong klase o korum ang sumusunod na mga salaysay sa mga banal na kasulatan: Juan 4:3–26; Mga Gawa 16:25–33; Alma 19:14–18, 28–31. Pagkatapos ay maaari ninyong sama-samang talakayin ang mga tanong na tulad nito: Paano naihanda ang mga tao sa mga salaysay na ito na makinig sa mensahe ng ebanghelyo? Ano ang napapansin mo kung paano ibinahagi ang mensahe? Sa palagay mo, bakit nais ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na ibahagi natin ang ebanghelyo? Pagkatapos ay maaari ninyong talakayin bilang isang klase o korum ang itinuturo sa atin ng mga salaysay na ito kung paano natin maibabahagi ang ebanghelyo ngayon.

  • Ang pagbabasa ng nagbibigay-inspirasyong mga halimbawa ng pagbabahagi ng ebanghelyo ng iba ay makahihikayat sa mga kabataang tinuturuan mo na gawin din iyon. Nagbahagi si Elder D. Todd Christofferson ng ilang halimbawa sa kanyang mensaheng “Pagbabahagi ng Mensahe ng Pagpapanumbalik at ng Pagkabuhay na Mag-uli.” Sa mensaheng ito, itinuro ni Elder Christofferson na tatlong bagay ang kailangan para maging mapang-angkit ang ating mga paanyaya na tanggapin ang ebanghelyo: ang ating pagmamahal, ating halimbawa, at paggamit natin ng Aklat ni Mormon. Talakayin ang mga halimbawa ng pagbabahagi ng ebanghelyo sa mensaheng ito, at anyayahan ang mga tinuturuan mo na magbahagi ng iba pang mga halimbawa, pati na ang mga personal na karanasan nila. Paano ipinamamalas ng mga karanasang ito ang tatlong bagay na itinuro ni Elder Christofferson?

  • Paano mo maipauunawa sa mga tinuturuan mo na ang pagbabahagi ng ebanghelyo ay maaaring maging natural at hindi kailangang maging nakakatakot? Maaari mong ipalabas ang mga video sa ilalim ng “Suportang Resources” at hilingin sa mga kabataan na isipin kung paano nila maaaring ibahagi ang ebanghelyo sa isang taong kilala nila. Ano ang maaari nating gawin para maanyayahan silang pumarito at tingnan? Ano ang mga pagkakataon nilang pumarito at tumulong? Paano natin sila matutulungang makadama ng hangaring pumarito at mamalagi? Paano natin magagawang bahagi ng ating pang-araw-araw na buhay ang pagbabahagi ng ebanghelyo?

Kumilos nang May Pananampalataya

Hikayatin ang mga miyembro ng korum o klase na pagnilayan at itala kung ano ang gagawin nila para kumilos ayon sa mga impresyong natanggap nila ngayon. Kung gusto nila, maaari nilang ibahagi ang kanilang mga ideya. Anyayahan silang isipin kung paano mapapatibay ng pagkilos ayon sa kanilang mga impresyon ang kanilang kaugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

Suportang Resources

Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas

“Mas malamang na magkaroon ang mga tao ng makabuluhang mga pagbabago sa kanilang buhay kapag malaya nilang piniling magbago. Kapag nag-anyaya kang kumilos, tiyaking igalang ang kalayaan ng mga tinuturuan mo” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 35).

Print