“Setyembre 13–19. Doktrina at mga Tipan 102–105: ‘Pagkaraan ng Maraming Paghihirap … Darating ang Pagpapala’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Setyembre 13–19. Doktrina at mga Tipan 102–105,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2021
Setyembre 13–19
Doktrina at mga Tipan 102–105
“Pagkaraan ng Maraming Paghihirap … Darating ang Pagpapala”
Anong mga alituntunin mula sa Doktrina at mga Tipan 102–5 ang makahulugan sa iyo? Isiping itala ang mga naiisip at impresyon mo tungkol sa mga alituntuning ito.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Nalungkot ang mga Banal sa Kirtland na marinig na ang kanilang mga kapatid sa Jackson County, Missouri, ay pinapalayas sa kanilang mga tahanan. Kung gayon, siguro ay nakahihikayat nang sinabi ng Panginoon na “ang pagtubos sa Sion” ay “darating sa pamamagitan ng kapangyarihan” (Doktrina at mga Tipan 103:15). Taglay ang pangakong iyon na nasa kanilang puso, mahigit 200 kalalakihan, pati ang humigit-kumulang na 25 kababaihan at mga bata, ang sumali sa tinatawag nilang Kampo ng Israel, na kalaunan ay nakilala bilang Kampo ng Sion. Ang misyon nito ay magmartsa patungong Missouri at tubusin ang Sion.
Sa mga miyembro ng kampo, ang pagtubos sa Sion ay nangahulugan ng pagbabalik ng mga Banal sa kanilang lupain. Ngunit bago dumating ang kampo sa Jackson County, sinabi ng Panginoon kay Joseph Smith na tumigil at buwagin ang Kampo ng Sion. Nalito ang ilang miyembro ng kampo at nagalit sa bagong utos na ito; sa kanila, ang ibig sabihin nito ay nabigo ang ekspedisyon at hindi natupad ang mga pangako ng Panginoon. Gayunman, iba ang tingin dito ng ibang tao. Bagama’t hindi na bumalik ang mga ipinatapong Banal sa Jackson County, ang karanasan kahit paano ay “nakatubos” sa Sion, at ito ay “dumating sa pamamagitan ng kapangyarihan.” Ang matatapat na miyembro ng Kampo ng Sion, marami sa kanila ang kalauna’y naging mga pinuno ng Simbahan, ay nagpatotoo na pinalalim ng mga karanasan ang kanilang pananampalataya sa kapangyarihan ng Diyos, sa banal na tungkulin ni Joseph Smith, at sa Sion—hindi lamang sa lugar ng Sion kundi sa Sion na mga tao ng Diyos. Sa halip na pagdudahan ang kahalagahan ng gawaing ito na tila nabigo, nalaman nila na ang tunay na gawain ay ang sundin ang Tagapagligtas, kahit na hindi natin nauunawaan ang lahat ng bagay. Sa huli, sa ganitong paraan tutubusin ang Sion.
Tingnan sa Mga Banal, 1:224–238.
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 102:12–23
Ano ang layunin ng mga tagubilin sa mga talatang ito?
Ang bahagi 102 ay naglalaman ng katitikan ng pulong sa Kirtland, Ohio, kung saan inorganisa ang unang mataas na kapulungan ng Simbahan. Inilalarawan ng mga talata 12–23 ang mga pamamaraan na sinusunod ng mga high council sa pagdaraos ng mga disciplinary council para sa mga taong nakagawa ng mabibigat na kasalanan.
Itinuro ni Pangulong M. Russell Ballard, “Kung minsan ay itinatanong ng mga miyembro kung bakit idinaraos ang mga disciplinary council ng Simbahan. Ang layunin ay tatlo: iligtas ang kaluluwa ng nagkasala, protektahan ang walang kasalanan, at pangalagaan ang kadalisayan, integridad, at mabuting pangalan ng Simbahan” (“A Chance to Start Over: Church Disciplinary Councils and the Restoration of Blessings,” Ensign, Set. 1990, 15).
Doktrina at mga Tipan 103:1–12, 36; 105:1–19
Ang Sion ay maitatayo lamang ayon sa mga alituntunin ng kabutihan.
Bakit nawala sa mga Banal ang kanilang lupang pangako sa Missouri? At bakit hindi tinulutan ng Panginoon ang Kampo ng Sion na ibalik sila sa kanilang mga lupain? Tiyak na may papel na ginampanan ang mararahas na hakbang ng mga mandurumog sa Missouri, at ang gobernador ng Missouri ay nangako ng pagsuporta sa mga Banal ngunit hindi ito ibinigay. Subalit sinabi ng Panginoon na “kung hindi dahil sa mga paglabag ng aking mga tao,” maaaring ang Sion “ay natubos na” (Doktrina at mga Tipan 105:2). Habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 103:1–12, 36; 105:1–19, maaaring mapansin mo ang ilang bagay na nakahadlang sa pagtatatag ng Sion sa Missouri at iba pa na maaari sanang nakatulong. Ano ang natutuhan mo na maaaring makatulong sa iyo na itatag ang Sion sa iyong puso at tahanan?
Doktrina at mga Tipan 103:12–13; 105:1–6, 13–19
Ang mga pagpapala ay dumarating pagkatapos ng paghihirap at pagsubok sa pananampalataya.
Sa maraming paraan, ang pagsali sa Kampo ng Sion ay isang pagsubok sa pananampalataya. Mahaba ang paglalakbay, mainit ang panahon, at kung minsan ay kakaunti ang pagkain at tubig. At matapos ang lahat ng tiniis nila, ang mga Banal ay hindi pa rin nakabalik sa kanilang lupain. Isipin kung paano kaya nakatulong ang mga alituntunin na nasa Doktrina at mga Tipan 103:12–13 at 105:1–6, 13–19 sa mga miyembro ng Kampo ng Sion na nag-isip kung ang utos na magtatag ay talagang nagmula sa Diyos. Paano ka matutulungan ng mga alituntuning ito sa sarili mong mga pagsubok sa pananampalataya?
Maaari din ninyong basahin ang mga karanasan ng mga miyembro ng Kampo ng Sion sa “Mga Tinig ng Pagpapanumbalik” sa dulo ng outline na ito. Ano ang hinangaan mo tungkol sa kanilang mga saloobin? Ano ang matututuhan mo mula sa kanilang mga halimbawa?
Tingnan din sa David A. Bednar, “Sa Panig ng Panginoon: Mga Aral Mula sa Kampo ng Sion,” Liahona, Hulyo 2017, 26–35.
Doktrina at mga Tipan 104:11–18, 78–83
Ako ay isang “katiwala sa mga makalupang pagpapala.”
Bukod sa mga pagsubok sa Missouri, noong 1834 ay naharap ang Simbahan sa mga problema sa pananalapi, kabilang na ang malaking pagkakautang at gastusin. Nagpayo ang Panginoon sa bahagi 104 sa sitwasyon ng pananalapi ng Simbahan. Paano mo maipamumuhay ang mga alituntunin sa mga talata 11–18 at 78–83 sa sarili mong mga desisyon ukol sa pananalapi?
Para malaman pa ang tungkol sa “sariling pamamaraan” ng Panginoon (talata 16) para maglaan para sa Kanyang mga Banal, maaari ninyong pag-aralan ang mensahe ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf na “Pagtulong sa Paraan ng Panginoon” (Liahona, Nob. 2011, 53–56).
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening
-
Doktrina at mga Tipan 103:12, 36; 105:9–13.May ipinagawa na ba sa inyong pamilya (o sa isa sa inyong mga ninuno) na ang naging bunga ay hindi gaya ng inaasahan ninyo? Ano ang matututuhan mo mula sa mga reaksyon ng mga miyembro ng Kampo ng Sion nang ang paglalakbay nila ay hindi naging gaya ng inasahan nila? (tingnan sa “Mga Tinig ng Pagpapanumbalik” sa dulo ng outline na ito).
-
Doktrina at mga Tipan 104:13–18.Ano ang naibigay sa atin ng Panginoon? Ano ang inaasahan Niyang gagawin natin sa mga bagay na ito?
-
Doktrina at mga Tipan 104:23–46.Maaaring saliksikin ng inyong pamilya ang mga talatang ito upang malaman kung ilang beses nangako ang Panginoon na “pararamihin ang mga pagpapala” (talata 23) para sa mga taong tapat. Marahil ito ay magandang pagkakataon para ang “mga pagpapala [mo] ay bilangin” (“Mga Pagpapala ay Bilangin,” Mga Himno, blg. 147) at talakayin kung paanong ang paggawa nito ay makatutulong sa atin sa mahihirap na panahon. Maaaring masiyahan ang maliliit na bata sa pagdrowing ng larawan ng mga pagpapalang ipinagpapasalamat nila.
-
Doktrina at mga Tipan 105:38–41.Paano tayo makagagawa ng “mga mungkahi para sa kapayapaan” (talata 40) kapag hindi maganda at makatarungan ang pagturing sa atin ng iba? Ano ang maaari nating gawin upang maging “isang sagisag ng kapayapaan” (talata 39) sa ating tahanan?
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.
Iminumungkahing awit: “Mga Pagpapala ay Bilangin,” Mga Himno, blg. 147.
Mga Tinig ng Pagpapanumbalik
Kampo ng Sion
Dahil hindi kailanman ipinanumbalik ng Kampo ng Sion ang mga Banal sa kanilang mga lupain sa Jackson County, nadama ng maraming tao na ang kanilang gawain ay nabigo. Gayunman, maraming kalahok sa Kampo ng Sion ang nagbalik-tanaw sa kanilang karanasan at nakita kung paano tinupad ng Panginoon ang isang mas mataas na layunin sa kanilang buhay at sa Kanyang kaharian. Narito ang ilan sa kanilang mga patotoo.
Joseph Smith
Mahigit 40 taon matapos ang Kampo ng Sion, iniulat ni Joseph Young, na isang miyembro ng kampo, na sinabi ni Joseph Smith ang sumusunod:
“Mga kapatid, ang ilan sa inyo ay galit sa akin, dahil hindi kayo nakipaglaban sa Missouri; ngunit hayaan ninyong sabihin ko sa inyo, hindi nais ng Diyos na makipaglaban kayo. Hindi Niya maitatayo ang kanyang kaharian sa pamamagitan ng labindalawang kalalakihang magbubukas ng mga pinto ng ebanghelyo sa mga bansa sa daigdig, at pitumpung kalalakihan sa ilalim ng pangangasiwa ng mga ito na sumunod sa kanilang landas, maliban na lamang kung kinuha niya ang mga ito mula sa grupo ng kalalakihang inialay ang kanilang mga buhay, at gumawa ng sakripisyong kasing-dakila ng ginawa ni Abraham.
“Ngayon, mayroon na ang Panginoon ng kanyang Labindalawa at kanyang Pitumpu, at may tatawaging iba pang mga korum ng Pitumpu, na magsasakripisyo, at mga taong hindi nagawa ang kanilang mga sakripisyo at mga handog ngayon, ay gagawin ito pagkatapos.”1
Brigham Young
“Nang dumating kami sa Missouri, ang Panginoon ay nangusap sa kanyang tagapaglingkod na si Joseph at sinabing, ‘Tinanggap ko ang inyong handog,’ at nagkaroon kami ng pribilehiyong makabalik muli. Sa aking pagbabalik, maraming kaibigan ang nagtanong sa akin kung ano ang kapakinabangan sa pagtawag ng mga tao mula sa kanilang paggawa upang magtungo sa Missouri at pagkatapos ay bumalik, nang tila walang anumang naisasagawa. ‘Sino ang nakinabang dito?’ tanong nila. ‘Kung iniutos ng Panginoon na gawin ito, ano ang pakay niya sa paggawa nito?’ … Sinabi ko sa mga kapatid na iyon na nabayaran ako nang maayos—nabayaran nang may malaking tubo—oo, na ang aking sukatan ay umaapaw sa kaalaman na natanggap ko sa pamamagitan ng paglalakbay kasama ang Propeta.”2
Wilford Woodruff
“Ako ay nasa Kampo ng Sion kasama ang Propeta ng Diyos. Nakita ko ang pakikitungo ng Diyos sa kanya. Nakita ko ang kapangyarihan ng Diyos sa kanya. Nakita ko na siya ay isang Propeta. Ang ipinakita sa kanya sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos sa misyong iyon ay napakahalaga sa akin at sa lahat ng taong tumanggap ng kanyang mga tagubilin.”3
“Nang tawagin ang mga miyembro ng Kampo ng Sion, marami sa amin ang hindi pa kailanman nagkita; hindi kami magkakakilala at marami ang hindi pa nakakita sa propeta. Kami ay ikinalat sa ibang bayan, tulad ng mais na niliglig sa isang pansala, sa buong bansa. Kami ay mga kabataang lalaki, at tinawag sa unang araw na iyon para pumunta at tubusin ang Sion, at ang kailangan naming gawin ay kailangang gawin namin nang may pananampalataya. Kami ay magkakasamang nagtipon mula sa iba’t ibang Estado sa Kirtland at humayo upang tubusin ang Sion, bilang katuparan ng mga kautusan ng Diyos sa amin. Tinanggap ng Diyos ang aming mga gawa tulad ng pagtanggap Niya sa mga gawa ni Abraham. Marami kaming naisagawa, kahit maraming beses nagtanong ang mga nag-apostasiya at di-nananampalataya ng, ‘ano ang mga nagawa ninyo?’ Nagtamo kami ng karanasang hindi namin makukuha [sa] anumang ibang paraan. Nagkaroon kami ng pagkakataong makita ang mukha ng propeta, at pribilehiyong maglakbay nang ilang libong milya na kasama niya, at makita ang pagkilos ng espiritu ng Diyos sa kanya, at ang mga paghahayag ni Jesucristo sa kanya at ang katuparan ng mga paghahayag na iyon. At nagtipon siya ng mga dalawandaang elder mula sa buong bansa noon at isinugo kami sa daigdig upang ipangaral ang ebanghelyo ni Jesucristo. Kung hindi ako sumama sa Kampo ng Sion sana ay wala ako dito ngayon [sa Salt Lake City, na naglilingkod sa Korum ng Labindalawang Apostol]. … Sa pagpunta roon isinabak kami sa olibohan upang ipangaral ang ebanghelyo, at tinanggap ng Panginoon ang aming mga gawa. At sa lahat ng aming mga gawain at pang-uusig, na kadalasan ay nakataya ang aming buhay, kinailangan kaming magtrabaho at mamuhay nang may pananampalataya.”
“Ang karanasan na natamo [namin] sa paglalakbay sa Kampo ng Sion ay mas mahalaga kaysa ginto.”