Doktrina at mga Tipan 2021
Hunyo 7–13. Doktrina at mga Tipan 63: “Yaong Nagmumula sa Kaitaasan ay Banal”


“Hunyo 7–13. Doktrina at mga Tipan 63: ‘Yaong Nagmumula sa Kaitaasan ay Banal,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Hunyo 7–13. Doktrina at mga Tipan 63,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2021

bukirin ng Missouri

Spring Hill, Daviess County, Missouri, ni Garth Robinson Oborn

Hunyo 7–13

Doktrina at mga Tipan 63

“Yaong Nagmumula sa Kaitaasan ay Banal”

Sinabi ng Panginoon, “Matatanggap ninyo ang Espiritu sa pamamagitan ng panalangin” (Doktrina at mga Tipan 63:64). Manalangin na gabayan ka ng Espiritu sa iyong pag-aaral.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Napili na ang pagtatayuan ng lungsod ng Sion. Napuntahan na ng mga lider ng Simbahan ang lokasyon at inilaan ito bilang lugar ng pagtitipon para sa mga Banal. Ayon sa kasaysayan ni Joseph Smith, “ang lupain ng Sion ngayon ang pinakamahalagang bagay rito sa lupa” (Doktrina at mga Tipan 63, section heading). Ngunit magkakaiba ang mga pananaw ng mga Banal tungkol sa Sion. Maraming mga Banal ang nagnanais nang simulan ang pagtitipon sa Missouri. Sa kabilang banda, ang mga taong tulad ni Ezra Booth ay nadismaya sa lupain ng Sion at ipinabatid ang pananaw nila tungkol dito. Sa katunayan, nang bumalik si Joseph sa Kirtland mula sa Missouri, nalaman niya na nagsimulang magkaroon ng pagtatalo at apostasiya sa Simbahan habang wala siya. Sa ganitong kalagayan natanggap ang paghahayag na nasa Doktrina at mga Tipan 63. Dito ay binanggit ng Panginoon ang pagbili ng lupain at paglipat ng mga Banal sa Missouri. Ngunit kabilang sa praktikal na mga bagay na iyon ang isang napapanahong paalala: “Ako, ang Panginoon, nangungusap sa aking tinig, at ito ay masusunod” (talata 5). Ang Kanyang tinig, Kanyang kalooban, Kanyang utos—lahat ng ito ay “nagmumula sa kaitaasan”—ay hindi dapat kutyain o hindi pahalagahan. Ito “ay banal, at kailangang sambitin nang may pag-iingat” (talata 64).

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Doktrina at mga Tipan 63:1–6, 32–37

Ang galit ng Panginoon ay nagsisiklab laban sa masasama at mapanghimagsik.

Nang matanggap ang paghahayag na ito, dumaranas si Joseph Smith ng matitinding pamimintas mula sa ilang miyembro ng Simbahan na kumalaban sa kanya (tingnan sa “Ezra Booth and Isaac Morley,” Revelations in Context, 130–36). Anong mga babala ang ibinigay ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 63:1–6, 32–37 tungkol sa “masasama at mapanghimagsik”? Paanong ang gayong mga babala ay patunay ng pagmamahal ng Diyos?

Doktrina at mga Tipan 63:7–12

Dumarating ang mga tanda dahil sa pananampalataya at kalooban ng Diyos.

Ang mga tanda o himala ay hindi lumilikha ng matibay na pananampalataya nang mag-isa. Sa unang bahagi ng 1831, si Ezra Booth, isang ministrong Metodista sa Kirtland, ay nagpasiyang magpabinyag pagkatapos niyang makita ang mahimalang pagpapagaling ni Joseph Smith sa braso ni Elsa Johnson na kaibigan ni Booth.

Gayunman, sa loob lang ng ilang buwan, nawala ang pananampalataya ni Booth at binatikos ang Propeta. Paano nangyari ito, samantalang nasaksihan niya ang himala? Pag-isipan ito habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 63:7–12. Maaari mo ring pag-isipan kung bakit tumatanggap ang ilang tao ng mga tanda “sa ikabubuti ng mga tao tungo sa kaluwalhatian [ng Diyos]” (talata 12) at tumatanggap nito ang iba “tungo sa … kaparusahan” (talata 11). Batay sa nabasa mo, paano kaya ninanais ng Panginoon na isipin at madama mo ang tungkol sa mga tandang ito?

Tingnan din sa Mateo 16:1–4; Juan 12:37; Mormon 9:10–21; Eter 12:12, 18.

Doktrina at mga Tipan 63:13–23

Ang ibig sabihin ng kalinisang-puri ay panatilihing dalisay ang aking mga iniisip at kilos.

Kinikilala ng karamihan sa mga tao na mali ang pakikiapid. Ngunit sa Doktrina at mga Tipan 63:13–19, nilinaw ng Tagapagligtas na ang mapagnasang kaisipan ay mayroon ding matitinding espirituwal na bunga. “Bakit mapanganib na kasalanan ang pagnanasa?” tanong ni Elder Jeffrey R. Holland. “Siyempre, maliban sa pinarurumi nito ang ating kaluluwa dahil lubusan nitong itinataboy ang Espiritu, sa palagay ko kasalanan ito dahil dinudungisan nito ang pinakadakila at pinakabanal na ugnayan na ibinigay ng Diyos sa atin sa mortalidad—ang pag-iibigan ng lalaki at babae at ang pagnanais ng magkabiyak na magkaanak sa pamilyang ang layon ay maging walang hanggan” (“Huwag nang Magbigay-Puwang Kailanman sa Kaaway ng Aking Kaluluwa,” Ensign o Liahona, Mayo 2010, 44).

Anong mga bunga ang binabanggit ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 63:13–19 na darating sa mga taong hindi pinagsisisihan ang mahahalay na kaisipan at mga kilos? Pansinin ang mga pagpapalang ipinangako ng Tagapagligtas sa mga talata 20 at 23 sa mga taong tapat. Anong mga pagpapala ang dumating sa iyong buhay dahil sa pagsunod sa batas ng kalinisang-puri? Paano ka tinutulungan ng Tagapagligtas na manatiling dalisay o maging dalisay?

Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 121:45; Linda S. Reeves, “Karapat-dapat sa Pagpapalang Ipinangako sa Atin,” Ensign o Liahona, Nob. 2015, 9–11.

lalaki at babae sa labas ng templo

Pinagpapala tayo kapag pinananatili nating dalisay ang ating mga kaisipan at kilos.

Doktrina at mga Tipan 63:24–46

Pinamamahalaan ng Panginoon ang mga espirituwal at temporal na gawain ng Kanyang mga Banal.

Pagkatapos tukuyin ng Panginoon kung saan itatayo ang Sion, kinailangan pa ring tagubilinan ang mga Banal sa Ohio tungkol sa kung kailan magsisimulang lumipat at kung saan kukuha ng pera para mabili ang lupain. Sa pagbabasa mo ng Doktrina at mga Tipan 63:24–46, alamin ang mga tagubiling espirituwal at temporal na ibinigay ng Panginoon hinggil sa Sion. Anong mga tagubiling espirituwal at temporal ang ibinibigay ng Panginoon sa iyo?

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Doktrina at mga Tipan 63:7–12.Ang kuwento ng pag-alis ni Ezra Booth sa Simbahan kahit na nasaksihan niya ang pagpapagaling kay Elsa Johnson (tingnan ang maikling detalye sa “Mga ideya para sa Personal na Pag-aaral” at ang mga ipinintang larawan na kasama sa outline na ito) ay maaaring magpasimula ng talakayan tungkol sa mga himala. Marahil maaaring magkuwento ang mga miyembro ng inyong pamilya tungkol sa mga himala na nagpalakas ng kanilang pananampalataya, pati na ang mga karanasan mula sa inyong pamilya o sa inyong family history. Paano nila ginamit ang pananampalataya na kinailangan para matanggap ang mga himalang ito? Ano ang itinuturo ng Doktrina at mga Tipan 63:7–12 tungkol sa kaugnayan ng pananampalataya at mga himala?

Doktrina at mga Tipan 63:13–19.Paano natin mapoprotektahan ang ating sarili mula sa masasamang impluwensya, kabilang ang pornograpiya? (Maaari ninyong makita ang maraming makatutulong na sanggunian o resources para sa mga pamilya sa AddressingPornography.ChurchofJesusChrist.org.) Ano ang mga pagpapalang dulot ng pagsunod sa batas ng kalinisang-puri?

Doktrina at mga Tipan 63:23.Paano ninyo matutulungan ang inyong pamilya na maunawaan kung paanong tulad ng isang “balon ng tubig na buhay” ang “mga hiwaga ng kaharian,” o ang mga katotohanan ng ebanghelyo? Halimbawa, maaari kayong pumunta sa isang karatig na bukal o ilog (o ipakita ang isang video o larawan nito). Paanong tulad ng tubig ang mga katotohanan ng ebanghelyo?

Doktrina at mga Tipan 63:58.Anong mga babala ang makikita natin sa bahagi 63? Ano ang ilan sa mga babala na naririnig natin ngayon mula sa ating mga lider ng Simbahan?

Doktrina at mga Tipan 63:58–64.Ipakita sa inyong pamilya ang isang mahalagang yaman ng pamilya. Paano natin mas pinahahalagahan ang bagay na ito kaysa sa iba pang mga bagay na hindi kasing-halaga nito? Ano ang itinuturo sa atin ng Doktrina at mga Tipan 63:58–64 tungkol sa kung ano ang magagawa natin para maigalang ang mga sagradong bagay?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awit: “Paggalang ay Pagmamahal,” Aklat ng mga Awit Pambata, 12.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Ipamuhay ang natutuhan mo. “Sa nadarama mong galak na dulot ng pagkaunawa sa ebanghelyo, gugustuhin mong ipamuhay ang natututuhan mo. Sikaping mamuhay ayon sa iyong natutuhan. Sa paggawa nito, mapapalakas ang iyong pananampalataya, kaalaman, at patotoo” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo, 21).

si Joseph Smith na hawak ang kamay ng babae

Healing of Elsa Johnson’s Shoulder, ni Sam Lawlor