“Mayo 3–9. Doktrina at mga Tipan 46–48: ‘Masigasig Ninyong Hanapin ang mga Pinakamahusay na Kaloob,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Mayo 3–9. Doktrina at mga Tipan 46–48,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2021
Mayo 3–9
Doktrina at mga Tipan 46–48
“Masigasig Ninyong Hanapin ang mga Pinakamahusay na Kaloob”
Isipin ang mga batang tinuturuan mo habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 46–48. Tingnan ang “Pagtugon sa mga Pangangailangan ng Mas Maliliit na Bata” sa simula ng sangguniang ito para sa karagdagang mga ideya na maaari mong isaalang-alang.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Anyayahan ang mga bata na magdrowing ng mga larawan ng isang bagay na natutuhan nila sa lesson o sa kanilang tahanan noong nakaraang linggo. Paalalahanan sila kung kinakailangan. Pagkatapos ay pagsalitain sila tungkol sa mga larawang idinrowing nila.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Matutulungan ko ang iba na madama na malugod silang tinatanggap sa simbahan.
Lahat tayo, kabilang ang mga bata, ay nagnanais na makadama na malugod tayong tinatanggap. Paano mo magagamit ang mga talatang ito para matulungan ang mga bata na maipadama sa iba na malugod silang tinatanggap sa simbahan?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin nang malakas ang Doktrina at mga Tipan 46:5 , at sabihin sa mga bata sa sarili mong mga salita kung ano ang kahulugan ng talatang ito. Magpakita ng mga larawan ng mga tao mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Itanong sa mga bata kung sinu-sino sa mga taong ito ang nais ng Ama sa Langit na anyayahan natin sa mga miting natin sa Simbahan. Tulungan ang mga bata na magsanay na mag-anyaya sa iyo o sa bawat isa na dumalo sa isang miting o aktibidad sa Simbahan.
-
Sabihin sa mga bata na isipin na kunwari ay may isang kaibigan sila na pupunta sa simbahan sa kauna-unahang pagkakataon. Tulungan sila na mag-isip ng mga paraan para matulungan ang kanilang kaibigan na madama na malugod siyang tinatanggap. Hayaan silang magpraktis ng kanilang sasabihin o gagawin kung nakita nila ang isang kaibigan na pumasok sa chapel o sa klase sa kauna-unahang pagkakataon.
Doktrina at mga Tipan 46:13–26
Pinagpapala ako ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng Kanyang mga kaloob.
Ang bawat isa sa mga batang tinuturuan mo ay anak na lalaki o anak na babae ng Ama sa Langit, at pinagkalooban Niya sila ng mga espirituwal na kaloob.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Gamitin ang Doktrina at mga Tipan 46:13–26 o ang “Kabanata 20: Ang mga Kaloob ng Espiritu Santo” (Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 77–80) para ipaliwanag sa mga bata ang ilan sa mga kaloob na ibinibigay sa atin ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu at kung bakit ibinibigay Niya ang mga ito. Kung maaari, magpakita ng mga bagay o larawan na sumasagisag sa bawat kaloob. Huminto paminsan-minsan para tanungin ang mga bata kung paano mapagpapala ng mga kaloob na ito ang isang tao.
-
Bigyan ang isang bata ng isang bagay na maaari niyang maibahagi, tulad ng isang piraso ng tinapay o dalawang laruan. Hilingin sa batang ito na ibahagi ang ibinigay mo sa kanya sa isa pang miyembro ng klase. Ipaliwanag na binibigyan tayo ng Ama sa Langit ng mga kaloob, at gusto Niyang gamitin natin ang mga ito sa pagtulong sa iba. Sabihin sa mga bata ang isang pagkakataon na ikaw ay pinagpala dahil ibinahagi ng isang tao ang kanyang mga espirituwal na kaloob.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Binibigyan ako ng Ama sa Langit ng mga espirituwal na kaloob para mapagpala ang iba.
Ang mga kaloob na inilarawan sa Doktrina at mga Tipan 46—at marami pang ibang mga espirituwal na kaloob—ay nagmula sa Diyos sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Matutulungan mo ang mga bata na matukoy ang mga kaloob na ibinigay sa kanila—at ang iba pa na maaari nilang hangarin—habang sama-sama ninyong pinag-aaralan ang Doktrina at mga Tipan 46.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Isulat sa mga piraso ng papel ang ilan sa mga espirituwal na kaloob na matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan 46:13–26 at Mga Saligan ng Pananampalataya 1:7, at itago ang mga ito sa paligid ng silid. Anyayahan ang bawat bata na hanapin ang isa sa mga papel at saliksikin ang mga talata para malaman kung saan binanggit sa mga banal na kasulatan ang kaloob na iyon. Pagkatapos ay basahin nang sabay-sabay ang Doktrina at mga Tipan 46:8–9, 12. Bakit tayo binibigyan ng Ama sa Langit ng mga espirituwal na kaloob?
-
Tulungan ang mga bata na ilista sa pisara ang mga kaloob ng Espiritu na binanggit sa Doktrina at mga Tipan 46. Habang inililista ang bawat kaloob, pag-usapan kung paano magagamit ang kaloob na iyon para mapagpala ang iba. Ang mga paglalarawan sa “Kabanata 20: Ang mga Kaloob ng Espiritu” (Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 77–80) ay maaaring makatulong. Sabihin sa mga bata na ang bawat isa sa kanila ay mayroong espirituwal na mga kaloob. Hikayatin silang hilingin sa Ama sa Langit na tulungan silang malaman ang kanilang mga kaloob at kung paano nila magagamit ang mga ito para tulungan ang iba.
Kayang kong itala o irekord ang aking kasaysayan.
Tinawag ng Panginoon si John Whitmer para itala ang kasaysayan ng Simbahan. Ngayon ay labis tayong pinagpala dahil sa mga kasaysayan ng Simbahan na itinala at iningatan sa mga nagdaang taon.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin nang sabay-sabay ang Doktrina at mga Tipan 47:1, 3, at sabihin sa mga bata na tuklasin kung ano ang nais ipagawa ng Panginoon kay John Whitmer. Ano ang ibig sabihin ng salitang “patuloy” sa talata 3? Paano tayo pinagpapala ng kaalaman tungkol sa kasaysayan ng Simbahan?
-
Kung ang mga batang tinuturuan mo ay nagsusulat sa journal, hilingin sa kanila na magbahagi tungkol sa uri ng mga bagay na isinusulat nila sa kanilang journal. Maaaring masiyahan ang mga bata na pakinggan ang isang kuwento mula sa journal mo noong bata ka pa o sa journal ng isang ninuno.
-
Ipakita sa mga bata ang mga halimbawa ng mga paraan para regular silang makapagtala o makapagrekord ng kasaysayan ng kanilang buhay. Halimbawa, maaari silang magsulat sa isang aklat, magkolekta ng mga larawan sa isang scrapbook, mag-type sa computer, o gumawa ng audio o video recording. Tulungan ang mga bata na ilista ang mga bagay na magandang maisama sa kanilang personal na kasaysayan, gaya ng kanilang patotoo kay Jesucristo. Anyayahan ang mga bata na gumawa ng isang karatula o poster na maiuuwi nila sa bahay na naglalaman ng ilan sa mga ideyang ito para magpaalala sa kanila na isulat o irekord ang kanilang mga personal na kasaysayan.
Matutulungan ko ang iba sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga ipinagkaloob sa akin.
Hinikayat ng Panginoon ang mga Banal sa Ohio na tulungan ang iba pang mga Banal sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kanilang lupain at ng kanilang pera. Paano mo magagamit ang mga talatang ito para matulungan ang mga bata na makahanap ng mga paraan na maibahagi sa iba ang ibinigay ng Diyos sa kanila?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipakita sa mga bata ang mapa ng New York at Ohio (tingnan sa outline para sa Abril 12–18 ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya). Ipaliwanag na inutusan ng Panginoon ang mga Banal sa New York at sa iba pang mga lugar na magtipon sa Ohio, pero marami sa kanila ang walang sapat na pera para makapagtayo ng bahay nang dumating sila. Tulungan ang mga bata na hanapin sa Doktrina at mga Tipan 48:1–4 kung ano ang ipinagawa ng Panginoon sa mga Banal sa Ohio para makatulong. Itanong sa mga bata kung ano ang gusto nilang gawin para makatulong kung nakatira sila sa Ohio sa panahong ito. Ano ang ibinigay ngayon sa atin na magagamit natin para matulungan ang iba?
-
Basahin nang sabay-sabay ang Doktrina at mga Tipan 48:4, at anyayahan ang mga bata na alamin ang ipinagawa ng Panginoon sa mga Banal para makatulong sa Kanyang gawain. Ipaliwanag na ang pag-iipon ng pera ay magpapahintulot sa kanila na makabili ng lupain at magtayo ng templo balang-araw. Ano ang maaari nating pag-ipunan ng pera para makatulong tayong gawin ang gawain ng Panginoon?
1:22
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Hikayatin ang mga bata na itanong sa mga kapamilya na nasa tahanan ang tungkol sa isang espirituwal na kaloob na sa tingin nila ay ibinigay sa kanila. Hikayatin din ang mga bata na ipagdasal at hangarin ang kaloob ng Espiritu na gusto nilang makamtan.