“Hulyo 12–18. Doktrina at mga Tipan 77–80: ‘Akin Kayong Aakayin,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Hulyo 12–18. Doktrina at mga Tipan 77–80,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2021
Hulyo 12–18
Doktrina at mga Tipan 77–80
“Akin Kayong Aakayin”
Habang pinag-aaralan mo ang Doktrina at mga Tipan 77–80, hanapin ang mga parirala o talata na mas magpapaunawa sa mga bata ng mga alituntunin ng ebanghelyo. Huwag mag-atubiling ibahagi ang mga talatang nahanap mo, kahit hindi itinampok ang mga ito sa mga aktibidad sa ibaba.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng mga bagay na pinasasalamatan nila. Ano ang ginagawa nila at ng kanilang pamilya para ipakita sa Ama sa Langit na nagpapasalamat sila para sa Kanyang mga pagpapala?
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Nilikha ng Diyos ang bawat nilalang sa mundo.
Ang pag-aaral tungkol sa mga bagay na nilikha ng Diyos ay magpapadama sa mga bata ng Kanyang pagmamahal para sa kanila.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magpakita sa mga bata ng mga larawan ng mga hayop, kabilang na ang mga insekto at ibon. Habang binabasa mo ang mga salitang “mga hayop,” “mga gumagapang na hayop,” at “mga ibon ng himpapawid” mula sa Doktrina at mga Tipan 77:2, anyayahan ang mga bata na ituro ang kaugnay na mga larawan. Magpatotoo na nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay na ito dahil mahal Niya tayo at nais Niya tayong maging masaya (tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 59:16–20).
-
Kantahin ninyo ng mga bata ang isang awit tungkol sa mga nilikha ng Diyos, tulad ng “Ako ay Mahal ng Aking Ama sa Langit” (Aklat ng mga Awit Pambata, 16–17). Itanong sa mga bata kung paano ipinadarama ng mga bagay na kinakanta nila ang pagmamahal ng Diyos.
Maibabahagi ko sa iba ang mga bagay na mayroon ako.
Nais ng Ama sa Langit na bukas-palad nating ibahagi ang ating mga pagpapala sa isa’t isa para tayo ay maging “pantay sa mga bagay sa lupa” at “mga bagay na makalangit” (talata 6).
Mga Posibleng Aktibidad
-
Para maituro ang ibig sabihin ng maging “pantay sa mga bagay sa lupa” (talata 6), bigyan ang mga bata ng mga larawan ng mga taong nangangailangan (tulad ng mga taong gutom, nasaktan, o giniginaw). Pagkatapos ay bigyan ang ibang mga bata ng mga bagay na makakatulong (tulad ng pagkain, benda, o kumot). Anyayahan ang mga batang ito na ibahagi kung ano ang mayroon sila para matulungan ang mga taong nasa mga larawan. Bigyan ng pagkakataon ang iba pang mga bata na magbahagi. Ipaunawa sa mga bata na nais ng Ama sa Langit na lahat ng Kanyang anak ay magkaroon ng kailangan nila, at para magawa ito madalas Niya tayong pinakikiusapang ibahagi sa iba kung ano ang mayroon tayo.
-
Basahin sa mga bata ang mga pangungusap sa ilalim ng unang dalawang larawan ng “Kabanata 28: Ang Propetang Joseph ay Nagpuntang Muli sa Missouri” (Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 108). Hilingin sa mga bata na magkunwaring tinutulungan nila ang isang tao na magtayo ng bahay, namimigay sila ng pagkain, o naglilingkod sila sa ibang paraan. Ano ang pakiramdam natin kapag tumutulong at nagbabahagi tayo? Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga bagay na ibinabahagi sa atin ni Jesucristo.
Aakayin ako ni Jesucristo.
Kung handa tayong pahintulutan ang Panginoon na “[akayin tayo],” tayo ay maaaring “magalak,” kahit na may mga bagay na “hindi [natin] mababata … ngayon” (talata 18).
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng mga pagkakataon kung kailan sila ay naging lider, tulad ng mapunta sa harapan ng isang pila o pagkumpas sa musika. Ano ang ginagawa ng isang lider? Magpakita ng isang larawan ng Tagapagligtas habang binabasa mo ang sumusunod na parirala mula sa Doktrina at mga Tipan 78:18: “Magalak, sapagkat akin kayong aakayin.” Gamitin ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito para matulungan ang mga bata na mag-isip ng mga paraan na masusundan natin ang Tagapagligtas.
-
Anyayahan ang mga bata na sundan si Jesus, at akayin sila sa paligid ng silid habang hawak mo ang isang larawan Niya. Habang ginagawa ninyo ito, kantahin nang sabay-sabay ang isang awit tungkol sa pagsunod kay Jesucristo, tulad ng “Sinisikap Kong Tularan si Jesus” o “Piliin ang Tamang Landas” (Aklat ng mga Awit Pambata, 40–41, 82–83). Bigyan ng pagkakataon ang mga bata na magsalitan sa paghawak ng larawan at pamumuno sa iba pang mga bata.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Maaari akong makatanggap ng mga sagot sa aking mga tanong tungkol sa mga banal na kasulatan.
Ang pagtuturo sa mga bata kung paano hinanap ni Joseph Smith ang mga sagot sa kanyang mga tanong ay makakatulong sa kanila na malaman na sasagutin sila ng Ama sa Langit kapag humingi sila ng Kanyang patnubay. Isiping magbahagi ng mga karanasan kung kailan nakatanggap ka ng mga sagot mula sa Kanya.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin sa mga bata ang mga salita sa ilalim ng unang tatlong larawan ng “Kabanata 27: Ang Gawain ng Propetang Joseph Smith” (Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 104). Itanong sa mga bata kung nadama na nila, tulad ni Joseph, na hindi nila naunawaan ang isang bagay sa mga banal na kasulatan. Hayaan silang ibahagi ang kanilang mga karanasan. Ano ang ginawa ni Joseph para makahanap ng mga sagot? Ikuwento sa mga bata ang isang pagkakataon na ipinaunawa sa iyo ng Ama sa Langit ang isang bagay sa mga banal na kasulatan.
-
Maaaring masiyahan ang mga batang tinuturuan mo na basahin ang ilan sa mga talata sa aklat ng Apocalipsis na nagkaroon ng mga tanong si Joseph Smith. Pagkatapos ay maaari nilang hanapin sa Doktrina at mga Tipan 77 ang nais ipaunawa sa kanya ng Panginoon. Pumili ng ilang talata na sa tingin mo ay magiging makabuluhan.
Makakatulong akong “isulong ang adhikain” ni Jesucristo.
Sa bahagi 78, nagbigay ng partikular na mga tagubilin ang Panginoon sa ilang pinuno ng Simbahan na tutulong sa kanila na “isulong ang adhikain” ng Panginoon (talata 4). Tulungan ang mga bata na isipin kung ano ang maaaring maging mga tungkulin nila sa pagsusulong ng adhikain ng Panginoon.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Hilingin sa mga bata na basahin ang Doktrina at mga Tipan 78:4. Ano ang “adhikain” na ating “niyakap” (tinanggap o piniling suportahan) nang mabinyagan tayo? Hikayatin silang tumingin sa mga talata sa banal na kasulatan na tulad ng mga ito para sa posibleng mga sagot: Mosias 18:8–10; Doktrina at mga Tipan 20:37; Moises 1:39.
-
Ipaliwanag sa mga bata na si Newel K. Whitney ay nagmamay-ari ng isang tindahan at inutusan siya ng Panginoon at ang iba pang kalalakihan na gamitin ang kaunting pera nila para makatulong na mabayaran ang gawain ng Panginoon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 63:42–43). Anyayahan silang basahin ang Doktrina at mga Tipan 78:3–7 at hanapin ang mga dahilan kung bakit ito ipinagawa sa kalalakihang ito. Ano kaya ang madarama natin kung hinilingan tayong magbahagi na tulad ni Newel? Tulungan silang mag-isip ng mga paraan na nag-aambag ang mga tao sa gawain ng Panginoon sa ating panahon, tulad ng pagbabayad ng ikapu at mga handog-ayuno, paglilingkod sa mga tungkulin, at marami pang iba.
Dapat kong tanggapin ang “lahat ng bagay nang may pasasalamat.”
Kadalasan ay mas pinagpapala tayo ng Panginoon kung tayo ay nagpapasalamat sa mga naibigay na Niya sa atin. Paano mo matutulungan ang mga batang tinuturuan mo na maging mapagpasalamat para sa kanilang mga pagpapala?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Hilingin sa mga bata na basahin ang Doktrina at mga Tipan 78:19 at hanapin kung ano ang ipinapangako ng Panginoon sa mga taong mapagpasalamat. Ipaunawa sa mga bata ang kahulugan ng “isandaang ulit,” marahil ay sa pamamagitan ng pagpapakita ng isang maliit na bagay at pagkatapos ay pagpapakita ng 100 piraso ng bagay na iyon.
-
Bigyan ng oras ang mga bata na ilista ang mga bagay na pinasasalamatan nila. Hikayatin silang maglista nang maglista hangga’t kaya nila sa oras na ibinigay mo sa kanila.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Isiping kausapin ang mga magulang ng mga batang tinuturuan mo at magmungkahi ng maitatanong nila sa kanilang mga anak tungkol sa isang bagay na natutuhan nila sa klase.