“Mayo 31–Hunyo 6. Doktrina at mga Tipan 60–62: ‘Lahat ng Laman ay Nasa Aking Kamay,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Mayo 31–Hunyo 6. Doktrina at mga Tipan 60–62,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2021
Mayo 31–Hunyo 6
Doktrina at mga Tipan 60–62
“Lahat ng Laman ay Nasa Aking Kamay”
Itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson na kapag pinag-aaralan natin ang mga banal na kasulatan, “lalago ang ating patotoo. Magiging mas tapat ang pangako. Mapapatatag ang mga pamilya. Dadaloy ang personal na paghahayag” (“The Power of the Word,” Ensign, Mayo 1986, 81).
Itala ang Iyong mga Impresyon
Noong Hunyo 1831, si Joseph Smith ay nagdaos ng kumperensya kasama ang mga elder ng Simbahan sa Kirtland. Doon, inorganisa ng Panginoon ang ilan sa mga elder nang dala-dalawa at ipinadala sila sa Jackson County, Missouri, na inuutusang “Mangaral sa daan” (Doktrina at mga Tipan 52:10). Masigasig na ginawa ito ng marami sa mga elder, ngunit hindi ng iba. Kaya nang dumating ang panahon para maglakbay pabalik sa Kirtland, sinabi ng Panginoon, “Sa iba [ilang elder] ako ay hindi lubos na nalulugod, sapagkat hindi nila binubuksan ang kanilang mga bibig, kundi kanilang itinatago ang talino na aking ibinigay sa kanila, dahil sa takot sa tao” (Doktrina at mga Tipan 60:2). Maaaring marami sa atin ang may simpatiya sa mga elder na ito—maaari ding makadama tayo ng pag-aalinlangan na buksan ang ating bibig at ibahagi ang ebanghelyo. Siguro napipigilan din tayo ng “takot sa tao.” Siguro ay pinagdududahan natin ang ating pagkamarapat o mga kakayahan. Anuman ang ating dahilan, ang Panginoon ang “nakaaalam ng kahinaan ng tao at kung paano [tayo] masasaklolohan” (Doktrina at mga Tipan 62:1). Sa lahat ng mga paghahayag na ito sa mga naunang missionary ay ang katiyakan na makatutulong sa atin na madaig ang ating mga takot sa pagbabahagi ng ebanghelyo—o iba pang mga pangamba na maaaring kaharapin natin: “Ako, ang Panginoon, ang naghahari sa itaas ng kalangitan.” “Magagawa ko kayong banal.” “Lahat ng laman ay nasa aking kamay.” At “magalak, maliliit na bata; sapagkat ako ay nasa inyong gitna.” (Doktrina at mga Tipan 60:4, 7; 61:6, 36.)
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan
Ang Panginoon ay nalulugod kapag binubuksan ko ang aking bibig para ibahagi ang ebanghelyo.
Tayong lahat ay nagkaroon na ng mga karanasan kung saan maaari sana nating naibahagi ang ebanghelyo sa isang tao, ngunit sa kung anong dahilan, hindi natin ginawa ito. Habang binabasa mo ang mga salita ng Panginoon sa mga unang missionary na nabigong “buksan ang kanilang bibig,” isipin ang sarili mong mga pagkakataon na ibahagi ang ebanghelyo. Paano natutulad sa isang “talino,” o talento o kayamanan mula sa Diyos ang iyong patotoo sa ebanghelyo? Sa paanong paraan natin kung minsan “itinatago [ang ating] talino” [o talento]? (Doktrina at mga Tipan 60:2; tingnan din sa Mateo 25:14–30).
Iwinasto ng Panginoon ang mga unang missionary na ito, ngunit sinikap din Niyang bigyan sila ng inspirasyon. Anong nakahihikayat na mga mensahe mula sa Kanya ang nakita mo sa mga bahagi 60 at 62? Paano pinalalakas ng mga mensaheng ito ang iyong kumpiyansa sa pagbabahagi ng ebanghelyo? Sa darating na mga araw, maghanap ng mga pagkakataong buksan ang iyong bibig at ibahagi ang ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos.
Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 33:8–10; 103:9–10; Dieter F. Uchtdorf, “Gawaing Misyonero: Ibahagi Kung Ano ang Nasa Iyong Puso,” Ensign o Liahona, Mayo 2019, 15–18.
Doktrina at mga Tipan 61:5–6, 14–18
Ang lahat ba ng tubig ay isinumpa ng Panginoon?
Ang babala ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 61 ay bahagi ng isang babala sa mga panganib na maaaring makaharap ng Kanyang mga tao papunta sa Sion habang naglalayag sa Ilog ng Missouri, na kilala noon na mapanganib. Ang babalang ito ay hindi dapat ipakahulugan na dapat nating iwasan ang paglalakbay sa pamamagitan ng tubig. Ang Panginoon ay “nagtataglay ng lahat ng kapangyarihan,” pati kapangyarihan sa tubig (talata 1).
Ang Panginoon ay makapangyarihan at mapapangalagaan ako.
Sa daan pabalik sa Kirtland, nanganib ang buhay ni Joseph Smith at ng iba pang mga lider ng Simbahan sa Ilog ng Missouri (tingnan sa Mga Banal, 1:152–55). Ginamit ng Panginoon ang pagkakataong ito na balaan at turuan ang Kanyang mga tagapaglingkod. Ano ang nakita mo sa Doktrina at mga Tipan 61 na humihikayat sa iyo na magtiwala sa Panginoon kapag hinaharap mo ang mga pagsubok sa sarili mong buhay? Halimbawa, bakit mahalagang malaman na ang Diyos ay “mula sa walang hanggan hanggang sa walang hanggan”? (talata 1).
May mga ideya na katulad nito sa bahagi 62. Ano ang itinuturo sa iyo ng Panginoon tungkol sa Kanyang sarili at sa Kanyang kapangyarihan sa paghahayag na ito?
Isipin ang mga naging karanasan mo na nagpatibay ng iyong pananampalataya nang tulungan ka ng Panginoon na makayanan ang espirituwal o pisikal na paghihirap.
Nais ng Panginoon na gumawa ako ng ilang desisyon “na inaakala [kong] mabuti.”
Kung minsan binibigyan tayo ng Panginoon ng tiyak na tagubilin, at hinahayaan Niyang tayo ang magpasiya sa iba pang bagay. Paano mo nakita ang paglalarawan ng alituntuning ito sa Doktrina at mga Tipan 62? (tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 60:5; 61:22). Paano mo nakita ang alituntuning ito sa iyong buhay? Bakit makabubuti para sa atin na gumawa ng ilang desisyon nang walang partikular na tagubilin mula sa Diyos?
Tingnan din sa Eter 2:18–25; Doktrina at mga Tipan 58:27–28.
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening
-
Doktrina at mga Tipan 60:2–3.Bakit nag-alangan ang ilang naunang mga missionary na ibahagi ang ebanghelyo? Bakit tayo nag-aalangan kung minsan? Maaari ninyong isadula kung paano maibabahagi ng mga miyembro ng pamilya ang ebanghelyo sa iba’t ibang sitwasyon.
-
Doktrina at mga Tipan 61:36–39.Anong mga dahilan ang nakikita natin sa mga talatang ito para “magalak”? (tingnan din sa Juan 16:33). Marahil ay maaaring isulat o idrowing ng inyong pamilya ang mga bagay na nagdudulot sa kanila ng kagalakan at kolektahin at ilagay ang mga ito sa isang garapon na “magalak.” (Tiyaking isama ang mga larawan ng Tagapagligtas at mga paalala ng Kanyang pagmamahal para sa atin.) Sa buong linggo kapag kailangan ng mga miyembro ng pamilya ng paalala sa mga dahilan para maging masaya, maaari silang pumili ng isang bagay mula sa garapon.
-
Doktrina at mga Tipan 61:36.Paano ninyo matutulungan ang inyong pamilya na alalahanin na “nasa gitna” natin ang Tagapagligtas? Maaaring magkakasama ninyong pagpasiyahan kung saan ididispley ang Kanyang larawan sa inyong tahanan. Paano natin maaanyayahan ang Tagapagligtas sa ating buhay sa araw-araw?
-
Doktrina at mga Tipan 62:3.Maaari kayong magkaroon ng family testimony meeting matapos basahin ang talatang ito. Upang maipaliwanag kung ano ang patotoo, maaari ninyong basahin ang ilang bahagi ng mensahe ni Pangulong M. Russell Ballard na “Dalisay na Patotoo” (Ensign o Liahona, Nob. 2004, 40–43). Bakit mahalaga na itala ang ating patotoo?
-
Doktrina at mga Tipan 62:5, 8.Bakit hindi nagbibigay ang Panginoon ng mga kautusan tungkol sa bawat aspeto ng ating buhay? Ayon sa talata 8, paano tayo dapat gumawa ng mga desisyon?
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.
Iminumungkahing awit: “Patotoo,” Mga Himno, blg. 79.