Doktrina at mga Tipan 2021
Marso 29–Abril 4. Pasko ng Pagkabuhay: “Ako ang Siyang Nabuhay, Ako ang Siyang Pinaslang”


“Marso 29–Abril 4. Pasko ng Pagkabuhay: ‘Ako ang Siyang Nabuhay, Ako ang Siyang Pinaslang,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Marso 29–Abril 4. Pasko ng Pagkabuhay,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2021

estatuwang Christus

Marso 29–Abril 4

Pasko ng Pagkabuhay

“Ako ang Siyang Nabuhay, Ako ang Siyang Pinaslang”

Ang Primary class sa Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay ay isang napakagandang pagkakataon upang matulungan ang mga bata na mapalakas ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Hingin ang patnubay ng Panginoon kung paano gawin iyan. Maaari kang makakita ng ilang makatutulong na ideya sa outline na ito.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Bigyan ng pagkakataon ang mga bata na ibahagi sa inyo ang nalalaman nila tungkol sa dahilan kung bakit natin ipinagdiriwang ang Pasko ng Pagkabuhay. Itanong sa kanila kung ano ang ginagawa ng kanilang mga pamilya para ipagdiwang ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo sa panahon ng Pasko ng Pagkabuhay. O ipabahagi sa kanila ang kanilang natutuhan sa tahanan at sa mga banal na kasulatan tungkol kay Jesucristo.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Doktrina at mga Tipan 138:11–17

Dahil kay Jesucristo, ako ay mabubuhay na mag-uli.

Ang Doktrina at mga Tipan 138:11–17 ay makatutulong sa iyo na ipaliwanag ang ibig sabihin ng mabuhay na mag-uli habang itinuturo mo sa mga bata ang tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo. Ang mga talatang ito ay makatutulong din sa pagpapalakas ng kanilang pananampalataya na sila ay mabubuhay na mag-uli balang-araw.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipakita ang larawan ng kamatayan, libing, at Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 57, 58, at 59). Itanong sa mga bata kung ano ang nalalaman nila tungkol sa mga pangyayaring ito. Magpatotoo na si Jesus ay namatay para sa atin at nagbangon mula sa mga patay upang tayong lahat ay mabuhay na mag-uli pagkatapos nating mamatay.

  • Mag-isip ng isang object lesson na makatutulong sa mga bata na maunawaan kung ano ang nangyayari kapag namatay tayo (ang ating espiritu at katawan ay naghihiwalay) at kapag tayo ay mabubuhay na mag-uli (ang ating espiritu at katawan ay muling magsasama). Halimbawa, ano ang mangyayari kapag tinanggal natin ang baterya sa flashlight o ang lalagyan ng tinta sa bolpen? Ano ang nangyayari kapag muling pinagsama ang mga bagay na ito?

  • Basahin sa mga bata ang Doktrina at mga Tipan 138:17: “Ang espiritu at ang katawan [ay] pagsasamahin upang hindi na kailanman muling maghihiwalay, upang sila ay ganap na makatanggap ng ganap na kagalakan.” Bakit tayo nagpapasalamat para sa ating mga katawan? Ibahagi ang kagalakang nadarama mo dahil alam mong ang lahat ay mabubuhay na mag-uli at muling matatanggap ang ating katawan.

  • Samang-samang kantahin ang isang awit tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli, tulad ng “Si Jesus ba ay Nagbangon??” o “Si Jesus ay Nagbangon” (Aklat ng mga Awit Pambata, 45, 44). Bigyan ang mga bata ng mga larawang kumakatawan sa mga salita o parirala sa awit (para sa mga halimbawa, tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 59, 60, at 61), at anyayahan sila na itaas ang kanilang mga larawan kapag kinakanta nila ang mga salitang iyon.

Doktrina at mga Tipan 76:11–24; 110:1–7; Joseph Smith—Kasaysayan 1:14–17

Nakita ni Propetang Joseph Smith si Jesucristo.

Ang isang paraan para matulungan ang mga bata na mapalakas ang kanilang pananampalataya sa Tagapagligtas ay ang pagbabahagi sa kanila ng patotoong ito ni Joseph Smith: “Siya ay buhay! Sapagkat siya ay aming nakita, maging sa kanang kamay ng Diyos” (Doktrina at mga Tipan 76:22–23).

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipakita sa mga bata ang larawan ng Unang Pangitain ni Joseph Smith (tingnan sa outline ng Enero 4–10 sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya). Anyayahan ang mga bata na sabihin sa iyo kung ano ang nangyayari sa larawan, at hilingin sa kanila na hanapin si Jesucristo. Itanong sa mga bata kung alam nila ang tungkol sa ibang mga pagkakataon na nakita ni Joseph Smith ang Tagapagligtas. Sa iyong sariling mga salita, ikuwento ang mga karanasang inilarawan sa Doktrina at mga Tipan 76:11–24; 110:1–7. Sabihin sa mga bata kung paano pinalakas ng mga banal na kasulatan na ito ang iyong pananampalataya kay Jesucristo.

  • Habang kinukulayan ng mga bata ang pahina ng aktibidad sa linggong ito, basahin sa kanila ang mga banal na kasulatan na tinutukoy rito. Ituro ang mga detalye sa mga larawan na inilarawan sa mga talata. Magpatotoo sa mga bata na nakita ni Propetang Joseph Smith si Jesucristo, at ito ang isang dahilan kaya nalalaman natin na si Jesus ay buhay.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Doktrina at mga Tipan 76:11–24; 110:1–10; Joseph Smith—Kasaysayan 1:14–17

Pinatotohanan ni Propetang Joseph Smith na si Jesucristo ay buhay.

Ang pinakamahalagang misyon ng isang propeta ay ang magpatotoo tungkol kay Jesucristo. Tulungan ang mga bata na palakasin ang kanilang pananampalataya sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng pag-aaral ng patotoo ni Joseph Smith tungkol sa Kanya.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ang mga sumusunod na talata ay naglalarawan sa panahong nagpakita si Jesucristo kay Joseph Smith: Doktrina at mga Tipan 76:11–24; 110:1–10; Joseph Smith—Kasaysayan 1:14–17. Ilista sa pisara ang ilang katotohanang nalaman natin tungkol sa Tagapagligtas mula sa mga talatang ito. Anyayahan ang mga bata na tukuyin ang mga talatang nagtuturo ng mga katotohanan na nakalista sa pisara. Ano pa ang natutuhan natin tungkol kay Jesucristo mula sa mga karanasan ni Joseph Smith?

  • Sa pahina ng aktibidad para sa linggong ito, tulungan ang mga bata na itugma ang mga larawan sa mga talata. Bakit isang pagpapala ang malaman na nakita ni Joseph Smith ang nabuhay na mag-uling Tagapagligtas? Magpatotoo na si Jesucristo ay buhay at si Joseph Smith ay isang propeta.

Doktrina at mga Tipan 63:49; 88:14–17, 27; 138:11, 14–17

Dahil kay Jesucristo, ako ay mabubuhay na mag-uli.

Paano mo matutulungan ang mga bata na lalo pang magpasalamat para sa kaloob ng Tagapagligtas na pagkabuhay na mag-uli para sa ating lahat?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Bigyan ang bawat bata ng isa sa mga sumusunod na scripture passage: Doktrina at mga Tipan 63:49; 88:14–17, 27; 138:11, 14–17. Anyayahan ang mga bata na pag-aralan ang mga ito para mahanap ang isang parirala na sa tingin nila ay nagtataglay ng mensahe ng Pasko ng Pagkabuhay. Anyayahan silang magbahagi ng kanilang mga ideya. Kung may oras pa, pagawain sila ng mga kard na nakasulat ang mga pariralang nakita nila na maibibigay nila sa mga kapamilya o kaibigan.

  • Itanong sa mga bata kung paano nila ipaliliwanag sa isang nakababatang kapatid o kaibigan kung ano ang ibig sabihin ng mabuhay na mag-uli. Para sa mga ideya, sama-samang basahin ang Doktrina at mga Tipan 138:14–17, at isaalang-alang ang mga tanong na gaya nito: Ano ang mangyayari sa ating espiritu at katawan kapag namatay tayo? Ano ang mangyayari kapag tayo ay nabuhay na mag-uli? Paano ginawang posible ni Jesucristo ang pagkabuhay na mag-uli?

  • Ipanood ang video na “Because He Lives” (ChurchofJesusChrist.org), at ipabahagi sa mga bata ang nadarama nila tungkol sa ginawa ng Tagapagligtas para sa kanila.

    2:26
    Si Jesus ay Nagdarasal

    Panginoon ng Panalangin, ni Yongsung Kim

Doktrina at mga Tipan 18:10–13; 19:16–19; 45:3–5; 58:42–43

Dahil kay Jesucristo, mapapatawad ang aking mga kasalanan.

Bukod pa sa pagliligtas sa atin mula sa pisikal na kamatayan, naglaan si Jesucristo ng mga paraan para maligtas tayo mula sa espirituwal na kamatayan—sa madaling salita, para mapatawad tayo sa ating mga kasalanan at makabalik sa piling ng Diyos.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Isulat sa pisara ang dalawang heading na tulad ng mga ito: Ang Ginawa ng Tagapagligtas at Ang Dapat Kong Gawin. Anyayahan ang bawat bata na saliksikin ang isa sa mga sumusunod na talata upang mahanap ang isang bagay na nauukol sa mga heading na ito: Doktrina at mga Tipan 18:10–13; 19:16–19; 45:3–5; 58:42–43. Ibahagi ang iyong kagalakan at pasasalamat sa ginawa ng Tagapagligtas para sa atin.

  • Tulungan ang mga bata na matutuhan ang ikatlong saligan ng pananampalataya. Matutulungan mo silang maisaulo ito sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga larawan na kaugnay ng mahahalagang parirala.

  • Magsalaysay ng sarili mong kuwento tungkol sa isang bata na gumawa ng mali at pagkatapos ay nagsisi. Tulungan ang mga bata na talakayin kung ano ang ginawa ng bata sa kuwento para mapatawad. Ano ang ginawa ng Tagapagligtas para mapatawad tayo?

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Tulungan ang mga bata na makaisip ng isang bagay na magagawa nila para masabi sa ibang tao—lalo na sa kanilang mga kapamilya—kung ano ang ginawa ni Jesucristo para sa atin. Sa susunod ninyong pagkikita, hilingin sa kanila na ibahagi sa iyo kung ano ang ginawa nila.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Nakatutulong sa mga bata ang pag-uulit. Huwag matakot na ulitin ang mga aktibidad nang maraming beses, lalo na sa mas maliliit na bata. Ang pag-uulit ay makatutulong sa mga bata na maalala ang natutuhan nila.

pahina ng aktibidad: nakita ni Joseph Smith si Jesucristo