“Mga Ideya sa Pagpapabuti ng Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Doktrina at mga Tipan 2025 (2025)
“Mga Ideya sa Pagpapabuti ng Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2025
Mga Ideya sa Pagpapabuti ng Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan
Habang pinag-aaralan mo ang ebanghelyo ng Tagapagligtas sa tahanan at sa simbahan, isipin ang mga sumusunod na tanong:
-
Paano mo maaanyayahan ang Espiritu sa iyong pag-aaral?
-
Paano ka makapagpopokus sa Tagapagligtas sa iyong pag-aaral?
-
Paano mo maaaring samantalahin ang araw-araw na mga sandali ng pagkatuto?
-
Paano mo maaaring hikayatin ang mga miyembro ng pamilya at klase na personal na pag-aralan ang mga banal na kasulatan at ibahagi ang natututuhan nila?
Narito ang ilang simpleng paraan para mapagbuti ang iyong pag-aaral ng salita ng Diyos.
Humingi ng inspirasyon sa panalangin
Ang mga banal na kasulatan ay salita ng Diyos, kaya humingi ng tulong sa Kanya na maunawaan ang mga ito.
Maghanap ng mga katotohanan tungkol kay Jesucristo
Lahat ng bagay ay nagpapatotoo kay Cristo (tingnan sa 2 Nephi 11:4; Moises 6:63), kaya isiping isulat o markahan ang mga talatang nagpapatotoo sa Tagapagligtas, nagpapalalim ng iyong pagmamahal sa Kanya, at nagtuturo kung paano sumunod sa Kanya. Kung minsa’y deretsahang ipinapahayag ang mga katotohanan tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo, at kung minsa’y ipinahihiwatig ang mga ito sa pamamagitan ng isang halimbawa o kuwento. Itanong sa iyong sarili, “Anong mga walang-hanggang katotohanan ang itinuturo sa mga talatang ito? Ano ang itinuturo sa akin ng mga talatang ito tungkol sa Tagapagligtas?”
Makinig sa Espiritu
Bigyang-pansin ang iyong mga iniisip at nadarama, kahit walang kaugnayan ang mga iyon sa binabasa mo. Maaaring ang mga impresyong ito ang nais ng iyong Ama sa Langit na matutuhan mo.
Itala ang iyong mga impresyon
Maraming paraan para maitala ang mga impresyong dumarating habang nag-aaral ka. Halimbawa, maaari mong madama na tumitimo sa iyong isipan ang ilang salita at parirala sa mga banal na kasulatan; maaari mong markahan ang mga ito at isulat ang mga iniisip mo bilang isang maikling tala sa iyong mga banal na kasulatan. Maaari mo ring isulat sa journal ang mga kabatiran, damdamin, at impresyong natatanggap mo.
Ibahagi sa iba ang natututuhan mo
Ang pagtalakay sa mga kabatiran mula sa iyong personal na pag-aaral ay isang magandang paraan para maturuan ang iba, at tumutulong ding patibayin ang pagkaunawa mo sa iyong nabasa. Ibahagi ang natututuhan mo sa mga kapamilya at kaibigan (nang personal o digital), at anyayahan silang gawin din iyon.
Iugnay ang mga banal na kasulatan sa iyong buhay
Isipin kung paano naaangkop sa buhay mo ang mga kuwento at turong binabasa mo. Halimbawa, maaari mong itanong sa iyong sarili, “Ano ang mga naranasan ko na katulad ng binabasa ko?”
Magtanong habang nag-aaral ka
Habang pinag-aaralan mo ang mga banal na kasulatan, maaaring may pumasok na mga tanong sa iyong isipan. Ang mga tanong na ito ay maaaring nauugnay sa binabasa mo o sa buhay mo sa pangkalahatan. Pagnilayan ang mga tanong na ito at hanapin ang mga sagot habang patuloy mong pinag-aaralan ang mga banal na kasulatan.
Gamitin ang mga tulong sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan
Para magkaroon ng mga karagdagang kabatiran sa mga talatang binabasa mo, gamitin ang mga footnote, ang Gabay sa mga Banal na Kasulatan, at ang iba pang mga tulong sa pag-aaral.
Isipin ang konteksto ng mga banal na kasulatan
Maaari kang makakita ng makabuluhang mga kabatiran tungkol sa isang sipi sa banal na kasulatan habang iniisip mo ang konteksto nito, kabilang na ang mga sitwasyon o tagpo na pinagmulan nito. Halimbawa, ang pagkaalam sa background at mga paniniwala ng mga taong kinausap ng Diyos ay makakatulong para mas maunawaan mo ang layunin ng Kanyang mga salita. Malalaman mo ang tungkol sa mga ito sa Mga Banal, Revelations in Context, mga section heading sa Doktrina at mga Tipan, at iba pang resources.
Pag-aralan ang mga salita ng mga propeta at apostol sa mga huling araw
Basahin kung ano ang itinuro ng mga propeta at apostol sa mga huling araw tungkol sa mga alituntuning nakikita mo sa mga banal na kasulatan.
Mamuhay ayon sa natututuhan mo
Ang pag-aaral ng banal na kasulatan ay hindi lamang dapat magbigay-inspirasyon sa atin kundi dapat din tayong akaying baguhin ang ating pamumuhay. Pakinggan ang ipinahihiwatig ng Espiritu na gawin mo habang nagbabasa ka, at pagkatapos ay kumilos ayon sa mga pahiwatig na ito.
Gumamit ng musika
Ang mga iminumungkahing himno at awitin ng mga bata ay matatagpuan sa buong Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin. Gumamit ng sagradong musika para maanyayahan ang Espiritu at mapalalim ang iyong pananampalataya at patotoo sa mga katotohanan ng ebanghelyo.
Isaulo ang mga banal na kasulatan
Pumili ng isang sipi sa banal na kasulatan na makabuluhan sa iyo, sa inyong pamilya, o sa klase, at isaulo ito sa pamamagitan ng pag-uulit dito araw-araw o paglalaro ng isang memorization game.
Magbahagi ng mga object lesson
Maghanap ng mga bagay na may kaugnayan sa mga kabanata at talatang binabasa ninyo. Isipin kung paano nauugnay ang bawat bagay sa mga turo sa mga banal na kasulatan.
Magdrowing, maghanap, o kumuha ng larawan
Magbasa ng ilang talata, at pagkatapos ay magdrowing ng isang bagay na may kaugnayan sa binasa mo. O maaari kang maghanap ng isang larawan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo o sa ibang dako sa Gospel Library. Maaari ka ring kumuha ng larawan na nagpapakita sa natutuhan mo.
Isadula ang isang kuwento
Matapos basahin ang isang kuwento, anyayahan ang pamilya o mga kaklase na isadula ito. Pagkatapos, pag-usapan kung paano nauugnay ang kuwento sa mga bagay na nararanasan ninyo.
Makibagay sa bahay
Kung mayroon kang mga kapamilya na ayaw makilahok sa pag-aaral ninyo ng banal na kasulatan, maghanap ng iba pang mga paraan para makaugnay sa kanila. Halimbawa, maaari ka bang magbahagi ng walang-hanggang katotohanan nang natural sa inyong pag-uusap o magbahagi ng makabuluhang talata sa paraan na hindi ka parang nangangaral o nagyayabang? Ang pag-aaral ng banal na kasulatan ay hindi kailangang maging pareho sa bawat pamilya. Maaaring mas gusto ng ilang bata na mag-aral ng mga banal na kasulatan nang isa-isa. Maging madasalin at sundin ang mga pahiwatig ng Espiritu.