“Mayo 31–Hunyo 6. Doktrina at mga Tipan 60–62: ‘Lahat ng Laman ay nasa Aking Kamay,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Mayo 31–Hunyo 6. Doktrina at mga Tipan 60–62,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2021
Mayo 31–Hunyo 6
Doktrina at mga Tipan 60–62
“Lahat ng Laman ay nasa Aking Kamay”
Tandaan na ang pinakamabuting paghahanda sa pagtuturo ng Doktrina at mga Tipan 60–62 ay sa pamamagitan ng iyong personal na pag-aaral at pag-aaral ng pamilya ng mga bahaging ito.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Bigyan ang bawat bata ng pagkakataong magbahagi ng isang bagay na natutuhan niya mula sa mga banal na kasulatan sa nakalipas na linggo o mula sa klase ng Primary noong nakaraang Linggo. Matapos magbahagi ang bawat bata, hilingin sa isa pang bata sa klase na ibuod ang sinabi ng batang sinundan niya.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Doktrina at mga Tipan 60:4; 61:1–2, 36; 62:1
Tinuturuan ako ng mga banal na kasulatan tungkol kay Jesucristo.
Ang Doktrina at mga Tipan 60–62 ay naglalaman ng maraming pahayag na maaaring magpaunawa sa mga batang tinuturuan mo kung sino si Jesucristo at maragdagan ang kanilang pagmamahal sa Kanya.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magdispley ng isang larawan ni Jesucristo, at hilingin sa mga bata na ibahagi kung bakit mahal nila si Jesus. Pumili ng ilang parirala mula sa Doktrina at mga Tipan 60–62 na nagtuturo sa iyo tungkol sa Tagapagligtas, at ibahagi ang mga ito sa mga bata (tingnan, halimbawa, sa Doktrina at mga Tipan 60:4; 61:1–2, 36; 62:1). Tulungan ang mga bata na ulitin ang mga parirala na kasabay mo. Ibahagi kung ano ang nadarama mo tungkol kay Jesucristo.
-
Magpakita ng ilang larawan ni Jesus mula sa Kanyang ministeryo sa lupa (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 34–61). Hayaang tulungan ka ng mga bata na ipaliwanag kung ano ang ginagawa ni Jesus sa mga larawan. Paano Niya ipinapakita ang Kanyang pagmamahal sa mga anak ng Ama sa Langit? Ikuwento sa mga bata ang isa sa iyong mga paboritong banal na kasulatan na nagtuturo tungkol kay Jesus.
-
Kantahin ninyo ng mga bata ang “Sinisikap Kong Tularan si Jesus” (Aklat ng mga Awit Pambata, 40–41). Habang kinakanta ninyo ang mga paraan para matularan si Jesus, tumigil paminsan-minsan at hilingin sa mga bata na kumpletuhin ang pangungusap na “Matutularan ko si Jesus sa pamamagitan ng …”
Nais ni Jesus na ibahagi ko ang Kanyang ebanghelyo.
Gustung-gusto ng mga bata na ibahagi sa iba ang nalalaman nila. Ipaunawa sa kanila na kapag ibinabahagi nila ang kanilang nalalaman tungkol sa ebanghelyo, natutuwa sa kanila ang Ama sa Langit.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipaliwanag na inutusan ng Panginoon si Propetang Joseph Smith at ang iba pang mga pinuno ng Simbahan na maglakbay mula Kirtland, Ohio, hanggang Jackson County, Missouri. Hiniling Niya sa kanila na ipangaral ang ebanghelyo habang nasa daan papunta at pauwi. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 62:3, at hilingin sa mga bata na pakinggan kung ano ang ginawa ng mga missionary na ikinasiya ng Panginoon. Magpatotoo na nalulugod ang Panginoon sa atin kapag ibinabahagi natin ang ebanghelyo sa iba.
-
Tulungan ang mga bata na gumawa ng mga badge na nagpapakita na gusto nilang maging mga missionary ng Simbahan. Hayaan silang isuot ang kanilang badge at magsanay na magbahagi ng kanilang patotoo sa isa’t isa.
-
Kantahin nang sabay-sabay ang isang awit tungkol sa pagbabahagi ng ebanghelyo, tulad ng “Nais Ko nang Maging Misyonero” (Aklat ng mga Awit Pambata, 90). Tulungan ang mga bata na mag-isip ng maaari nilang sabihin kung may magtanong sa kanila kung ano ang gustung-gusto nila tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Simbahan. Anyayahan silang magdrowing ng mga bagay na gustung-gusto nila tungkol sa ebanghelyo ni Cristo.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Doktrina at mga Tipan 60:7, 13; 62:3, 9
Maibubuka ko ang aking bibig para ibahagi ang ebanghelyo ni Jesucristo.
Ang patotoo ng isang bata ay maaaring maging mabisa na tulad ng sa matanda, dahil ang bisa ng patotoo ay hindi nagmumula sa edad o karanasan ng isang tao kundi mula sa Espiritu Santo. Tulungan ang mga bata na magkaroon ng tiwala na maaari nilang ibuka ang kanilang bibig at ibahagi sa iba ang alam nilang totoo.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anong mga pagpapala ang ipinangako ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 60:7; 62:3, 9 sa mga taong nagbabahagi ng Kanyang ebanghelyo? Paano nagpapala sa iba ang pagbabahagi ng ebanghelyo? Isiping magbahagi ng isang karanasan mula sa iyong buhay nang ibahagi mo ang ebanghelyo—anong mga pagpapala ang nagmula sa iyong mga pagsisikap? Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng anumang karanasan nila. Maaari din ninyong kantahin ang isang awit tungkol sa gawaing misyonero, tulad ng “May Pananampalatayang Sumulong” (Mga Himno, blg. 163), at pag-usapan ang mga pagpapalang binanggit sa awit.
-
Tulungan ang mga bata na isadula ang mga sitwasyon kung saan maaari nilang ibahagi ang ebanghelyo sa kanilang mga kaibigan. Halimbawa, ano ang sasabihin nila kung may magtanong sa kanila kung bakit sila nagsisimba? O paano kung nakita ng isang kaibigan na nakasuot sila ng CTR ring o nagbabasa ng Aklat ni Mormon at nagtanong siya tungkol dito? Ano ang sasabihin nila?
Doktrina at mga Tipan 60:7; 61:1–2, 36; 62:1
Nakahanda ang Panginoon na patawarin ako kung ako ay magsisisi.
Si Joseph Smith at ang iba pang mga pinuno ng Simbahan ay hindi perpekto. May mga panahon na nagtalu-talo sila at nawalan ng pasensya. Ngunit ang Panginoon ay naging maawain sa kanila at palaging nagpatawad kapag sila ay nagsisi.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin ninyo ng mga bata ang Doktrina at mga Tipan 60:7; 61:2, at hilingin sa kanila na hanapin ang mga salitang magkakatulad sa mga talatang ito. Ipaalala sa mga bata na ang mga paghahayag na ito ay ibinigay kay Joseph Smith at sa iba pang mga pinuno ng Simbahan. Ano ang nais ng Panginoon na malaman nila? Ano ang natututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa nadarama ng Panginoon para sa atin kapag nagkakamali tayo?
-
Isulat ang Ano ang mga katangian ni Jesus? sa pisara. Sama-samang basahin ang Doktrina at mga Tipan 61:1–2, 36; 62:1, at gumawa ng listahan ng mga sagot sa tanong na ito na nakita ng mga bata sa mga talata. Paano ipinauunawa sa atin ng mga katangiang nasa pisara kung bakit handa tayong patawarin ng Tagapagligtas? Ano ang mga paraan na matutularan natin ang Kanyang halimbawa?
Doktrina at mga Tipan 60:5; 61:22; 62:5–8
Nais ng Panginoon na gamitin ko ang aking kalayaan at ang Kanyang Espiritu para gumawa ng mabubuting pagpili.
Paano mo magagamit ang mga talatang ito para ituro sa mga bata kung paano sila tinutulungan ng Panginoon na gumawa ng mabubuting pagpili?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Hilingin sa mga bata na magkuwento ng isang pagkakataon na kinailangan nilang magdesisyon. Paano sila nagdesisyon kung ano ang gagawin? Sama-samang basahin ang Doktrina at mga Tipan 62:5, 7–8 para malaman kung ano ang sinabi ng Panginoon sa mga elder na magsisimula nang maglakbay mula Missouri hanggang Kirtland, Ohio. Anong mga pagpili ang kinailangan nilang gawin tungkol sa kanilang paglalakbay? Ano ang naibigay sa atin ng Panginoon para tulungan tayong gumawa ng mga pagpili? Sabihin sa mga bata kung paano mo nagamit ang patnubay ng Espiritu at ang iyong sariling matalinong paghatol sa paggawa ng mga desisyon.
-
Hatiin ang klase sa tatlong grupo, at hilingin sa bawat grupo na basahin ang isa sa sumusunod na mga talata, kung saan pinagbilinan ng Panginoon ang ilang missionary kung paano gampanan ang kanilang misyon: Doktrina at mga Tipan 60:5; 61:22; 62:5. Ano ang napapansin natin tungkol sa tagubilin ng Panginoon sa mga talatang ito? Bakit makakabuti kung minsan na gamitin natin ang ating sariling pagpapasiya sa halip na maghintay ng partikular na tagubilin mula sa Diyos sa bawat bagay?
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Anyayahan ang mga bata na magsanay na magbahagi ng ebanghelyo sa isang kapamilya. Halimbawa, maaari nilang ibahagi ang isang bagay na natutuhan nila sa Primary.