“Hulyo 5–11. Doktrina at mga Tipan 76: ‘Dakila ang Kanilang Gantimpala at Walang Hanggan ang Kanilang Kaluwalhatian,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Hulyo 5–11. Doktrina at mga Tipan 76,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2021
Hulyo 5–11
Doktrina at mga Tipan 76
“Dakila ang Kanilang Gantimpala at Walang Hanggan ang Kanilang Kaluwalhatian”
Habang pinag-aaralan mo ang Doktrina at mga Tipan 76, pagnilayan kung ano ang nais ng Ama sa Langit na malaman ng mga bata sa iyong klase tungkol sa Kanya, sa Tagapagligtas, sa kanilang sarili, at sa kanilang walang-hanggang tadhana.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Magpakita sa mga bata ng mga larawan o mga pahina ng aktibidad sa outline para sa linggong ito o sa nakaraang mga outline. Hayaan silang sabihin sa iyo kung ano ang nakikita nila sa mga larawang ito at kung ano ang naaalala nila na natutuhan nila mula sa mga ito.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Tayong lahat ay mga anak ng Diyos.
Sinabi ni Pangulong Dallin H. Oaks na kung ituturo natin sa “isang kabataan ang makapangyarihang ideya na siya ay anak ng Diyos,” maibibigay natin sa kanya ang “paggalang sa sarili at panghihikayat na labanan ang mga suliranin ng buhay” (“Powerful Ideas,” Ensign, Nob. 1995, 25).
Mga Posibleng Aktibidad
-
Para maipaunawa sa mga bata ang kanilang potensyal na maging katulad ng Diyos, maghanap ng mga paraan para ipakita sa kanila na ang mga sanggol na hayop ay lumalaki at nagiging katulad ng kanilang mga magulang—marahil ay maaaring itugma ng mga bata ang mga larawan ng mga hayop sa mga larawan ng mga sanggol na hayop. Buklatin ang mga banal na kasulatan sa Doktrina at mga Tipan 76:24, at sabihin sa mga bata na tayong lahat ay mga “anak na lalaki at babae ng Diyos.” Magpatotoo na ang Diyos ay ating Ama at na maaari tayong lumago upang maging katulad ng ating mga Magulang sa Langit.
-
Kantahin nang sabay-sabay ang “Ako ay Anak ng Diyos” (Aklat ng mga Awit Pambata, 2–3), at anyayahan ang mga bata na ituro ang kanilang sarili kapag kinanta nila ang “Ako.” Hilingin sa kanila na muling kantahin ang awit, na pinapalitan ang “Ako” ng “ikaw” habang nakaturo sa ibang tao sa klase.
Doktrina at mga Tipan 76:40–42
Si Jesucristo ang Tagapagligtas ng mundo.
Ang ibig sabihin ng salitang ebanghelyo ay mabuting balita. Ang mabuting balitang hatid ng ebanghelyo ay na si Jesucristo “ay pumarito sa daigdig … [para] linisin ito mula sa lahat ng kasamaan” (talata 41).
Mga Posibleng Aktibidad
-
Sabihin sa mga bata ang isang mabuting balitang narinig mo kamakailan. Hilingin sa kanila na magbahagi ng mabuting balitang narinig nila. Pagkatapos ay ibahagi sa kanila ang mabuting balita ng ebanghelyo sa pamamagitan ng pagbasa sa Doktrina at mga Tipan 76:41–42. Itanong sa mga bata kung ano ang ipinadarama sa kanila ng mabuting balitang ito. Ibahagi sa kanila ang kagalakang dulot ng mabuting balitang ito sa iyo.
-
Magpakita ng isang larawan ni Jesucristo. Itanong sa mga bata kung alam nila kung ano ang ginawa ni Jesucristo para sa atin. Magpakita sa mga bata ng isang bagay na marumi at isang bagay na malinis (gaya ng puting panyo o papel), at ipaliwanag na ang kasalanan ay parang dumi sa ating espiritu, ngunit pumarito si Jesucristo upang tulungan tayong maging malinis na muli.
Nais ng Ama sa Langit na makabalik ako upang makapiling Siya magpakailanman.
Ang pangitain nina Joseph Smith at Sidney Rigdon tungkol sa kahariang selestiyal ay naghayag ng mga dakilang pagpapala na naihanda ng Diyos para sa Kanyang mga anak, gayundin ng mga bagay na kailangan nating gawin para matanggap ang mga pagpapalang iyon.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ikuwento sa mga bata ang tatlong kaharian ng kaluwalhatian na nakita nina Joseph at Sidney sa kanilang pangitain. (Maaari mong basahin sa mga bata ang bahagi o ang buong “Kabanata 26: Ang Tatlong Kaharian sa Langit” [Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 97–103] o ipakita ang katumbas na video sa ChurchofJesusChrist.org.) Itanong sa mga bata kung ano ang gusto nila tungkol sa pangitain. Magtuon lalo na sa paglalarawan sa kahariang selestiyal, at magpatotoo na dito nais ng Ama sa Langit na mapunta tayo.
-
Basahin sa mga bata ang Doktrina at mga Tipan 76:62, at anyayahan ang mga bata na idrowing ang kanilang sarili na kasama ang Ama sa Langit at si Jesucristo sa kahariang selestiyal.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Doktrina at mga Tipan 76:5, 41–42, 69
Si Jesucristo ang aking Tagapagligtas.
Ipaunawa sa mga bata na ang maluluwalhating pagpapalang ipinapangako ng Diyos sa matatapat sa kabilang buhay ay posible lamang dahil sa Tagapagligtas na si Jesucristo.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Isulat sa pisara ang Ano ang nagawa ni Jesucristo para sa akin? Hilingin sa bawat bata na tahimik na basahin ang talata 5, mga talata 41–42, o talata 69 sa bahagi 76, na hinahanap ang mga posibleng sagot sa tanong na nasa pisara. Hayaan silang ibahagi ang kanilang mga sagot (tingnan din sa “Isinugo, Kanyang Anak,” Aklat ng mga Awit Pambata, 20–21). Paano natin maipakikita ang ating pasasalamat sa nagawa ng Tagapagligtas para sa atin?
-
Isulat ang ikatlong saligan ng pananampalataya sa pisara, nag-iiwan ng mga patlang sa lugar ng mahahalagang salita. Ibigay sa mga bata ang nawawalang mga salitang ito sa mga piraso ng papel, at anyayahan silang ilagay ang kanilang mga salita sa mga tamang lugar sa pisara. Ano ang itinuturo sa atin ng saligang ito ng pananampalataya kung bakit kailangan natin si Jesucristo?
Doktrina at mga Tipan 76:12, 15–19, 114–16
Ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay tutulong sa akin na “maunawaan ang mga bagay-bagay ng Diyos.”
Natanggap nina Joseph Smith at Sidney Rigdon ang Doktrina at mga Tipan 76 habang pinagninilayan nila ang mga banal na kasulatan. Tulungan ang mga bata na makita kung paano maaaring mag-anyaya ng paghahayag ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Itanong sa mga bata kung alam nila ang ginagawa noon nina Joseph Smith at Sidney Rigdon nang makita nila ang pangitain sa Doktrina at mga Tipan 76. Anyayahan silang basahin ang mga talata 15–19 para malaman. Magbahagi ng isang pagkakataon na nakatanggap ka ng inspirasyon habang nagbabasa ng mga banal na kasulatan, at hilingin sa mga bata na pag-usapan ang kanilang mga espirituwal na damdamin kapag nagbabasa sila ng mga banal na kasulatan.
-
Hilingin sa mga bata na ipikit ang kanilang mga mata at subukang isagawa ang isang bagay, tulad ng pagkukulay ng isang larawan o pagbubuklat ng mga banal na kasulatan sa isang partikular na talata. Ano ang ilang bagay na mahirap gawin kapag espirituwal na nakapikit ang ating mga mata? Sama-samang basahin ang Doktrina at mga Tipan 76:12, 15–19, 114–16 para malaman kung ano ang kailangan nating gawin para mabuksan sa espirituwal na paraan ang ating mga mata.
Doktrina at mga Tipan 76:50–70
Ang Ama sa Langit ay naghanda ng isang kaharian na may kaluwalhatiang selestiyal para sa akin.
Ang kaalaman tungkol sa kaluwalhatiang selestiyal na naihanda ng Diyos ay maaaring maghikayat sa mga bata na “[mapaglabanan sa pamamagitan] ng pananampalataya” (talata 53) ang mga pagsubok at tukso na kinakaharap nila.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Kung may nagtanong sa atin ng, “Bakit ko dapat sundan si Jesucristo at sundin ang Kanyang mga kautusan?” ano ang sasabihin natin? Anyayahan ang mga bata na hanapin ang mga sagot sa Doktrina at mga Tipan 76:50–70, na naglalarawan sa mga taong tumatanggap ng buhay na walang hanggan sa kahariang selestiyal. Hayaan ang mga bata na magsadula ng pagsagot sa tanong. Magpatotoo tungkol sa mga dakilang pagpapalang naihanda ng Ama sa Langit para sa atin kung sumusunod tayo kay Jesucristo.
-
Magdrowing ng malaking araw sa isang pirasong papel, at gupit-gupitin ito para maging ilang piraso ng puzzle. Bigyan ang bawat bata ng isang piraso, kasama ang isa sa mga sumusunod na mga talatang babasahin: Doktrina at mga Tipan 76:51; 76:52; 76:53; 131:1–2. Hilingin sa mga bata na hanapin sa kanilang mga talata ang isang bagay na kailangan nating gawin para tumanggap ng buhay na walang hanggan sa kahariang selestiyal (ang ilang talata ay mayroong higit pa sa isang sagot), at isulat ito sa kanilang araw. Habang nagtutulungan silang buuin ang puzzle, ipahayag ang iyong tiwala sa kanila na sa tulong ng Tagapagligtas, magiging marapat sila sa kahariang selestiyal.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Anyayahan ang mga bata na gamitin ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito para ituro sa kanilang pamilya ang natutuhan nila tungkol sa pangitain nina Joseph Smith at Sidney Rigdon.