“Hunyo 14–20. Doktrina at mga Tipan 64–66: ‘Hinihingi ng Panginoon ang Puso at may Pagkukusang Isipan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Hunyo 14–20. Doktrina at mga Tipan 64–66,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2021
Hunyo 14–20
Doktrina at mga Tipan 64–66
“Hinihingi ng Panginoon ang Puso at may Pagkukusang Isipan”
Sinabi ni Pangulong Henry B. Eyring: “Madalas kong simulan ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan sa mga tanong na ‘Ano ang nais ng Diyos na gawin ko?’ o ‘Ano ang nais Niyang ipadama sa akin?’ Palagi akong nakakahanap ng mga bagong ideya at kaisipan na hindi ko naisip noon” (“How God Speaks to Me through the Scriptures,” Peb. 6, 2019, blog.ChurchofJesusChrist.org).
Itala ang Iyong mga Impresyon
Sa napakatinding init noong Agosto 1831, ilang elder ang naglakbay pabalik sa Kirtland matapos sukatin at siyasatin ang lupain ng Sion sa Missouri ayon sa utos ng Panginoon. Hindi iyon kasiya-siyang paglalakbay. Ang mga naglakbay—Joseph Smith, Oliver Cowdery, Sidney Rigdon, Ezra Booth, at iba pa—ay pawisan at pagod, at kaagad nauwi ang tensyon sa alitan. Tila matatagalan ang pagtatayo ng Sion, na isang lungsod na may pagmamahal, pagkakaisa, at kapayapaan.
Mabuti na lang, ang pagtatayo ng Sion—sa Missouri noong 1831 o sa ating mga puso at ward ngayon—ay hindi humihingi sa atin na maging perpekto tayo. Sa halip, “kayo ay kinakailangang magpatawad,” sabi ng Panginoon (Doktrina at mga Tipan 64:10). Hinihingi Niya “ang puso at may pagkukusang isipan” (talata 34). At ang hinihingi Niya ay pagtitiyaga at pagsisikap, sapagkat nakatayo ang Sion sa pundasyon ng “maliliit na bagay,” na nagawa ng mga taong hindi “[napa]pagod sa paggawa ng mabuti” (talata 33).
Tingnan din sa Mga Banal, 1:152–53, 156–57.
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan
Kailangan kong patawarin ang lahat.
Sa pagbabasa mo ng Doktrina at mga Tipan 64:1–11, isipin ang isang pagkakataon na pinatawad ka ng Panginoon. Maaari mo ring isipin ang tungkol sa isang tao na kailangan mong patawarin. Paano nakakaimpluwensya ang pagkahabag ng Tagapagligtas sa nadarama mo tungkol sa iyong sarili at sa ibang tao? Bakit kaya iniuutos ng Panginoon sa atin na “magpatawad sa lahat ng tao”? (talata 10). Kung nahihirapan kang magpatawad, isipin ang itinuturo ng sumusunod na resources tungkol sa kung paano makatutulong ang Tagapagligtas: Jeffrey R. Holland, “Ang Ministeryo ng Pakikipagkasundo,” Liahona, Nob. 2018, 77–79; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Magpatawad,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org.
Doktrina at mga Tipan 64:31–34
Hinihingi ng Panginoon ang aking puso at may pagkukusang isipan.
“[Na]pagod” ka na ba sa lahat ng “paggawa ng mabuti” na sinisikap mong isakatuparan? Hanapin ang mensahe ng Panginoon sa iyo sa Doktrina at mga Tipan 64:31–34. Ano ang ibig sabihin ng ibigay ang iyong “puso at may pagkukusang isipan” sa Diyos? (talata 34).
Doktrina at mga Tipan 64:41–43
Ang Sion ay magiging “sagisag sa mga tao.”
Ang sagisag ay “isang watawat o bandila kung saan ang mga tao ay nagtitipon sa pagkakaisa ng layunin o pagkakakilanlan” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Sagisag,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org). Paanong ang Sion—o ang Simbahan ng Panginoon—ay tulad ng isang sagisag para sa iyo? Isipin ang iba pang halimbawa ng mga bagay na ibinabantog, tulad ng isang sagisag, upang pagpalain ang mga tao: Mga Bilang 21:6–9; Mateo 5:14–16; Alma 46:11–20. Ano ang itinuturo sa iyo ng mga talatang ito tungkol sa paraan kung paano mo matutulungan ang Simbahan na maging isang sagisag kung saan ka nakatira? Hanapin ang iba pang mga paraan ng paglalarawan ng Panginoon sa Sion sa Doktrina at mga Tipan 64:41–43.
“Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon.”
Inilarawan ni Mateo si Juan Bautista na isang tao na sumigaw ng, “Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon” (Mateo 3:3; tingnan din sa Isaias 40:3). Sa Doktrina at mga Tipan 65, ginamit ng Panginoon ang gayon ding pananalita upang ilarawan ang Kanyang gawain sa mga huling araw. Anong mga pagkakatulad ang nakita mo sa ginawa ni Juan Bautista (tingnan sa Mateo 3:1–12) at sa nais ng Panginoon na gawin natin ngayon? Ano ang nalaman mo sa paghahayag na ito na nagbigay-inspirasyon sa iyo na tumulong para maisakatuparan ang mga propesiyang nilalaman nito? Mag-isip ng mga paraan na maaari mong “ipaalam ang mga kamangha-manghang gawa [ng Diyos] sa mga tao” (talata 4).
Batid ng Panginoon ang mga nilalaman ng puso ko.
Hindi nagtagal matapos sumapi sa Simbahan, hiniling ni William E. McLellin kay Joseph Smith na ihayag ang kalooban ng Diyos para sa kanya. Hindi ito alam ni Joseph, ngunit si William ay may limang personal na mga tanong na inasahan niyang sasagutin ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang Propeta. Hindi natin alam kung ano ang mga tanong ni William, ngunit alam natin na sinagot ng paghahayag na para sa kanya, na ngayon ay Doktrina at mga Tipan 66, ang bawat tanong sa “lubos at ganap na kasiyahan” ni William (“William McLellin’s Five Questions,” Revelations in Context, 138).
Sa pagbabasa mo ng bahagi 66, isipin kung ano ang alam ng Panginoon tungkol kay William McLellin at sa mga alalahanin at hangarin ng kanyang puso. Paano ipinahayag ng Panginoon na kilala ka Niya? Kung mayroon kang patriarchal blessing, maaari mong pag-aralan ito. Habang ginagawa mo ito, ano ang ipinauunawa sa iyo ng Espiritu Santo tungkol sa kalooban ng Diyos para sa iyo?
Tingnan din sa Mga Banal, 1:159–61; Gospel Topics, “Patriarchal Blessings,” topics.ChurchofJesusChrist.org.
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening
-
Doktrina at mga Tipan 64:8–10.Ang mga ugnayan ng pamilya ay nagbibigay ng maraming pagkakataon para matutuhan ang pagpapatawad. Marahil maaaring pag-usapan ng mga miyembro ng pamilya kung paano napagpala ang inyong pamilya ng pagpapatawad sa isa’t isa. Paano tayo tinulungan ng Tagapagligtas na mapatawad ang isa’t isa? Paano tayo “pina[hi]hirapan” (talata 8) kapag hindi natin pinatatawad ang ibang tao?
-
Doktrina at mga Tipan 64:33.Ano ang nais ng Ama sa Langit na gawin ng inyong pamilya para maisakatuparan ang Kanyang “dakilang gawain”? Marahil ito ay pagpunta sa templo, pagbabahagi ng ebanghelyo sa isang kapitbahay, o hindi pakikipagtalo. Marahil maaaring kumuha ang bawat miyembro ng pamilya ng maliliit na bagay, tulad ng mga bato o butones o mga piraso ng puzzle, at gamitin ang mga ito para sumagisag sa “maliliit na bagay” na magagawa natin sa bawat araw upang “[mai]lagay [ang] saligan” para sa dakilang gawain ng Diyos. Bilang pamilya, pumili ng isa sa maliliit na bagay na ito na gagawin sa linggong ito.
-
Doktrina at mga Tipan 66:3.Paano ninyo ituturo ang kahalagahan ng pagsisisi? Maaari kayong maghain ng kaunting pagkain sa isang pinggan na hindi gaanong malinis at basahin ang mga salita ng Panginoon kay William McLellin: “Ikaw ay malinis, subalit hindi lahat.” Pagkatapos ay maaari mong linisin ang pinggan at ibahagi ang pagkain habang tinatalakay kung paano ginagawang posible ni Jesucristo na maging malinis tayo sa espirituwal.
-
Doktrina at mga Tipan 66:10.Paano masusunod ng inyong pamilya ang payo ng Panginoon na “huwag maghangad na manligalig,” o mabigatan sa maraming bagay na dapat gawin? Maaari ninyong pag-usapan ang kuwento tungkol kina Maria at Marta (tingnan sa Lucas 10:38–42), at talakayin kung paano maiiwasang maligalig ang inyong pamilya ng mga bagay na hindi mahalaga sa kawalang-hanggan.
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.
Iminumungkahing awitin: “Ama, Ako’y Tulungan,” Aklat ng mga Awit Pambata, 52.