Doktrina at mga Tipan 2021
Agosto 30–Setyembre 5. Doktrina at mga Tipan 94–97: “Para sa Kaligtasan ng Sion”


“Agosto 30–Setyembre 5. Doktrina at mga Tipan 94–97: ‘Para sa Kaligtasan ng Sion,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Agosto 30–Setyembre 5. Doktrina at mga Tipan 94–97,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2021

Kirtland Temple

Kirtland Temple, ni Al Rounds

Agosto 30–Setyembre 5

Doktrina at mga Tipan 94–97

“Para sa Kaligtasan ng Sion”

Anong mga alituntunin at doktrina ang napansin mo habang pinag-aaralan mo ang Doktrina at mga Tipan 94–97? Tiyaking itala ang iyong mga impresyon.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Nang inutusan ng Panginoon si Moises na magtayo ng tabernakulo, sinabi Niya kay Moises na “gawin ang lahat ng mga bagay ayon sa anyong ipinakita sa [kanya] sa bundok” (Mga Hebreo 8:5; tingnan din sa Exodo 25:8–9). Ang tabernakulo ay magiging sentro ng Israel sa kampo sa ilang (tingnan sa Mga Bilang 2:1–2). Kalaunan, inutusan ng Diyos si Solomon at ang kanyang mga tao na magtayo ng templo ayon sa paraang inihayag Niya (tingnan sa I Mga Cronica 28:12, 19).

Nang ipinanumbalik ng Panginoon ang kabuuan ng ebanghelyo, inutusan Niya si Joseph Smith na magtayo ng mga templo ayon sa inihayag na huwaran. “Ang bahay ay itatayo hindi alinsunod sa pamamaraan ng sanlibutan,” pahayag ng Panginoon. “Itayo ito alinsunod sa pamamaraang aking ipakikita” (Doktrina at mga Tipan 95:13–14; tingnan din sa 97:10). Tulad ng tabernakulo sa ilang, ang templo ay nilayon upang maging mahalagang bahagi ng Kirtland (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 94:1).

Ngayon, ang mga bahay ng Panginoon ay matatagpuan sa buong mundo. Kahit na ang mga ito ay hindi sentro ng ating mga lungsod, maaari itong maging sentro sa ating buhay. Bagama’t may pagkakaiba sa hitsura ang bawat templo, sa loob ng mga ito ay nalalaman natin ang parehong banal na huwaran—isang planong mula sa langit upang ibalik tayong muli sa kinaroroonan ng Diyos. Tinutulungan tayo ng mga sagrado at walang-hanggang mga ordenansa na itayo ang ating buhay at patatagin ang ating mga pamilya “hindi alinsunod sa pamamaraan ng sanlibutan” kundi ayon sa huwarang ipinapakita sa atin ng Diyos.

Tingnan sa Mga Banal, 1:194–95.A House for Our God,” Revelations in Context, 165–73.

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Doktrina at mga Tipan 94; 97:15–17

Maaari kong makasama ang Panginoon sa aking pang-araw-araw na buhay.

Ang mga tagubilin sa Doktrina at mga Tipan 94 at 97 ay ibinigay sa iisang araw—Agosto 2, 1833. Ang bahagi 97 ay may kinalaman sa isang templong nakaplano para sa Jackson County, Missouri, habang ang bahagi 94 ay may kinalaman sa mga gusaling pang-administratibo sa Kirtland, Ohio. Maaaring may mapansin kang ilang pagkakatulad sa sinasabi ng Panginoon tungkol sa iba’t ibang uri ng mga gusali (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 94:2–12; 97:10–17). Habang pinagninilayan mo ang mga tagubiling ito, isipin kung ano ang magagawa mo para maranasan ang kaluwalhatian at presensya ng Panginoon nang mas madalas, kapwa sa loob ng gusali ng Simbahan at sa iyong pang-araw-araw na buhay.

Doktrina at mga Tipan 95

Pinarurusahan ng Panginoon ang mga minamahal Niya.

Mga limang buwan na ang lumipas mula noong Enero 1833, nang utusan ng Panginoon ang mga Banal sa Kirtland na magtayo ng isang bahay ng Diyos at magdaos ng kapita-pitagang kapulungan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:117–19). Nang matanggap ang paghahayag na nakatala sa bahagi 95 noong Hunyo 1833, hindi pa sila nakasusunod sa utos na iyon. Ano ang natutuhan mo sa paraan kung paano pinarusahan ng Panginoon ang mga Banal sa paghahayag na ito? May mga utos o payo ba na hindi mo pa nasusunod? Ano ang nahihikayat kang gawin?

Tingnan din sa D. Todd Christofferson, “Ang Lahat Kong Iniibig, ay Aking Sinasaway at Pinarurusahan,” Liahona, Mayo 2011, 97–100.

Doktrina at mga Tipan 95:8, 11–17; 97:10–17

Pinagpapala ng Diyos ang Kanyang mga tao sa loob ng templo.

Pagkatapos pagsabihan sa hindi pagtatayo ng bahay ng Panginoon sa Kirtland, pinili ng mga pinuno ng Simbahan ang isang taniman ng trigo kung saan sila magtatayo. Si Hyrum Smith, ang kapatid ng Propeta, ay agad tumakbo upang makakuha ng mahabang karit at simulan ang paglilinis sa bukid. “Naghahanda tayong magtayo ng isang bahay para sa Panginoon,” sabi niya, “at nagpasiya akong mauna sa gawain” (sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 318). Pag-isipang mabuti ang kasabikan ni Hyrum habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 95:8, 11–17; 97:10–17. Ano ang nakikita mo na nakahihikayat sa iyo na magkaroon ng katulad na determinasyon na tanggapin ang mga pagpapala ng templo?

Si Hyrum Smith hawak ang mahabang karit

Nililinis ni Hyrum Smith ang Lupa, ni Joseph Brickey

Doktrina at mga Tipan 97:18–28

Ang Sion ay “ang may dalisay na puso.”

Itinuro ni Propetang Joseph Smith, “Dapat ay pagtatayo ng Sion ang ating pinakadakilang layunin” (Mga Turo: Joseph Smith, 216). Sa mga Banal noong 1830s, ang Sion ay isang lugar, ang literal na “lunsod ng ating Diyos” (Doktrina at mga Tipan 97:19). Ngunit sa paghahayag na nakatala sa bahagi 97, pinalawak ng Panginoon ang pananaw na iyon. Inilalarawan din ng Sion ang mga tao—“ang may dalisay na puso” (talata 21). Habang binabasa mo ang mga talata 18–28, isipin ang kahulugang ito kapag binasa mo ang salitang “Sion.” Ano ang ibig sabihin sa iyo ng maging dalisay sa puso? Paano nakatutulong ang templo na maisakatuparan “ang kaligtasan ng Sion”? (talata 12).

Tingnan din sa Moises 7:18; Gospel Topics, “Sion,” topics.ChurchofJesusChrist.org.

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Doktrina at mga Tipan 95:8.Paanong naghahatid ang paggawa at pagtupad ng mga tipan sa templo ng “kapangyarihan mula sa itaas” sa ating buhay? Marahil ay maibabahagi ng mga miyembro ng pamilya ang nadarama nila tungkol sa templo o maibabahagi nila ang mga karanasan kung saan nadama nila na nabiyayaan sila ng “kapangyarihan mula sa itaas” sa pamamagitan ng pagsamba sa templo.

Upang matulungan ang mga naghahanda sa pagpasok sa templo, maaari mong rebyuhin ang mga video, litrato, at tagubilin na matatagpuan sa temples.ChurchofJesusChrist.org. Upang matulungan ang mga bata na matutuhan ang tungkol sa templo, maaari mong gamitin ang “Ang Inyong Landas Tungo sa Templo” (sa Mga Templo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw [espesyal na isyu ng Ensign o Liahona, Okt. 2010], 72–75).

Doktrina at mga Tipan 95:1–11.Ano ang natututuhan natin tungkol sa pagpaparusa mula sa mga talatang ito? Ano ang natututuhan natin tungkol sa Panginoon? Paano naaapektuhan ng mga pananaw na ito ang paraan ng pagtanggap natin ng pagtutuwid o ang pagtutuwid natin sa iba?

Doktrina at mga Tipan 97:8.Ayon sa mga talatang ito, paano tayo “tinatanggap” ng Panginoon? Paano iyan naiiba sa pagtanggap sa atin ng mundo? Ano ang ibig sabihin ng “tuparin ang [ating] mga tipan sa pamamagitan ng paghahain”? Paano natin ito nagagawa?

Doktrina at mga Tipan 97:10–21.Itinuro ng Propetang Joseph Smith, “Saanmang lugar magtipon ang mga Banal ay Sion, na itatayo ng bawat taong matwid para sa kaligtasan ng kanyang mga anak” (Mga Turo: Joseph Smith, 216). Paano natin maitatayo ang Sion sa ating tahanan? Anong mga alituntunin ang nakikita natin sa Doktrina at mga Tipan 97:10–21? Bilang isang pamilya, pumili ng isang alituntunin na pagtutuunan ng pansin sa linggong ito.

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awitin: “Templo’y Ibig Makita,” Aklat ng mga Awit Pambata, 99.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Itala ang iyong mga karanasan. Itala ang iyong mga karanasan ukol sa mga alituntunin at doktrina na natututuhan mo. Ang mga karanasang ito ay maaaring maging bahagi ng isang personal na kasaysayan na magpapala sa darating na mga henerasyon.

pagtatayo ng Kirtland Temple

Pagtatayo ng Kirtland Temple, ni Walter Rane.