Doktrina at mga Tipan 2021
Hunyo 28–Hulyo 4. Doktrina at mga Tipan 71–75: “Walang Sandata na Ginawa Laban sa Inyo ang Magtatagumpay”


“Hunyo 28–Hulyo 4. Doktrina at mga Tipan 71–75: ‘Walang Sandata na Ginawa Laban sa Inyo ang Magtatagumpay,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Hunyo 28–Hulyo 4. Doktrina at mga Tipan 71–75,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2021

Larawan
si Jesus na may dalang tupa

Dear to the Heart of the Shepherd [Mahalaga sa Puso ng Pastol], ni Simon Dewey

Hunyo 28–Hulyo 4

Doktrina at mga Tipan 71–75

“Walang Sandata na Ginawa Laban sa Inyo ang Magtatagumpay”

Ang mga batang tinuturuan mo ay maraming matututuhan sa klase, ngunit mas marami silang matututuhan kung makakagawian nilang mag-aral ng mga banal na kasulatan sa bahay. Isipin kung paano mo mahihikayat at masusuportahan ang pag-aaral ng ebanghelyo sa bahay.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Larawan
icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Anyayahan ang mga bata na umupo nang pabilog sa sahig, at magpagulong ng isang bola papunta sa isa sa kanila. Hilingin sa batang iyon na magbahagi ng isang bagay na natutuhan niya kamakailan tungkol sa ebanghelyo sa bahay o sa Primary. Pagkatapos ay anyayahan ang bata na pagulungin ang bola papunta sa isa pang bata. Ulitin hanggang sa ang bawat bata ay magkaroon ng pagkakataong magbahagi ng isang bagay.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Doktrina at mga Tipan 72:2, 10

Tumawag ang Panginoon ng isang bishop para tulungan ako.

Maaaring hindi ganoon karami ang nalalaman ng maliliit na bata tungkol sa ginagawa ng kanilang bishop para paglingkuran sila at ang iba pang mga miyembro ng ward. Matutulungan mo silang pahalagahan ang paglilingkod ng kanilang bishop.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magdala ng mga bagay sa klase na kumakatawan sa mga responsibilidad ng bishop, tulad ng tithing slip, mga banal na kasulatan, o larawan ng isang bishop na nagbibigay ng payo (tingnan ang larawan sa dulo ng outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya). Basahin ang Doktrina at mga Tipan 72:2, at ipaliwanag na ang Panginoon ay tumawag ng isang bishop para tulungan tayo. Gamitin ang mga bagay na dinala mo para maipaunawa sa mga bata ang ilan sa mga bagay na ginagawa ng bishop para paglingkuran ang ward.

  • Maglakad kayo ng mga bata papunta sa opisina ng bishop (maaari kang makipag-ugnayan sa iba pang mga guro). Ilarawan sa kanila ang ilang sitwasyon na maaari nilang makausap ang bishop sa kanyang opisina (tulad ng interbyu para sa binyag o tithing settlement). Sabihin sa mga bata kung paano ka napagpala ng paglilingkod ng bishop.

  • Tulungan ang mga bata na gumawa ng mga kard na ibibigay sa bishop, na pinasasalamatan siya sa mga ginagawa niya para tumulong sa gawain ng Panginoon.

Doktrina at mga Tipan 75:3

Maaari kong ibigay ang lahat ng aking makakaya sa Panginoon.

Kahit sa murang edad, makakahanap ng kagalakan ang mga bata sa paggawa ng lahat ng kanilang makakaya para masunod ang mga utos ng Panginoon.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang bawat bata na maghalinhinan sa pagsasadula kung paano nila gagawin ang isang paglilingkod, tulad ng paglilinis ng isang silid sa simbahan o paghuhugas ng mga pinggan sa bahay. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 75:3, at hilingin sa mga bata na ipakita kung paano nila gagawin ito nang may katamaran kapag sinabi mong “[huwag] maging tamad” at ipakita kung paano magpakasipag kapag sinabi mo ang “bagkus gumawa nang buong lakas.” Bakit mahalaga na gawin natin ang lahat ng ating makakaya kapag naglilingkod tayo sa Panginoon?

  • Ibahagi sa mga bata ang mga kuwento ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf tungkol sa paggawa mula sa “Dalawang Alituntunin para sa Alinmang Pamumuhay” (Ensign o Liahona, Nob. 2009, 55–58). Ano ang pakiramdam natin kapag alam natin na nagawa natin ang lahat ng ating makakaya?

  • Kantahin ang isang awit tungkol sa pagtutulungan, tulad ng “Kung Tayo’y Tumutulong” (Aklat ng mga Awit Pambata, 108). Tulungan ang mga bata na gumawa ng mga galaw na aakma sa mga salita.

    Larawan
    mga bariles at sako ng pagkain

    Ang mga naunang miyembro ng Simbahan kung minsan ay nagbigay ng pagkain sa Simbahan para tulungan ang iba.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Doktrina at mga Tipan 71

Maipagtatanggol ko ang katotohanan sa pamamagitan ng pagbabahagi ng aking patotoo.

Hindi inaasahan ng Panginoon na tumugon ang mga bata sa mga kritiko ng Simbahan tulad ng ipinagawa Niya kina Joseph Smith at Sidney Rigdon. Ngunit maipapaunawa mo sa mga bata na ang kanilang simpleng patotoo tungkol sa katotohanan ay maaaring magkaroon ng malaking epekto sa iba.

Mga Posibleng Aktibidad

Doktrina at mga Tipan 72:8

Tumatawag ang Panginoon ng mga bishop para tulungan Siyang gawin ang Kanyang gawain.

Ang isang bishop ay maaaring magkaroon ng malakas na positibong impluwensya sa buhay ng isang bata. Ano ang magagawa mo para matulungan ang mga bata na makita ang bishop bilang kinatawan ng Panginoong Jesucristo?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipaliwanag na noong 1831, pinalipat ng Panginoon ang bishop ng Simbahan na si Edward Partridge sa Kirtland, Ohio, para maging bishop sa Independence, Missouri (tingnan sa “Kabanata 17: Ang mga Unang Obispo ng Simbahan,” Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 64–66). Basahin ninyo ng mga bata ang Doktrina at mga Tipan 72:8, at hilingin sa kanila na pakinggan kung sino ang taong tinawag ng Panginoon na maglingkod bilang bagong bishop sa Kirtland. Bakit tumatawag ng mga bishop ang Panginoon? Ibahagi sa mga bata ang isang karanasan na napagpala ka ng paglilingkod ng isang bishop.

  • Anyayahan ang mga bata na gumawa ng listahan ng ilan sa mga bagay na nakita nilang ginagawa ng bishop para tulungan ang mga tao sa ward. Hilingin sa mga bata na idrowing ang bishop na gumagawa ng isang bagay na binanggit nila. Magpatotoo na ang inyong bishop ay tinawag ng Panginoon na maging Kanyang lingkod. Bakit tayo nagpapasalamat na tumawag ang Panginoon ng isang bishop sa ating ward?

Doktrina at mga Tipan 73:3

Inutusan ng Panginoon si Joseph Smith na ipanumbalik ang mahahalagang katotohanang nawala sa Biblia.

Bilang bahagi ng kanyang tungkulin bilang propeta, inutusan ng Panginoon si Joseph Smith na gumawa ng inspiradong mga rebisyon sa Biblia. Ipinanumbalik ng mga rebisyong ito, na tinawag ng Panginoon na “pagsasalin” (Doktrina at mga Tipan 90:13), ang mahahalagang katotohanang nawala o naalis mula sa Biblia sa paglipas ng mga siglo.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipaliwanag na nang bumalik sina Joseph Smith at Sidney Rigdon mula sa isang maikling misyon malapit sa Kirtland, Ohio, ninais ng Panginoon na ipagpatuloy nilang gawin ang isang mahalagang proyekto. Anyayahan ang mga bata na basahin ang Doktrina at mga Tipan 73:3 para malaman kung ano ang proyektong iyon. Para maipaunawa sa mga bata kung ano ang nais ipasalin ng Panginoon kina Joseph at Sidney, basahin ninyo na kasama sila ang mga bahagi ng entry na “Pagsasalin ni Joseph Smith (PJS)” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.

  • Ipasa-pasa ang isang kopya ng Biblia, at payagan ang mga bata na buksan ito at tingnan kung gaano karaming pahina ang nasa loob nito. Anyayahan ang mga bata na isipin na kunwari ay inutusan silang isalin ang Biblia sa ibang wika. Ano ang tsansa na maaari silang makagawa ng ilang pagkakamali? Ipaliwanag na nang isalin o kopyahin ng mga tao ang Biblia bago ang panahon ni Joseph Smith, nakagawa sila ng ilang pagkakamali, at kung minsan ay inalis nila ang mahahalagang katotohanan. Inutusan ng Panginoon si Propetang Joseph Smith na gumawa ng inspiradong mga pagtatama. Bakit mahalaga sa atin ang ginawa ni Joseph Smith?

Larawan
icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Anyayahan ang mga bata na pumili ng isang bagay na gagawin nila dahil sa natutuhan nila ngayon, tulad ng pasasalamat sa bishop para sa kanyang paglilingkod o paghahandang ipagtanggol ang kanilang mga paniniwala sa pamamagitan ng pag-aaral ng Mga Saligan ng Pananampalataya.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Ipagamit ang mga pandamdam. “Karamihan sa mga bata (at matatanda) ay higit na natututo kapag ginagamit ang maraming pandamdam. Maghanap ng mga paraan para matulungan ang mga bata na gamitin ang kanilang mga pandamdam na paningin, pandinig, at panghipo habang nag-aaral sila” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 25).

Print