“Agosto 23–29. Doktrina at mga Tipan 93: ‘Tumanggap ng Kanyang Kaganapan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Agosto 23–29. Doktrina at mga Tipan 93,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary
Agosto 23–29
Doktrina at mga Tipan 93
“Tumanggap ng Kanyang Kaganapan”
Ang mga batang tinuturuan mo ay mahal na mga espiritung anak na lalaki at anak na babae ng mga Magulang sa Langit at namuhay sa piling Nila bago naparito sa lupa. Matapos pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 93, ano ang nadarama mo na dapat mong gawin upang matulungan ang mga batang ito na lumago “sa liwanag at katotohanan”? (talata 40).
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Magpakita ng mga larawan ng Tagapagligtas (tulad ng nasa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo o mga magasin ng Simbahan), at hilingin sa mga bata na ibahagi ang nalalaman nila tungkol sa Kanya. Ang nakatatandang mga bata ay maaaring handang magbahagi ng isang talata mula sa Doktrina at mga Tipan 93 na nakatulong sa kanila na malaman ang tungkol kay Jesucristo.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Si Jesucristo ang Anak ng Diyos.
Mahalaga na matutuhan ng mga batang tinuturuan mo kung sino si Jesucristo at kung bakit dapat silang sumunod sa Kanya. Ang mga katotohanan tungkol kay Jesucristo na matatagpuan sa bahagi 93 ay makatutulong.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Pumili ng ilang katotohanan na natutuhan mo tungkol sa Tagapagligtas sa bahagi 93 na nagbibigay-inspirasyon sa iyo. Sa bawat katotohanang pinili mo, basahin sa mga bata ang talata kung saan ito matatagpuan, at bigyan sila ng mahalagang salita na dapat pakinggan habang nagbabasa ka. Magbahagi ng maikling patotoo tungkol sa Tagapagligtas, at pahintulutan ang mga bata na magbahagi rin ng kanilang patotoo. Ang sumusunod na listahan ng mga katotohanan ay makapagbibigay sa iyo ng mga ideya:
Ginawa ni Jesucristo ang gawain ng Ama (talata 5).
Si Jesucristo ang Ilaw ng Sanlibutan (talata 9).
Si Jesucristo ang Tagapaglikha ng mundo (talata 10).
Natanggap ni Jesucristo ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa (talata 17).
Si Jesucristo ay kasama ng Diyos sa simula (talata 21).
-
Hilingin sa mga bata na makinig para matuto ng isang bagay tungkol sa Tagapagligtas habang ibinubuod mo sa sarili mong mga salita ang ilan sa mga katotohanang itinuro sa bahagi 93. (Maaari mo ring gamitin ang “Kabanata 33: Isang Paghahayag tungkol kay Jesucristo” [Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 126–27].)
Doktrina at mga Tipan 93:23, 29
Nabuhay ako sa piling ng Ama sa Langit bago ako pumarito sa lupa.
Bakit kaya mahalagang tulungan ang mga batang tinuturuan mo na maunawaan na nabuhay sila sa piling ng Ama sa Langit bago sila isinilang? Paano ka napagpala ng kaalaman tungkol sa katotohanang ito?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ulitin ang mga salitang “Kayo rin sa simula ay kasama ng Ama” kasama ng mga bata (Doktrina at mga Tipan 93:23). Ipaliwanag na bago tayo isinilang sa mundo, nabuhay tayo sa langit kasama ng Ama sa Langit. Sama-samang kantahin ang “Ako ay Anak ng Diyos” (Aklat ng mga Awit Pambata, 2–3).
-
Anyayahan ang mga bata na kulayan ang pahina ng aktibidad at idrowing ang mga sarili nila na kasama ang Ama sa Langit at si Jesucristo noong bago tayo isinilang sa mundo. Magpatotoo na mahal tayong lahat ng Diyos at na tayo ay Kanyang mga anak.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Si Jesucristo ang Anak ng Diyos.
Habang mas nauunawaan natin ang tungkol kay Jesucristo, mas lubos at taos-puso nating ninanais na sambahin Siya at lumapit sa Ama sa pamamagitan Niya (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 93:19).
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipakita ang larawan ng Tagapagligtas, at itanong sa mga bata kung bakit mahalaga na alam natin ang mga bagay na tungkol kay Jesucristo. Anyayahan sila na alamin ang mga karagdagang sagot sa Doktrina at mga Tipan 93:19. Anyayahan sila na mag-isip ng isang paraan na mas mapag-aaralan pa nila ang tungkol kay Jesus sa susunod na linggo, at bigyan sila ng pagkakataon na ibahagi ang kanilang mga ideya.
-
Mag-isip ng isang malikhaing paraan para hikayatin ang mga bata na basahin ang tungkol sa Tagapagligtas sa bahagi 93. Maaari mong isulat sa mga piraso ng papel ang ilang scripture reference mula sa bahagi 93 na nagtuturo ng mga katotohanan tungkol kay Jesucristo (halimbawa, tingnan ang mga talata 5, 9–10, 17, 21). Ilagay ang mga piraso ng papel sa isang lalagyan, at hilingin sa mga bata na magsalitan sa pagbunot ng isang piraso ng papel at pagbasa ng talata sa banal na kasulatan sa klase. Ano ang natututuhan natin tungkol kay Jesucristo mula sa mga talatang ito?
Doktrina at mga Tipan 93:23, 29, 38
Nabuhay ako sa piling ng Ama sa Langit bago ako pumarito sa lupa.
Binigyang-diin ng Tagapagligtas nang tatlong beses sa bahagi 93 na namuhay tayo sa piling ng Diyos “sa simula” (mga talata 23, 29, 38). Bakit kaya gusto Niyang malaman natin ito? Paano kaya mapagpapala ng katotohanang ito ang mga batang tinuturuan mo?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin nang sabay-sabay ang Doktrina at mga Tipan 93:23, 29, 38, at anyayahan ang mga bata na hanapin ang katotohanan tungkol sa kanilang sarili na inuulit-ulit sa mga talatang ito. Hilingin sa mga bata na ibahagi ang anumang bagay na nalalaman nila tungkol sa ating buhay sa piling ng Ama sa Langit bago tayo isinilang. Bigyan ang bawat bata ng isa sa sumusunod na mga scripture reference, at tulungan silang hanapin ang isang bagay na itinuturo sa mga banal na kasulatang ito tungkol sa buhay bago tayo pumarito sa lupa: Jeremias 1:5; Doktrina at mga Tipan 138:53–56; Moises 3:5; Abraham 3:22–26.
-
Sama-samang kantahin ang “Ako ay Anak ng Diyos” (Aklat ng mga Awit Pambata, 2–3). Anong mga katotohanan ang matututuhan natin mula sa awiting ito tungkol sa ating layunin sa pagparito sa lupa?
Ang katotohanan ay kaalaman tungkol sa mga bagay sa nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap.
Ang mundo ay may maraming iba’t ibang pananaw sa kung ano ang katotohanan at kung paano ito matatagpuan. Paano mo matutulungan ang mga batang tinuturuan mo na maunawaan na ang katotohanan ay totoo anuman ang sinasabi ng iba at na alam ng Ama sa Langit ang lahat ng katotohanan?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Isulat ang salitang katotohanan sa pisara, at hilingin sa mga bata na isulat ang kahulugan nito sa tabi nito. Sabay-sabay na basahin kung ano ang ibinigay na kahulugan ng Panginoon sa katotohanan na nasa Doktrina at mga Tipan 93:24. Kumanta ng isang himno tungkol sa katotohanan, tulad ng “Sabihin, Ano ang Katotohanan” (Mga Himno, blg. 173), at anyayahan ang mga bata na hanapin ang iba pang mga paraan na inilarawan ang katotohanan sa himno.
-
Upang matulungan ang mga bata na maipamuhay ang mga katotohanan na nasa Doktrina at mga Tipan 93, isulat ang ilang scripture reference mula sa bahaging ito sa mga piraso ng papel. Sa iba pang mga piraso ng papel, isulat ang mga katotohanan na itinuturo sa bawat isa sa mga talatang ito. Anyayahan ang mga bata na sama-samang basahin ang mga talata at itugma ang mga katotohanan sa mga talatang binabasa nila. Bakit tayo nagpapasalamat na alam natin ang katotohanan?
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Anyayahan ang mga bata na isulat o idrowing ang isang bagay na natutuhan nila sa klase at ibahagi ito sa kanilang pamilya pag-uwi nila.