Doktrina at mga Tipan 2021
Mayo 24–30. Doktrina at mga Tipan 58–59: “Sabik sa Paggawa ng Mabuting Bagay”


“Mayo 24–30. Doktrina at mga Tipan 58–59: ‘Sabik sa Paggawa ng Mabuting Bagay,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Mayo 24–30. Doktrina at mga Tipan 58–59,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary

kalye sa Independence Missouri

Independence, Missouri, ni Al Rounds

Mayo 24–30

Doktrina at mga Tipan 58–59

“Sabik sa Paggawa ng Mabuting Bagay”

Habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 58–59, itala ang mga espirituwal na impresyong natatanggap mo. Ang mga impresyong ito ay makakatulong sa iyo na magplanong ituro sa mga bata ang doktrinang natutuhan mo. Maaari ka ring makahanap ng mga ideya sa lesson outline na ito, sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya, o sa mga magasin ng Simbahan.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Anyayahan ang ilang bata na magbahagi ng isang bagay na ginawa nila sa buong linggo para matuto mula sa mga banal na kasulatan.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Doktrina at mga Tipan 58:27–28

Binigyan ako ng Ama sa Langit ng kapangyarihang pumili.

Ipaalam sa mga bata na nais ng Ama sa Langit na gumawa tayo ng mabubuting pagpili na nagdudulot ng kaligayahan sa ating buhay at sa iba.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magbasa ng mga parirala mula sa Doktrina at mga Tipan 58:27–28 para maipaunawa sa mga bata na mapipili nilang gumawa ng mabuti. Maglagay ng isang masayang mukha sa isang panig ng silid at isang malungkot na mukha sa kabilang panig. Ano ang pakiramdam natin kapag pinipili nating gumawa ng mabuti? Maglarawan ng ilang sitwasyon na may kasamang mabuti o masamang pagpili sa bawat isa. Matapos ilarawan ang bawat sitwasyon at pagpili, sabihin sa mga bata na tumayo sa tabi ng masayang mukha kung mabuti ang pinili at sa tabi ng malungkot na mukha kung ito ay masama.

  • Magpakita sa mga bata ng isang lalagyan na may mga krayolang iba’t iba ang kulay. Magpakita sa kanila ng pangalawang lalagyan na may iisa lang na krayola. Itanong sa mga bata kung alin sa mga lalagyang ito ang gusto nilang gamitin. Bakit? Ipaliwanag na ang pagkakaroon ng kakayahang pumili ay isang pagpapala mula sa Ama sa Langit. Magpatotoo na mahal tayo ng Ama sa Langit at ni Jesucristo at nais Nila tayong gumawa ng mabubuting pagpili.

  • Ikuwento sa mga bata ang isang pagkakataon nang gumawa ka ng isang mabuting pagpili, at ilarawan kung ano ang naging pakiramdam mo pagkatapos. Anyayahan ang mga bata na idrowing ang ikinuwento mo o ang isang personal na kuwento nila. Pagkatapos ay hayaan silang ipakita ang kanilang mga larawan sa klase at sabihin kung ano ang natutuhan nila mula sa kuwento.

Doktrina at mga Tipan 59:7

Nais ng Ama sa Langit na matuto akong magpasalamat.

Paano mo maipapaunawa sa mga bata ang kahalagahan ng pasasalamat sa Ama sa Langit para sa kanilang mga pagpapala?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Sabihin sa mga bata ang isang bagay na pinasasalamatan mo, at hilingin sa kanila na magbahagi ng mga bagay na pinasasalamatan nila. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 59:7, at tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga paraan na mapapasalamatan nila ang Ama sa Langit para sa kanilang mga pagpapala. Ano ang magagawa nila na maiuuwi nila na magpapaalala sa kanila na pasalamatan ang Ama sa Langit para sa kanilang mga pagpapala?

  • Kantahin nang sabay-sabay ang isang awit tungkol sa pagpapasalamat, tulad ng “Sa Kalusugan at Lakas” (Aklat ng mga Awit Pambata, 18). Anyayahan ang mga bata na palitan ang mga titik sa awit ng iba pang mga bagay na pinasasalamatan nila.

  • Sabihin sa mga bata na magdrowing ng mga bagay na pinasasalamatan nila.

Doktrina at mga Tipan 59:9–12

Ang Sabbath ay araw ng Panginoon.

Kapag ibinahagi mo ang kagalakang natagpuan mo sa pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath, maipapakita mo sa mga bata na ang Sabbath ay isang araw na sumasamba tayo sa Panginoon.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magdala ng mga larawan o bagay na nagpapakita ng mabubuting bagay na magagawa natin sa araw ng Linggo para sambahin ang Panginoon at magalak. Matatagpuan ang ilang ideya sa Doktrina at mga Tipan 59:9–12 at sa “Paggalang sa Araw ng Sabbath” (Para sa Lakas ng mga Kabataan, 30–31). Halimbawa, para kumatawan sa sakramento, maaari mong ipakita ang larawan 108 sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo o isang sacrament cup at isang piraso ng tinapay. Paano nakakatulong ang bawat isa sa mga bagay na ito na mas mapalapit tayo sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa araw ng Sabbath?

  • Kumpletuhin ninyo ng mga bata ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito para mabigyan sila ng mga ideya kung paano gawing banal ang araw ng Sabbath.

    tinapay at mga sacrament cup

    Ang pagtanggap ng sakramento ay tinutulungan tayong igalang ang araw ng Sabbath.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Doktrina at mga Tipan 58:27–28

Ang kalayaan ay ang kapangyarihang pumili.

Binigyan na tayo ng Diyos ng kapangyarihang pumili, at sa kapangyarihang iyon ay maaari nating “isakatuparan ang maraming kabutihan” (talata 27). Paano mo maipapakita sa mga batang tinuturuan mo na kahit may kasamaan sa mundo, “ang kapangyarihan ay nasa kanila” na “[gumawa ng] mabuti”? (talata 28).

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipakita sa mga bata ang isang pirasong papel na may nakasulat na salitang pagpili sa isang panig at salitang bunga sa kabilang panig. Ipaliwanag na ang mga pagpili ay may mga bunga, o mga resultang likas na kasunod ng mga pagkilos. Anyayahan ang isang bata na damputin ang papel para ipakita na kapag dinampot mo ang papel, nagagawa mong pumili at maranasan ang bunga ng pagpiling iyon. Hilingin sa isang bata na basahin ang Doktrina at mga Tipan 58:27–28. Ano ang mga pagpiling magagawa natin na “[magsasakatuparan ng] maraming kabutihan” o mabubuting bunga? (talata 27). Kailan tayo nakagawa ng mabubuting pagpili na nagkaroon ng mga bungang nagpala sa iba?

  • Sumulat ng mga parirala mula sa Doktrina at mga Tipan 58:27–28 sa mga piraso ng papel, at bigyan ng isa ang bawat bata. Anyayahan silang basahin nang tahimik ang mga talata at pagnilayan ang kanilang parirala. Anyayahan ang mga bata na umupo ayon sa pagkakasunud-sunod ng mga parirala sa mga talata 27–28 at ibahagi sa isa’t isa ang natutuhan nila. Ano ang mensahe sa atin ng Panginoon sa mga talatang ito?

  • Kantahin ang isang awit tungkol sa pagpili, tulad ng “Piliin ang Tama” (Mga Himno, blg. 145). Magtanong para matulungan ang mga bata na pagnilayan ang mga titik ng awit—halimbawa, Sino ang gumagabay sa inyo na piliin ng tama? Sino ang naghihikayat sa inyo na piliin ang mali? Ano ang pakiramdam ninyo kapag pinipili ninyo ang tama?

Doktrina at mga Tipan 59:9–16

Ang Sabbath ay araw ng Panginoon.

Sabi ng Panginoon, ang paggalang sa araw ng Sabbath ay tumutulong sa atin na “mapag-ingatan ang [ating] sariling walang bahid-dungis mula sa sanlibutan” (Doktrina at mga Tipan 59:9). Paano mo matutulungan ang mga batang tinuturuan mo na igalang ang araw ng Sabbath at gawin itong tanda ng kanilang pagmamahal sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang mga bata na basahin ang Doktrina at mga Tipan 59:9–16 nang magkakapares, at hilingin sa bawat magkapares na isulat ang isang bagay na natutuhan nila tungkol sa araw ng Sabbath mula sa bawat talata. Pagkaraan ng ilang minuto, hilingin sa bawat magkapares na ibahagi sa klase ang kanilang isinulat. Ano ang babaguhin natin sa ating ginagawa sa araw ng Sabbath dahil sa ating natutuhan?

  • Maghanda ng isang simpleng larong pagtutugma kung saan itutugma ng mga bata ang mga parirala mula sa Doktrina at mga Tipan 59:9–16 sa tamang talata. Pumili ng mga parirala na nagtuturo kung ano ang nais ng Panginoon na gawin natin sa araw ng Sabbath. Talakayin kung ano ang itinuturo sa atin ng mga pariralang ito tungkol sa araw ng Panginoon at kung paano tayo mas mapapalapit sa Kanya.

  • Ang araw ng Sabbath ay “araw ng Panginoon” (Doktrina at mga Tipan 59:12)—isang araw para ipakita na inaalala natin ang maraming gawa ng Panginoon habang sumasamba tayo sa Kanya (tingnan sa Gabay sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan, “Sabbath”). Tulungan ang mga bata na pagnilayan ang mga gawang ito sa pamamagitan ng pag-anyaya sa kanila na basahin ang sumusunod na mga talata sa banal na kasulatan at pagpapakita sa kanila ng kaugnay na mga larawan: Genesis 2:1–3 (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 3); Juan 20:1–19 (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 59). Anong iba pang kagila-gilalas na mga gawa ng Panginoon ang naaalala natin sa araw ng Sabbath? Ano pa ang natututuhan natin tungkol sa Sabbath mula sa Doktrina at mga Tipan 59:9–16?

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Anyayahan ang mga bata na magbahagi sa kanilang pamilya ng isang bagay na magagawa nila para mapanatiling banal ang araw ng Sabbath.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Palakasin ang tiwala ng mga bata sa sarili. Maaaring ang pakiramdam ng ilang bata ay hindi nila kayang pag-aralang mag-isa ang ebanghelyo. Ipangako sa mga bata na tutulungan sila ng Espiritu Santo na matuto.