“Abril 26–Mayo 2. Doktrina at mga Tipan 45: ‘Ang mga Pangako … ay Matutupad,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Abril 26–Mayo 2. Doktrina at mga Tipan 45,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2021
Abril 26–Mayo 2
Doktrina at mga Tipan 45
“Ang mga Pangako … ay Matutupad”
Bilang isang guro, ang pinakamahalaga mong paghahanda ay espirituwal. Magsimula sa pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan 45 at sa pagdarasal para sa patnubay ng Espiritu Santo. Ang outline na ito ay nagbibigay ng mga ideya na maaaring makatulong sa iyo. Maaari ka ring makahanap ng mga ideya sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya o sa Liahona.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Itanong sa mga bata kung gusto nilang magbahagi ng isang bagay na natutuhan nila mula sa mga banal na kasulatan sa linggong ito. Pumili ng isang magbabahagi, at hilingin sa ibang mga bata na itaas ang kanilang mga kamay kung may natutuhan silang isang bagay na katulad nito.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Maaari akong “[tumayo] sa mga banal na lugar.”
Sa Doktrina at mga Tipan 45:32, itinuro ng Panginoon na makasusumpong ng kaligtasan sa mga huling araw ang Kanyang mga disipulo sa pamamagitan ng pagtayo sa mga banal na lugar—mga lugar na espesyal sa Panginoon. Paano mo matutulungan ang mga bata na matukoy ang mga banal na lugar sa kanilang buhay?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Maglagay ng mga larawan ng isang tahanan, isang gusali ng Simbahan, at isang templo sa iba’t ibang lugar sa paligid ng silid. Magbigay ng mga clue na naglalarawan sa mga lugar na ito, at anyayahan ang mga bata na tumayo malapit sa larawang inilalarawan mo. Basahin ang unang taludtod mula sa Doktrina at mga Tipan 45:32. Magpatotoo na pinagpapala tayo kapag nag-uukol tayo ng panahon sa mga banal na lugar tulad ng ating mga tahanan, mga gusali ng ating simbahan, at templo. Hilingin sa mga bata na sabihin kung ano ang pakiramdam nila kapag sila ay nasa mga banal na lugar na tulad ng mga ito.
-
Anyayahan ang mga bata na kumpletuhin ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito. Tulungan silang isulat ang “Makakatulong ako upang maging banal na lugar ang aking tahanan” at ang “Doktrina at mga Tipan 45:32” sa drowing nila. Ano ang magagawa nila para maging banal na lugar ang kanilang tahanan?
-
Para matulungan ang mga bata na isipin kung ano ang ibig sabihin ng “hindi matitinag,” hilingin sa kanila na tumayo nang hindi gumagalaw sa loob ng isang minuto. Basahin ang unang taludtod ng Doktrina at mga Tipan 45:32. Ipaunawa sa mga bata na ang ibig sabihin ng “[tumayo] sa mga banal na lugar, at hindi matitinag” ay piliin ang tama sa lahat ng oras, anuman ang nangyayari. Anyayahan silang “huwag matinag” palayo sa matwid na mga kaisipan at kilos.
Doktrina at mga Tipan 45:44–45
Si Jesucristo ay muling paparito.
Nang marinig ng mga Banal sa Kirtland, Ohio, ang paghahayag na matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan 45, na bumabanggit sa mga huling araw at sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas, tinanggap nila ito nang may kagalakan. Isipin kung paano mo tutulungan ang mga bata na maghanda nang may kagalakan para sa Ikalawang Pagparito.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Tulungan ang mga bata na isipin kung ano ang pakiramdam nila kapag alam nila na may darating na espesyal na tao para dalawin sila, tulad ng isang lolo o lola o isang kaibigan. Paano sila naghahanda para sa pagbisita? Magpakita ng isang larawan ng Tagapagligtas, at basahin ang bahagi o ang buong Doktrina at mga Tipan 45:44–45. Sabihin sa mga bata kung ano ang nadarama mo tungkol sa muling pagparito ng Tagapagligtas, at hayaang ibahagi nila ang kanilang nadarama.
-
Magpakita ng isang larawan ng Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas (tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya), at hilingin sa mga bata na ibahagi ang nadarama nila kapag nakikita nila ang larawan. Ibahagi ang iyong patotoo na muling paparito si Jesucristo.
-
Kantahin ang isang awit tungkol sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas, tulad ng “Sa Kanyang Pagbabalik” (Aklat ng mga Awit Pambata, 46–47). Gamitin ang awit para talakayin ang mga paraan na makapaghahanda tayo para sa muling pagparito ni Jesus, tulad ng pagsunod sa kalooban ng Diyos at pagpapaliwanag ng ating ilaw para sa iba.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Si Jesucristo ang ating Tagapamagitan sa Ama.
Paano mo matutulungan ang mga bata na palakasin ang kanilang pananampalataya na si Jesucristo ang kanilang Tagapamagitan? Paano mo ito natutuhan sa iyong sarili?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Isulat ang ilang salita at pariralang matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan 45:3–5 sa magkakahiwalay na mga piraso ng papel. Bigyan ng isang minuto ang mga bata para pag-aralan ang mga talatang ito sa kanilang mga banal na kasulatan, at pagkatapos ay anyayahan silang isara ang kanilang mga banal na kasulatan at pagsunud-sunurin ang mga salita sa mga papel ayon sa paglitaw ng mga ito sa talata. Ayon sa mga talatang ito, ano ang sinasabi ng Tagapagligtas para isamo ang ating kapakanan sa Ama sa Langit?
-
Tulungan ang mga bata na ibigay ang kahulugan ng salitang tagapamagitan, marahil ay sa pamamagitan ng paghanap dito sa diksyonaryo. Ano ang ginawa ng Tagapagligtas para maging posible na Siya ang maging Tagapamagitan natin? Ibahagi ang iyong nadarama tungkol sa nagawa ni Jesucristo para sa atin, at hayaang ibahagi ng mga bata ang kanilang nadarama.
Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay isang ilaw sa sanlibutan.
Tulungan ang mga batang tinuturuan mo na mag-isip ng mga paraan na inihahanda ng ebanghelyo ang mundo para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magpakita ng larawan ng isang ilaw at isang watawat, o idrowing ang mga ito sa pisara. Anyayahan ang mga bata na basahin ang Doktrina at mga Tipan 45:9 at mag-isip ng mga paraan na ang ebanghelyo ay tulad ng isang ilaw, isang pinakawatawat (o bandila), at isang sugo. Maaari mong ipaliwanag na noong unang panahon, ang pinakawatawat ay isang bandila o watawat na dinadala sa digmaan. Nakatulong ito para malaman ng mga sundalo kung saan magtitipon at ano ang gagawin.
-
Tulungan ang mga bata na isaulo ang buo o bahagi ng talata 9 sa pamamagitan ng pagsulat nito sa pisara at paisa-isang pagbura sa ilang salita.
Doktrina at mga Tipan 45:37–38
Si Jesucristo ay muling paparito.
Maaaring nakakatakot para sa mga bata na magbasa tungkol sa mga digmaan, kasamaan, at pagkawasak na ipinropesiyang mangyayari bago ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Paano mo sila matutulungang asamin nang may kagalakan ang ipinangakong araw na ito?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Itanong sa mga bata kung paano nila nalalaman kapag malapit nang magbago ang panahon. Ano ang hinahanap nilang mga tanda? Ipaliwanag na tulad ng mga tanda ng pagbabago ng panahon, may mga tanda ng Ikalawang Pagparito. Sama-samang basahin ang Doktrina at mga Tipan 45:37–38. Ano ang sinabi ni Jesus na magiging mga tanda ng Kanyang Ikalawang Pagparito? Para matulungan ang mga bata na tuklasin ang mga tanda na dapat nating hanapin, atasan ang bawat bata (o grupo ng mga bata) na basahin ang ilang talata mula sa Doktrina at mga Tipan 45 na naglalarawan ng mga tanda na ito. Maaaring gamitin, halimbawa, ang mga talata 26–27, 31–33, 40–42. Hayaang ibahagi ng mga bata ang natuklasan nila. Alin sa mga tanda na ito ang natutupad ngayon?
-
Sa magkakahiwalay na piraso ng papel, isulat ang ilan sa mga pangako tungkol sa mga magaganap sa hinaharap na natuklasan mo sa iyong pag-aaral ng bahagi 45. Ang ilang halimbawa ng mga pangakong ito ay matatagpuan sa mga talata 44–45, 51–52, 55, 58–59, 66–71. Ilista sa pisara ang mga talata kung saan matatagpuan ang mga pangako. Ibigay sa mga bata ang mga papel, at hilingin sa kanila na gamitin ang kanilang mga banal na kasulatan para itugma ang mga talata sa pisara sa mga pangako. Talakayin kung ano ang ibig sabihin ng mga pangakong ito, at anyayahan ang mga bata na ibahagi kung anong mga pangako ang tumutulong sa kanila na panabikan ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Anyayahan ang mga bata na mag-isip ng isang bagay na natutuhan nila sa klase na maibabahagi nila sa kanilang pamilya. Hilingin sa ilan sa kanila na ibahagi sa klase ang gusto nilang ibahagi sa tahanan.