“Hunyo 21–27. Doktrina at mga Tipan 67–70: ‘Kasinghalaga … ng mga Kayamanan ng Buong Mundo,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Hunyo 21–27. Doktrina at mga Tipan 67–70,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary
Hunyo 21–27
Doktrina at mga Tipan 67–70
“Kasinghalaga … ng mga Kayamanan ng Buong Mundo”
Bago mo basahin ang mga mungkahi sa outline na ito, pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 67–70, at itala ang mga espirituwal na impresyong natatanggap mo. Ang mga impresyong ito ay makakatulong sa iyo na lumikha ng isang inspiradong plano sa pagtuturo. Pagkatapos ay dagdagan ang planong iyon ng mga ideya mula sa outline na ito, mula sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya, o mula sa mga magasin ng Simbahan.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Anyayahan ang mga bata na magdrowing ng isang bagay na natutuhan nila mula sa kanilang pag-aaral ng mga banal na kasulatan sa tahanan o sa Primary. Kung nahihirapan silang mag-isip kung ano ang idodrowing, maaari mong ipaalala sa kanila ang ilan sa mga paksa sa Doktrina at mga Tipan 67–70, tulad ng binyag, pagkakaroon ng patotoo sa mga banal na kasulatan, o mga magulang na nagtuturo ng ebanghelyo sa mga anak.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Ang Doktrina at mga Tipan ay naglalaman ng mga paghahayag mula sa Diyos.
Noong Nobyembre 1831, nagdesisyon ang mga pinuno ng Simbahan na gawing aklat ang mga paghahayag kay Joseph Smith para mabasa ng lahat. Ngayon, ang mga paghahayag na ito ay nakalathala sa Doktrina at mga Tipan.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Sabihin sa mga bata kung paano nalathala sa isang aklat ang mga paghahayag kay Joseph Smith (tingnan sa “Kabanata 23: Ang Doktrina at mga Tipan,” Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 90–92, o sa katumbas na video sa ChurchofJesusChrist.org). Ibahagi ang iyong patotoo na ang Doktrina at mga Tipan ay naglalaman ng mga paghahayag na makakatulong sa atin ngayon. Ibahagi ang isa sa mga paborito mong talata sa Doktrina at mga Tipan.
-
Ipakita sa mga bata ang mga pamantayang aklat nang paisa-isa, at habang itinataas mo ang bawat isa, magbahagi nang kaunti kung paano natin iyon nakuha (tingnan ang entry ng bawat aklat sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan). Kapag itinaas mo ang Doktrina at mga Tipan, ibahagi sa mga bata kung bakit natatangi ang aklat na ito ng banal na kasulatan (halimbawa, naglalaman ito ng mga paghahayag na ibinigay sa ating panahon).
Doktrina at mga Tipan 68:25–28
Maaari akong binyagan kapag walong taong gulang na ako.
Sa Doktrina at mga Tipan 68:25–28, sinabi ng Panginoon kay Joseph Smith na dapat matuto ang mga bata na magkaroon ng pananampalataya kay Jesucristo, magsisi, at mabinyagan kapag sila ay walong taong gulang na. Sinabi rin Niya na dapat silang matutong manalangin at sumunod sa mga utos ng Diyos.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na bumilang hanggang walo gamit ang kanilang mga daliri. Ano ang espesyal sa pagiging walong taong gulang? Tulungan ang mga bata na matukoy na kapag sila ay walong taong gulang na, maaari na silang binyagan. Gamit ang mga salita at pariralang matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan 68:25–28, ibahagi sa kanila ang ilan sa mga bagay na nais ng Panginoon na matutuhan nila bago sila mag-walong taong gulang (tingnan sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:4). Ipaunawa sa kanila ang mga konseptong maaaring hindi pamilyar sa kanila.
-
Kantahin ninyo ng mga bata ang isang awit tungkol sa binyag, tulad ng “Pagbibinyag” o “Sa Aking Pagkabinyag” (Aklat ng mga Awit Pambata, 54–55, 53). Hilingin sa mga bata na ibahagi ang nadarama nila tungkol sa pagpapabinyag at kung ano ang magagawa nila para makapaghanda.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Ang mga paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith ay totoo.
Karamihan sa tagubilin sa Doktrina at mga Tipan 67–70 ay may kinalaman sa mga pagsisikap ng mga Banal na ilathala ang mga paghahayag kay Joseph Smith. Maaari itong maging isang pagkakataon para tulungan ang mga bata na malaman na sa mga paghahayag na ito, na ngayon ay nakalathala sa Doktrina at mga Tipan, matatagpuan natin ang tinig ng Panginoon.
Habang naghahanda kang magturo, maaari mong rebyuhin ang Mga Banal, 1:161–164 o “Kabanata 23: Ang Doktrina at mga Tipan” (Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 90–92).
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipakita sa mga bata ang Biblia, Aklat ni Mormon, Doktrina at mga Tipan, at Mahalagang Perlas. Tulungan ang mga bata na gumawa ng listahan sa pisara kung ano ang ipinagkaiba ng bawat aklat ng banal na kasulatan at ano ang ipinagkapareho ng mga ito. Kung kailangan nila ng tulong, ibahagi sa kanila ang mga paglalarawan ng mga aklat na ito sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan. Itanong sa mga bata kung paano natin malalaman na ang mga banal na kasulatan ay totoo. Ano ang natututuhan natin mula sa Doktrina at mga Tipan 67:4, 9 tungkol sa mga paghahayag na ibinigay ng Panginoon kay Joseph Smith?
-
Magbahagi ng isang talata mula sa Doktrina at mga Tipan na nagpapalakas ng iyong “patotoo sa katotohanan ng mga kautusang ito” (talata 4). Bigyan ng mga pagkakataon ang mga bata na ibahagi ang isang paborito nilang talata. Ipaliwanag sa mga bata na nagdesisyon ang mga pinuno ng Simbahan sa panahong ito na ilathala ang kanilang patotoo tungkol sa mga paghahayag na natanggap ni Joseph Smith. Nang ginawa nila ito, isinulat ng isa sa mga pinuno na si Levi Hancock sa tabi ng kanyang pangalan, “Hindi na kailanman mabubura” (tingnan sa “Testimony, circa 2 November 1831,” Revelation Book 1, 121, josephsmithpapers.org). Bakit kaya gusto ni Levi Hancock na “hindi na kailanman mabubura” ang kanyang pangalan sa nakalathalang patotoo? Bigyan ng pagkakataon ang mga bata na isulat ang kanilang patotoo tungkol sa natutuhan nila hanggang sa ngayon sa Doktrina at mga Tipan.
Kapag nagsasalita ang mga pinuno ng Simbahan sa pamamagitan ng inspirasyon, nagsasalita sila ng “salita ng Panginoon.”
Kapag nagsasalita ang mga lingkod ng Panginoon sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, ang kanilang mga salita ay nagpapahayag ng kalooban, kaisipan, salita, at tinig ng Panginoon (tingnan sa talata 4). Ang pagkaalam sa katotohanang ito ay makakatulong sa mga bata na naising pakinggan at sundin ang kanilang mga turo.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na basahin ang Doktrina at mga Tipan 68:3–4 sa maliliit na grupo at ibahagi sa isa’t isa ang natutuhan nila mula sa mga talatang ito. Anyayahan ang mga bata na isulat ang isang bagay na natutuhan nila sa pisara. Bakit ito isang mahalagang katotohanan na dapat malaman?
-
Matapos na sama-samang basahin ang Doktrina at mga Tipan 68:3–4, bigyan ang mga bata ng mga kopya ng ilang mensahe mula sa pinakahuling pangkalahatang kumperensya. Anyayahan silang hanapin sa mga mensahe ang mga katotohanang itinuro sa atin ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga lingkod.
Maaari akong maging “tunay at tapat.”
Nang kailanganing maglakbay ni Oliver Cowdery patungong Missouri, tinawag ng Panginoon si John Whitmer, isang taong “tunay at tapat” (talata 1), para samahan siya. Paano magiging tunay at tapat ang mga bata na tulad ni John Whitmer?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Sabihin sa mga bata na nang ipadala ng Panginoon si Oliver Cowdery sa Missouri, sinabi Niya na dapat siyang samahan ng isang taong “tunay at tapat” (talata 1), kaya ipinadala rin Niya si John Whitmer. Ano ang ibig sabihin ng maging tunay at tapat? Paano natin matitiyak na tayo ay tunay at tapat para magamit tayo ng Panginoon upang pagpalain ang iba?
-
Anyayahan ang ilang bata na magkuwento tungkol sa isang taong kakilala nila na sa palagay nila ay “tunay at tapat.” Paano nila nalaman na ang taong iyon ay tunay at tapat? Tulungan silang makita na nagtiwala ang Panginoon kay John Whitmer dahil siya, sa panahong ito, ay tunay at tapat (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 69:1–2). Kantahin nang sabay-sabay ang isang awit na naghihikayat sa mga bata na maging tunay at tapat na tulad ng Tagapagligtas, gaya ng “Sinisikap Kong Tularan si Jesus” (Aklat ng mga Awit Pambata, 40–41).
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Anyayahan ang mga bata na ipaliwanag sa isang tao sa bahay kung ano ang Doktrina at mga Tipan, saan ito nanggaling, at bakit ito mahalaga sa kanila.