“Pagbabalik-loob ang Ating Mithiin,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Doktrina at mga Tipan 2025 (2025)
“Pagbabalik-loob ang Ating Mithiin,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2025
Pagbabalik-loob ang Ating Mithiin
Ang layunin ng lahat ng pag-aaral at pagtuturo ng ebanghelyo ay para palalimin ang ating pagbabalik-loob at tulungan tayong maging higit na katulad ni Jesucristo. Dahil dito, kapag pinag-aaralan natin ang ebanghelyo, hindi lamang tayo naghahanap ng bagong impormasyon; nais nating maging isang “bagong nilalang” (2 Corinto 5:17). Ang ibig sabihin nito ay umaasa tayo na tutulungan tayo ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na baguhin ang ating puso, pananaw, kilos, at ang ating likas na pagkatao mismo.
Pero ang uri ng pag-aaral ng ebanghelyo na nagpapalakas sa ating pananampalataya at humahantong sa himala ng pagbabalik-loob ay hindi nangyayari nang biglaan. Hindi lamang sa isang silid-aralan ito nangyayari kundi maging sa puso at tahanan ng isang tao. Kailangan dito ang palagian at araw-araw na pagsisikap na maunawaan at ipamuhay ang ebanghelyo. Ang tunay na pagbabalik-loob ay nangangailangan ng impluwensya ng Espiritu Santo.
Inaakay tayo ng Espiritu Santo sa katotohanan at sinasaksihan Niya ang katotohanang iyon (tingnan sa Juan 16:13). Nililiwanagan Niya ang ating isipan, pinasisigla ang ating pang-unawa, at inaantig ang ating puso sa pamamagitan ng paghahayag mula sa Diyos, ang pinagmumulan ng lahat ng katotohanan. Dinadalisay ng Espiritu Santo ang ating puso. Pinupukaw Niya sa atin ang hangaring mamuhay ayon sa katotohanan, at ibinubulong Niya sa atin ang mga paraan para magawa ito. Tunay ngang “ang Espiritu Santo … ang magtuturo sa [atin] ng lahat ng mga bagay” (Juan 14:26).
Dahil dito, sa mga pagsisikap nating ipamuhay, matutuhan, at ituro ang ebanghelyo, dapat nating hangarin una sa lahat ang patnubay ng Espiritu. Ang mithiing ito ang dapat mangibabaw sa ating mga pagpapasiya at gumabay sa ating mga iniisip at ikinikilos. Dapat nating hangarin ang anumang nag-aanyaya sa impluwensya ng Espiritu at iwaksi ang anumang nagtataboy sa impluwensyang iyon—sapagkat alam natin na kung maaari tayong maging marapat sa presensya ng Espiritu Santo, maaari din tayong maging marapat na mamuhay sa presensya ng Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo.