Doktrina at mga Tipan 2021
Abril 5–11. Doktrina at mga Tipan 30–36: “Ikaw ay Tinatawag na Mangaral ng Aking Ebanghelyo”


“Abril 5–11. Doktrina at mga Tipan 30–36: ‘Ikaw ay Tinatawag na Mangaral ng Aking Ebanghelyo,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Abril 5–11. Doktrina at mga Tipan 30–36,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2021

unang mga missionary ng Simbahan

Abril 5–11

Doktrina at mga Tipan 30–36

“Ikaw ay Tinatawag na Mangaral ng Aking Ebanghelyo”

Habang iniisip ang mga bata sa iyong klase sa mapanalangin mong pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan 30–36, maaaring magbigay sa iyo ang Espiritu ng mga ideya kung paano sila tuturuan. Maghanap ng mga karagdagang ideya sa outline na ito.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Ipakita ang isang larawan ng mga missionary, at hilingin sa mga bata na ibahagi ang nalalaman nila tungkol sa gawaing misyonero.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Doktrina at mga Tipan 33:2–3, 6–10

Maibabahagi ko ang ebanghelyo ni Jesucristo.

Kahit ang maliliit na bata ay makapagbabahagi ng kanilang patotoo tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo. Paano mo magagamit ang mga talatang ito para mahikayat sila na gawin ito?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang mga bata na subukang sabihin ang mga katagang tulad ng “Mahal kayo ng Diyos” habang nakatikom ang kanilang bibig. Ipaliwanag na hindi natin maituturo sa mga tao ang tungkol sa ebanghelyo kung hindi natin ibubuka ang ating bibig. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 33:8–10, at anyayahan ang mga bata na ibuka ang kanilang mga bibig sa tuwing maririnig nila ang mga katagang “ibuka ang inyong mga bibig.” Bakit nais ng Ama sa Langit na ibuka natin ang ating bibig at ibahagi ang ebanghelyo sa ibang tao?

  • Magbulong ng isang bagay nang napakahina sa mga bata, tulad ng “si Joseph Smith ay isang propeta ng Diyos,” at hilingin sa kanila na ulitin ang sinabi mo. Pagkatapos ay sabihin ang gayon ding mga salita nang mas malakas. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 33:2. Ipaunawa sa mga bata na ang ibig sabihin ng “itaas ang [ating] mga tinig” ay ang hindi matakot na sabihin sa ibang tao ang tungkol kay Jesucristo, sa Aklat ni Mormon, at sa iba pang mga katotohanan ng ebanghelyo.

  • Maglagay ng mga paper doll o papel na manika o larawan ng mga tao sa paligid ng silid. Anyayahan ang mga bata na hanapin ang mga tao at tipunin sila sa harapan ng silid. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 33:6, at ipaliwanag kung ano ang ibig sabihin ng “titipunin [ng Panginoon ang Kanyang mga] hinirang.” Magpatotoo na makatutulong tayo na tipunin ang mga tao sa Panginoon kapag ibinabahagi natin ang ebanghelyo.

  • Kantahin ang isang awit tungkol sa pagbabahagi ng ebanghelyo, tulad ng “Nais Ko nang Maging Misyonero” (Aklat ng mga Awit Pambata, 90). Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga paraan na matutulungan nila ang ibang tao na malaman ang tungkol kay Jesucristo.

Doktrina at mga Tipan 33:12–17

Maaari kong itatag ang aking buhay sa ebanghelyo ni Jesucristo.

Ang payo na ibinigay ng Panginoon kina Ezra Thayer at Northrop Sweet ay makatutulong sa mga batang tinuturuan mo na maitatag ang kanilang buhay sa ebanghelyo ni Jesucristo.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magpakita sa mga bata ng isang larawan ng pundasyon ng isang gusali, at hilingin sa kanila na ilarawan ito. Bakit kailangan ng isang gusali ng malakas at matibay na pundasyon? Basahin ninyo ng mga bata ang Doktrina at mga Tipan 33:12–13, at ipaliwanag na nais ng Panginoon na itatag natin ang ating buhay sa Kanyang ebanghelyo. Tulungan ang mga bata na mag-isip ng ilang paraan para maitatag nila ang kanilang buhay sa ebanghelyo ni Jesucristo.

  • Bigyan ang mga bata ng ilang bagay na maaari nilang gamitin para sa pagtatayo ng tore, tulad ng mga building block o plastic cup. Lagyan ang bawat bagay ng isang larawang kumakatawan sa mga bagay na sinabi ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 33:14–17. Anyayahan ang mga bata na magtayo ng isang tore habang pinag-uusapan ninyo kung paano makatutulong sa atin ang mga bagay na ito para maitatag natin ang ating buhay sa ebanghelyo ni Jesucristo.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Doktrina at mga Tipan 30:1–2

Dapat mas ituon ko ang aking isipan sa mga bagay ng Diyos kaysa sa mga bagay ng mundo.

Ang payo ng Panginoon kay David Whitmer sa bahagi 30 ay makatutulong sa mga batang tinuturuan mo na manatiling tapat sa ebanghelyo ni Jesucristo.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Sama-samang basahin ang Doktrina at mga Tipan 30:1, at hilingin sa mga bata na ibuod, sa sarili nilang mga salita, ang mga ipinayo ng Panginoon kay David Whitmer. Sa anong mga paraan kaya natin kung minsan “kinatatakutan ang tao,” o inaalala kung ano ang maaaring iniisip ng ibang tao, sa halip na gawin ang alam nating dapat nating gawin?

  • Hilingin sa mga bata na subukang gawin ang dalawang bagay nang sabay, tulad ng pagbigkas ng isang saligan ng pananampalataya habang isinusulat ang mga pangalan ng lahat ng bata sa klase. Itanong sa kanila kung bakit mahirap magpokus sa unang gawain. Ano ang ilang “mga bagay ng mundo” (Doktrina at mga Tipan 30:2) na maaaring makagambala sa atin mula sa pag-alaala kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo? Paano tayo mananatiling nakatuon sa Kanya sa halip na sa di-gaanong mahahalagang bagay?

Doktrina at mga Tipan 30–34

Maibabahagi ko ang ebanghelyo ni Jesucristo.

Maraming bata sa Simbahan ang umaasam na makapag-full-time mission o service mission. Ang mga karanasan ng mga missionary na tinalakay sa mga bahagi 30–34 ay makatutulong sa kanila na maghanda.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang isang miyembro ng ward na pag-aralan ang tungkol sa isa sa mga missionary na tinawag sa Doktrina at mga Tipan 30–34 at ibahagi sa mga bata ang natutuhan nila (tingnan sa “Mga Tinig ng Pagpapanumbalik: Mga Naunang Miyembro” sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya).

  • Idrowing sa pisara ang isang malaking bibig, at tulungan ang mga bata na hanapin sa Doktrina at mga Tipan 33:8–10 ang mga pangako ng Panginoon sa atin kapag binuksan natin ang ating bibig upang ibahagi ang ebanghelyo. Ipasulat sa mga bata ang mga pangakong ito sa pisara, at tulungan silang maunawaan kung ano ang ibig sabihin ng mga pangakong ito. Hilingin sa bawat bata na isulat sa loob ng bibig ang isang katotohanan ng ebanghelyo na maaari nilang ibahagi sa iba.

  • Magpakita ng larawan ng isang pakakak o trumpeta, at pag-usapan ang ibig sabihin ng ipangaral ang ebanghelyo na “tulad ng tunog ng pakakak.” Paano natin “itinataas” ang ating tinig? (Doktrina at mga Tipan 33:2; 34:6).

  • Hilingin sa mga bata na ibahagi kung paano sila naghahandang magmisyon balang-araw. Kung may kilala sila (marahil isang miyembro ng pamilya) na nasa misyon, anyayahan sila na ikuwento ang kanyang mga karanasan. O anyayahan ang mga missionary, isang returned missionary, o isang naghahandang magmisyon na ibahagi ang kanyang kasigasigan sa gawaing misyonero. Ibahagi ang ilan sa iyong mga karanasan sa pagbabahagi ng ebanghelyo, kabilang na ang mga karanasan sa iyong buhay sa araw-araw.

    mga batang lalaki na naglalaro

    Maibabahagi ko ang ebanghelyo sa aking mga kaibigan.

Doktrina at mga Tipan 33:12–17

Maaari kong itatag ang aking buhay sa ebanghelyo ni Jesucristo.

Kung matututuhan ng mga bata sa murang edad kung paano mamuhay ayon sa ebanghelyo ni Jesucristo, sila ay mas malamang na mananatiling tapat sa Kanya. Ang mga payo na ibinigay sa mga talatang ito ay makatutulong sa kanila.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magdala sa klase ng mga bagay na hindi magkakapareho ng tigas, tulad ng stuffed toy, espongha, clay, at bato. Pahintulutan ang mga bata na hawakan ang bawat isa. Hilingin sa kanila na basahin ang Doktrina at mga Tipan 33:12–13 upang malaman kung paano inilarawan ng Panginoon ang Kanyang ebanghelyo. Bakit ang salitang “bato” ay magandang salita para ilarawan ang ebanghelyo? Paano natin maitatatag ang ating buhay sa bato ng ebanghelyo?

  • Tulungan ang mga bata na basahin ang Doktrina at mga Tipan 33:12–17 at hanapin ang mga bagay na magagawa natin upang maitatag ang ating buhay sa ebanghelyo ni Jesucristo. Anyayahan ang mga bata na idrowing ang larawan ng isang bagay na nahanap nila, at ipahula sa kanila kung ano ang inilalarawan ng idinrowing ng bawat isa.

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Anyayahan ang mga bata na maging tulad ng mga missionary sa pamamagitan ng pagbabahagi sa kanilang mga pamilya ng natutuhan nila sa Primary ngayon.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Magpatotoo tungkol sa mga ipinangakong pagpapala. Kapag inanyayahan mo ang mga bata na ipamuhay ang isang alituntunin ng ebanghelyo, ibahagi ang mga pangakong ginawa ng Diyos sa mga sumusunod sa alituntuning iyon. Halimbawa, maaari kang magbahagi ng patotoo tungkol sa mga pagpapalang ibinibigay ng Panginoon sa mga taong nagbubuka ng kanilang bibig at nagbabahagi ng ebanghelyo.