“Mayo 10–16. Doktrina at mga Tipan 49–50: ‘Yaong sa Diyos ay Liwanag,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Mayo 10–16. Doktrina at mga Tipan 49–50,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2021
Mayo 10–16
Doktrina at mga Tipan 49–50
“Yaong sa Diyos ay Liwanag”
Habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 49–50, maghanap ng mga mensahe o alituntunin na sa tingin mo ay partikular na magiging makabuluhan sa mga batang tinuturuan mo. Ang ilan ay iminungkahi sa outline na ito.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Ipakita ang larawan mula sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya, at tulungan ang mga bata na ikuwento kung paano naging parang isang mabuting pastol si Jesucristo.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Doktrina at mga Tipan 49:12–14
Maaari kong tularan si Jesucristo.
Ipaunawa sa mga bata na maaari nilang tularan si Jesucristo sa pamamagitan ng pananalig sa Kanya, pagsisisi, pagpapabinyag, at pagtanggap ng Espiritu Santo.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magdispley ng apat na binakat na mga paa sa papel at apat na larawang kumakatawan sa pananalig kay Jesucristo, pagsisisi, pagpapabinyag, at pagtanggap ng Espiritu Santo. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 49:12–14, at hilingin sa mga bata na ituro ang tamang larawan kapag binanggit ang bawat isa sa mga talata. Magpatulong sa mga bata na ilapag ang binakat na mga paa sa sahig na katabi ang mga larawan, at anyayahan ang mga bata na magsalitan sa paglakad sa binakat na mga paa. Magpatotoo na kapag ginawa natin ang mga bagay na nasa mga larawang ito, sinusundan natin si Jesucristo.
-
Gamitin ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito para gumawa ng mga finger puppet na makakatulong sa mga bata na matutuhan kung paano nila masusundan si Jesucristo sa pamamagitan ng pagsampalataya, pagsisisi, pagpapabinyag, at pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo.
Doktrina at mga Tipan 50:23–25
Ang aking espirituwal na liwanag ay maaaring mas lalo pang magningning.
Ang mga konseptong mahirap unawain tulad ng katotohanan at espiritu ay maaaring mahirap maunawaan ng mga bata, ngunit ang pagkumpara ng mga ito sa liwanag, tulad ng ginagawa ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 50:23–25, ay maaaring makatulong.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Gumamit ng isang aktibidad na nagpapakita kung paano maaaring mas lalo pang magningning ang ating espirituwal na liwanag. Maaari kang magpakita ng mga larawan ng mga bagay na nagbibigay ng liwanag (tulad ng kandila, bombilya, at araw) at hayaang isaayos ng mga bata ang mga ito ayon sa tindi ng kanilang ningning. O anyayahan ang mga bata na magkunwaring mga ilaw na nagiging mas maningning sa pamamagitan ng pagyuko at dahan-dahang pagtayo at pag-unat ng kanilang mga bisig. Tulungan silang mag-isip ng mabubuting bagay na magagawa nila para gawing mas maningning ang kanilang espirituwal na liwanag.
-
Kantahin ninyo ng mga bata ang isang awit tungkol sa kanilang espirituwal na liwanag, tulad ng “Magliwanag” (Aklat ng mga Awit Pambata, 96). Magpatotoo kung paano ka natulungan ng Ama sa Langit na mas magningning ang iyong liwanag. Sabihin sa mga bata ang liwanag na nakikita mo sa kanila.
Doktrina at mga Tipan 50:41–44
Mahal ako ni Jesucristo.
Si Jesucristo ang Mabuting Pastol. Tayo ay Kanyang mga tupa, at mahal Niya ang bawat isa sa atin. Ano ang makakatulong sa mga batang tinuturuan mo na madama ang Kanyang pagmamahal para sa kanila?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magpakita ng isang larawan ni Jesucristo na may kasamang mga bata (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 47, 84, o 116), at itanong sa mga bata kung paano nila nalaman na mahal ni Jesus ang mga bata. Ibahagi kung paano mo nalaman na mahal ka ni Jesus at ang bawat isa sa mga bata sa klase.
-
Gumawa ng mga tupang papel, isulat sa mga ito ang mga pangalan ng mga bata sa klase, at itago ang mga ito sa paligid ng silid. Magdispley ng isang larawan ng Tagapagligtas, at basahin ang Doktrina at mga Tipan 50:41–42. Ipaunawa sa mga bata kung ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa nadarama ni Jesucristo para sa kanila. Hayaang hanapin nila ang mga tupa sa paligid ng silid at ilagay ang mga ito sa pisara malapit sa larawan ni Jesus para “wala sa kanila … ang mawawala” (talata 42).
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Doktrina at mga Tipan 49:12–14
Maaari kong sundan si Jesucristo.
Kailangan tayong lahat ng Panginoon na ituro sa iba na maaari silang lumapit sa Kanya sa pamamagitan ng pagsampalataya, pagsisisi, pagpapabinyag, at pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na ikumpara ang Doktrina at mga Tipan 49:12–14 sa itinuro ni Pedro sa Mga Gawa 2:38 at sa ikaapat na saligan ng pananampalataya. Anong mga pagkakatulad ang nakikita nila? Bakit mahalaga ang mga katotohanang ito?
-
Anyayahan ang mga bata na magpares-pares at magpanggap na gustong malaman ng isa sa kanila kung paano tularan si Jesucristo. Maaari siyang turuan ng kapares niyang bata gamit ang Doktrina at mga Tipan 49:12–14.
Doktrina at mga Tipan 49:15–17
Ang kasal sa pagitan ng lalaki at babae ay mahalaga sa plano ng Diyos.
Ang mga batang tinuturuan mo ay maaaring nahaharap sa nakalilitong mga mensahe tungkol sa kasal. Maipapaunawa sa kanila ng Doktrina at mga Tipan 49:15–17 ang nadarama ng Panginoon tungkol sa kasal.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipaliwanag na ang mga Shaker ay isang grupong naniniwala na hindi dapat mag-asawa ang mga tao (tingnan ang section heading ng Doktrina at mga Tipan 49). Anyayahan ang mga bata na hanapin ang mga bagay na itinuro ng Panginoon tungkol sa kasal sa Doktrina at mga Tipan 49:15–17.
-
Ipaunawa sa mga bata kung ano ang kahulugan ng pariralang “ang kasal ay inorden ng Diyos.” Anyayahan silang magpares-pares at ikumpara ang Doktrina at mga Tipan 49:15–17 sa unang tatlong talata ng “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo.” Bakit napakahalaga ng kasal sa Ama sa Langit?
-
Kantahin nang sabay-sabay ang ikalawang taludtod ng “Mag-anak ay Magsasamang Walang Hanggan” (Aklat ng mga Awit Pambata, 98) o ang isa pang awit tungkol sa mga pamilya. Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga paraan na maaari silang maghandang makasal sa templo balang-araw at magkaroon ng isang walang-hanggang pamilya.
Doktrina at mga Tipan 50:40–46
Si Jesucristo ang Mabuting Pastol.
Ang Doktrina at mga Tipan 50:40–46 ay naglalaman ng matalinghagang paglalarawan na magpapaunawa sa mga batang tinuturuan mo kung ano ang nadarama ng Tagapagligtas para sa kanila.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Gumawa ng larong pagtutugma gamit ang mga parirala mula sa Doktrina at mga Tipan 50:40–46. Halimbawa, maaari mong isulat ang “Huwag matakot, maliliit na bata” sa isang kard na tutugma sa isa pang kard na nagsasabing “sapagkat kayo ay akin” (talata 41). Sama-samang basahin ang Doktrina at mga Tipan 50:40–46. Pagkatapos ay paghalu-haluin ang mga kard sa sahig, sa mesa, o sa pisara, at hilingin sa mga bata na pagtugmain ang mga parirala. Ano ang itinuturo sa atin ng mga pariralang ito tungkol kay Jesucristo?
-
Para maipaunawa sa mga bata kung paano naging katulad ng mabuting pastol ang Tagapagligtas, hilingin sa kanila na sama-samang basahin ang Doktrina at mga Tipan 50:40–46. At ipalabas ang video na “Jesus Declares the Parable of the Lost Sheep” (ChurchofJesusChrist.org), at sabihing maghanap sila sa video ng isang bagay na nagpapaalaala sa kanila ng binasa nila. Paano tayo sinasaklolohan ni Jesucristo? Paano tayo magiging mabubuting pastol sa iba?
2:25
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Maghanda ng maliit na papel para sa bawat bata na nakasulat ang mga salitang ito: Tanungin mo ako tungkol sa . Hayaang punan ng mga bata ang patlang ng isang bagay na natutuhan nila sa klase (tulungan sila kung kinakailangan) at idikit ang maliit na papel sa kanilang damit para makahikayat ng talakayan sa kanilang tahanan.