“Hulyo 19–25. Doktrina at mga Tipan 81–83: Siya na ‘Binigyan ng Marami ay Marami ang Hihingin,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Hulyo 19–25. Doktrina at mga Tipan 81–83,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2021
Hulyo 19–25
Doktrina at mga Tipan 81–83
Siya na “Binigyan ng Marami ay Marami ang Hihingin”
Paano matutulungan ng mga paghahayag sa Doktrina at mga Tipan 81–83 ang mga batang tinuturuan mo na gumawa ng mabuti sa kanilang pamilya at mga kaibigan?
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng isang bagay na ginawa nila para tulungan ang isang tao sa linggong ito. Paano nakakatulong sa atin ang paglilingkod sa iba na maging katulad ng ating Tagapagligtas?
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Dapat akong manalangin palagi.
Nang tawagin ng Panginoon si Frederick G. Williams na maging tagapayo ni Propetang Joseph Smith, pinayuhan Niya si Frederick na maging “matapat … manalangin tuwina.”
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin sa mga bata ang payo ng Panginoon na maging “matapat … manalangin tuwina, isinasatinig at sa iyong puso, sa madla at sa pansarili” (Doktrina at mga Tipan 81:3). Ipaliwanag ang ibig sabihin ng manalangin sa ating puso, at magbahagi ng isang personal na halimbawa. Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga pagkakataon na maaari silang manalangin “sa madla at sa pansarili.”
-
Turuan ang mga bata kung paano manalangin. Bigyang-diin na maaari silang magpasalamat sa Ama sa Langit para sa kanilang mga pagpapala at makakahiling sila sa Kanya ng mga kailangan nila. Ang isang awit tungkol sa panalangin, tulad ng “Salamat, Ama Ko” (Aklat ng mga Awit Pambata, 9), ay makakatulong sa mga bata na malaman kung ano ang dapat sabihin sa kanilang mga panalangin. Bigyan ng pagkakataon ang bawat bata na mag-alay ng maikling panalangin.
-
Hilingin sa mga bata na mag-isip ng mga bagay na maaari nilang pasalamatan o hilingin sa Ama sa Langit. Ipadrowing sa kanila ang mga bagay na ito at ipabahagi ang mga ito sa klase.
Doktrina at mga Tipan 81:5; 82:19
Makapaglilingkod ako sa mga taong nasa paligid ko.
Alam ng Ama sa Langit ang mga pangangailangan ng bawat isa sa Kanyang mga anak, at madalas ay gumagamit Siya ng ibang mga tao—tulad ng mga batang tinuturuan mo—para tumulong na matugunan ang mga pangangailangang iyon. Paano mo matutulungan ang mga bata na mapansin ang mga pangangailangan ng iba at maglingkod sa kanila?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 81:5 sa mga bata, at ipaunawa sa kanila ang mga pariralang tulad ng “tulungan ang mahihina” at “itaas ang mga kamay na nakababa.” Ipaakto sa kanila ang mga paraan na magagawa natin ang hinihiling ng Panginoon sa talatang ito. Gumamit ng mga larawan o video sa pagsasalaysay ng mga simpleng kuwento tungkol sa paglilingkod ni Jesucristo sa iba (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 41, 42, 46, 47, 55; biblevideos.ChurchofJesusChrist.org). Paano natin matutularan ang halimbawa ng Tagapagligtas sa pagtulong sa iba?
-
Kantahin ang ikaapat na taludtod ng “Aking Nadarama ang Pag-ibig ni Cristo,” (Aklat ng mga Awit Pambata, 42–43) o isa pang awit tungkol sa paglilingkod. Ikuwento ang isang pagkakataon na may nagpadama sa iyo ng pagmamahal ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng paglilingkod sa iyo.
-
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 82:19 sa mga bata, na binibigyang-diin ang pariralang “hinahangad ang kapakanan ng kanyang kapwa.” Ipaliwanag na ang ibig sabihin nito ay paggawa ng mga bagay na makakatulong sa ating kapwa—kabilang na ang ating pamilya. Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga paraan na mapaglilingkuran nila ang isang tao ngayong linggo.
Nangangako ang Diyos ng mga pagpapala kapag sumusunod ako sa Kanya.
Habang lumalaki sila, maaaring magtaka ang mga bata kung bakit binibigyan tayo ng Diyos ng napakaraming kautusan. Maipapaunawa mo sa mga bata na binibigyan Niya tayo ng mga kautusan para pagpalain tayo.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga kautusan na naibigay ng Diyos sa atin (tingnan, halimbawa, ang Exodo 20:4–17; Mateo 22:37–39; Doktrina at mga Tipan 89:5–17). Magdrowing ng mga larawan sa pisara para maipaunawa at maipaalala sa mga bata ang mga kautusang ito. Magbigay ng mga halimbawa kung paano tayo maaaring pagpalain at protektahan ng mga utos ng Diyos.
-
Basahin sa mga bata ang “Ako, ang Panginoon, ay nakatali kapag ginawa ninyo ang aking sinabi” (Doktrina at mga Tipan 82:10). Hilingin sa mga bata na ulitin ninyo ang pariralang ito nang ilang beses, at mag-isip ng mga paraan para matulungan silang maalala ito, tulad ng pag-anyaya sa kanila na pumalakpak sa ritmo ng parirala. Magpatotoo na kapag sinusunod natin ang mga utos ng Diyos, tinutupad Niya ang Kanyang mga pangako sa atin.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Maaari akong manalangin nang “isinasatinig at sa [aking] puso.”
Paano mo mahihikayat ang mga bata na bumaling sa Panginoon at “manalangin tuwina” kapag sila ay nangangailangan?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang isang bata na basahin ang Doktrina at mga Tipan 81:3, at itanong sa mga bata kung ano ang ibig sabihin ng manalangin “sa [inyong] puso.” Magbahagi ng isang karanasan kung kailan ay nanalangin ka nang malakas o sa iyong puso at tinulungan ka ng Panginoon. Hilingin din sa mga bata na magbahagi ng sarili nilang mga karanasan. Paano tayo mas mailalapit ng panalangin sa Ama sa Langit ?
-
Basahin o kantahin ninyo ng mga bata ang isang himno tungkol sa panalangin, tulad ng “Naisip bang Manalangin?” o “Dalanging Taimtim” (Mga Himno, blg. 82, 86). Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng isang parirala mula sa himno na nagpapaunawa sa kanila ng isang bagay tungkol sa panalangin. Bigyan sila ng panahong pagnilayan kung ano ang magagawa nila para mapahusay ang kanilang mga panalangin at pagkatapos ay isulat ang kanilang mga ideya.
Nais ng Diyos na paglingkuran at palakasin ko ang mga taong nangangailangan.
Ipaunawa sa mga bata na maraming paraan para mapaglingkuran nila ang kanilang pamilya, mga kaibigan, at mga kapitbahay araw-araw.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magdrowing ng mga kamay at tuhod sa pisara. Hilingin sa mga bata na basahin ang Doktrina at mga Tipan 81:5 para malaman kung ano ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa mga bahaging ito ng katawan. Ibahagi kung paano ninyo nakita ng mga bata ang mga tao na naglilingkod sa isa’t isa. Paano natin mas mapapansin ang mga taong nangangailangan sa ating paligid? Anyayahan ang mga bata na maglingkod sa isang tao o higit pa sa linggong ito. Para sa mga ideya tungkol sa mga paraan para mapaglingkuran ang iba, kantahin ang isang awit tungkol sa paglilingkod, tulad ng “Ako Ba’y May Kabutihang Nagawa?” (Mga Himno, blg. 135).
-
Anyayahan ang mga bata na magsalitan sa pagtatayo ng mga domino (o mga bagay na katulad nito) habang bumabanggit ng mga paraan na mapaglilingkuran nila ang iba. Hilingin sa isang bata na itumba ang isang domino at pansinin kung paano ito nakakaapekto sa iba. Paano maaaring magkaroon ng epektong katulad nito ang ating paglilingkod sa mga tao sa ating paligid? Ikuwento kung paano ka nahikayat ng mapagmahal na paglilingkod ng isang tao na maglingkod sa iba.
Nangangako ng mga pagpapala ang Diyos kapag sinusunod ko Siya.
Kapag nagkaroon ng tiwala ang mga bata sa mga pangako ng Diyos, lalo silang magiging handang sundin ang Kanyang mga utos.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na isipin na kunwari ay may kaibigan sila na iniisip na nagbigay ang Diyos ng napakaraming kautusan. Hilingin sa kanila na saliksikin sa Doktrina at mga Tipan 82:8–10 ang isang bagay na magpapaunawa sa kanilang kaibigan kung bakit nagbibigay ng mga kautusan ang Diyos. Ibahagi kung paano ka napagpala ng mga utos ng Diyos, at anyayahan ang mga bata na ibahagi rin ang kanilang mga iniisip.
-
Para maipaunawa sa mga bata ang mga pangako sa atin ng Ama sa Langit, hatiin ang klase sa tatlong grupo, at bigyan ang bawat grupo ng isa sa sumusunod na mga talata para basahin: Doktrina at mga Tipan 1:37–38; 82:10; 130:20–21. Anyayahan silang ibahagi ang natutuhan nila tungkol sa mga pangako ng Ama sa Langit. Paano naaapektuhan ng ating pagsunod ang mga pagpapalang maaari nating matanggap? Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga halimbawa mula sa kanilang buhay o sa mga banal na kasulatan kung kailan naghatid ng mga pagpapala ng Diyos ang pagsunod.
-
Magbahagi ng isang personal na karanasan na nagpapatotoo sa mga alituntuning itinuturo sa Doktrina at mga Tipan 82:8–10. Paano ka natutong magtiwala sa Panginoon at sa Kanyang mga pangako?
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Anyayahan ang mga bata na mag-isip kung paano nila paglilingkuran ang isa sa kanilang kapamilya sa linggong ito. Sa lesson sa susunod na linggo, hayaan silang ibahagi ang kanilang ginawa.