Doktrina at mga Tipan 2021
Abril 19–25. Doktrina at mga Tipan 41–44: Ang “Batas Ko Upang Pamahalaan ang Aking Simbahan”


“Abril 19–25. Doktrina at mga Tipan 41–44: Ang ‘Batas Ko Upang Pamahalaan ang Aking Simbahan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Abril 19–25. Doktrina at mga Tipan 41–44,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary

Jesucristo

Abril 19–25

Doktrina at mga Tipan 41–44

Ang “Batas Ko Upang Pamahalaan ang Aking Simbahan”

Sa iyong paghahanda sa linggong ito, bigyang-pansin ang mga impresyong natatanggap mo mula sa Espiritu. Ano ang nadarama mong kailangang matutuhan ng mga bata sa Doktrina at mga Tipan 41–44?

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Maghagis ng bola sa isang bata, at hilingin sa bata na magbahagi ng isang kautusan na alam niya. Patuloy na ipasa ang bola hanggang sa ang lahat ay magkaroon ng pagkakataon na magbahagi.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Doktrina at mga Tipan 42:2

Makakaya kong sumunod sa mga batas ng Diyos.

Sa paglago ng Simbahan at pagtitipon ng mga miyembro sa Kirtland, Ohio, inihayag ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith kung ano ang tawag Niya sa Kanyang “mga kautusan” at iniutos sa mga Banal na “makinig at dinggin at sundin” ito. Paano mo matutulungan ang mga bata na maunawaan na pinagpapala tayo kapag tayo ay masunurin?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin ang Doktrina at mga Tipan 42:2, at bigyang-diin ang salitang “sundin.” Bigyan ang mga bata ng ilang simpleng sitwasyon kung saan pinipili ng isang bata na sundin o suwayin ang isang batas o patakaran. Hilingin sa mga bata na makinig na mabuti at ngumiti kung sumusunod ang tao sa kuwento at sumimangot kung sumusuway ang tao. Ibahagi ang mga pagpapalang natanggap mo sa pagsunod mo sa mga batas ng Diyos.

  • Maglaro sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga bata ng mga tuntunin na dapat sundin. Halimbawa, maaari mong sabihin sa kanila na kailangan nilang itaas ang kanilang kamay at tatawagin sila para sagutin ang mga tanong. Hayaan silang magpraktis na sumunod sa pamamagitan ng pagtatanong sa kanila at pagtawag sa mga nagtaas ng kanilang kamay. Ano ang mga batas na ibinigay sa atin ng Diyos?

  • Kumpletuhin ninyo ng mga bata ang pahina ng aktibidad, o kumanta ng isang awit tungkol sa pagsunod sa mga batas ng Diyos, tulad ng “Nais Kong Ipamuhay ang Ebanghelyo” (Aklat ng Awit Pambata, 72). Sabihin sa mga bata kung paano nagbigay sa iyo ng kaligayahan ang pagsunod sa mga batas ng Diyos.

    Klase sa Primary

    Natututuhan natin ang mga kautusan ng Diyos sa Primary.

Doktrina at mga Tipan 42:38

Naglilingkod ako kay Jesucristo kapag naglilingkod ako sa iba.

Nais ng Panginoon na pangalagaan ng Kanyang mga Banal ang mga maralita at nangangailangan. Tulungan ang mga bata na maunawaan na kapag pinaglilingkuran nila ang mga nangangailangan, pinaglilingkuran din nila ang Tagapagligtas.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Kung si Jesucristo ay nasa klase natin ngayon, ano ang sasabihin natin sa Kanya? Paano natin Siya pakikitunguhan? Magpakita ng larawan ng Tagapagligtas, at ipaliwanag ang turo ni Jesus na kapag nagpapakita tayo ng pagmamahal sa iba, nagpapakita rin tayo ng pagmamahal sa Kanya. Tulungan ang mga bata na ulitin ang talata 38 nang kasama ka, na inuulit ang pailan-ilang salita sa bawat pagkakataon.

  • Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga paraan na mapaglilingkuran nila si Jesus sa pamamagitan ng paglilingkod sa iba. Makakakita sila ng ilang ideya mula sa mga larawan ng pagtulong ng Tagapagligtas sa iba, tulad ng mga larawan Niya nang magpagaling Siya ng maysakit o pagiging mabait sa mga bata (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 42, 47). Magpatotoo na kapag pinaglilingkuran nila ang iba, pinaglilingkuran din nila si Jesus.

Doktrina at mga Tipan 43:1–7

Pinamumunuan ng Panginoon ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng Kanyang propeta.

Matutulungan mo ang mga bata na hindi malinlang sa buong buhay nila sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila, habang sila ay bata pa, ng huwaran ng Panginoon para sa pamumuno sa Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng buhay na propeta.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magpakita ng mga larawan ng iba’t ibang tao, kabilang ang isang larawan ng kasalukuyang propeta. Ilagay ang mga larawan nang pataob, at ipabuklat sa mga bata ang mga larawan nang paisa-isa hanggang sa mahanap nila ang propeta. Ipaliwanag ang turo ng Panginoon na tanging ang propeta ang “itinalaga sa inyo na tumanggap ng mga kautusan at paghahayag [ng Panginoon]” para pamunuan ang Simbahan (Doktrina at mga Tipan 43:2).

  • Sama-samang kantahin ang isang awit tungkol sa mga propeta, tulad ng “Propeta’y Sundin” (Aklat ng mga Awit Pambata, 58–59). Magpatotoo na ang propeta ang namumuno sa Simbahan.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Doktrina at mga Tipan 41:5

Ang disipulo ay isang taong tumatanggap ng mga batas ng Diyos at sinusunod ang mga ito.

Alam ba ng mga batang tinuturuan mo kung ano ang ibig sabihin ng maging disipulo ni Jesucristo? Ang Doktrina at mga Tipan 41:5 ay makatutulong sa kanila na maunawaan kung paano maging mas mabubuting disipulo.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Isulat ang Doktrina at mga Tipan 41:5 sa isang papel, mag-iwan ng mga patlang kung saan dapat ilagay ang salitang “tagasunod” o disipulo. Hilingin sa mga bata na punan ang mga patlang. Maaari silang tumingin sa Doktrina at mga Tipan 41:5 kung kailangan nila ng tulong. Ano ang ibig sabihin ng maging disipulo ni Jesucristo? Ibahagi kung paano ka nagsisikap na maging mas mabuting disipulo ni Cristo.

  • Matapos talakayin ang Doktrina at mga Tipan 41:5, hilingin sa mga bata na mag-isip ng mga batas na natanggap natin mula sa Panginoon. Anyayahan sila na magsalitan na iarte ang pagsunod sa isa sa mga batas na iyon habang sinusubukan ng mga kaklase na hulaan kung ano ito.

  • Bigyan ang bawat miyembro ng klase ng kapirasong papel, at hilingin sa kanila na isulat dito ang isang paraan na maaari silang maging mas mabuting disipulo. Anyayahan ang bawat bata na ibahagi ang isinulat nila, at pagkatapos ay iteyp ang mga papel upang makagawa ng paper chain.

Doktrina at mga Tipan 42:61, 68

Naghahayag ang Diyos ng karunungan sa mga nagtatanong.

Maraming itinatanong ang mga bata habang nadaragdagan ang kanilang kaalaman tungkol sa mundo at sa ebanghelyo. Paano mo magagamit ang Doktrina at mga Tipan 42:61, 68 para matulungan sila na malaman kung paano magtamo ng karunungan mula sa Panginoon?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Hilingin sa mga bata na sabihin sa iyo ang isang bagay na tumutulong sa kanila na madama ang kapayapaan at ang isang bagay na tumutulong sa kanila na madama ang kagalakan. Anyayahan sila na basahin ang Doktrina at mga Tipan 42:61 na hinahanap ang mga salitang “mapayapa” at “kagalakan.” Tulungan ang mga bata na makaisip ng mga katotohanang inihayag ng Diyos na nagbibigay sa kanila ng kapayapaan at kagalakan.

  • Basahin ninyo ng mga bata ang Doktrina at mga Tipan 42:61, 68 na binibigyang-diin ang pariralang “paghahayag sa paghahayag, ... kaalaman sa kaalaman.” Ipaliwanag na hindi kaagad inihahayag ng Diyos ang lahat; sa halip, binibigyan Niya tayo nang paunti-unti sa bawat pagkakataon. Ipakita kung paano binubuo ang isang puzzle nang paunti-unti, o gumamit ng katulad nito upang matulungan ang mga bata na maunawaan ang alituntuning ito. Magbahagi ng isang karanasan nang tumanggap ka ng paghahayag na nagpala sa iyo.

Doktrina at mga Tipan 43:1–7

Tanging ang propeta ang makatatanggap ng paghahayag para sa buong Simbahan.

Habang lumalaki ang mga bata, malamang na makakilala sila ng mga tao na nagnanais na iligaw sila. Paano mo matutulungan ang mga bata na magtiwala sa huwaran ng Diyos sa pamumuno sa Kanyang mga anak sa pamamagitan ng Kanyang hinirang na propeta?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang mga bata na isipin kunwari na may isang taong tumayo sa testimony meeting at sinabi sa ward na nakatanggap siya ng paghahayag para sa Simbahan (halimbawa, na hindi na tayo dapat uminom ng gatas o dapat nang idaos ang sacrament meeting tuwing Martes sa halip na sa araw ng Linggo). Sinabi niya na dapat tayong makinig sa sinasabi niya sa halip na makinig sa propeta. Ano ang mali rito? Tulungan ang mga bata na saliksikin ang Doktrina at mga Tipan 43:1–7 para malaman kung paano nagbibigay ng mga kautusan ang Panginoon sa Kanyang Simbahan.

  • Magpakita ng larawan ng buhay na propeta, at anyayahan ang mga bata na magbahagi ng isang bagay na itinuro niya kamakailan. Kung kailangan nila ng tulong, magpanood ng video clip o basahin ang isang talata mula sa isang mensahe sa pinakahuling pangkalahatang kumperensya. Bakit isang pagpapala ang magkaroon ng buhay na propeta ngayon?

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Anyayahan ang mga bata na pumili ng isang batas o utos na nadarama nila na dapat nilang pagtuunang sundin sa linggong ito. Hikayatin silang ibahagi ang kanilang mithiin sa kanilang pamilya.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Turuan ang mga bata na magtala ng mga impresyon. Ang mga bata ay maaari ding matutong magtala ng mga espirituwal na pahiwatig at makagawian ito. Maaari nilang itala ang kanilang mga impresyon sa pamamagitan ng pagmamarka sa mga banal na kasulatan, pagdodrowing ng mga larawan, o simpleng pagsulat sa journal.

pahina ng aktibidad: masaya ako kapag sinusunod ko ang Diyos