Doktrina at mga Tipan 2021
Abril 12–18. Doktrina at mga Tipan 37–40: “Kung Hindi Kayo Isa Kayo ay Hindi sa Akin”


“Abril 12–18. Doktrina at mga Tipan 37–40: ‘Kung Hindi Kayo Isa Kayo ay Hindi sa Akin,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Abril 12–18. Alma 37–40,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2021

mga Banal na naghahandang lumipat

Ang mga Banal ay Lumipat sa Kirtland, ni Sam Lawlor

Abril 12–18

Doktrina at mga Tipan 37–40

“Kung Hindi Kayo Isa Kayo ay Hindi sa Akin”

Alam ng Diyos kung ano ang kailangang matutuhan ng mga bata sa iyong klase. Hayaang gabayan ka Niya sa pagpili ng mga alituntunin at aktibidad na tutulong sa iyo sa pagtuturo sa kanila.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Magpasa ng isang kopya ng mga banal na kasulatan. Anyayahan ang bawat batang may hawak ng banal na kasulatan na magbahagi ng isang bagay na naaalala niya mula sa lesson noong nakaraang linggo o mula sa pagbabasa niya ng mga banal na kasulatan sa tahanan ngayong linggo.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Doktrina at mga Tipan 38:24–27

Magagawa kong mahalin ang iba.

Nais ng Panginoon na magtipon ang mga Banal sa Ohio at mahalin ang isa’t isa bilang kapantay nila. Paano ninyo matutulungan ang mga bata na madama ang pakikipagkaisa at pagmamahal sa iba?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Gamitin ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito para ipakita sa mga bata na noong bago pa ang Simbahan, inutos ng Panginoon sa mga miyembro na sama-samang lumipat sa Ohio (tingnan din sa mapa sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya). Nais ng Diyos na matutuhan nila kung paano mahalin at pakisamahan ang isa’t isa. Humingi ng mga ideya sa mga bata kung paano nila maipapakita ang pagmamahal sa isa’t isa.

  • Basahin ang Doktrina at mga Tipan 38:25 sa mga bata, at sabihin sa kanila gamit ang sarili mong mga salita ang ibig sabihin ng pahalagahan ang iyong kapatid gaya ng iyong sarili (tingnan din sa Mateo 7:12). Tulungan silang ulitin ang talata, na pinapalitan ang “kanyang kapatid” ng pangalan ng isa’t isa.

  • Kumanta ng isang awit tungkol sa pagmamahal at pagtanggap sa iba, tulad ng “Palaging Sasamahan Ka” (Aklat ng mga Awit Pambata, 78–79). Habang kumakanta kayo, ipahawak sa mga bata ang mga larawan ng mga bata mula sa iba’t ibang lugar sa mundo.

  • Tulungan ang mga bata na isadula ang isang sitwasyon kung saan may bagong bata na dumalo sa kanilang klase sa Primary. Paano natin siya matutulungan na madama na malugod natin siyang tinatanggap? Maaaring masiyahan ang mga bata na gawin ang pagsasadulang ito gamit ang mga finger puppet o mga ginupit na larawan.

Doktrina at mga Tipan 38:30

Kung ako ay handa, ako ay hindi matatakot.

Ang isang paraan na tinutulungan tayo ng Ama sa Langit na huwag matakot ay sa pamamagitan ng pagtuturo sa atin na maging handa.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ulitin nang ilang beses ang mga salitang “Kung kayo ay handa kayo ay hindi matatakot” (talata 30). Pagkatapos nang ilang beses na pag-uulit, alisin ang isang salita, at ipasabi sa mga bata ang nawawalang salita. Sabihin sa mga bata ang isang pagkakataon nang ikaw ay naghanda para sa isang bagay at ang pagiging handa ay nakatulong sa iyo na huwag matakot.

  • Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga bagay na nais ng Ama sa Langit na paghandaan nila, tulad ng pagpapabinyag o pagpunta sa templo. Gumamit ng mga larawan o bagay para mabigyan sila ng mga ideya. Pag-usapan ang mga paraan na maaari silang maghanda, at magpadrowing sa kanila ng mga larawan ng kanilang mga sarili na naghahanda o nakikibahagi sa mga bagay na naisip nila.

Doktrina at mga Tipan 39:6, 23

Natanggap ko ang kaloob na Espiritu Santo noong ako ay nakumpirma.

Ano ang kailangang maunawaan ng mga bata sa iyong klase tungkol sa pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo? Ang mga tagubilin ng Panginoon kay James Covel tungkol sa ordenansang ito ay maaaring makatulong.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipakita ang larawan ng isang taong binibinyagan at ng isang taong kinukumpirma (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 104, 105). Basahin ang Doktrina at mga Tipan 39:23, at hilingin sa mga bata na ituro ang tamang larawan kapag narinig nila na binasa mo ang tungkol sa binyag o kumpirmasyon.

  • Sama-samang basahin ang Doktrina at mga Tipan 39:6, at ipakita sa mga bata ang mga larawan o bagay na kumakatawan sa mga paraan na pinagpapala tayo ng Espiritu Santo (kasama ang mga binanggit sa talata 6). Hayaan ang mga bata na magsalitan sa paghawak ng mga larawan o bagay, at habang ginagawa nila ito, magpatotoo kung paano ka pinagpala ng Espiritu Santo sa mga paraang ito. Tulungan ang mga bata na makilala ang mga pagkakataon na maaaring nadama nila ang impluwensya ng Espiritu.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Doktrina at mga Tipan 37; 38:31–33

Tinitipon tayo ng Diyos para pagpalain tayo.

Ang pagtitipon sa Ohio ay malaking sakripisyo para sa marami sa mga naunang Banal. Hindi na iniuutos sa atin ngayon na magtipon sa isang lugar, pero nagtitipon tayo bilang mga pamilya, ward, at stake.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipakita sa mga bata ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito o ang mapa sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya. Sama-samang basahin ang Doktrina at mga Tipan 37, at tulungan ang mga bata na hanapin sa mapa ang mga lugar na binanggit sa paghahayag. Ano ang iniutos ng Panginoon na gawin ng mga Banal?

  • Pumili ng isang mahalagang parirala o pangungusap mula sa Doktrina at mga Tipan 38:31–33 na sa tingin mo ay naglalarawan ng dahilan kung bakit nais ng Panginoon na magtipon ang Kanyang mga tao. Ikalat ang mga salita mula sa pangungusap na ito sa paligid ng silid, at anyayahan ang mga bata na tipunin ang mga ito, ayusin ayon sa tamang pagkakasunud-sunod, at alamin kung saan makikita ang pangungusap sa mga talata. Bakit nais ng Panginoon na magtipon tayo?

Doktrina at mga Tipan 38:24–27

Nais ng Diyos na magkaisa ang Kanyang mga tao.

Upang maihanda ang mga Banal na magtipon, itinuro ng Panginoon sa kanila na ituring ang isa’t isa na magkakapantay at “maging isa” (talata 27). Paano kaya mapagpapala ng tagubiling ito ang mga batang tinuturuan mo?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Sama-samang basahin ang Doktrina at mga Tipan 38:24–27, at anyayahan ang mga bata na isulat ang mga salita mula sa mga talatang ito na sa palagay nila ay mahalaga, kabilang na ang mga salitang paulit-ulit. Bakit kaya inulit ng Panginoon ang mga salitang ito? Sabihin sa kanila na ibahagi ang isinulat nila, at talakayin ang natutuhan nila mula sa mga salitang iyon.

  • Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga sitwasyon kung saan maaaring makadama ang isang tao na hindi siya kabilang, tulad ng pagiging bagong miyembro ng Simbahan o kapag bagong lipat sa isang bagong lugar o paaralan. Ano ang iminumungkahi sa Doktrina at mga Tipan 38:24–27 kung paano natin dapat tratuhin ang isang tao sa mga sitwasyong ito? Isadula ang ilang posibleng sitwasyon.

  • Magpakita ng isang object lesson na naglalarawan kung paano maaaring pagsamahin o pagkaisahin ang mga bagay para maging iisa, tulad ng mga piraso ng tela na nagagawang isang quilt o mga sangkap na nagagawang isang buong tinapay. Ano ang itinuturo sa atin ng mga halimbawang ito tungkol sa pagkakaisa bilang mga tao ng Diyos?

Doktrina at mga Tipan 39–40

Kaya kong tuparin ang aking mga tipan.

Nangako si James Covel na susundin ang Panginoon, pero hindi niya tinupad ang kanyang pangako. Ang pag-aaral tungkol sa kanyang karanasan ay makatutulong sa mga bata na maalaala ang kahalagahan ng pagiging masunurin.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang mga bata na basahin ang mga section heading ng Doktrina at mga Tipan 39 at 40, at hilingin sa kanila na ibuod ang natutuhan nila tungkol kay James Covel sa pamamagitan ng pagsusulat o pagdodrowing.

  • Magsulat ng mga tanong sa pisara na tutulong sa mga bata na maunawaan ang bahagi 40, tulad ng Ano ang tipan na sinabi ni James Covel na gagawin niya? Bakit hindi niya tinupad ang kanyang tipan? Anyayahan ang mga bata na hanapin ang mga sagot sa bahagi 40.

  • Tulungan ang mga bata na maalala ang mga pangakong ginawa nila nang sila ay binyagan (tingnan sa Mosias 18:8–10). Tulungan ang mga bata na mailista ang ilang pangamba o “alalahanin ng sanlibutan” (Doktrina at mga Tipan 40:2) na maaaring makapigil sa isang tao sa pagtupad sa mga pangakong ito. Anyayahan ang mga bata na magsulat ng isang maikling mensahe para sa kanilang sarili bilang paalala na ang pagsunod sa mga kautusan ng Ama sa Langit ay tutulong sa kanila na madaig ang takot o mga alalahanin ng mundo. Hikayatin sila na ilagay ang paalalang ito sa isang lugar kung saan palagi nila itong makikita.

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Anyayahan ang mga bata na talakayin sa kanilang mga magulang o iba pang mga kapamilya kung paano sila mas magkakaisa bilang pamilya.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Isaulo ang isang talata sa banal na kasulatan. Maaari kang pumili ng isang talata sa banal na kasulatan na sa palagay mo ay makapagpapalakas sa patotoo ng mga bata, at tulungan silang isaulo ito. Maaaring isaulo ng mas maliliit na bata ang isang bahagi ng isang talata o kahit isang parirala lamang.

pahina ng aktibidad: magagawa kong mahalin ang iba