“Paggamit ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Doktrina at mga Tipan 2025 (2025)
“Paggamit ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2025
Paggamit ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan
Para Kanino ang Resource na Ito?
Ang resource na ito ay para sa sinumang gustong pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan—nang mag-isa, bilang pamilya, at sa mga klase sa Simbahan. Kung hindi mo pa regular na napag-aralan ang mga banal na kasulatan noon, matutulungan ka ng resource na ito na magsimula. Kung nakaugalian mo nang pag-aralan ang mga banal na kasulatan, matutulungan ka ng resource na ito na magkaroon ng mas makabuluhang mga karanasan.
Mga Indibiduwal at Pamilya sa Tahanan
Ang pinakamagandang lugar para pag-aralan ang ebanghelyo ay sa tahanan. Masusuportahan ka ng iyong mga guro sa simbahan, at mahihikayat ka ng iba pang mga miyembro ng ward. Pero para espirituwal na manatiling ligtas, kailangan ng bawat isa sa atin ng araw-araw na pangangalaga mula sa “mabuting salita ng Diyos” (Moroni 6:4; tingnan din sa Russell M. Nelson, “Pambungad na Mensahe,” Liahona, Nob. 2018, 6–8).
Gamitin ang resource na ito sa anumang paraan na makakatulong sa iyo. Binigyang-diin sa mga outline ang ilang walang-hanggang katotohanang matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan. Nagmumungkahi rin doon ng mga ideya at aktibidad na tutulong sa iyo na pag-aralan ang mga banal na kasulatan nang mag-isa, kasama ng mga kapamilya, o kasama ng mga kaibigan. Sa iyong pag-aaral, sundin ang patnubay ng Espiritu para mahanap ang mga walang-hanggang katotohanang makabuluhan sa iyo. Hanapin ang mga mensahe ng Diyos para sa iyo, at sundin ang mga pahiwatig na natatanggap mo.
Mga Guro at Mag-aaral sa Simbahan
Kung nagtuturo ka sa klase ng Primary, mga kabataan o adult Sunday School, Aaronic Priesthood quorum, o Young Women, hinihikayat kang gamitin ang mga outline sa resource na ito habang naghahanda kang magturo. Ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan ang kurikulum para sa klase mo sa araw ng Linggo. Ang mga ideya sa pag-aaral sa resource na ito ay idinisenyo para sa pag-aaral sa tahanan at sa simbahan. Habang naghahanda kang magturo, magsimula sa pagkakaroon ng sarili mong mga karanasan sa mga banal na kasulatan. Magaganap ang iyong pinakamahalagang paghahanda habang sinasaliksik mo ang mga banal na kasulatan at personal kang naghahangad ng inspirasyon mula sa Espiritu Santo. Maaari ka ring mag-aral na nasasaisip ang mga pangangailangan ng mga taong tinuturuan mo. Hanapin ang mga walang-hanggang katotohanan. Matutulungan ka ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin na matukoy ang ilan sa mga katotohanang ito at pag-aralan kung paano mo maipamumuhay ang mga banal na kasulatan.
Isaisip na ang pag-aaral ng ebanghelyo, sa pinakamainam na paraan, ay nakasentro sa tahanan at suportado ng Simbahan. Sa madaling salita, ang pangunahing responsibilidad mo ay suportahan ang mga taong tinuturuan mo sa kanilang mga pagsisikap na matutuhan at maipamuhay ang ebanghelyo sa tahanan. Huwag mag-alala tungkol sa pagkakaroon ng natatanging kabatiran na ituturo sa kanila sa klase. Sa halip, bigyan sila ng mga pagkakataong ibahagi ang kanilang mga karanasan, ideya, at tanong tungkol sa mga sipi sa banal na kasulatan na nabasa nila sa tahanan. Anyayahan silang ibahagi ang mga walang-hanggang katotohanang natagpuan nila. Mas mahalaga ito kaysa sa pagtalakay sa partikular na dami ng materyal.
Mga Klase sa Sunday School ng mga Kabataan at Adult
Ang isang pangunahing dahilan kaya tayo nagtitipon sa mga klase sa Sunday School ay para suportahan at hikayatin ang isa’t isa sa pagsisikap nating kilalanin at sundin si Jesucristo. Ang isang simpleng paraan para magawa ito ay sa pagtatanong ng tulad ng “Ano ang naituro sa iyo ng Espiritu Santo sa linggong ito nang pag-aralan mo ang mga banal na kasulatan gamit ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin?” Ang mga sagot sa tanong na ito ay maaaring humantong sa mga makabuluhang talakayan na nagpapatatag ng pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo.
Pagkatapos ay maaari kang mag-anyaya ng talakayan batay sa mga mungkahi sa pag-aaral sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin. Halimbawa, maaaring imungkahi sa isang ideya sa pag-aaral na saliksikin ang Doktrina at mga Tipan 19:15–20, at alamin kung paano inilarawan ng Tagapagligtas ang Kanyang pagdurusa. Maaari mong hilingin sa mga miyembro ng klase na ibahagi kung ano ang nadama nila nang basahin nila ang Kanyang paglalarawan at pag-usapan kung paano ito nakakaapekto sa mga naiisip nila tungkol sa Kanya. O maaari kayong gumugol nang ilang sandali sa pag-aaral ng mga talatang ito bilang isang klase.
Mga Klase sa Aaronic Priesthood Quorum at Young Women
Kapag nagmimiting ang mga klase sa Aaronic Priesthood quorum at Young Women tuwing Linggo, medyo naiiba ang kanilang layunin kaysa sa isang klase sa Sunday School. Bukod pa sa pagtulong sa isa’t isa na matutuhan ang ebanghelyo ni Jesucristo, nagmimiting din ang mga grupong ito para magsanggunian tungkol sa pagsasakatuparan ng gawain ng kaligtasan at kadakilaan (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 1.2), sa patnubay ng kanilang class o quorum presidency.
Dahil dito, dapat magsimula ang bawat miting ng korum o klase sa pamumuno ng isang miyembro ng quorum o class presidency sa isang talakayan tungkol sa kanilang mga pagsisikap. Halimbawa, maaari silang magsanggunian tungkol sa mga pagsisikap nilang ipamuhay ang ebanghelyo, paglingkuran ang mga taong nangangailangan, ibahagi ang ebanghelyo, o lumahok sa gawain sa templo at family history.
Pagkatapos ng oras na ito ng pagsangguni sa isa’t isa, pamumunuan ng isang tagapagturo ang klase o korum sa sama-samang pag-aaral ng ebanghelyo. Maaaring atasang magturo ang mga adult leader o miyembro ng klase o korum. Ang class o quorum presidency, na kumokonsulta sa mga adult leader, ang nagtatalaga ng mga magtuturo.
Ang mga taong inatasang magturo ay dapat maghanda sa pamamagitan ng paggamit ng mga mungkahi sa lingguhang outline ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin. Sa bawat outline, ang icon na ito ay nagpapahiwatig ng isang aktibidad na may kaugnayan lalo na sa mga kabataan at nakaayon sa natututuhan nila sa seminary. Gayunman, maaaring gamitin ang alinman sa mga mungkahi sa outline bilang isang aktibidad sa pagkatuto para sa mga kabataan.
Para sa isang sample agenda para sa mga miting ng korum at klase, tingnan sa apendise D.
Primary
Nagsisimula ang paghahanda mong magturo sa Primary habang pinag-aaralan mo ang mga banal na kasulatan nang personal at kasama ang iyong pamilya. Sa paggawa nito, maging bukas sa mga espirituwal na impresyon at kabatiran mula sa Espiritu Santo tungkol sa mga bata sa iyong klase sa Primary. Maging madasalin. Maaari kang bigyan ng inspirasyon ng Espiritu para magkaroon ng mga ideyang makakatulong sa kanila na matutuhan ang ebanghelyo ni Jesucristo.
Habang naghahanda kang magturo, maaari kang magtamo ng karagdagang inspirasyon sa pamamagitan ng pagsisiyasat sa mga ideya sa pagtuturo sa resource na ito. Bawat outline sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan ay may bahaging pinamagatang “Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata.” Isipin ang mga ideyang ito bilang mga mungkahi na pupukaw sa iyong inspirasyon. Kilala mo ang mga bata sa iyong klase sa Primary—at mas makikilala mo pa sila habang nakikisalamuha ka sa kanila sa klase. Kilala rin sila ng Diyos, at bibigyan ka Niya ng inspirasyon na malaman ang pinakamaiinam na paraan para maturuan at mapagpala sila.
Maaaring nagawa na ng mga bata sa klase mo ang ilan sa mga aktibidad sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin na kasama ng kanilang pamilya. Ayos lang iyon. Ang pag-uulit-ulit ay mabuti. Isiping anyayahan ang mga bata na ibahagi sa isa’t isa ang natutuhan nila sa bahay. Dapat ka ring magplano ng mga paraan para makalahok ang mga bata kahit hindi sila nag-aaral sa bahay. Mas epektibong natututuhan ng mga bata ang mga katotohanan ng ebanghelyo kapag ang mga katotohanang ito ay paulit-ulit na itinuturo sa pamamagitan ng iba’t ibang aktibidad. Kung makikita mo na epektibo sa mga bata ang isang aktibidad sa pagkatuto, isiping ulitin ito, lalo na kung mas maliliit na bata ang tinuturuan mo.
Sa mga buwan na may limang Linggo, hinihikayat ang mga guro sa Primary na palitan ang nakaiskedyul na outline sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin sa ikalimang Linggo ng isa o mahigit pa sa mga aktibidad sa pagkatuto sa “Apendise B: Para sa Primary—Paghahanda sa mga Bata para sa Habambuhay na Pagtahak sa Landas ng Tipan ng Diyos.”