Doktrina at mga Tipan 2021
Hunyo 7–13. Doktrina at mga Tipan 63: “Yaong Nagmumula sa Kaitaasan ay Banal”


“Hunyo 7–13. Doktrina at mga Tipan 63: ‘Yaong Nagmumula sa Kaitaasan ay Banal,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Hunyo 7–13. Doktrina at mga Tipan 63,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2021

Larawan
parang sa Missouri

Springhill, Daviess County, Missouri, ni Garth Robinson Oborn

Hunyo 7–13

Doktrina at mga Tipan 63

“Yaong Nagmumula sa Kaitaasan ay Banal”

Ang mga katotohanang itinuro sa Doktrina at mga Tipan 63 ay makakatulong sa mga batang tinuturuan mo na mapalakas ang kanilang pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Dahil limitado ang oras mo sa kanila, isipin kung aling mga katotohanan ang magiging pinakamakabuluhan sa kanila, batay sa kanilang mga pangangailangan.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Larawan
icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Mag-isip ng mga simple at malikhaing paraan para mabigyan ng pagkakataon ang mga bata na ibahagi ang natututuhan nila. Halimbawa, maghanda ng iba’t ibang sukat ng mga piraso ng papel, at pakuhanin ng isa ang bawat bata nang hindi namimili. Anyayahan ang batang may pinakamahabang papel na maunang magbahagi.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Doktrina at mga Tipan 63:23

Nais ng Ama sa Langit na matutuhan ko ang ebanghelyo.

Palaging may natututuhan ang mga bata. Tulungan silang makita na tutulungan sila ng Ama sa Langit na matuto tungkol sa Kanya kung susundin nila ang Kanyang mga utos.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin ang Doktrina at mga Tipan 63:23 sa mga bata, at hilingin sa kanila na pakinggan kung ano ang ibibigay ng Diyos sa atin kung susundin natin ang mga kautusan. Ipaunawa sa kanila na ang “mga hiwaga” ay mga bagay na mas maituturo pa ng Diyos sa atin, tulad ng kung paano maging higit na katulad ni Jesucristo.

  • Magdala ng mga larawan sa klase na kumakatawan sa mga paksa ng ebanghelyo na maaari pang pag-aralan ng mga bata, tulad ng binyag, ang Tagapagligtas, mga templo, at iba pa. Ilagay ang mga larawan nang pataob sa sahig, at hayaang magsalitan ang mga bata sa pagtitihaya ng isa. Hilingin sa kanila na ibahagi ang alam nila at ang anumang mga tanong nila tungkol sa bawat paksa.

Doktrina at mga Tipan 63:49

Ako ay mabubuhay na mag-uli.

Ngayon man o sa hinaharap, ang mga batang tinuturuan mo ay mapapanatag na malaman na dahil sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, lahat ng namatay ay mabubuhay na mag-uli balang araw.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipakita sa mga bata ang larawan ng isa sa iyong mga mahal sa buhay na pumanaw na, at magkuwento tungkol sa taong iyon. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 63:49 sa mga bata, at magpatotoo na ang taong iyon ay “babangon mula sa mga patay” balang araw at hindi na muling mamamatay kailanman. Itanong sa mga bata kung may kakilala silang namatay na. Magpatotoo na tayong lahat ay mabubuhay na mag-uli dahil kay Jesucristo.

  • Ipakita ang mga larawan ng libing at Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 5859). Anyayahan silang pag-usapan kung ano ang nangyayari sa mga larawan. Anyayahang humiga ang mga bata habang nagkukuwento ka tungkol sa libing ni Jesus at tumayo habang nagkukuwento ka tungkol sa Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 63:49, at magpatotoo na babangon tayong lahat mula sa mga patay balang araw tulad ni Jesus.

    Larawan
    si Jesus nang magpakita kay Maria

    Garden Tomb [Libingan sa Halamanan], ni Jon McNaughton

Doktrina at mga Tipan 63:64

Dapat kong tratuhin nang may pagpipitagan ang mga sagradong bagay.

Nabubuhay tayo sa isang panahon na madalas ay binabalewala o maaaring kinukutya pa nga ang mga sagradong bagay. Matutulungan mo ang mga bata na magkaroon ng pagpipitagan para sa mga sagradong bagay.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin ito sa mga bata mula sa Doktrina at mga Tipan 63:64: “Yaong nagmumula sa kaitaasan ay banal.” Hilingin sa kanila na mag-isip ng isang bagay na espesyal sa kanila, tulad ng isang paboritong laruan o aklat. Paano nila ito inaalagaan at pinoprotektahan? Tulungan silang mag-isip ng mga bagay na espesyal—o sagrado—sa Ama sa Langit. Paano natin dapat banggitin ang mga bagay na ito? Paano natin dapat tratuhin ang mga ito?

  • Kantahin ninyo ng mga bata ang isang awit tungkol sa pagpipitagan, tulad ng “Tahimik, Taimtim” (Aklat ng mga Awit Pambata, 11). Tulungan silang mag-isip ng mga paraan na maaari silang magpakita ng pagpipitagan para sa mga sagradong bagay.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Doktrina at mga Tipan 63:9–10

Ang mga tanda ay dumarating ayon sa pananampalataya at kalooban ng Diyos.

Si Ezra Booth ay sumapi sa Simbahan matapos makita na pinagaling ni Joseph Smith ang braso ni Elsa Johnson. Ngunit kalaunan ay nawalan siya ng pananampalataya, at naging mapamintas sa Propeta. Ang Doktrina at mga Tipan 63 ay naglalaman ng mga babala laban sa pagsisikap na ibatay ang ating pananampalataya sa mga tanda, tulad ng mga mahimalang pagpapagaling, sa halip na sa espirituwal na pagpapatibay ng katotohanan.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipakita ang larawan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya, at sabihin sa mga bata na ginamit ni Joseph Smith ang priesthood para pagalingin ang braso ni Elsa Johnson, na hindi niya lubos na nagamit sa loob ng dalawang taon. Anyayahan ang mga bata na basahin ang Doktrina at mga Tipan 63:9–10, at hilingin sa kanila na ibahagi ang isang bagay na sinasabi ng Panginoon tungkol sa pananampalataya at mga tanda (o mga himala).

  • Anyayahan ang mga bata na magdrowing ng isang bahay na nasa ibabaw ng isang parihaba at isa pang bahay na nasa tuktok ng isang tatsulok. Sabihin sa mga bata na ang mga bahay ay kumakatawan sa ating pananampalataya at mga patotoo. Hilingin sa kanila na basahin ang Doktrina at mga Tipan 63:9–10 at Helaman 5:12. Pagkatapos ay ipasulat sa kanila sa parihaba kung saan natin dapat itatag ang ating pananampalataya at sa tatsulok naman kung saan natin hindi dapat itatag ang ating pananampalataya. Ipaliwanag na ang parihaba ay naglalaan ng matatag na lugar na mapagtatayuan ngunit ang tatsulok ay hindi ligtas at sigurado. Bakit mahalagang itatag kay Jesucristo ang ating pananampalataya sa halip na sa ibang mga bagay?

Doktrina at mga Tipan 63:23

Kapag sinusunod ko ang mga kautusan, ituturo sa akin ng Diyos ang Kanyang mga katotohanan.

Ang “mga hiwaga ng [kaharian ng Diyos]” ay para lamang sa mga sumusunod sa mga utos ng Diyos. Ito ang dahilan kaya hiwaga ang mga ito sa maraming tao. Ang alituntuning ito ay tutulong sa mga bata sa paghahanap nila sa katotohanan.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magpakita sa mga bata ng larawan ng isang balon, at hilingin sa kanila na magdrowing ng isang balon. Matapos basahin nang sama-sama ang Doktrina at mga Tipan 63:23, tulungan silang mag-isip ng mga katotohanang alam nila tungkol sa ebanghelyo, at anyayahan silang isulat ang mga katotohanang ito sa paligid ng kanilang balon. Paano naging parang “tubig na buhay” ang mga katotohanang ito?

Doktrina at mga Tipan 63:58–64

Hindi ko dapat banggitin sa walang kabuluhan ang pangalan ng Diyos.

Maaaring marinig ng mga batang tinuturuan mo ang iba na ginagamit ang pangalan ng Diyos sa paraang hindi mapitagan at lapastangan. Paano mo maipapaunawa sa kanila na ang mga pangalan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ay “kailangang sambitin nang may pag-iingat”? (Doktrina at mga Tipan 63:64).

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin ito sa mga bata mula sa Doktrina at mga Tipan 63:58: “Ito ay araw ng babala.” Hilingin sa kanila na pag-usapan ang mga babalang naririnig nila mula sa kanilang mga magulang, guro, at lider ng Simbahan. Pagkatapos ay tulungan silang hanapin ang mga babala mula sa Panginoon sa mga talata 58–64. Anu-ano ang ilang angkop na paraan ng “[paggamit] sa pangalan ng Panginoon”? (talata 62).

  • Sama-samang rebyuhin ang “Pananalita” sa Para sa Lakas ng mga Kabataan (mga pahina 20–21). Hilingin sa mga bata na gumawa ng maliliit na poster na nagpapaalala sa kanila ng isang bagay na natutuhan nila tungkol sa paggamit ng pangalan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.

  • Kantahin nang sabay-sabay ang isang awit tungkol sa pagpipitagan, tulad ng “Tahimik, Taimtim” (Aklat ng mga Awit Pambata, 11). Paano natin matitiyak na tayo ay mapitagan kapag binabanggit natin ang Ama sa Langit at si Jesucristo?

Larawan
icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Kung wala kang oras na gawin ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito, isiping bigyan ng kopya ang bawat bata na maiuuwi nila sa bahay para kumpletuhin na kasama ang kanilang pamilya.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Palakasin ang tiwala ng mga bata sa sarili. Maaaring pakiramdam ng ilang bata ay wala silang kakayahang matutuhan ang ebanghelyo nang mag-isa. Ang isang paraan para tulungan silang magkaroon ng tiwala sa sarili ay purihin sila kapag nakikibahagi sila sa klase. Ipangako sa mga bata na tutulungan sila ng Espiritu Santo habang nag-aaral sila.

Print