“Hulyo 26–Agosto 1. Doktrina at mga Tipan 84: ‘Ang Kapangyarihan ng Kabanalan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Hulyo 26–Agosto 1. Doktrina at mga Tipan 84,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2021
Hulyo 26–Agosto 1
Doktrina at mga Tipan 84
“Ang Kapangyarihan ng Kabanalan”
Habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 84, anong mga katotohanan ang nahihikayat kang bigyang-diin sa mga batang tinuturuan mo? Itala ang mga ideya na dumarating sa iyo na mula sa Espiritu Santo.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Anyayahan ang mga bata na ibahagi ang nalalaman nila tungkol sa priesthood. Maaari kang magdispley ng larawan ng isang taong binabasbasan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng priesthood, tulad ng Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 103–10, at itanong sa mga bata kung paano pinagpapala ng priesthood ang mga pamilya.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Doktrina at mga Tipan 84:19–22, 26–27
Ang priesthood ay ang kapangyarihan ng Diyos.
Alam ba ng mga batang tinuturuan mo ang mga layunin ng priesthood? Sa Doktrina at mga Tipan 84, inihayag ng Panginoon ang isang layunin: para tulungan tayong makabalik sa Ama sa Langit.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 84:20, at hilingin sa mga bata na tumayo kapag narinig nila ang salitang “mga ordenansa.” Para maipaunawa sa kanila kung ano ang isang ordenansa, magdispley ng mga larawan ng ilang ordenansa ng priesthood, tulad ng nasa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 103–8, at hilingin sa mga bata na ilarawan ang nangyayari sa bawat larawan (tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Ordenansa, Mga,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org). Ipaliwanag na ibinigay ng Ama sa Langit ang mga ordenansang ito para tulungan tayong makabalik para makapiling Siya.
-
Hayaang kulayan ng mga bata ang pahina ng aktibidad. Habang ginagawa nila ito, ipaliwanag ang iba’t ibang ordenansa ng priesthood na makikita sa pahina at kung bakit ka nagpapasalamat para sa mga ordenansang iyon.
Ako ay kaibigan ni Jesus kapag sumusunod ako sa Kanya.
Paano mo maipapaalam sa mga bata na mahal tayo ng Tagapagligtas nang higit pa kaysa sa isang matalik na kaibigan?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magdispley ng isang larawan ng Tagapagligtas habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 84:77. Anyayahan ang mga bata na ituro ang larawan ng Tagapagligtas tuwing maririnig nila ang salitang “mga kaibigan.” Ipaliwanag na kapag sinisikap nating sundin ang mga kautusan, ipinapakita natin kay Jesus na mahal natin siya. Ibahagi kung ano ang kahulugan sa iyo ng maging kaibigan si Jesus.
-
Tulungan ang mga bata na maglista ng ilang bagay na magagawa nila para ipakita sa kanilang mga kaibigan na mahal nila sila. Ano ang ginawa ni Jesus para ipakita sa atin na Siya ay ating kaibigan? Ano ang magagawa natin para ipakita sa Tagapagligtas na tayo ay Kanyang mga kaibigan? Kantahin nang sabay-sabay ang isang awit tungkol kay Jesus, tulad ng “Si Jesus ay Mapagmahal na Kaibigan” (Aklat ng mga Awit Pambata, 37).
Tinutulungan ng Ama sa Langit ang Kanyang mga missionary.
Ang ideya ng pagiging missionary balang araw ay maaaring kapana-panabik ngunit nakakatakot din para sa ilang bata. Maituturo sa kanila ng Doktrina at mga Tipan 84:88 kung paano tinutulungan ng Ama sa Langit ang mga isinusugo Niya para ipangaral ang Kanyang ebanghelyo.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga missionary na kilala nila. Sabihin sa kanila na gumawa ang Ama sa Langit ng espesyal na pangako para sa mga missionary. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 84:88, at tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga galaw na tutugma sa mga pangako sa talatang ito. Ikuwento ang isang pagkakataon na ikaw ay naglilingkod sa Panginoon at nadama mo na Siya ay kasama mo, tulad ng inilarawan sa talata 88.
-
Ibahagi ang kuwento ng apat na taong gulang na batang lalaki sa mensahe ni Elder Takashi Wada na “Pagpapakabusog sa mga Salita ni Cristo” (Ensign o Liahona, Mayo 2019, 38–40). Tulungan ang bawat bata na mag-isip ng isang bagay na maaari nilang sabihin para maibahagi ang kanilang patotoo sa iba—tulad ng pagbabahagi ng isang saligan ng pananampalataya. Hilingin sa bawat bata na magkunwaring nagbabahagi sila ng ebanghelyo sa isang kaibigan. Magpatotoo na tinutulungan tayo ng Ama sa Langit na malaman kung ano ang ating sasabihin kapag nakikipag-usap tayo sa iba tungkol sa ebanghelyo.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Doktrina at mga Tipan 84:4–5, 18–28, 30
Ang mga ordenansa ng priesthood ay tumutulong sa akin na maghandang makapiling muli ang Ama sa Langit.
Sa kanilang paglaki, ang mga batang tinuturuan mo ay makikibahagi sa iba pang mga ordenansa ng priesthood, kabilang na ang binyag at kumpirmasyon para sa mga patay sa templo. Paano mo sila matutulungan na maunawaan ang mga layunin at kapangyarihan ng mga ordenansa ng priesthood?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Isulat ang Aaronic Priesthood at Melchizedek Priesthood sa pisara. Basahin nang sabay-sabay ang Doktrina at mga Tipan 84:18, 26–28, 30, at tulungan ang mga bata na ilista ang mga katotohanang natutuhan nila tungkol sa Aaronic Priesthood mula sa mga talatang ito. Basahin nang sabay-sabay ang Doktrina at mga Tipan 84:18–25, at ilista ang mga katotohanan tungkol sa Melchizedek Priesthood.
-
Anyayahan ang mga bata na ilista ang mga ordenansa ng priesthood na nagawa o nasaksihan na nila, tulad ng binyag, kumpirmasyon, mga basbas ng priesthood, o sakramento. Hilingin sa kanila na ibahagi ang kanilang mga karanasan sa mga ordenansang ito. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 84:20 nang magkakasama (tulungan silang maunawaan ang mga hindi pamilyar na salita). Bakit tayo inaanyayahan ng Panginoon na makibahagi sa mga ordenansa? Paano tayo tinutulungan ng priesthood na makabalik sa Ama sa Langit?
-
Lumikha ng isang puzzle mula sa isang larawan ng templo. Basahin sa mga bata ang Doktrina at mga Tipan 84:5, at hilingin sa kanila na pakinggan kung ano ang iniutos ng Panginoon sa mga Banal na dapat nilang itayo. Bigyan ang bawat bata ng isang piraso ng puzzle, at sabihin sa kanila na magbahagi ng isang bagay na magagawa nila para maging handa sa pagpasok sa templo.
Doktrina at mga Tipan 84:64–72, 81–88
Pinoprotektahan at pinalalakas ng Panginoon ang mga missionary.
Ang mga talatang ito ay naglalaman ng mga ipinangako ng Panginoon sa mga tinawag Niya na mangaral ang ebanghelyo. Ang pangakong ito ay makapagbibigay-inspirasyon din sa mga bata habang ibinabahagi nila ang ebanghelyo ni Jesucristo sa iba.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Pagpartner-partnerin ang mga bata, at bigyan ang bawat magkapartner ng ilang talata mula sa Doktrina at mga Tipan 84:64–72, 81–88. Anyayahan silang hanapin ang mga pangakong ibinigay ng Panginoon sa mga taong nagbabahagi ng ebanghelyo. Hilingin sa kanila na ibahagi sa klase ang mga natutuhan nila. Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga taong kakilala nila, o mga tao sa mga banal na kasulatan, na tumanggap ng tulong ng Panginoon habang nangangaral ng ebanghelyo (tulad ni Samuel ang Lamanita [tingnan sa Helaman 13:2–4; 16:6–7.] o ni Ammon [tingnan sa Alma 17:32–38]). Magbahagi ng isang karanasan nang nadama mong sinuportahan ka ng Panginoon habang naglilingkod ka sa Kanya.
-
Magdala ng mga tasa o iba pang katulad na mga lalagyan sa klase. Isulat sa mga piraso ng papel ang mga paraan na maaaring maging mga missionary ang mga bata ngayon, at ilagay ang bawat piraso ng papel sa isang tasa. Pagdikit-dikitin ang mga tasa sa sahig nang nakatihaya. Anyayahan ang mga bata na magsalitan sa paghahagis ng isang maliit na bagay sa isa sa mga tasa at pagkatapos ay iaarte nila ang nakasulat sa papel sa tasang iyon. Paano tayo matutulungan ng Ama sa Langit kapag ibinabahagi natin ang ebanghelyo sa iba, kahit na mahirap ito o kinakabahan tayo?
-
Tulungan ang mga bata na makita na tayong lahat ay mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw dahil sa gawaing misyonero—maaaring ang mga missionary ay nagturo ng ebanghelyo sa atin, sa ating mga magulang, o sa ating mga ninuno. Sabihin sa mga bata kung paano ka tinulungan ng mga missionary o ang iyong mga ninuno na tanggapin ang ebanghelyo. Bigyan ng pagkakataon ang mga bata na magbahagi ng mga karanasang katulad nito. Hikayatin silang itanong sa kanilang mga magulang kung paano nalaman ng mga unang miyembro ng Simbahan sa kanilang pamilya ang tungkol sa ebanghelyo.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Anyayahan ang mga bata na gumawa ng isang bagay sa linggong ito para maibahagi ang ebanghelyo sa isang tao sa kanilang tahanan o sa isang kaibigan. Hikayatin silang humingi ng tulong sa Ama sa Langit at bantayan ang mga ginagawa Niya para matulungan sila.