“Mayo 24–30. Doktrina at mga Tipan 58–59: ‘Sabik sa Paggawa ng Mabuting Bagay,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Mayo 24–30. Doktrina at mga Tipan 58–59,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2021
Mayo 24–30
Doktrina at mga Tipan 58–59
“Sabik sa Paggawa ng Mabuting Bagay”
Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks, “Tutulungan tayo ng mga banal na kasulatan na lutasin ang lahat ng ating mga personal na tanong dahil sa pagbabasa sa mga ito ay inaanyayahan natin at ginagawang karapat-dapat ang ating sarili sa inspirasyon ng Espiritu Santo, na gagabay sa atin sa lahat ng katotohanan” (sa David A. Edwards, “Are My Answers in There?” New Era, Mayo 2016, 42).
Itala ang Iyong mga Impresyon
Nang unang makita ng mga elder ng Simbahan ang lokasyon ng lunsod ng Sion—Independence, Missouri—hindi ito ang inaasahan nila. Inakala ng ilan na daratnan nila ang isang maunlad, masiglang komunidad na may malakas na grupo ng mga Banal. Sa halip ang nadatnan nila ay isang hindi gaanong mataong lugar, malayo sa sibilisasyong nakagisnan nila at ang nakatira ay di-sibilisadong mga tao sa halip na mga Banal. Pinatutunayan nito na hindi lang sila basta pinapunta ng Panginoon sa Sion—gusto Niyang itayo nila ito.
Kapag ang ating mga inaasahan ay hindi tugma sa realidad, maaari nating alalahanin ang sinabi ng Panginoon sa mga Banal noong 1831: “Hindi ninyo mamamasdan ng inyong likas na mga mata, sa kasalukuyan, ang balangkas ng inyong Diyos … at ang kaluwalhatiang susunod matapos ang maraming kapighatian” (Doktrina at mga Tipan 58:3). Oo, ang buhay ay puno ng paghihirap, maging ng kasamaan, ngunit “[maisa]sakatuparan [natin] ang maraming kabutihan; sapagkat ang kapangyarihan ay nasa [atin]” (mga talata 27–28).
Tingnan din sa Mga Banal, 1:145–53.
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 58:1–5, 26–33, 44; 59:23
Ang mga pagpapala ay dumarating ayon sa takdang panahon ng Diyos at sa ating kasipagan.
Sinimulang itayo ng mga Banal ang Sion sa Jackson County, Missouri, kung saan dumanas sila ng maraming pagsubok. Talagang umasa sila na sa panahon ng kanilang buhay ang lugar na ito ay uunlad at magiging isang lugar kung saan maaaring magtipon ang lahat ng mga Banal. Gayunman, pinalayas ang mga Banal mula sa Jackson County pagkaraan ng ilang taon, at inihayag ng Panginoon na kailangang ang Kanyang mga tao ay “maghintay ng maikling panahon para sa ikatutubos ng Sion” (Doktrina at mga Tipan 105:9).
Sa pag-aaral mo ng mga sumusunod na talata, alamin ang mga dahilan kung bakit maaaring pansamantalang hindi ibigay ang mga pagpapala. Ang mga tanong sa ibaba ay makatutulong sa iyo na mag-isip.
Doktrina at mga Tipan 58:1–5; 59:23. Anong mga mensahe sa mga talatang ito ang nagpapalakas ng kakayahan mo na mas mapagtiisan ang kapighatian? Anong mga pagpapala ang natanggap mo pagkatapos ng kapighatian? Bakit kaya may mga pagpapalang dumarating lamang pagkatapos ng kapighatian?
Doktrina at mga Tipan 58:26–33. Ano ang nagagawa ng pagiging “sabik sa paggawa ng mabuting bagay” sa katuparan ng mga pangako ng Diyos? Ano ang nagagawa ng iyong pagsunod?
Doktrina at mga Tipan 58:44. Ano ang kaugnayan ng “panalangin nang may pananampalataya” at ng kalooban ng Panginoon para sa atin?
Doktrina at mga Tipan 59, section heading
Sino si Polly Knight?
Si Polly Knight at ang asawa niyang si Joseph Knight Sr., ay ilan sa mga unang naniwala sa tungkulin ni Joseph Smith bilang propeta. Mahalaga ang naitulong nina Polly at Joseph sa Propeta sa gawain ng pagsasalin ng Aklat ni Mormon. Nilisan ng pamilya Knight ang Colesville, New York, para makasama ang mga Banal sa Ohio at kalaunan ay inutusang lumipat sa Jackson County, Missouri. Habang naglalakbay sila, nagsimulang humina ang katawan ni Polly, ngunit determinado siyang makita ang Sion bago siya pumanaw. Ilang araw pa lamang siya sa Missouri nang pumanaw siya (tingnan sa Mga Banal, 1:145–46, 151–52). Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 59 sa araw ng kanyang pagpanaw, at tila patungkol sa kanya ang mga talata 1 at 2.
Ang pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath ay naghahatid ng mga pagpapalang temporal at espirituwal.
Matapos mangako na pagpapalain ang mga Banal sa Sion “ng mga kautusang hindi kakaunti,” binigyang-diin ng Panginoon ang isang partikular na utos: ang utos na igalang ang Kanyang “banal na araw” (Doktrina at mga Tipan 59:4, 9). Sa pag-aaral mo ng Doktrina at mga Tipan 59:9–19, pag-isipan kung bakit napakahalaga sa mga Banal na ito ang paggalang sa Sabbath habang pinagsisikapan nilang itayo ang Sion.
Maaari mo ring pag-isipan ang mga tanong na gaya nito: Pinananatili ko bang banal ang araw ng Sabbath sa mga paraan na nilayon ng Panginoon? Paano nakatutulong sa akin ang pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath upang manatili akong “walang bahid-dungis mula sa sanlibutan”? (talata 9). Ano ang magagawa ko para maituon ko ang aking “mga pananalangin sa Kataas-taasan”? (talata 10).
Matapos basahin ang mga sumusunod na talata, anong mga bagay ang nahihikayat kang gawin para lalo pang mapanatiling banal ang araw ng Sabbath? Genesis 2:2–3; Exodo 20:8–11; 31:13, 16; Deuteronomio 5:12–15; Isaias 58:13–14; Marcos 2:27; Juan 20:1–19; Mga Gawa 20:7.
Maaaring makatulong din sa iyo ang isa sa maraming video o iba pang resources tungkol sa araw ng Sabbath na matatagpuan sa sabbath.ChurchofJesusChrist.org.
Tingnan din sa Russell M. Nelson, “Ang Sabbath ay Kaluguran,” Ensign o Liahona, Mayo 2015, 129–32; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Araw ng Sabbath.”
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening
-
Doktrina at mga Tipan 58:26–29.Marahil maaaring ilista ng mga miyembro ng pamilya ang ilan sa mga bagay na sila ay “sabik sa paggawa.” “Ma[bu]buting bagay” ba ang lahat ng ito? Bakit nais ng Panginoon na gawin natin ang “maraming bagay sa [ating] sariling kalooban”? Sabihin sa bawat miyembro ng pamilya na mag-isip kung ano ang magagawa nila sa linggong ito upang “isakatuparan ang maraming kabutihan.” Kalaunan ay maaari nilang ireport kung ano ang ginawa nila.
-
Doktrina at mga Tipan 58:42–43.Ano ang pakiramdam ng mga miyembro ng pamilya nang mabasa nila ang mga talatang ito? Paano matutulungan ng mga talatang ito ang isang tao na kailangang magsisi?
-
Doktrina at mga Tipan 59:3–19.Ano ang maaaring ibig sabihin ng “puputungan … ng mga kautusan”? (talata 4). Kapag binasa ninyo ang mga kautusan sa mga talata 5–19, talakayin ang mga pagpapalang natanggap ninyo sa pagsunod sa bawat isa sa mga kautusang ito.
Mapapansin mo rin kung paano ginamit ang mga salitang gaya ng “kagalakan,” “maligaya,” at “masaya” upang ilarawan ang kautusang igalang ang araw ng Sabbath. Paano ninyo magagawang mas masaya ang inyong Sabbath? Siguro maaaring gumawa ang inyong pamilya ng matching game gamit ang mga kard na nagpapakita ng mga bagay na maaari ninyong gawin para mapanatiling banal ang araw ng Sabbath.
-
Doktrina at mga Tipan 59:18–21.Ano ang maaari nating gawin para “[kilalanin] … [ang] ginawa ng [Diyos] sa lahat ng bagay”? (talata 21). Pag-isipang maglakad-lakad o tumingin sa mga retrato, na pinapansin ang mga bagay na “[nakalu]lugod sa mata at … [nagpapasigla ng] puso” (talata 18). Maaari ninyong kunan ng retrato o idrowing ang inyong nahanap at pagkatapos ay pag-usapan kung paano ninyo maipapakita ang inyong pasasalamat sa mga bagay na ito. Paano natin nakita ang ginawa ng Diyos sa ating buhay?
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.
Iminumungkahing awit: “Piliin ang Tama,” Mga Himno, blg. 145.