“Agosto 16–22. Doktrina at mga Tipan 89–92: ‘Isang Alituntunin na May Lakip na Pangako,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Agosto 16–22. Doktrina at mga Tipan 89–92,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary
Agosto 16–22
Doktrina at mga Tipan 89–92
“Isang Alituntunin na May Lakip na Pangako”
Habang pinag-aaralan mo ang mga katotohanan sa Doktrina at mga Tipan 89–92, pagnilayan ang mga bago at malikhaing paraan na maipapaunawa mo sa mga bata ang mga ito.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Anyayahan ang mga bata na idrowing at pag-usapan ang mabubuting bagay na ginawa nila sa linggong ito para pangalagaan ang kanilang mga katawan at espiritu.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Ako ay pagpapalain kapag sinusunod ko ang Word of Wisdom.
Ituro sa mga bata na ang ating katawan ay kaloob mula sa Ama sa Langit at nais Niyang pangalagaan natin itong mabuti.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Para maipaunawa sa mga bata ang mga utos ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 89:10–17, magdrowing o magpakita ng mga larawan ng mabubuting bagay na maaari nating kainin o mabubuting bagay na magagawa natin para manatiling malusog ang ating katawan (tingnan din sa pahina ng aktibidad para sa linggong ito). Ipaunawa rin sa mga bata na ang alak, sigarilyo, tsaa, kape, at iba pang nakapipinsalang droga ay nakakasira sa ating katawan at binalaan na tayo ng Panginoon na huwag gamitin ang mga ito. Anyayahan ang mga bata na pumili ng isang bagay na magagawa nila sa linggong ito para panatilihing malusog ang kanilang katawan.
-
Anyayahan ang mga bata na magsalitan sa pagdodrowing ng isang larawan sa pisara na kumakatawan sa isang bagay na itinuturo sa Word of Wisdom. Hayaang hulaan ng iba pang mga bata kung ano ang idinodrowing ng bawat isa. Pag-usapan ang utos ng Panginoon sa bahagi 89 na nauugnay sa drowing.
-
Gamitin ang sumusunod na halimbawa, o iba pa na naiisip mo, para ipakita kung paano tayo pinagpapala ng pagsunod sa Word of Wisdom (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 89:18–21). Sama-samang gawin ang isang simpleng ehersisyo, tulad ng paglalakad o pagtakbo sa kinatatayuan, at pagkatapos ay magkunwaring “[n]apapagod” o “[n]anghihina” (talata 20). Patotohanan ang mga pangako ng Panginoon.
-
Magpakita ng larawan ng templo, at hilingin sa mga bata na ilarawan ang nakikita nila. Gumamit ng isang awit tungkol sa pisikal na kalusugan, tulad ng “Ang Diyos sa Akin ay Nagbigay ng Templo” (Aklat ng mga Awit Pambata, 73), para ituro sa mga bata na ang ating katawan ay parang templo para sa ating espiritu at nais ng Diyos na panatilihin nating malusog ang ating katawan. Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga paraan na mapapangalagaan natin ang ating katawan, at ipaakto ito sa mga bata.
Binibigyan tayo ng Diyos ng mga propeta para gabayan at protektahan tayo.
Ipaunawa sa mga bata kung paano tayo matutulungan ng mga propeta ng Panginoon na maging ligtas mula sa mga unos ng buhay.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magpakita sa mga bata ng mga larawan ng mga sinaunang propeta, at sabihin sa kanila kung paano binalaan ng mga propetang ito ang mga tao sa kanilang panahon. (Para sa mga ideya, tingnan sa “Propeta’y Sundin,” Aklat ng mga Awit Pambata, 58–59.)
-
Bakit tayo dapat makinig sa mga propeta ng Diyos? Magpakita ng larawan ng kasalukuyang propeta, at magbahagi ng ilang bagay na itinuro niya sa atin o ibinabala sa atin kamakailan. Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga paraan na maaari nating sundin ang propeta. Magpatotoo tungkol sa mga katotohanang itinuturo sa Doktrina at mga Tipan 90:5. (Pansinin na ang ibig sabihin ng “mga orakulo” ay mga paghahayag o mga propetang tumatanggap ng mga ito.)
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Ang Word of Wisdom ay tumutulong sa akin na maging malusog sa katawan at espiritu.
Pinayuhan ni Elder Gary E. Stevenson ang mga kabataan na magplano nang maaga kung ano ang gagawin nila kapag tinutukso silang uminom ng alak o gumamit ng droga. Pagkatapos ay itinuro niya, “Makikita ninyo na halos wala nang kontrol sa inyo ang [tukso]. Napagpasiyahan na ninyo kung paano tutugon at ano ang gagawin. Hindi na ninyo kailangang magdesisyon sa tuwing tinutukso kayo” (“Ang Inyong Priesthood Playbook,” Ensign o Liahona, Mayo 2019, 48). Hikayatin ang mga batang tinuturuan mo na magdesisyon na ngayon—at habang nabubuhay sila—na sundin ang Word of Wisdom.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Hatiin ang mga bata sa dalawang grupo, at hilingin sa isang grupo na basahin ang Doktrina at mga Tipan 89:1–4 at ipabasa sa isa pang grupo ang mga talata 18–21. Hilingin sa kanila na pagnilayan ang mga tanong na tulad ng mga sumusunod: Bakit ibinigay ng Panginoon sa atin ang Word of Wisdom? Paano ako pisikal at espirituwal na mapagpapala ng pagsunod sa Word of Wisdom?
-
Lumikha ng mga pahayag na may mga patlang na pupunan gamit ang mga parirala mula sa Doktrina at mga Tipan 89, tulad ng “ ay inorden na gamitin ng tao at ng mga hayop” o “At at hindi manghihina” (mga talata 14, 20). Anyayahan ang mga bata na magpares-pares para hanapin ang mga sagot sa bahagi 89. Maaaring ayusin ng mga bata ang mga pahayag sa sumusunod na mga kategorya: mabubuting bagay para sa ating katawan, masasamang bagay para sa ating katawan, at mga pagpapala.
-
Anyayahan ang isang bata na basahin ang Doktrina at mga Tipan 89:4 at ipabasa sa isa pa ang sipi mula kay Elder Stevenson sa itaas. Bakit tayo dapat magdesisyon ngayon na sundin ang Word of Wisdom sa halip na maghintay hanggang sa magkaroon ng tukso? Tulungan ang mga bata na isadula kung paano sila maaaring tumugon kung alukin sila ng isang tao, maging ng isang kaibigan, ng isang bagay na labag sa Word of Wisdom. Paano tayo pinoprotektahan ng pagsunod sa Word of Wisdom?
Doktrina at mga Tipan 90:2, 5, 14–16
Hawak ng Unang Panguluhan “ang mga susi ng kaharian.”
Ang mga tagubilin ng Panginoon tungkol sa Unang Panguluhan noong 1833 (Joseph Smith, Sidney Rigdon, at Frederick G. Williams) ay magpapalakas sa patotoo ng mga bata sa Unang Panguluhan ngayon.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na saliksikin ang Doktrina at mga Tipan 90:14–16 at isulat ang ilang bagay na ipinagawa ng Panginoon sa Unang Panguluhan. Magpakita sa mga bata ng isang larawan ng kasalukuyang Unang Panguluhan, at magbahagi ng isang bagay tungkol sa kanila. Magpatotoo tungkol sa kanilang mga banal na tungkulin at sa mga pagpapalang natanggap mo sa pagsunod sa kanilang payo.
-
Rebyuhin sa mga bata ang isang bagay na naituro ng isang miyembro ng Unang Panguluhan. Pagkatapos ay sama-samang basahin ang Doktrina at mga Tipan 90:5. Ipaliwanag na ang “mga orakulo” ay mga paghahayag o mga propetang tumatanggap ng mga ito. Ano ang ibig sabihin ng “tumatanggap ng mga orakulo … bilang isang bagay na walang halaga”? Paano natin maipapakita na mahalaga sa atin ang mga propeta at ang mga bagay na itinuturo nila?
Maipapaalam sa akin ng Espiritu kung ano ang totoo.
Habang binabasa mo ang sinabi ng Panginoon kay Joseph Smith tungkol sa Apocripa, pag-isipan kung paano makakatulong ang payong ito sa mga bata na mahiwatigan ang katotohanan mula sa kamalian na makakaharap nila habang sila ay nabubuhay.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Sama-samang basahin ang section heading ng Doktrina at mga Tipan 91 para maipaunawa sa mga bata kung ano ang Apocripa (tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Apocripa,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org). Tulungan ang bata na mag-isip ng iba pang mga lugar, tulad ng media, kung saan maaari nating mahanap ang “maraming bagay … na totoo” at “maraming bagay … na hindi totoo” (mga talata 1–2). Pagkatapos ay anyayahan ang mga bata na saliksikin ang bahagi 91 para malaman kung ano ang sinabi ng Panginoon na magagawa natin upang makahiwatig sa pagitan ng katotohanan at kamalian.
-
Sama-samang basahin ang Doktrina at mga Tipan 91:4–6, at itanong sa mga bata kung ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa Espiritu Santo. Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng personal na karanasan kung kailan “ang Espiritu ay [nagpahayag] ng katotohanan” sa kanila. Magbahagi rin ng sarili mong mga karanasan. Sa anong iba pang mga paraan tayo matutulungan ng Espiritu?
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Anyayahan ang mga bata na ibahagi sa kanilang pamilya ang natutuhan nila ngayon tungkol sa pangangalaga sa kanilang katawan at espiritu o sa mga mithiin nilang masunod ang Word of Wisdom.