“Agosto 9–15. Doktrina at mga Tipan 88: ‘Magtayo … ng Isang Bahay ng Diyos,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Agosto 9–15. Doktrina at mga Tipan 88,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2021
Agosto 9–15
Doktrina at mga Tipan 88
“Magtayo … ng Isang Bahay ng Diyos”
Ipinapayo sa Doktrina at mga Tipan 88:118 na, “Turuan ang bawat isa ng mga salita ng karunungan.” Anong “mga salita ng karunungan” sa Doktrina at mga Tipan 88 ang tila pinaka-nauukol sa mga batang tinuturuan mo?
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Sabihin sa mga bata na nais ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na patuloy tayong matuto habang tayo’y nabubuhay. Pagkatapos ay hilingin sa kanila na magbahagi ng isang bagay na natututuhan nila sa bahay, sa paaralan, o sa simbahan.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Nais ng Diyos na maging malapit ako sa Kanya.
Ano ang magagawa mo para maipadama sa mga batang tinuturuan mo ang presensya ng Diyos sa kanilang buhay?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 88:63, anyayahan ang mga bata na iakto ang ilan sa mga salitang naririnig nila. Halimbawa, maaari silang magkunwaring naghahanap ng isang bagay o kumakatok.
-
Hilingin sa isang bata na hawakan ang isang larawan ni Jesus sa harapan ng silid habang ang iba pang mga bata ay nakatayo sa likuran ng silid. Anyayahan ang mga bata na humakbang nang pasulong tuwing sasabihin mo ang isang bagay na magagawa natin para mas mapalapit sa Tagapagligtas at humakbang nang paurong tuwing sasabihin mo ang isang bagay na naglalayo sa atin sa Tagapagligtas. Magpatotoo na kapag sinisikap nating mas mapalapit sa Panginoon, mas lumalapit Siya sa atin.
Nais ng Ama sa Langit na matuto ako.
“Ang edukasyon ay mahalagang bahagi ng plano ng Ama sa Langit na tutulong sa inyong maging higit na katulad Niya. … Ang edukasyong matatamo ninyo ay magiging mahalaga sa inyo sa buhay na ito at sa kabilang buhay” (Para sa Lakas ng mga Kabataan, 9).
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magdispley ng larawan ng isang paaralan, o idrowing ito sa pisara, at anyayahan ang mga bata na ipaliwanag kung ano ang isang paaralan at kung ano ang nangyayari doon. Magkuwento tungkol sa paaralang sinimulan ni Joseph Smith (tingnan sa “Kabanata 31: Ang Salita ng Karunungan,” Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 119–22). Magpakita sa mga bata ng larawan ng isang bahay, isang simbahan, at isang templo, at itanong sa kanila kung paano nahahalintulad ang mga lugar na ito sa mga paaralan.
-
Kumanta ng isang awit tungkol sa pag-aaral, tulad ng “Babasahin, Uunawain, at Mananalangin” (Aklat ng mga Awit Pambata, 66). Itanong sa mga bata kung ano ang hilig nilang pag-aralan.
-
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 88:118, at bigyang-diin ang pariralang “turuan ang bawat isa.” Magbahagi ng ilang karunungang natutuhan mo mula sa bawat isa sa mga bata sa iyong klase, at anyayahan silang ibahagi ang karunungang natutuhan nila.
Ang templo ay bahay ng Diyos.
Isipin kung paano mo tutulungan ang mga bata na makadama ng pagmamahal sa templo at naising sambahin ang Panginoon doon kapag sila ay handa na.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipakita sa mga bata kung paano gumawa ng isang “taluktok” ng templo sa pamamagitan ng pagtataas ng kanilang mga kamay at pagdidikit ng mga dulo ng kanilang mga daliri. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 88:119, at hilingin sa kanila na gumawa ng isang taluktok tuwing sasabihin mo ang salitang “bahay.” Ipaliwanag na nais ng Ama sa Langit na magtayo si Joseph Smith at ang mga Banal ng isang templo, o isang “bahay ng Diyos.” Magdispley ng isang larawan ng isang kalapit na templo habang sinasabi mo ang mga pagkakaiba ng isang templo sa isang meetinghouse ng Simbahan.
-
Magpatotoo tungkol sa templo, at kantahin nang sabay-sabay ang isang awit tungkol sa templo, tulad ng “Templo’y Ibig Makita” (Aklat ng mga Awit Pambata, 99). Anyayahan ang mga bata na idrowing ang kanilang sarili na papunta sa templo.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Doktrina at mga Tipan 88:68, 74
Malilinis ako ni Jesucristo mula sa kasalanan.
Ang ibig sabihin ng mapabanal ay magawang malinis at dalisay. Paano mo maipapaunawa sa mga batang tinuturuan mo na maaari silang mapabanal kapag sinundan nila si Jesucristo?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang isang bata na basahin nang malakas ang Doktrina at mga Tipan 88:68 at ipabasa sa isa pa ang talata 74. Hilingin sa mga bata na makinig para sa isang pariralang nasa dalawang talatang ito. Paano natin “pinababanal” ang ating sarili? (Kung kailangan, tulungan ang mga bata na hanapin ang “Pagpapabanal” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.) Magdrowing ng isang puso, isang kamay, at isang paa sa pisara. Tulungan ang mga bata na isipin kung ano ang maaaring kahulugan ng “dalisayin” at “linisin” ang ating puso, kamay, at paa. Paano tayo tinutulungan ng Tagapagligtas na gawin ito? Paano natin magagamit ang ating puso, kamay, at paa para maging higit na katulad ni Jesus?
-
Ipaliwanag na nais ng Panginoon na mapabanal ang Kanyang mga tao bago sila makapasok sa templo. Isiping anyayahan ang isang kabataang lalaki o babae na may temple recommend na bumisita sa klase. Anyayahan siyang ipakita sa mga bata kung ano ang hitsura ng isang recommend, talakayin kung ano ang ginagawa nila para mamuhay nang marapat para dito, at ibahagi kung bakit mahalagang magkaroon ng temple recommend kahit na hindi malapit ang ating tirahan sa templo.
Doktrina at mga Tipan 88:77–80, 118
Nais ng Ama sa Langit na matuto ako.
Matutulungan mo ang mga bata na maunawaan na ang pag-aaral tungkol sa espirituwal at temporal na mga bagay ay maghahanda sa kanila na maglingkod sa Panginoon.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Isulat sa pisara ang Ano, Bakit, at Paano. Anyayahan ang mga bata na basahin ang Doktrina at mga Tipan 88:77–79 nang magkakapares at gumawa ng listahan kung ano ang nais ng Panginoon na matutuhan natin. Pagkatapos ay hilingin sa kanila na saliksikin ang talata 80 para malaman kung bakit gusto Niya tayong matuto. Pagkatapos ay maaari nilang saliksikin ang talata 118 para malaman kung paano tayo dapat matuto. Ano ang natututuhan natin mula sa mga talatang ito kung ano ang tingin ng Panginoon sa edukasyon at pagkatuto?
-
Magdispley ng isang mapa ng mundo, at sama-samang basahin ang Doktrina at mga Tipan 88:79. Bakit mahalagang pag-aralan natin ang iba pang mga bansa at kultura? Kung ikaw o ang mga batang tinuturuan mo ay nakabisita o nakapanirahan na sa ibang bansa, magpakita ng mga bagay na kumakatawan sa kultura nito, at ibahagi ang mga bagay na natutuhan mo.
Doktrina at mga Tipan 88:119–26
“Magtayo … ng isang bahay ng Diyos.”
Ang mga tagubilin ng Panginoon tungkol sa “bahay ng Diyos” ay maaaring maging isang kapaki-pakinabang na gabay para sa atin habang itinatatag natin ang ating buhay at ang ating tahanan.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na pumili ng pitong salita na naglalarawan sa kanilang tahanan o sa isa pang tahanan na nabisita nila. Pagkatapos ay hilingin sa kanila na basahin ang Doktrina at mga Tipan 88:119 at hanapin ang pitong salitang ginagamit ng Panginoon para ilarawan ang Kanyang bahay. Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga paraan para gawin nilang isang “bahay ng Diyos” ang kanilang tahanan.
-
Bigyan ang bawat bata ng isang parirala mula sa Doktrina at mga Tipan 88:119–26 na maidodrowing nila. Kapag ipinakita na nila ang kanilang mga larawan sa isa’t isa, hayaang saliksikin ng mga bata ang mga talata para hulaan kung anong parirala ang kinakatawan ng bawat larawan.
-
Isulat sa pisara ang Gawin at Huwag Gawin. Anyayahan ang mga bata na basahin ang Doktrina at mga Tipan 88:119–26 at ilista ang mga bagay na nais ng Panginoon na gawin o huwag gawin ng mga Banal para makapaghanda silang matuto sa templo. Maaari nilang hanapin ang di-pamilyar na mga salita sa diksyonaryo. Anyayahan ang mga bata na pumili ng isang bagay na sisimulan nilang gawin o isang bagay na titigilan nilang gawin.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Anyayahan ang mga bata na isulat o idrowing ang isang bagay na natutuhan nila na gusto nilang ibahagi sa kanilang pamilya.