Doktrina at mga Tipan 2021
Mayo 17–23. Doktrina at mga Tipan 51–57: “Isang Matapat, Makatarungan, at Matalinong Katiwala”


“Mayo 17–23. Doktrina at mga Tipan 51–57: ‘Isang Matapat, Makatarungan, at Matalinong Katiwala,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Mayo 17–23. Doktrina at mga Tipan 51–57,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2021

magsasaka na may kasamang mga baka

First Furrow, ni James Taylor Harwood

Mayo 17–23

Doktrina at mga Tipan 51–57

“Isang Matapat, Makatarungan, at Matalinong Katiwala”

Tinutulungan ka ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan na makilala ang tinig ng Panginoon, sapagka’t ang mga banal na kasulatan ay ibinigay Niya sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 18:34–36).

Itala ang Iyong mga Impresyon

Para sa mga miyembro ng Simbahan noong 1830s, ang pagtitipon sa mga Banal at pagtatayo ng lunsod ng Sion ay espirituwal at temporal na mga gawain, na may maraming praktikal na bagay na dapat ayusin: Kailangang may isang bibili at mamamahagi ng lupa kung saan maaaring manirahan ang mga Banal. Kailangan ng isang taong maglilimbag ng mga aklat at iba pang mga lathalain. At isang tao na kailangan para mangasiwa ng isang tindahan upang makapaglaan ng mga kalakal sa mga tao sa Sion. Sa mga paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 51–57, nagtalaga at nagbigay ng tagubilin ang Panginoon sa mga tao na pangasiwaan ang mga gawaing ito, at tinukoy Niya ang Independence, Missouri, bilang “tampok na lugar” ng Sion (Doktrina at mga Tipan 57:3).

Ngunit bagama’t ang mga kasanayang tulad ng pagbili ng lupa, paglilimbag, at pangangasiwa ng tindahan ay mahalaga sa temporal na gawain ng pagtatayo ng Sion, itinuturo din ng mga paghahayag na ito na nais ng Panginoon na maging espirituwal na karapat-dapat na tawaging mga mamamayan ng Sion ang Kanyang mga Banal. Tinatawag Niya ang bawat isa sa atin na maging “isang matapat, makatarungan, at matalinong katiwala,” na ang espiritu ay nagsisisi, “[nananatiling] matatag” sa mga responsibilidad na ibinigay sa atin (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 51:19; 52:15; 54:2). Kung magagawa natin iyan—anuman ang ating temporal na mga kasanayan—magagamit tayo ng Panginoon upang itayo ang Sion, at “mamadaliin [Niya] ang lunsod sa kanyang panahon” (Doktrina at mga Tipan 52:43).

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Doktrina at mga Tipan 51

Nais ng Panginoon na maging matapat ako, makatarungan, at matalinong katiwala.

Kung ikaw ay miyembro ng Simbahan noong 1831, maaaring naanyayahan kang ipamuhay ang batas ng paglalaan sa pamamagitan ng pagpapaubaya ng iyong mga ari-arian sa Simbahan sa pamamagitan ng bishop. Pagkatapos ay ibabalik niya sa iyo, kadalasan, ang donasyon mo, na may sobra pa kung minsan. Pero hindi na ito pag-aari mo lang—ito ang pangangasiwaan mo.

Ang mga pamamaraan ngayon ay iba na, ngunit ang mga alituntunin ng paglalaan at pangangasiwa ay mahalaga pa rin sa gawain ng Panginoon. Isaalang-alang ang mga salitang ito mula kay Elder Quentin L. Cook: “Tayo ay nabubuhay sa mga panahong mapanganib kung kailan marami ang naniniwala na hindi tayo mananagot sa Diyos at wala tayong personal na pananagutan o pangangasiwa sa ating sarili o sa iba. Marami sa mundo ang nakatuon sa pansariling kasiyahan … [at] hindi sila naniniwala na sila ang tagapagbantay ng kanilang kapatid. Gayunpaman, sa Simbahan naniniwala tayo na ang mga pangangasiwang ito ay sagradong pagtitiwala” (“Pangangasiwa—Isang Sagradong Pagtitiwala,” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 91).

Habang binabasa mo ang bahagi 51, isipin kung ano ang ipinagkatiwala ng Diyos sa iyo. Ano ang ibig sabihin ng mga salitang “katiwala” (talata 19) at “inilaan” (talata 5), at ano ang ipinahihiwatig ng mga ito tungkol sa mga inaasahan ng Diyos sa iyo? Anong mga alituntunin ang nakita mo sa bahagi 51 at sa mga salita ni Elder Cook na nagtuturo sa iyo kung ano ang ibig sabihin ng maging katiwala? (tingnan lalo na ang mga talata 9, 15–20).

Tingnan din sa Mateo 25:14–30.

Doktrina at mga Tipan 52:14–19

Ang Diyos ay nagbigay ng huwaran [pattern] para makaiwas sa panlilinlang.

Dahil maraming tao ang nagsabing nagkaroon sila ng mga espirituwal na pagpapahayag, ang mga naunang Banal ay nag-alala na baka malinlang sila. Paano nila malalaman kung sino ang “tinatanggap [ng Diyos]”? (talata 15). Sa Doktrina at mga Tipan 52:14–19, nagbigay ang Panginoon ng isang makatutulong na huwaran [pattern]. Paano mo magagamit ang huwaran [pattern] na ito para mahiwatigan ang mga maling mensahe sa mundo? Maaari mo ring gamitin ang huwaran [pattern] na ito upang suriin ang iyong sarili: maaaring gamitin ang mga parirala mula sa mga talatang ito upang makasulat ng mga tanong na tulad ng “Kapag nagsasalita ako, ang espiritu ko ba ay nagsisisi?”

Doktrina at mga Tipan 54

Maaari akong bumaling sa Panginoon kapag nasasaktan ako dahil sa mga pasiya ng ibang tao.

Bilang bahagi ng pagtitipon sa Ohio, isang grupo ng mga Banal na pinamunuan ni Newel Knight ang dumating mula sa Colesville, New York, at nangailangan ng matitirhan. Si Leman Copley ay may malaking sakahan malapit sa Kirtland, at siya ay nakipagtipan na papayagan niya ang mga Banal na manirahan sa kanyang lupain. Gayunman, nang magsimula na silang manirahan doon, nanghina ang pananampalataya ni Copley, sinira ang kanyang tipan, at pinalayas ang mga Banal mula sa kanyang ari-arian (tingnan sa Mga Banal, 1:143–46).

Tulad ng nakatala sa bahagi 54, sinabi ng Panginoon kay Newel Knight kung ano ang dapat gawin ng mga Banal tungkol sa kanilang sitwasyon. Ano ang nakita mo sa paghahayag na ito na makatutulong sa iyo kapag nakaapekto sa iyo ang nasirang pangako o iba pang mga maling pasiya ng isang tao?

luntiang bukid

Lugar ng sakahan sa Ohio na ipinangako ni Leman Copley sa Simbahan.

Doktrina at mga Tipan 56:14–20

Mapapalad ang mga dalisay na puso.

Sa mga talatang ito, nagsalita ang Panginoon kapwa sa mayayaman at sa mga maralita; maaaring magandang ikumpara ang mga payo Niya sa dalawang grupong ito. Ano sa mga talatang ito ang makabuluhan sa iyo mismo? Paanong ang pagtutuon sa mga kayamanan ay “lulupig” sa iyong kaluluwa? (talata 16). Ano ang ibig sabihin sa iyo ng maging “dalisay sa puso” (talata 18) hinggil sa mga materyal na bagay?

Tingnan din sa Jacob 2:17–21.

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Doktrina at mga Tipan 51:9.Maaari ninyong laruin ang isang laro na kinatutuwaan ng pamilya at pagkatapos ay pag-usapan kung ano ang mababago sa laro kung may isang nandaraya. Bakit mahalagang “makitungo nang tapat” sa bawat isa? Paano nakatutulong sa atin ang katapatan para “maging isa” tayo?

Doktrina at mga Tipan 52:14–19.Habang tinatalakay ninyo ang huwaran [pattern] na inilarawan sa mga talatang ito, maaaring naisin ng inyong pamilya na tingnan ang iba pang mga huwaran [pattern] na gamit ninyo—tulad ng mga pattern sa pananahi ng damit o paggawa ng isang bagay. Maaari kayong magtulungan sa paggawa ng isang bagay mula sa isang pattern habang nag-uusap tungkol sa huwaran [pattern] na ibinigay ng Panginoon para makaiwas sa panlilinlang.

Doktrina at mga Tipan 53:1.Maaari mong ibahagi sa iyong pamilya ang isang karanasan nang ikaw, tulad ni Sidney Gilbert, ay nagtanong sa Panginoon “hinggil sa iyong pagkatawag.”

Doktrina at mga Tipan 54:2; 57:6–7.Ano ang ibig sabihin ng “[manatiling] matatag” (Doktrina at mga Tipan 54:2) sa iniutos ng Diyos na gawin natin? Maaari ninyong anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na tumayo at magbanggit ng isang bagay na ipinagawa sa kanila ng Diyos.

Doktrina at mga Tipan 55.Paano ginamit ng Panginoon ang mga kakayahan ni William Phelps bilang manunulat at manlilimbag? (Maaari mong banggitin na isinulat din ni William Phelps ang teksto para sa maraming himno, kasama ang “Espiritu ng Diyos,” “Tayo’y Magalak,” at “Manunubos ng Israel.”) Siguro maaaring pag-usapan ng mga miyembro ng pamilya ang mga talento at kakayahang nakikita nila sa bawat isa. Paano makapag-aambag ang ating mga talento sa gawain ng Diyos?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awit: “‘Magbigay,’ Wika ng Munting Sapa,” Aklat ng mga Awit Pambata, 116.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Magsulat sa study journal. Maaaring makatulong ang paggamit ng journal o notebook na masusulatan ng mga kaisipan, ideya, tanong, o impresyong dumarating sa iyo habang ikaw ay nag-aaral.

mga miyembro na nagbibigay ng mga kalakal kay Edward Partridge

Bishop Partridge Receives Consecration, ni Albin Veselka