“Abril 12–18. Doktrina at mga Tipan 37–40: ‘Kung Hindi Kayo Isa Kayo ay Hindi sa Akin’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Abril 12–18. Doktrina at mga Tipan 37–40,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2021
Abril 12–18
Doktrina at mga Tipan 37–40
“Kung Hindi Kayo Isa Kayo ay Hindi sa Akin”
Ang pagtatala ng mga impresyon habang nag-aaral ka ay isang paraan para masunod mo ang bilin ng Diyos na “pahalagahan ang karunungan” (Doktrina at mga Tipan 38:30).
Itala ang Iyong mga Impresyon
Sa mga naunang Banal, ang Simbahan ay hindi lamang isang lugar para makinig sa ilang pangangaral tuwing Linggo. Sa buong paghahayag Niya kay Joseph Smith inilarawan ng Panginoon ang Simbahan sa mga salitang tulad ng layunin, kaharian, Sion, at, madalas, gawain. Maaaring bahagi iyan ng nakahikayat sa maraming naunang miyembro ng Simbahan. Dahil gustung-gusto nila ang ipinanumbalik na doktrina ng Simbahan, marami ring nagnais ng isang bagay na maaari din nilang paglaanan ng kanilang buhay. Gayunpaman, ang utos ng Panginoon sa mga Banal noong 1830 na magtipon sa Ohio ay hindi madali para sa ilan na sundin. Para sa mga taong tulad ni Phebe Carter, nangahulugan ito ng pag-iwan sa mga komportableng tahanan para lamang magtungo sa isang di-pamilyar na lugar (tingnan sa “Mga Tinig ng Panunumbalik” sa bandang dulo ng outline na ito). Ngayon ay nakikita natin nang malinaw ang nakita ng mga Banal na iyon gamit lamang ang espirituwal na mata: may naghihintay na mga pagpapala ang Panginoon para sa kanila sa Ohio.
Ang pangangailangang magtipon sa Ohio ay matagal nang lumipas, ngunit nagkakaisa pa rin ang mga Banal ngayon sa iisang layunin, iisang gawain: ang “[magdala] nang pasulong sa Sion” (Doktrina at mga Tipan 39:13). Tulad ng mga naunang Banal na iyon, tinatalikuran natin “ang mga alalahanin ng sanlibutan” (Doktrina at mga Tipan 40:2) dahil nagtitiwala tayo sa pangako ng Panginoon: “Iyong tatanggapin ang … isang dakilang pagpapala na hindi mo pa nalalaman” (Doktrina at mga Tipan 39:10).
Tingnan din sa Mga Banal, kabanata 10, talata 34–43.
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan
Ano ang isinasalin ni Joseph Smith noong 1830?
Sa talatang ito, tinukoy ng Panginoon ang ginagawa ni Joseph Smith sa inspiradong rebisyon ng Biblia, na tinukoy bilang “[pagsa]salin.” Nang matanggap ni Joseph ang mga paghahayag na nakatala sa bahagi 37, natapos na niya ang ilang kabanata sa aklat ng Genesis at nalaman lang niya noon ang tungkol kay Enoc at sa kanyang lungsod ng Sion (tingnan sa Genesis 5:18–24; Moises 7). Ilan sa mga alituntuning itinuro ng Panginoon kay Enoc ay katulad ng mga inihayag Niya sa bahagi 38.
Tingnan din sa Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan, “Ang Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia,” ChurchofJesusChrist.org/study/topics.
Tinitipon tayo ng Diyos upang pagpalain tayo.
Tinapos ng Panginoon ang Kanyang utos na magtipon sa Ohio sa pagsasabing, “Masdan, naririto ang karunungan” (Doktrina at mga Tipan 37:4). Ngunit hindi lahat ay nakita kaagad ang karunungan. Sa bahagi 38, inihayag ng Panginoon ang kanyang karunungan nang mas detalyado. Ano ang natututuhan mo sa mga talata 11–33 tungkol sa mga pagpapala ng pagtitipon? Ang mga miyembro ng Simbahan ay hindi na inuutusang magtipon sa pamamagitan ng paglipat sa isang lugar; sa anong paraan tayo nagtitipon ngayon? Paano naaangkop sa atin ang mga pagpapalang ito? (tingnan sa Russell M. Nelson, “Ang Pagtitipon ng Ikinalat na Israel,” Ensign o Liahona, Nob. 2006, 79–81).
Habang binabasa mo ang natitira sa bahaging ito, hanapin ang mga talata na maaaring nakatulong sa mga Banal na magkaroon ng pananampalatayang kailangan nila para sundin ang utos ng Diyos na magtipon sa Ohio. Isipin din ang mga kautusang naibigay Niya sa iyo at ang pananampalatayang kailangan mo para masunod ang mga ito. Ang sumusunod na mga tanong ay maaaring gumabay sa iyong pag-aaral:
-
Ano ang nakikita mo sa mga talata 1–4 para magtiwala ka sa Panginoon at sa Kanyang mga kautusan?
-
Paano makakatulong ang talata 39 para masunod mo ang mga utos ng Diyos kahit nangangailangan ito ng sakripisyo?
Ano pa ang nakita mo?
Doktrina at mga Tipan 38:11–13, 22–32, 41–42
Kung ako ay handa, hindi ako matatakot.
Marami nang naranasang pang-uusig ang mga Banal, at alam ng Panginoon na marami pang darating (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 38:11–13, 28–29). Para matulungan sila na huwag matakot, naghayag Siya ng isang mahalagang alituntunin: “Kung kayo ay handa kayo ay hindi matatakot” (Doktrina at mga Tipan 38:30). Sandaling pagnilayan ang mga hamon na kinakaharap mo. Pagkatapos habang pinag-aaralan mo ang bahagi 38, pakinggan ang mga pahiwatig ng Espiritu tungkol sa mga paraan na makapaghahanda ka para sa mga hamon upang hindi ka matakot.
Tingnan din sa Ronald A. Rasband, “Huwag Kayong Mabagabag,” Ensign o Liahona, Nob. 2018, 18–21.
Ang mga alalahanin ng sanlibutan ay hindi dapat makahadlang sa pagsunod ko sa salita ng Diyos.
Basahin ang mga bahagi 39–40, pati na ang mga pangyayari sa kasaysayan sa mga section heading, at isipin kung paano maaaring umangkop sa iyo ang karanasan ni James Covel. Halimbawa, mag-isip ng mga pagkakataon na ang iyong “puso … ay matwid sa harapan [ng Diyos]” (Doktrina at mga Tipan 40:1). Paano ka napagpala sa iyong katapatan? Isipin din kung anong “mga alalahanin ng sanlibutan” ang kinakaharap mo (Doktrina at mga Tipan 39:9; 40:2). Ano ang nakikita mo sa mga bahaging ito na naghihikayat sa iyo na mas patuloy na maging masunurin?
Tingnan din sa Mateo 13:3–23.
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening
-
Doktrina at mga Tipan 37:3.Para matulungan ang inyong pamilya na maunawaan ang isinakripisyo ng mga Banal para magtipon sa Ohio, maaari ninyong tingnan ang mapa na kasama sa outline na ito.
-
Doktrina at mga Tipan 38:22.Paano natin magagawang “tagabigay ng batas” sa ating pamilya si Jesucristo? Paano tayo ginagawang “malayang tao” ng pagsunod sa Kanyang mga batas”?
-
Doktrina at mga Tipan 38:24–27.Para maituro sa mga bata kung ano ang ibig sabihin ng “maging isa,” maaari mo silang tulungang bilangin ang mga miyembro ng inyong pamilya at pag-usapan kung bakit mahalaga ang bawat tao sa inyong pamilya. Bigyang-diin na kapag sama-sama kayo ay isang pamilya. Maaari mong tulungan ang iyong mga anak na magdrowing ng isang malaking 1 sa poster at dekorasyunan ito ng mga pangalan at drowing o mga larawan ng bawat miyembro ng pamilya. Maaari mo ring isulat sa poster ang mga bagay na gagawin ninyo para lalong magkaisa bilang pamilya. Maaari din ninyong basahin ang Moises 7:18.
-
Doktrina at mga Tipan 38:29–30.Maaari ninyong talakayin ang mga karanasan ng pamilya o mga personal na karanasan mo kamakailan na nangailangan ng paghahanda. Paano nakaapekto ang inyong paghahanda sa karanasang iyon? Ano ang nais ng Panginoon na paghandaan natin? Paano makakatulong sa atin ang pagiging handa para hindi tayo matakot? Ano ang magagawa natin para makapaghanda?
-
Doktrina at mga Tipan 40.Ano ang kahulugan sa atin ng pariralang “mga alalahanin ng sanlibutan” (talata 2)? Mayroon bang anumang mga alalahanin ng sanlibutan na humahadlang sa atin na tanggapin ang salita ng Diyos “nang may kagalakan”? Paano natin madaraig ang mga ito?
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.
Iminumungkahing awit: “Mahalin Bawat Tao, Sabi ni Cristo,” Aklat ng mga Awit Pambata, 39.
Mga Tinig ng Panunumbalik
Pagtitipon sa Ohio
Kabilang sa mga Banal na nagtipon sa Ohio noong 1830s si Phebe Carter. Sumapi siya sa Simbahan sa hilagang-silangang Estados Unidos noong siya ay mga 25 taong gulang, bagama’t ang kanyang mga magulang ay hindi. Kalaunan ay isinulat niya ang kanyang pasiya na pumunta sa Ohio para makiisa sa mga Banal:
“Nabigla ang mga kaibigan ko sa aking pasiya, tulad ko, ngunit may nagtulak sa akin na gawin iyon. Ang kalungkutan ng aking ina sa pag-alis ko ay halos hindi ko makayanan; at kung hindi lang dahil sa tulak ng espiritu ay baka hindi rin ako umalis. Sinabi ni Inay sa akin na mas mabuti pang makita niya akong ilibing kaysa mag-isang humayo sa mundong puno ng kalupitan.
“‘[Phebe],’ wika niya, nang buong pagmamahal, ‘babalik ka ba sa akin kung malaman mo na hindi totoo ang Mormonismo?’
“Sumagot ako ng, ‘opo, Inay, babalik ako.’ … Nawala ang pag-aalala niya sa sagot ko; ngunit lungkot na lungkot kaming lahat na magkahiwalay. Nang oras na para umalis hindi ko magawang magpaalam, kaya’t sumulat ako ng pamamaalam sa bawat isa, at iniwan ko ang mga ito sa aking mesa, at tumakbo ako pababa ng hagdan at sumakay sa karuwahe. Gayon ko nilisan ang pinakamamahal na tahanang kinalakhan ko upang mamuhay sa piling ng mga banal ng Diyos.”1
Sa isa sa mga mensahe ng pamamaalam na iyon, isinulat ni Phebe:
“Mahal kong mga magulang—Lilisanin ko na po sandali ang tahanan ninyo … hindi ko po alam kung gaano katagal—ngunit nagpapasalamat po ako sa kabutihan ninyo sa akin mula nang isilang ako hanggang ngayon—ngunit ang Diyos ang nag-utos nito. Ipaubaya po natin ang lahat ng ito sa mga kamay ng Diyos at magpasalamat na natulutan tayong magkasama nang matagal nang maginhawa tulad ngayon, na naniniwala na lahat ng bagay ay para sa ating ikabubuti kung sukdulan nating mamahalin ang Diyos. Unawain po natin na maaari tayong manalangin sa isang Diyos na makikinig sa taimtim na mga panalangin ng lahat ng kanyang nilikha at ibibigay ang pinakamabuti para sa atin. …
“Inay, naniniwala po ako na kalooban ng Diyos na magtungo ako sa kanluran at naniniwala ako na noon pa man ay ito na ang Kanyang kalooban. Ngayon ay maaari na akong umalis … ; naniniwala ako na ang espiritu ng Panginoon ang gumawa niyon na sapat para sa lahat ng bagay. Huwag po kayong mag-alala sa inyong anak; aaliwin po ako ng Panginoon. Naniniwala ako na aalagaan ako ng Panginoon at ibibigay sa akin yaong pinakamabuti. … Aalis ako dahil tinatawag ako ng aking Panginoon—nilinaw na niya sa akin ang aking tungkulin.”2