“Agosto 30–Setyembre 5. Doktrina at mga Tipan 94–97: ‘Para sa Kaligtasan ng Sion,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Agosto 30–Setyembre 5. Doktrina at mga Tipan 94–97,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2021
Agosto 30–Setyembre 5
Doktrina at mga Tipan 94–97
“Para sa Kaligtasan ng Sion”
Humingi ng inspirasyon na malaman kung anong mga alituntuning mula sa bahagi 94–97 ang dapat mong bigyang-diin sa iyong pagtuturo. Maaari mong iakma ang mga ideya para sa mas maliliit na bata sa pagtuturo mo sa nakatatandang mga bata, at kabaligtaran nito.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Magpakita sa mga bata ng larawan ng isang templo, at anyayahan sila na ibahagi ang nalalaman nila tungkol sa mga templo. Maaari rin silang magbahagi ng nararamdaman nila kapag nakikita nila ang templo.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Doktrina at mga Tipan 95:8; 97:15–16
Ang templo ang bahay ng Panginoon.
Maging ang mga bata sa Kirtland ay tumulong, sa maliliit ngunit makabuluhang mga paraan, sa pagtatayo ng Kirtland Temple. Tulungan ang mga batang tinuturuan mo na palakasin ang kanilang pagmamahal para sa banal na bahay ng Panginoon.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magpakita ng isang larawan ng Kirtland Temple (tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya). Gamitin ang mga parirala mula sa Doktrina at mga Tipan 95:8 para ituro sa mga bata ang tungkol sa utos ng Panginoon na itayo ang templong ito. Sabihin sa mga bata na magsalitan sa paghawak ng larawan at pagsasabi ng “Ang templo ang bahay ng Panginoon.”
-
Sabihin sa mga bata na sa bawat templo ay may nakasulat na “Kabanalan sa Panginoon. Ang Bahay ng Panginoon.” Kung maaari, magpakita sa kanila ng larawan ng mga salitang ito sa templo. Bakit isang espesyal na lugar ang templo? Basahin ang mga parirala mula sa Doktrina at mga Tipan 97:15–16 na nagtuturo na ang templo ang bahay ng Panginoon, at ibahagi ang iyong nararamdaman tungkol sa templo.
-
Anyayahan ang mga bata na magkunwaring sila ay tumutulong sa pagtatayo ng templo (nagpuputol ng kahoy, pinupukpok ng martilyo ang mga pako, nagpipintura ng mga pader, at marami pang iba). Ipaliwanag kung gaano kahalaga ang templo sa Panginoon, kung gaano kasipag magtrabaho ang mga Banal para maitayo ang Kirtland Temple, at kung gaano sila nagsakripisyo para rito (tingnan sa Mga Banal, 1:242).
-
Sama-samang kantahin ang isang awitin para matulungan ang mga bata na makadama ng pagpipitagan para sa bahay ng Panginoon, tulad ng “Templo’y Ibig Makita,” (Aklat ng mga Awit Pambata, 99). Bigyan ng pagkakataon ang mga bata na magbahagi ng nararamdaman nila tungkol sa templo.
Kaya kong maging matapat.
Sa Doktrina at mga Tipan 97:8, tinukoy ng Panginoon ang katapatan bilang isang katangian ng mga taong “tinatanggap ko.”
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipaliwanag sa mga bata na itinuro ng Diyos na kapag tayo ay tapat, tayo ay Kanyang tinatanggap (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 97:8). Ibahagi sa kanila ang ilang maiikling kuwento na makatutulong sa kanila na maunawaan ang ibig sabihin ng pagiging matapat. Ang mga kuwentong ito ay maaaring hango sa sarili mong buhay, sa buhay ng isang taong kilala mo, o mula sa Friend o Liahona. Tulungan ang mga bata na muling isalaysay ang kuwento sa iyo o magbahagi ng mga karanasan sa kanilang buhay na may kaugnayan sa katapatan.
-
Tulungan ang mga bata na matutuhan ang unang parirala ng ikalabintatlong saligan ng pananampalataya: “Naniniwala kami sa pagiging matapat.” Tulungan ang mga bata na isadula ang mga halimbawa ng pagiging matapat at pagiging hindi matapat. Halimbawa, ang mga bata ay maaaring umarte na kinukuha ang isang bagay mula sa isang kapatid at sinasabi sa kanilang mga magulang na hindi nila ito kinuha. Pagkatapos ay tulungan ang mga bata na isadula ang parehong sitwasyon kung saan ay nagsabi sila ng totoo sa kanilang mga magulang. Ipaliwanag na ito ay pagiging matapat.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Doktrina at mga Tipan 95:1–3, 8, 11–17; 97:10–17
Ang templo ang bahay ng Panginoon.
Pag-isipang mabuti kung paano mo magagamit ang mga talatang ito upang matulungan ang mga bata na maunawaan kung gaano kahalaga ang templo sa Panginoon—at kung gaano ito dapat kahalaga sa ating lahat.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Hilingin sa mga bata na magbahagi ng mga pagkakataon na mayroon silang dapat gawin ngunit hindi nila ito kaagad ginawa. Tulungan ang isang bata na basahin ang Doktrina at mga Tipan 95:3, 8, at itanong sa mga bata kung anong kautusan ang sinabi ng Panginoon na hindi sinunod ng mga Banal. Sama-samang basahin ang talata 11. Ano ang kailangang gawin ng mga Banal para maitayo nila ang templo? Ano ang maaari nating matutuhan mula sa pangako ng Panginoon sa kanila?
-
Magsulat sa mga kard ng mga alituntunin tungkol sa templo na nasa Doktrina at mga Tipan 95 at 97, kasama ang kaukulang mga scripture reference, at ilagay ang mga kard sa isang bag. Halimbawa: Ang pagtatayo ng mga templo ay nangangailangan ng sakripisyo (Doktrina at mga Tipan 97:11–12) at Dapat tayong maging karapat-dapat na pumasok sa templo (Doktrina at mga Tipan 97:15–17). Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Pakuhain ang bawat pares ng isang kard mula sa bag at pagkatapos ay basahin ang talata ng banal na kasulatan na nasa kard at pag-usapan kung ano ang kahulugan ng alituntunin sa kanila. Ipaunawa sa mga bata kung ano ang binabasa nila kung kinakailangan.
-
Anyayahan ang isang kabataan sa inyong ward o branch na nakapunta na sa templo na ibahagi ang kanyang karanasan at sabihin sa mga bata kung ano ang magagawa nila para makapaghanda para sa templo.
-
Gamitin ang artikulong “Ang Iyong Landas Tungo sa Templo” (sa Mga Templo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw [espesyal na isyu ng Liahona, Okt. 2010], 72–75.) upang matulungan ang mga bata na maunawaan kung ano ang nangyayari sa loob ng templo at kung paano sila makapaghahanda. Maaari mong bigyan ang bawat bata ng isang bahagi ng artikulo na dapat nilang basahin at bigyan sila ng pagkakataong ibahagi ang nalaman nila.
-
Magpakita ng mga larawan ng templo at anyayahan ang mga bata na ibahagi kung ano ang nararamdaman nila tungkol sa pagpunta sa templo balang-araw.
-
Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa mga templo, tulad ng “Templo’y Ibig Makita” (Aklat ng mga Awit Pambata, 99). Anong mga parirala sa awit na ito ang nagtuturo sa atin kung bakit sagrado ang templo?
Doktrina at mga Tipan 97:1–2, 8–9, 21
Ang Sion ay “ang may dalisay na puso.”
Tulungan ang mga bata na maunawaan na ang Sion ay hindi lamang isang lugar; ito rin ay “ang may dalisay na puso” (Doktrina at mga Tipan 97:21).
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na basahin ang Doktrina at mga Tipan 97:21, at itanong sa kanila kung ano ang kahulugan ng salitang “dalisay.” Para mailarawan ito, magpakita sa kanila ng isang baso ng malinis na tubig, at talakayin kung bakit mahalaga na magkaroon ng malinis na tubig. Magdagdag ng isang bagay sa tubig (tulad ng lupa o paminta) para maging marumi ito. Anyayahan ang mga bata na muling basahin ang Doktrina at mga Tipan 97:21 at ituro nila ang salitang “dalisay.” Ano ang ibig sabihin ng maging dalisay ang ating puso? Ipaunawa sa mga bata na ang pagkakaroon ng dalisay na puso ay hindi nangangahulugang hindi tayo nagkakamali. Ano ang magagawa natin para maging mas dalisay ang ating puso? Paano tayo tinutulungan ng Tagapagligtas na gawin ito?
-
Tulungan ang mga bata na hanapin sa Doktrina at mga Tipan 97:1–2, 8–9, 21 ang mga salita o pariralang naglalarawan kung paano magkaroon ng dalisay na puso. Hilingin sa kanila na pumili ng isang salita o parirala, isulat ito sa kapirasong papel, at ilagay ito sa isang lalagyan. Isa-isang kunin ang mga piraso ng papel, at hilingin sa mga bata na magmungkahi ng mga bagay na magagawa nila para magamit ang ideyang iyon sa kanilang buhay. Halimbawa, ano ang magagawa natin para “matagpuan ang katotohanan” (talata 1) o maging mas “tapat” (talata 8)?
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Anyayahan ang mga bata na gamitin ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito para maibahagi sa kanilang pamilya ang natutuhan nila tungkol sa templo.