Doktrina at mga Tipan 2021
Mayo 17–23. Doktrina at mga Tipan 51–57: “Isang Matapat, Makatarungan, at Matalinong Katiwala”


“Mayo 17–23. Doktrina at mga Tipan 51–57: ‘Isang Matapat, Makatarungan, at Matalinong Katiwala,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Mayo 17–23. Doktrina at mga Tipan 51–57,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary

Larawan
magsasaka na may kasamang mga baka

First Furrow [Unang Pag-aararo], ni James Taylor Harwood

Mayo 17–23

Doktrina at mga Tipan 51–57

“Isang Matapat, Makatarungan, at Matalinong Katiwala”

Bukod pa sa mga ideyang iminumungkahi rito, maaaring ipahiwatig sa iyo ng Espiritu na magtuon sa ibang bagay mula sa Doktrina at mga Tipan 51–57 na maaaring mahalaga para sa mga batang tinuturuan mo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Larawan
icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Hayaang bumunot ng numero mula sa isang lalagyan ang mga batang nais magbahagi ng isang bagay na natutuhan nila para matukoy kung pang-ilan sila sa mga magbabahagi.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Doktrina at mga Tipan 51:9

Maaari akong maging matapat.

Pinag-aaralan pa ng maraming bata ang kahulugan ng pagsasabi ng katotohanan. Isipin kung paano mo maaaring patibayin ang kahalagahan ng pagsasalita at pagkilos nang may katapatan.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin ito sa mga bata mula sa Doktrina at mga Tipan 51:9: “Makitungo nang tapat ang bawat tao” (tingnan din sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:13). Itanong sa mga bata kung alam nila ang ibig sabihin ng maging matapat. Para mas makaunawa sila, bigyan sila ng mga halimbawa ng mga pagkilos na nagpapakita ng katapatan.

  • Magbahagi ng ilang simpleng kuwento tungkol sa mga batang naharap sa mga desisyon tungkol sa pagiging matapat, tulad ng desisyong umamin kapag may nagawa silang mali. Gumamit ng mga larawan, puppet na medyas, o manikang papel para gawing mas kawili-wili ang mga kuwento. Itanong sa mga bata kung ang mga taong ito ay matapat o hindi.

  • Kantahin ang isang awit tungkol sa katapatan, tulad ng “Ang Tama’y Ipaglaban” (Aklat ng mga Awit Pambata, 81). Magpatotoo kung bakit mahalagang maging matapat.

Doktrina at mga Tipan 52:10; 53:3; 55:1

Ang kaloob na Espiritu Santo ay natatanggap sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay.

Ang pagtanggap ng Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ay nabanggit nang ilang ulit sa Doktrina at mga Tipan 51–57. Maaaring maging isang magandang pagkakataon ito para turuan ang mga bata tungkol sa ordenansang ito.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magpakita ng larawan ng isang batang kinukumpirma (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 105). Anyayahan ang mga bata na ilarawan ang nangyayari sa larawan. Hilingin sa kanila na pumalakpak kapag narinig nila ang “pagpapatong ng mga kamay” habang binabasa mo ang isa o mahigit pa sa sumusunod na mga talata: Doktrina at mga Tipan 52:10; 53:3; 55:1.

  • Ikuwento sa mga bata noong matanggap mo ang kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan pagpapatong ng mga kamay matapos kang binyagan. Tulungan ang mga bata na asamin ang pagtanggap nila mismo ng kaloob na ito. Talakayin sa kanila ang mga paraan na maaari nating anyayahan ang Espiritu sa ating buhay.

  • Kantahin ang “Ang Espiritu Santo” (Aklat ng mga Awit Pambata, 56) o isang awit na katulad nito. Bigyang-diin ang mga salita at pariralang nagtuturo tungkol sa kaloob na Espiritu Santo.

    Larawan
    batang lalaking kinukumpirma

    Paglalarawan ni Dan Burr ng isang batang lalaking kinukumpirma

Doktrina at mga Tipan 54:4–6

Dapat kong tuparin palagi ang aking mga pangako.

Nakipagtipan si Leman Copley na pahihintulutan ang mga Banal mula sa Colesville, New York, na manirahan sa kanyang lupain sa Ohio. Ngunit nang dumating sila, hindi niya tinupad ang kanyang tipan at pinaalis sila.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ibahagi sa mga bata ang nangyari sa mga Banal na dumating para manirahan sa lupain ni Leman Copley (tingnan sa section heading ng Doktrina at mga Tipan 54; tingnan din sa “Kabanata 21: Ang Propeta ay Pumunta sa Missouri,” Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 81–83). Tulungan silang isipin kung ano ang maaaring nadama ng mga Banal nang sumira si Leman sa kanyang pangako.

  • Gupitin sa gitna ang isang pusong papel, at bigyan ng tig-kalahati ang dalawang bata. Hilingin sa kanila na pagdikitin ang kanilang mga hati para makagawa ng isang buong puso. Hayaang magsalitan ang iba pang mga bata sa paghawak ng kalahati ng puso. Tulungan ang mga bata na ikumpara ito sa mga pangako o tipan na ginagawa natin sa Diyos. Palaging tutuparin ng Diyos ang Kanyang bahagi sa tipan kung tutuparin natin ang sa atin.

  • Ipaalala sa mga bata na kapag sila ay nabinyagan, sila ay makikipagtipan, o mangangako, na susundin nila ang mga utos ng Diyos. Basahin sa kanila mula sa Doktrina at mga Tipan 54:6 kung paano pinagpapala ng Panginoon ang mga taong tumutupad sa kanilang mga tipan.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Doktrina at mga Tipan 51:1955

Maaari kong gamitin ang mga pagpapalang naibigay sa akin ng Diyos para pagpalain ang iba.

Ipinagkatiwala na ng Panginoon sa bawat isa sa atin ang mga kaloob at pagpapalang magagamit natin para itayo ang Kanyang kaharian.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Itago ang mga salitang “matapat,” “makatarungan,” at “matalino” sa paligid ng silid. Anyayahan ang mga bata na hanapin ang mga salita sa silid at pagkatapos ay hanapin nila ang mga ito sa Doktrina at mga Tipan 51:19. Sama-samang basahin ang talata, at pag-usapan ang ibig sabihin ng maging katiwala. Kung kailangan, sama-samang basahin ang unang talata ng “Katiwala, Ipinagkatiwala” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (scriptures.ChurchofJesusChrist.org).

  • Ikuwento sa mga bata si William W. Phelps, na isang tagapaglathala ng pahayagan bago siya nakarinig tungkol sa ebanghelyo at lumipat sa Kirtland. Hilingin sa mga bata na basahin ang Doktrina at mga Tipan 55:1–4 at ilista ang mga gustong ipagawa ng Diyos kay William. Alin sa mga bagay na ito ang maaaring umangkop sa ating lahat, at alin ang mga para lang kay William dahil sa kanyang mga talento? Hilingin sa mga bata na tukuyin ang mga talentong nakikita nila sa isa’t isa, at talakayin kung paano nila magagamit ang mga talentong iyon para maglingkod sa Diyos at sa Kanyang mga anak.

Doktrina at mga Tipan 52:14–19

Ang Diyos ay may isang huwaran na makakatulong para hindi ako malinlang.

Sa mga talatang ito, nagbigay ang Panginoon ng isang huwaran para “hindi [tayo] malinlang” (Doktrina at mga Tipan 52:14) ng mga bulaang guro at maling mensahe.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magpakita ng halimbawa ng isang huwaran sa mga bata (tulad ng isang padron sa pananahi ng damit o paggawa ng isang bagay), at pag-usapan kung bakit nakakatulong ang mga huwaran. Para matuto ang mga bata tungkol sa isang huwarang nagmumula sa Panginoon, isulat sa pisara ang mga pariralang tulad ng Siya na , siya rin ay , Siya na  ay , at Siya na  ay hindi . Anyayahan ang mga bata na basahin ang Doktrina at mga Tipan 52:15–18 at punan ang mga patlang. Bakit nakakatulong sa atin ang huwarang ito? (tingnan sa mga talata 14, 19).

  • Magdrowing ng isang simpleng bagay, at anyayahan ang mga bata na sundan ang iyong huwaran para maidrowing din nila iyon. Pagkatapos ay saliksikin ninyo ng mga bata ang huwaran ng Panginoon na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 52:14–19.

Doktrina at mga Tipan 54

Dapat kong tuparin palagi ang aking mga tipan.

Bagama’t ang ating mga tipan ay personal, ang ating katapatan sa pagtupad sa mga ito ay maaaring makaapekto sa buhay ng iba. Inilalarawan ng kuwento ni Leman Copley at ng mga Banal mula sa Colesville, New York, ang katotohanang ito.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ibahagi sa mga bata ang nangyari nang manirahan ang mga Banal mula sa Colesville, New York, sa lupain ni Leman Copley (tingnan sa section heading ng Doktrina at mga Tipan 54; tingnan din sa “Kabanata 21: Ang Propeta ay Pumunta sa Missouri,” Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 81–83). Ano kaya ang pakiramdam ng maging isa sa mga Banal na iyon at malaman na sinira ni Leman ang kanyang tipan na ibahagi ang kanyang lupain? Ano ang itinuturo sa atin ng kuwentong ito tungkol sa pagtupad sa ating mga tipan? Sama-samang basahin ang Doktrina at mga Tipan 54:6 para matuto tungkol sa isang pagpapalang ibinibigay ng Panginoon sa mga tumutupad ng kanilang mga tipan.

  • Ipaalala sa mga bata ang mga tipang ginawa nila noong sila ay bininyagan (tingnan sa Mosias 18:8–10). Tulungan silang mag-isip ng mga paraan na tinutupad nila ang mga tipang ito, at ipakita sa kanila kung paano sila ihahanda nitong gumawa ng mga karagdagang tipan sa hinaharap.

Larawan
icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Kung tila nasiyahan ang mga bata sa isa sa mga aktibidad ngayon, imungkahi na ulitin nila ang aktibidad na iyon sa bahay kasama ng kanilang pamilya.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Ipamuhay ang itinuturo mo. Ang pagtuturo mo ay magiging mas mabisa kung mapapatotohanan mo mula sa personal na karanasan ang mga pagpapala ng pamumuhay ng ebanghelyo. Habang pumipili ka ng mga alituntuning ituturo sa mga bata, pagnilayan kung paano mo maaaring ipamuhay ang mga alituntuning iyon nang mas lubusan. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 13–14.)