Doktrina at mga Tipan 2021
Enero 4–10. Joseph Smith—Kasaysayan 1:1–26: “Ako ay Nakakita ng Isang Haligi ng Liwanag”


“Enero 4–10. Joseph Smith—Kasaysayan 1:1–26: ‘Ako ay Nakakita ng Isang Haligi ng Liwanag’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Enero 4–10. Joseph Smith—Kasaysayan 1:1–26,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2021

ang Sagradong Kakahuyan

Sacred Grove [Sagradong Kakahuyan], ni Greg K. Olsen

Enero 4–10

Joseph Smith—Kasaysayan 1:1–26

“Ako ay Nakakita ng Isang Haligi ng Liwanag”

Habang binabasa mo ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:1–26, anong mga mensahe ang nakikita mo na angkop sa buhay mo? Ano ang pinakamahalaga sa iyo at sa inyong pamilya?

Itala ang Iyong mga Impresyon

Ang Doktrina at mga Tipan ay isang aklat ng mga sagot sa mga panalangin: marami sa mga sagradong paghahayag sa aklat na ito ang ibinigay bilang sagot sa mga tanong. Kaya angkop na simulang pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan sa pag-iisip ng tanong na nagpasimula sa pagbuhos ng paghahayag sa mga huling araw—yaong itinanong ni Joseph Smith sa kakahuyan noong 1820. Dahil sa “labanan ng mga salita at ingay ng mga haka-haka” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:10), nagulumihanan si Joseph tungkol sa relihiyon at sa kalagayan ng kanyang kaluluwa; marahil ay makakaugnay ka riyan. Maraming magkakasalungat na ideya at mga tinig na nanghihimok sa ating panahon, at kapag gusto nating suriin ang mga mensaheng ito at mahanap ang katotohanan, maaari nating gawin ang ginawa ni Joseph. Maaari tayong magtanong, mag-aral ng mga banal na kasulatan, magnilay-nilay, at sa huli ay magtanong sa Diyos. Bilang tugon sa panalangin ni Joseph, isang haligi ng liwanag ang bumaba mula sa langit; nagpakita ang Diyos Ama at si Jesucristo at sinagot Nila ang kanyang mga tanong. Ang patotoo ni Joseph tungkol sa mahimalang karanasang iyon ay matapang na nagpapahayag na sinumang “nagkukulang ng karunungan ay maaaring humingi sa Diyos, at makatatamo” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:26). Lahat tayo ay maaaring tumanggap, kung hindi man ng isang makalangit na pangitain, kahit man lang ng isang mas malinaw na pang-unawa, sa tulong ng langit.

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Joseph Smith—Kasaysayan 1:1–26

Si Joseph Smith ang Propeta ng Pagpapanumbalik.

Ang layunin ng kasaysayan ni Joseph Smith ay upang ipaalam sa atin “ang mga tunay na nangyari” dahil madalas baluktutin ang katotohanan tungkol kay Joseph (Joseph Smith—Kasaysayan 1:1). Habang binabasa mo ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:1–26, ano ang nagpapalakas sa patotoo mo tungkol sa kanyang banal na tungkulin? Isulat ang mga katibayang nahanap mo na inihanda ng Panginoon si Joseph Smith para sa kanyang misyon bilang propeta. Habang nagbabasa ka, maaari mo ring itala ang mga iniisip at nadarama mo tungkol kay Joseph Smith at sa kanyang patotoo.

Tingnan din sa Mga Banal, 1:3–22.

Joseph Smith—Kasaysayan 1:5–20

Kung magtatanong ako nang may pananampalataya, sasagot ang Diyos.

Ikaw ba ay “nagkukulang ng karunungan” o nalilito tungkol sa isang desisyong kailangan mong gawin? (Joseph Smith—Kasaysayan 1:13). Ano ang natututuhan mo sa karanasan ni Joseph Smith sa mga talata 5–20? Pag-isipan ang sarili mong pangangailangan para sa karunungan at mas malinaw na pang-unawa, at isipin kung paano mo hahanapin ang katotohanan.

Tingnan din sa 1 Nephi 10:17–19; 15:6–11; Russell M. Nelson, “Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2018, 93–96.

dalagitang nagdarasal

Maaari tayong magtanong sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin.

Joseph Smith—Kasaysayan 1:15–20

Bakit may iba-ibang mga salaysay tungkol sa Unang Pangitain?

Noong nabubuhay siya, itinala ni Joseph Smith ang kanyang karanasan sa Sagradong Kakahuyan nang di-kukulangin sa apat na beses, at kadalasa’y mayroon siyang tagasulat. Bukod dito, ilang salaysay na nanggaling sa iba ang isinulat ng mga taong nakarinig kay Joseph na magkuwento tungkol sa kanyang pangitain. Bagama’t ang mga salaysay na ito ay magkakaiba sa ilang detalye, depende sa nakikinig at lugar, pare-pareho naman ang mga ito. At bawat salaysay ay nagdaragdag ng mga detalyeng mas nagpapaunawa sa atin sa karanasan ni Joseph Smith, tulad ng bawat isa sa apat na Ebanghelyo na mas nagpapaunawa sa atin sa ministeryo ng Tagapagligtas.

Para mabasa ang iba pang mga salaysay ni Joseph, tingnan sa “First Vision Accounts” (Gospel Topics, topics.ChurchofJesusChrist.org). Ano ang natututuhan mo sa pagbasa sa lahat ng mga salaysay na ito?

Joseph Smith—Kasaysayan 1:15–20

Ang Unang Pangitain ang nagpasimula sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo.

Nagtiwala si Joseph Smith na sasagutin ng Diyos ang kanyang panalangin, ngunit maaaring hindi niya naisip kung paano mababago ng sagot na iyon ang kanyang buhay—at ang mundo. Habang binabasa mo ang karanasan ni Joseph, pagnilayan kung paano nabago ng Unang Pangitain ang iyong buhay. Halimbawa, maaari mong kumpletuhin ang pangungusap na ito sa iba’t ibang paraan: “Dahil nangyari ang Unang Pangitain, alam ko na …” Paano ka napagpala dahil sa Unang Pangitain?

Tingnan din ang video na “Ask of God: Joseph Smith’s First Vision,” ChurchofJesusChrist.org; Mga Banal, 1:16–22; Russell M. Nelson, “Pakinggan Siya,” Liahona, Mayo 2020, 88–92.

6:35

Joseph Smith—Kasaysayan 1:21–26

Maaari akong manatiling tapat sa nalalaman ko, kahit tinatanggihan ako ng iba.

Ang isa sa mga pagpapala ng mga banal na kasulatan ay na naglalaman ang mga ito ng mga nagbibigay-inspirasyong halimbawa ng magigiting na kalalakihan at kababaihan na hinarap ang mga hamon nang may pananampalataya kay Jesucristo. Nang maharap si Joseph Smith sa oposisyon dahil sa kanyang pangitain, nadama niya ang nadama ni Apostol Pablo, na inusig din dahil sa pagsasabi na nakakita siya ng isang pangitain. Habang binabasa mo ang salaysay ni Joseph, ano ang naghihikayat sa iyo na manatiling tapat sa iyong patotoo? Anong iba pang mga halimbawa—mula sa mga banal na kasulatan o sa mga taong kilala mo—ang nagbibigay sa iyo ng tapang na manatiling tapat sa iyong naging mga espirituwal na karanasan?

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

Joseph Smith—Kasaysayan 1:6.Paano tayo tutugon sa mga hidwaan nang hindi nakikipagtalo tulad ng mga taong inilarawan sa talatang ito?

Joseph Smith—Kasaysayan 1:11–13.Ang pagbasa sa mga talatang ito ay maaaring maghikayat sa mga miyembro ng pamilya na magbahagi ng mga karanasan nang antigin ng isang talata sa banal na kasulatan ang kanilang puso at nahikayat silang kumilos.

Joseph Smith—Kasaysayan 1:16–20.Habang binabasa ng inyong pamilya ang mga talatang ito, isiping ipakita ang painting na kasama sa outline na ito o iba pang larawan ng Unang Pangitain (marahil ay matutuwa ang inyong pamilya na idrowing ang sarili nilang paglalarawan dito). Maaari din ninyong panoorin ang video na “Ask of God: Joseph Smith’s First Vision” (ChurchofJesusChrist.org). Maaaring gumawa ang bawat isa sa inyo ng listahan ng mga katotohanang natutuhan natin sa pangitaing ito, pagkatapos ay ibahagi ang inyong listahan sa isa’t isa. Magiging magandang pagkakataon ito para ibahagi ng mga miyembro ng pamilya kung paano sila nagkaroon ng patotoo tungkol sa Unang Pangitain ni Joseph Smith.

6:35

Joseph Smith—Kasaysayan 1:17.Nang magpakita ang Diyos kay Joseph Smith, tinawag Niya si Joseph sa pangalan. Kailan nadama ng mga miyembro ng inyong pamilya na personal silang kilala ng Ama sa Langit?

Joseph Smith—Kasaysayan 1:21–26.Paano tayo maaaring tumugon kapag pinag-aalinlanganan ng mga tao ang ating patotoo?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awitin: “Unang Panalangin ni Joseph Smith,” Mga Himno, blg. 20.

icon ng mga tinig ng pagpapanumbalik

Mga Tinig ng Pagpapanumbalik

Pamilya ni Joseph Smith

Malaki ang epekto ng ating buhay-pamilya sa bawat isa sa atin, at hindi naiiba si Joseph Smith. Ang mga paniniwala sa relihiyon at mga gawi ng kanyang mga magulang ay nagtanim ng mga binhi ng pananampalataya na naging dahilan para maging posible ang Pagpapanumbalik. Nakatala sa journal ni Joseph ang papuring ito: “Ang mga salita at wika ay hindi sapat para mapasalamatan ko ang Diyos sa pagbibigay sa akin ng napakabubuting magulang.”1

Ang sumusunod na mga sipi mula sa kanyang inang si Lucy Mack Smith; kanyang kapatid na si William Smith; at sa Propeta mismo ay nagbibigay sa atin ng kaunting pag-unawa tungkol sa impluwensya ng relihiyon sa tahanan ng mga Smith.

ang pamilya Smith

Joseph Smith Family [Pamilya ni Joseph Smith], ni Dan Baxter

Lucy Mack Smith

Lucy Mack Smith

“[Noong mga 1802], nagkasakit ako. … Sabi ko sa sarili ko, hindi pa ako handang mamatay dahil hindi ko alam ang mga landasin ni Cristo, at tila ba may isang madilim at mapanglaw na agwat sa pagitan ko at ni Cristo na hindi ko tatangkaing tawirin. …

“Umasa ako sa Panginoon at nagmakaawa at nagsumamo sa Panginoon na pahabain ang aking buhay upang mapalaki ko ang aking mga anak at mapanatag ang puso ng aking asawa; nahimlay ako nang gayon sa buong magdamag. … Nakipagtipan ako sa Diyos [na] kung hahayaan niya akong mabuhay sisikapin kong mahanap ang relihiyong iyon na magbibigay-daan para mapaglingkuran ko siya nang tama, sa Biblia man ito matatagpuan o saanman, kahit sa langit pa ito matamo sa pamamagitan ng panalangin at pananampalataya. Sa huli ay nangusap sa akin ang isang tinig at nagsabing, ‘Magsihanap kayo, at kayo’y mangakasusumpong; magsituktok kayo, at kayo’y bubuksan. Panatagin ang iyong puso. Naniniwala ka sa Diyos; maniwala ka rin sa akin.’ …

“Mula sa oras na iyon patuloy akong lumakas. Hindi ako gaanong bumanggit ng tungkol sa relihiyon bagama’t nasa isip ko iyon palagi, at naisip ko na gagawin ko ang lahat kapag nakakita ako ng isang taong makadiyos na alam ang mga landasin ng Diyos para ituro sa akin ang mga bagay na nauukol sa Langit.”2

William Smith

William Smith

“Ang aking ina, na napakarelihiyosa at lubhang mapagmalasakit sa kapakanan ng kanyang mga anak, kapwa sa buhay na ito at sa kabilang-buhay, ay ginawa ang lahat ng kanyang makakaya bilang isang mapagmahal na magulang, para hikayatin kaming hangarin ang kaligtasan ng aming kaluluwa, o (ang tawag doon noon) ‘maging relihiyoso.’ Hinikayat niya kaming dumalo sa mga pulong, at halos buong pamilya ay naging interesado roon, at naghanap ng katotohanan.”3

“Naaalala ko na laging nagdarasal ang aming pamilya. Tandang-tanda ko na laging dala ng aking ama ang kanyang salamin sa bulsa ng kanyang tsaleko, … at kapag nakita naming mga anak na lalaki na kinakapa niya ang kanyang salamin, alam namin na tanda na iyon para maghanda na kaming magdasal, at kung hindi namin napansin iyon sasabihin ng aking ina, ‘William,’ o kung sinuman ang nakalimot, ‘maghanda nang magdasal.’ Pagkatapos magdasal may kinakanta kami.”4

salamin sa mata sa ibabaw ng mga banal na kasulatan

Itinuro nina Joseph Sr. at Lucy Smith sa kanilang pamilya na pag-aralan ang mga banal na kasulatan.

Joseph Smith

Joseph Smith

“Masasabi ko ngayon na [ang aking ama ay] hindi kailanman nakagawa ng masama, na hindi masasabing hindi siya bukas-palad sa kanyang buhay, ayon sa nalalaman ko. Mahal ko ang aking ama at ang kanyang alaala; at ang alaala ng kanyang marangal na mga gawain ay nakaukit sa aking isipan, at marami sa kanyang mabubuting salita at payo ang nakaukit sa aking puso. Sagrado sa akin ang mga alaala na itinatangi ko sa kasaysayan ng kanyang buhay, na sumagi sa aking isipan, at nakintal sa aking isipan sa pagmamasid ko, mula nang ako ay isilang. … Ang ina ko rin ay isa sa mga pinakadakila at pinakamabait na babae.”5

ang Unang Pangitain

The First Vision of the Restoration [Ang Unang Pangitain ng Pagpapanumbalik], ni Michael Bedard