“Mayo 10–16. Doktrina at mga Tipan 49–50: ‘Yaong sa Diyos ay Liwanag,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Mayo 10–16. Doktrina at mga Tipan 49–50,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2021
Mayo 10–16
Doktrina at mga Tipan 49–50
“Yaong sa Diyos ay Liwanag”
“Siya na tumatanggap ng liwanag, at nagpapatuloy sa Diyos, ay tumatanggap ng marami pang liwanag; at ang liwanag na yaon ay lumiliwanag nang lumiliwanag hanggang sa ganap na araw” (Doktrina at mga Tipan 50:24). Pag-isipan kung paano ka tumatanggap ng liwanag sa pagpapatuloy sa Diyos.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Ang Tagapagligtas ang ating “mabuting pastol” (Doktrina at mga Tipan 50:44). Alam Niya na gumagala kung minsan ang mga tupa at na maraming panganib sa ilang. Kaya buong pagmamahal Niya tayong inaakay tungo sa kaligtasan ng Kanyang doktrina, malayo sa panganib na tulad ng “mga mapanlinlang na espiritu, na humayo sa mundo, na nanlilinlang sa sanlibutan” (Doktrina at mga Tipan 50:2). Ang pagsunod sa Kanya ay kadalasang nangangahulugan ng pagtalikod sa mga maling ideya o tradisyon. Totoong nangyari ito kay Leman Copley at sa iba pa sa Ohio na tinanggap ang ipinanumbalik na ebanghelyo ngunit hindi pa rin iwinaksi ang ilang paniniwala na hindi naman tama. Sa Doktrina at mga Tipan 49, ipinahayag ng Panginoon ang mga katotohanan na nagtuwid sa dating paniniwala ni Leman tungkol sa mga paksang tulad ng pag-aasawa at ng Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. At nang ang mga convert sa Ohio ay “[tinanggap ang] … mga espiritu na hindi [nila] nauunawaan,” itinuro sa kanila ng Panginoon kung paano makikilala ang mga tunay na pagpapahayag ng Espiritu (Doktrina at mga Tipan 50:15). Ang Mabuting Pastol ay mapagtiis; Alam niya na ang mga naunang Banal na ito—tulad nating lahat—ay “maliliit na bata” na “kailangan[g] lumaki sa biyaya at sa kaalaman ng katotohanan” (Doktrina at mga Tipan 50:40).
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan
Matutulungan ako ng mga katotohanan ng ebanghelyo na makilala ang mga maling turo.
Bago sumapi sa Simbahan, si Leman Copley ay naging bahagi ng isang grupo ng relihiyon na kilala bilang United Society of Believers in Christ’s Second Appearing [Nagkakaisang Lipunan ng mga Naniniwala sa Ikalawang Pagpapakita ni Cristo], na kilala rin bilang Shakers (tingnan sa “Leman Copley and the Shakers,” Revelations in Context, 117–21). Pagkatapos makausap si Leman, humingi si Joseph Smith ng paglilinaw mula sa Panginoon tungkol sa ilan sa mga turo ng mga Shakers, at sumagot ang Panginoon sa paghahayag na nasa bahagi 49.
Makikita mo ang ilan sa mga paniniwala ng mga Shakers na binanggit sa heading ng bahagi 49. Maaari mong markahan o isulat ang mga katotohanan na nasa mga talata 5–23 na nagtutuwid sa mga paniniwalang iyon. Isipin ang iba pang mga maling turo o tradisyon sa buong mundo ngayon. Anong mga katotohanan ng ebanghelyo ang makakatulong para mapangalagaan ang iyong sarili laban sa mga ito?
Doktrina at mga Tipan 49:15–17
Ang kasal sa pagitan ng lalaki at babae ay mahalaga sa plano ng Diyos.
Anong mga katotohanan tungkol sa kasal ang natutuhan mo mula sa Doktrina at mga Tipan 49:15–17? Bakit kaya mahalaga ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae sa plano ng Ama sa Langit? Nagbigay si Elder David A. Bednar ng dalawang dahilan: “Unang dahilan: Ginagawang lubos at ganap ng katangian ng mga espiritung lalaki at babae ang isa’t isa, kaya’t nilayon na magkasamang umunlad ang mga lalaki at babae tungo sa kadakilaan. … “Pangalawang dahilan: Sa plano ng Diyos, kailangan kapwa ang lalaki at babae upang iluwal ang mga anak sa mundo at mailaan ang pinakamabuting lugar para sa pagpapalaki at pangangalaga sa mga anak” (“Mahalaga ang Kasal sa Kanyang Walang Hanggang Plano,” Liahona, Hunyo 2006, 83–84).
Tingnan din sa Genesis 2:20–24; I Mga Taga Corinto 11:11; “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Ensign o Liahona, Mayo 2017, 145.
Maaari akong protektahan ng mga turo ng Panginoon laban sa mga panlilinlang ni Satanas.
Gustung-gusto ng mga bagong convert sa Ohio na makatanggap ng mga espirituwal na pagpapahayag na ipinangako sa mga banal na kasulatan, ngunit gustung-gusto rin ni Satanas na linlangin sila. Iniisip nila, Kapag may sumisigaw o hinihimatay, iyon ba ang impluwensya ng Espiritu?
Kunwari ay inutusan kang tulungan ang mga bagong convert na ito na maunawaan kung paano makikilala ang mga tunay na pagpapahayag ng Espiritu Santo at maiwasang malinlang ng mga panggagaya ni Satanas. Anong mga alituntunin ang nakita mo sa Doktrina at mga Tipan 50 na maaari mong ibahagi? (tingnan lalo na ang mga talata 22–25, 29–34, 40–46).
Tingnan din sa II Kay Timoteo 3:13–17.
Doktrina at mga Tipan 50:13–24
Ang mga guro at estudyante ay magkakasamang napapalakas ng Espiritu.
Isang paraan na maaari mong pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 50:13–24 ay sa pagdrowing ng larawan ng isang guro at estudyante at, sa tabi ng bawat isa, ilista ang mga salita at parirala mula sa mga talatang ito na nagtuturo sa iyo ng isang bagay tungkol sa pag-aaral at pagtuturo ng ebanghelyo. Kailan ka nagkaroon ng mga karanasan na nagturo sa iyo ng kahalagahan ng Espiritu sa pagtuturo at pag-aaral? Isipin kung ano ang magagawa mo para maragdagan ang pagsisikap mo bilang guro at estudyante ng ebanghelyo.
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening
-
Doktrina at mga Tipan 49:2.Ano ang ibig sabihin ng “nagnanais na malaman ang bahagi ng katotohanan, subalit hindi lahat”? Siguro maaari ninyong ipakita nang kaunti ang isang bahagi ng natatakpan na larawan at hayaang hulaan ng mga miyembro ng pamilya kung ano ito. Ano ang nangyayari kapag bahagi lamang ng katotohanan ang tinatanggap natin? (tingnan sa 2 Nephi 28:29). Paanong pagpapala sa atin ang kabuuan ng ebanghelyo?
-
Doktrina at mga Tipan 49:26–28.Paano tayo pinagpapala ng pangako ng Panginoon na “ako ay magpapatiuna sa inyo at mapapasainyong likuran; at ako ay mapapasagitna ninyo”? Ang mga miyembro ng pamilya ay maaaring magbahagi ng mga karanasan kung saan nadama nila ang Panginoon na “[n]agpapatiuna sa [kanila]” o na Siya ay “[n]apapasagitna [nila].”
-
Doktrina at mga Tipan 50:23–25.Maaari kayong magsama-sama sa isang madilim na silid upang basahin ang Doktrina at mga Tipan 50:23–25 at unti-unting magdagdag ng liwanag sa pamamagitan ng pagsisindi ng mga kandila o pagbukas ng ilaw nang paisa-isa. Maaari din ninyong basahin ang mga talatang ito habang pinanonood ang pagsikat ng araw sa umaga. Ano ang magagawa natin upang patuloy pang madagdagan ang ating liwanag ng ebanghelyo? Kapag may bagong natututuhan ang mga miyembro ng pamilya tungkol sa ebanghelyo sa buong linggo, hikayatin silang ibahagi ito sa pamilya sa pamamagitan ng pagsulat ng maikling liham at pagdikit nito sa isang lampara o sa iba pang ilaw sa bahay.
-
Doktrina at mga Tipan 50:40–46.Matapos basahin ang Doktrina at mga Tipan 50:40–46, maaari ninyong ipakita ang larawan ng Tagapagligtas na kasama sa outline na ito at magtanong ng tulad nito: Paano ninyo masasabi na mahal ng Tagapagligtas ang mga tupa? Paano natutulad ang Tagapagligtas sa isang pastol na nagpoprotekta sa atin? Anong mga parirala mula sa mga banal na kasulatan ang nagpapakita na ang Tagapagligtas ay isang pastol at tayo ay Kanyang mga tupa?
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.
Iminumungkahing awit: “Magliwanag,” Aklat ng mga Awit Pambata, 96.