Doktrina at mga Tipan 2021
Hunyo 14–20. Doktrina at mga Tipan 64–66: “Hinihingi ng Panginoon ang Puso at May Pagkukusang Isipan”


“Hunyo 14–20. Doktrina at mga Tipan 64–66: ‘Hinihingi ng Panginoon ang Puso at May Pagkukusang Isipan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Hunyo 14–20. Doktrina at mga Tipan 64–66,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2021

bukid sa pagsikat ng araw

Daviess County, Missouri

Hunyo 14–20

Doktrina at mga Tipan 64–66

“Hinihingi ng Panginoon ang Puso at May Pagkukusang Isipan”

Habang naghahanda kang magturo, isipin kung paano mo maiaakma ang pamamaraan mo para matugunan ang mga pangangailangan ng mga bata. Tandaan na maaari mong gamitin ang alinman sa mga aktibidad sa outline na ito para sa mas maliliit o mas nakatatandang mga bata.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Bigyan ang bawat bata ng pagkakataon na hawakan ang larawan ng Tagapagligtas at ibahagi ang isang bagay na natututuhan nila tungkol sa Kanya at sa Kanyang ebanghelyo.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Doktrina at mga Tipan 64:9–10

Iniuutos sa akin ni Jesucristo na patawarin ang iba.

Anong mga object lesson o aktibidad ang naiisip mo na tutulong sa mga bata na maunawaan kung ano ang ibig sabihin ng magpatawad? Habang tinatalakay ninyo ang kapatawaran, ipaalala sa mga bata na ang pagpapatawad ay hindi nangangahulugang hahayaan natin ang iba na saktan tayo.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin ang pariralang “nararapat ninyong patawarin ang isa’t isa” (Doktrina at mga Tipan 64:9), at itanong sa mga bata kung ano ang ibig sabihin ng patawarin ang isang tao. Para matulungan silang maunawaan ito, magbahagi ng ilang simpleng halimbawa. Tulungan silang isadula ang mga halimbawang ito para makapagsanay sila na magpatawad.

  • Basahin ang Doktrina at mga Tipan 64:10 nang dahan-dahan sa mga bata, at sabihin sa kanila na makipagkamay sa isa pang bata kapag narinig nila ang salitang “magpatawad.” Ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa naidudulot na kapayapaan at kaligayahan kapag pinatatawad natin ang iba.

  • Kumanta ng isang awit tungkol sa pagpapatawad, tulad ng “Ama, Ako’y Tulungan” (Aklat ng mga Awit Pambata, 52). Ano ang itinuturo sa atin ng awit na ito tungkol sa pagpapatawad sa iba?

Doktrina at mga Tipan 64:34

Maaari kong sundin si Jesus nang buong puso’t isipan.

Itinuro ng Panginoon sa mga Banal na para maitayo ang Sion, kailangan nilang ibigay sa Kanya ang kanilang puso at may pagkukusang isipan. Isipin kung paano mo tutulungan ang mga bata na magsimulang isipin kung ano ang kahulugan nito para sa kanila.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin ito sa mga bata mula sa Doktrina at mga Tipan 64:34: “Masdan, hinihingi ng Panginoon ang puso at may pagkukusang isipan.” Ulitin ang pariralang ito nang ilang beses, na itinuturo ang iyong puso at ulo habang binabasa mo ang mga salitang iyon, at anyayahan ang mga bata na gawin din ito. Paano natin maibibigay ang ating puso’t isipan sa Tagapagligtas? (Maaaring makatulong na ipaliwanag na ang ating puso ay tumutukoy sa ating mga damdamin at pagmamahal at ang ating isipan ay tumutukoy sa ating mga iniisip.)

  • Kantahin ang isang awit tungkol sa pagmamahal at pagsunod sa Tagapagligtas, tulad ng “Aking Nadarama ang Pag-ibig ni Cristo,” (Aklat ng mga Awit Pambata, 42–43; lalo na ang talata 3). Paano natin ipinapakita sa Tagapagligtas na mahal natin Siya? Ibahagi ang iyong damdamin para kay Jesucristo.

Doktrina at mga Tipan 66

Kilala at mahal ako ng Panginoon.

Si William E. McLellin ay may limang partikular na tanong sa Panginoon. Natanggap ni Joseph Smith ang mga sagot sa mga ito sa isang paghahayag kahit hindi niya alam kung ano ang mga tanong ni William. Ang karanasang ito ay makakatulong sa iyo na ituro sa mga bata na alam ng Diyos ang nangyayari sa kanila at masasagot ang kanilang mga tanong.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ikuwento kung paano sinagot ng Panginoon ang mga tanong ni William E. McLellin sa pamamagitan ng isang paghahayag mula kay Propetang Joseph Smith (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 66, section heading). Patotohanan na kilala tayo ng Ama sa Langit at nais Niya tayong tulungan. Hilingin sa mga bata na ibahagi kung paano nila nalaman na mahal sila ng Ama sa Langit.

  • Basahin sa mga bata ang Doktrina at mga Tipan 66:4. Ikuwento sa mga bata ang isang pagkakataon na ipinakita sa iyo ng Panginoon ang nais Niyang ipagawa sa iyo. Muling basahin ang talata, sa pagkakataong ito ay ilagay ang pangalan ng isa sa mga bata. Ulitin para sa bawat isa sa mga bata.

    si Jesus at ang mga bata

    Mahal ni Jesucristo ang bawat isa sa atin.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Doktrina at mga Tipan 64:7–10

Nais ng Tagapagligtas na patawarin ko ang lahat.

Tulad ng ipinapakita sa mga talatang ito, maging ang mga disipulo ni Jesucristo kung minsan ay nahihirapang patawarin ang isa’t isa. Isipin kung paano mo maipapaunawa sa mga bata ang utos ng Panginoon na “magpatawad sa lahat ng tao.” (Linawin na ang pagpapatawad ay hindi nangangahulugan na pahintulutan ang mga tao na saktan tayo; dapat nilang sabihin palagi sa isang pinagkakatiwalaang matanda kung may nananakit sa kanila.)

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang mga bata na isipin na kunwari ay hinilingan silang magturo sa isang nakababatang kapatid tungkol sa pagpapatawad sa iba. Paano nila iyon gagawin? Anyayahan silang basahin ang Doktrina at mga Tipan 64:7–10 nang magkakapares at humanap ng mga pariralang gagamitin nila sa kanilang pagtuturo. Maaari din silang magsanay na magturo sa isa’t isa.

  • Kantahin nang sabay-sabay ang “Ama, Ako’y Tulungan” (Aklat ng mga Awit Pambata, 52). Paano tayo tinutulungan ng Ama sa Langit na patawarin ang iba?

  • Mag-isip ng isang analohiya na maaaring magpaunawa sa mga bata kung paano tayo “pinahi[hi]rapan” kapag hindi tayo nagpapatawad (talata 8). Halimbawa, magpakita sa mga bata ng isang supot ng putik o dumi; hilingin sa kanila na isipin na kunwari ay may bumato ng putik sa kanila. Bakit magiging katulad ng hindi pagpapatawad ang pag-iingat sa putik at laging pagdadala nito? Bakit mas makakabuting itapon ang putik? Tulungan ang mga bata na mag-isip ng iba pang mga analohiya na nagtuturo kung bakit mahalagang magpatawad.

Doktrina at mga Tipan 64:33–34

Hinihingi ng Panginoon ang aking “puso at may pagkukusang isipan.”

Ang pagtatayo ng Sion—o pagtulong sa Simbahan na lumago—ay “isang dakilang gawain.” Para maisakatuparan ito, hinihingi ng Panginoon na ialay natin sa Kanya ang ating puso at may pagkukusang isipan. Yaong mga namumuhay sa Sion ay may “isang puso at isang isipan” (Moises 7:18).

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magpakita sa mga bata ng ilang bagay na binubuo ng maraming maliliit na bahagi, tulad ng isang puzzle o isang alpombra. Tulungan silang mag-isip ng iba pang mga halimbawa. Anyayahan ang mga bata na basahin ang Doktrina at mga Tipan 64:33. Ano ang nais ipagawa ng Diyos sa atin para matulungan Siyang isakatuparan ang Kanyang “dakilang gawain”? Ano ang “maliliit na bagay” na magagawa natin na makakatulong na maisakatuparan ang gawaing ito?

  • Hilingin sa mga bata na kumpletuhin ang isang gawain na nangangailangan ng dalawang bagay, ngunit bigyan lamang sila ng isa (halimbawa, pagsusulat sa pisara nang walang chalk o paggupit ng isang piraso ng papel nang walang gunting). Anyayahan ang mga bata na basahin ang Doktrina at mga Tipan 64:34 para malaman kung ano ang dalawang bagay na hinihingi sa atin ng Panginoon. Bakit kailangan nating ibigay kapwa ang ating puso’t isipan sa Panginoon? Paano natin ito ginagawa?

Doktrina at mga Tipan 65

Maaari akong tumulong na ihanda ang mundo sa pagtanggap kay Jesucristo.

Ang misyon ng Simbahan—ang kaharian ng Diyos sa lupa—ay ihanda ang mundo para sa pagbabalik ng Tagapagligtas. Ang mga batang tinuturuan mo ay mahalagang bahagi ng misyong ito. Ano ang magagawa mo para tulungan silang makalahok?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Bilang isang klase o bilang magkakapares, basahin ang Doktrina at mga Tipan 65, at bilangin kung ilang beses nakasulat ang salitang “ihanda.” Ano ang hinihiling ng Panginoon na paghandaan natin? Ano ang magagawa natin para ihanda ang ating sarili at ang mundo?

  • Magpakita ng isang larawan ng Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 66), at hilingin sa mga bata na ilarawan kung ano ang nakikita o nalalaman nila tungkol sa kaganapang ito. Bigyan ang mga bata ng mahahalagang salita at pariralang hahanapin sa Doktrina at mga Tipan 65 (tulad ng “mapuno nito ang buong mundo” at “mga kamangha-manghang gawa”). Ano ang itinuturo sa atin ng mga salita at pariralang ito tungkol sa Ikalawang Pagparito at sa tungkulin nating maghanda para dito?

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Tulungan ang mga bata na maghanap ng isang talata sa Doktrina at mga Tipan 64–66 na gusto nila at nais nilang ibahagi sa isang kapamilya o kaibigan.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Matutong kumilala ng paghahayag. Habang ikaw ay nananalangin at nagninilay tungkol sa mga banal na kasulatan, malalaman mo na ang mga ideya at impresyon ay maaaring dumating anumang oras at saanmang lugar—“habang papunta ka sa trabaho, gumagawa ng mga gawaing-bahay, o nakikipag-ugnayan sa pamilya at mga kaibigan” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 12).