Doktrina at mga Tipan 2021
Marso 29–Abril 4. Pasko ng Pagkabuhay: “Ako ang Siyang Nabuhay, Ako ang Siyang Pinaslang”


“Marso 29–Abril 4. Pasko ng Pagkabuhay: ‘Ako ang Siyang Nabuhay, Ako ang Siyang Pinaslang’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Marso 29–Abril 4. Pasko ng Pagkabuhay,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2021

estatuwa ng Christus

Marso 29–Abril 4

Pasko ng Pagkabuhay

“Ako ang Siyang Nabuhay, Ako ang Siyang Pinaslang”

Habang naghahanda kang ipagdiwang ang Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas sa Linggo ng Pagkabuhay, pagnilayan kung paano napalalim ng makabagong paghahayag ang iyong pananampalataya na si Jesucristo ang Bugtong na Anak ng Diyos at ang Manunubos ng sanlibutan.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Ang Abril 3, 1836, ay Linggo ng Pagkabuhay. Pagkatapos tumulong sa pangangasiwa ng sakramento sa mga Banal na nagtipon sa kalalaan na Kirtland Temple, nakahanap ng isang tahimik na lugar sina Joseph Smith at Oliver Cowdery sa likod ng isang tabing sa templo at yumuko sa tahimik na panalangin. Pagkatapos, sa sagradong araw na ito kung kailan ipinagdiriwang ng mga Kristiyano sa lahat ng dako ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo, nagpakita ang nagbangong Tagapagligtas mismo sa Kanyang templo, at nagpahayag na, “Ako ang siyang nabuhay, ako ang siyang pinaslang” (Doktrina at mga Tipan 110:4).

Ano ang ibig sabihin ng si Jesucristo ang “siyang nabuhay”? Ang ibig sabihin nito ay hindi lamang na Siya ay nagbangon mula sa libingan sa ikatlong araw at nagpakita sa Kanyang mga disipulong Galileo. Ang ibig sabihin nito ay Siya ay buhay ngayon. Nangungusap Siya sa pamamagitan ng mga propeta ngayon. Pinamumunuan Niya ang Kanyang Simbahan ngayon. Pinagagaling Niya ang mga sugatang kaluluwa at pusong sawi ngayon. Kaya maaari nating ulitin ang malakas na patotoo ni Joseph Smith: “Matapos ang maraming patotoo na ibinigay hinggil sa kanya, ito ang patotoo … na aming ibibigay tungkol sa kanya: Na siya ay buhay!” (Doktrina at mga Tipan 76:22). Maririnig natin ang Kanyang tinig sa mga paghahayag na ito. Masasaksihan natin ang Kanyang patnubay sa ating buhay. At madarama ng bawat isa sa atin ang “ligaya [sa pahayag na ito]: ‘Buhay, aking Manunubos!’” (Mga Himno, blg. 78).

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Doktrina at mga Tipan 29:5; 38:7; 62:1; 76:11–14, 20–24; 110:1–10

Si Jesucristo ay buhay.

Nakita ni Propetang Joseph Smith nang ilang beses ang nagbangong Tagapagligtas, at nakatala ang dalawa sa mga karanasang ito sa Doktrina at mga Tipan. Habang binabasa mo ang mga bahagi 76:11–14, 20–24; 110:1–10, ano ang hinahangaan mo tungkol sa patotoo ni Joseph Smith? Bakit mahalaga sa iyo ang kanyang patotoo?

Sa buong Doktrina at mga Tipan, pinatotohanan ng Tagapagligtas ang Kanyang sariling misyon at kabanalan. Ano ang natututuhan mo tungkol sa buhay na Cristo mula sa Kanyang mga salita sa Doktrina at mga Tipan 29:5; 38:7; 62:1? Maaari mong isulat ang mga pahayag na tulad nito na nahanap mo sa iyong pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan.

Tingnan din sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:17.

Doktrina at mga Tipan 29:26–27; 42:45–46; 63:49; 88:14–17, 27–31; 93:33–34

Dahil kay Jesucristo, ako ay mabubuhay na mag-uli.

Alam ni Joseph Smith ang pakiramdam ng magdalamhati sa pagpanaw ng mga mahal sa buhay. Dalawa sa kanyang mga kapatid, sina Alvin at Don Carlos, ang namatay noong kabataan nila. Namatayan sina Joseph at Emma ng anim na anak, na pawang wala pang dalawang taong gulang. Ngunit mula sa mga paghahayag na tinanggap niya, nagtamo si Joseph ng walang-hanggang pananaw tungkol sa kamatayan at walang hanggang plano ng Diyos. Isipin ang mga katotohanang inihayag sa Doktrina at mga Tipan 29:26–27; 42:45–46; 63:49; 88:14–17, 27–31; 93:33–34. Paano nakakaapekto ang mga paghahayag na ito sa pananaw mo tungkol sa kamatayan? Paano ito makakaapekto sa paraan ng iyong pamumuhay?

Tingnan din sa I Mga Corinto 15; M. Russell Ballard, “Ang Pangitain ng Pagtubos sa mga Patay,” Ensign o Liahona, Nob. 2018, 71–74; Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 202–08.

Doktrina at mga Tipan 18:10–13; 19:16–19; 45:3–5; 76:69–70

Nagsakatuparan si Jesucristo ng isang “ganap na pagbabayad-sala.”

Ang isang paraan para makatuon sa Tagapagligtas sa panahon ng Pasko ng Pagkabuhay ay ang pag-aralan ang mga paghahayag sa Doktrina at mga Tipan na nagtuturo tungkol sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Ang ilan sa mga ito ay matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan 18:10–13; 19:16–19; 45:3–5; 76:69–70. Marahil ay maaari mong ilista ang mga katotohanan tungkol sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas na nakita mo sa mga talatang ito. Para mapagbuti ang iyong pag-aaral, maaari mong dagdagan ang listahan mo sa pagsasaliksik ng mga scripture reference na nakalista sa “Bayad-sala, Pagbabayad-sala” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, scriptures.ChurchofJesusChrist.org).

Narito ang ilang tanong na maaaring gumabay sa iyong pag-aaral:

  • Bakit pinili ni Jesucristo na magdusa?

  • Ano ang kailangan kong gawin para matanggap ang mga pagpapala ng Kanyang sakripisyo?

  • Paano ko masasabi kung may epekto ang Kanyang Pagbabayad-sala sa aking buhay?

Nananalangin si Jesus

Panginoon ng Panalangin, ni Yongsung Kim

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Pangkalahatang kumperensya.Dahil ang pangkalahatang kumperensya ay kasabay ng Linggo ng Pagkabuhay ngayong taon, maaari mong isipin kung paano mapapalalim ng mga mensahe sa kumperensya (pati na ng musika) ang patotoo ng inyong pamilya tungkol kay Jesucristo. Halimbawa, maaaring idrowing ng maliliit na bata ang Tagapagligtas, o itaas ang isang larawan Niya, kapag nakarinig sila ng isang mensahe o kanta tungkol kay Jesucristo. Maaari namang isulat ng iba pang mga miyembro ng pamilya ang mga katotohanang narinig nila tungkol sa Tagapagligtas. Pagkatapos, maaaring ibahagi ng mga miyembro ng pamilya ang kanilang mga drowing o listahan at ang sarili nilang patotoo tungkol kay Jesucristo.

Doktrina at mga Tipan 88:14–17; 138:17, 50.Maaaring matuwa ang inyong pamilya sa pag-iisip ng isang analohiya o object lesson para ipaliwanag kung ano ang ibig sabihin ng mamatay o mabuhay na mag-uli—na naglalarawan ng katawan at espiritu na naghihiwalay at pagkatapos ay nagsasamang muli, tulad ng isang kamay at isang guwantes. Paano napapalalim ng mga talatang ito ang pagpapahalaga natin sa ginawa ng Tagapagligtas para sa atin?

“Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol.”Para makahikayat ng talakayan tungkol sa patotoo ng mga makabagong propeta tungkol sa Tagapagligtas, maaari mong atasan ang bawat miyembro ng pamilya na basahin ang isang bahagi ng “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol” (Ensign o Liahona, Mayo 2017, loob na pabalat sa harap) at ibahagi ang nalaman nila tungkol kay Jesucristo. Anong mga katotohanan ang nalaman natin na nagbigay sa atin ng inspirasyon?

“Buhay ang Aking Manunubos.”Para matulungan ang inyong pamilya na isipin ang maraming paraan na pinagpapala tayo ngayon ng nagbangong Tagapagligtas, maaari ninyong kantahin nang magkakasama ang “Buhay ang Aking Manunubos” (Mga Himno, blg. 78) at iugnay ang mga katotohanang itinuturo sa kantang ito sa mga itinuturo sa sumusunod na mga talata: Doktrina at mga Tipan 6:34; 45:3–5; 84:77; 98:18; 138:23. Maaari ding matuwa ang inyong pamilya sa pagsulat ng karagdagang mga talata para sa himno na nagpapahayag kung paano nila nalaman na buhay ang kanilang Manunubos.

Para sa isang video tungkol sa Pasko ng Pagkabuhay at iba pang resources, tingnan sa Easter.ComeUntoChrist.org.

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awit: “Si Jesus ay Nagbangon,” Aklat ng mga Awit Pambata, 44.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Maghanap ng mga aral sa pang-araw-araw na mga bagay. Isipin kung paano maaaring humantong ang mga karanasan ng mga miyembro ng inyong pamilya sa araw-araw sa mga makabuluhang pag-uusap tungkol sa isang katotohanan ng ebanghelyo (tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 4). Halimbawa, ang malakas na ulan ay maaaring maging isang pagkakataon para pag-usapan kung paano nagbubuhos ng mga pagpapala ang Diyos sa Kanyang mga anak.

si Jesus na nagpakita kina Joseph Smith at Oliver Cowdery

Nagpakita si Jesucristo kina Joseph Smith at Oliver Cowdery, ni Walter Rane