Doktrina at mga Tipan 2021
Enero 11–17. Doktrina at mga Tipan 2; Joseph Smith—Kasaysayan 1:27–65: “Ang mga Puso ng mga Anak ay Babaling sa Kanilang mga Ama”


“Enero 11–17. Doktrina at mga Tipan 2; Joseph Smith—Kasaysayan 1:27–65: ‘Ang mga Puso ng mga Anak ay Babaling sa Kanilang mga Ama’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Enero 11–17. Doktrina at mga Tipan 2; Joseph Smith—Kasaysayan 1:27–65,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2021

si Moroni na nagpakita kay Joseph Smith

He Called Me by Name [Tinawag Niya Ako sa Pangalan], ni Michael Malm

Enero 11–17

Doktrina at mga Tipan 2; Joseph Smith—Kasaysayan 1:27–65

“Ang mga Puso ng mga Anak ay Babaling sa Kanilang mga Ama”

Matuturuan ka ng Espiritu Santo tuwing binabasa mo ang mga banal na kasulatan—maging ang mga banal na kasulatan na maraming beses mo nang nabasa dati. Kaya maging handang tumanggap ng mga bagong kaalaman at inspirasyon.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Tatlong taon na ang lumipas mula nang magpakita ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo kay Joseph Smith sa kakahuyan, ngunit wala nang natanggap na anumang karagdagang mga paghahayag si Joseph mula noon. Nagsimula siyang mag-isip tungkol sa kanyang katayuan sa harap ng Panginoon. Tulad nating lahat, nakagawa siya ng mga pagkakamali, at nadama niya na pinarusahan siya dahil dito. Subalit may gawain pa rin ang Diyos para sa kanya. At ang gawaing ipinagawa kay Joseph ay may kaugnayan sa iniuutos sa atin ng Diyos. Ilalabas ni Joseph ang Aklat ni Mormon; ano ang iniutos sa atin na gawin dito? Tatanggapin ni Joseph ang mga susi ng priesthood na magbabaling sa puso ng mga anak sa kanilang ama; paano natin ibabaling ang ating puso sa ating mga ninuno? Sinabi kay Joseph ang mga propesiya na malapit nang matupad; ano ang bahagi natin sa pagtulong na matupad ang mga ito? Kapag nakikibahagi tayo sa gawain ng Diyos, maaasahan nating maharap sa oposisyon at maging sa pag-uusig, na tulad ng Propeta. Ngunit maaari din tayong manampalataya na gagawin tayong kasangkapan ng Panginoon sa Kanyang mga kamay, tulad ng ginawa Niya kay Joseph.

Tingnan din sa Mga Banal, 1:23–61.

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Joseph Smith—Kasaysayan 1:27–33

May gawaing ipinagagawa sa akin ang Diyos.

Habang binabasa mo ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:27–33, isipin na may gawaing ipinagagawa sa iyo ang Diyos, tulad ng ginawa Niya kay Joseph Smith. Pagnilayan ang paanyayang ito ni Pangulong Russell M. Nelson: “Itanong sa inyong Ama sa Langit, sa pangalan ni Jesucristo, kung ano ang nadarama Niya tungkol sa inyo at sa misyon ninyo rito sa lupa. Kung magtatanong kayo nang may tunay na layunin, darating ang panahon na ibubulong sa inyo ng Espiritu ang katotohanang nagpapabago ng buhay. … Nangangako ako sa inyo na kapag naunawaan ninyo kahit kaunti ang pagtingin sa inyo ng inyong Ama sa Langit at ang inaasahan Niyang gagawin ninyo para sa Kanya, hindi na magiging katulad ng dati ang buhay ninyo kailanman!” (“Pagiging mga Tunay na Isinilang sa Milenyong Ito” [pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, Ene. 10, 2016], broadcasts.ChurchofJesusChrist.org).

Maaaring madama mo kung minsan ang nadama ni Joseph sa mga talata 28–29. Ano ang matututuhan mo sa halimbawa ni Joseph kung ano ang gagawin kapag hindi naaayon ang mga ginagawa mo sa ipinagagawa sa iyo ng Diyos?

Joseph Smith—Kasaysayan 1:34–65

Ang Aklat ni Mormon ay naglalaman ng “kabuuan ng walang-hanggang Ebanghelyo.”

Habang binabasa mo ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:34–65, isipin kung anong mga detalye sa mga talatang ito ang mukhang mahalaga sa iyo kung hindi mo pa kailanman narinig ang tungkol sa Aklat ni Mormon. Bilang isang mananampalataya, bakit mahalaga ang salaysay na ito sa iyong patotoo sa Aklat ni Mormon?

Isipin kung paano tinutupad ng Aklat ni Mormon ang mga propesiya sa Isaias 29:4, 11–18.

Joseph Smith—Kasaysayan 1:36–41

Tinupad ng Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ang mga sinaunang propesiya.

Binanggit ni Moroni kay Joseph ang ilang propesiya sa Luma at Bagong Tipan, tulad ng Isaias 11; Mga Gawa 3:22–23; at Joel 2:28–32. Bakit kaya mahalagang malaman ni Joseph ang mga propesiyang ito? Bakit mahalagang malaman mo ang mga ito?

Doktrina at mga Tipan 2

Ano ang ipinanumbalik ni Elijah?

Sinabi ni Pangulong Henry B. Eyring: “Mahalagang malaman kung bakit ipinangako ng Panginoon na isusugo si [Elijah]. Dakilang propeta si [Elijah] na binigyan ng Diyos ng malaking kapangyarihan. Hawak niya ang pinakamalaking kapangyarihang ibinibigay ng Diyos sa Kanyang mga anak: hawak niya ang kapangyarihang magbuklod, ang kapangyarihang magbuklod sa lupa gayundin sa langit” (“Pusong Magkakabigkis,” Liahona, Mayo 2005, 78).

Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 110:13–16; David A. Bednar, “Ang Bahay na Ito ay Itayo sa Aking Pangalan,” Liahona, Mayo 2020, 84–87.

Palmyra New York Temple sa panahon ng taglagas

Palmyra New York Temple. Ang mga pamilya ay ibinubuklod sa templo gamit ang kapangyarihang ipinanumbalik sa pamamagitan ni Elijah.

Doktrina at mga Tipan 2

Pumarito si Elijah upang ibaling ang aking puso sa aking mga ninuno.

Ano ang itinuturo sa iyo ng mga salitang “itatanim,” “mga puso,” at “babaling” sa bahaging ito tungkol sa misyon ni Elijah at sa mga pagpapala ng mga susi ng priesthood na ipinanumbalik niya? Paano mo nadama na bumaling ang iyong puso sa iyong mga ninuno? Mag-isip ng mga paraan na mararanasan mo ang damdaming ito nang mas madalas. Marahil ay maaari mong hilingin sa isang kamag-anak na ikuwento sa iyo ang isa sa inyong mga ninuno—mas mabuti nga kung maitatala mo ito. Maaari mo sigurong tukuyin ang isang ninuno na hindi pa nagawan ng mga ordenansa ng ebanghelyo at pagkatapos ay isagawa iyon sa templo.

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

Joseph Smith—Kasaysayan 1:28–29.Ano ang naramdaman ni Joseph Smith tungkol sa kanyang mga pagkakamali? Ano ang ginawa niya dahil sa naramdaman niyang iyon? Ano ang matututuhan natin sa kanya kung ano ang dapat nating gawin kapag nagkakamali tayo?

Joseph Smith—Kasaysayan 1:33–54.Maaari mong hilingin sa isang miyembro ng inyong pamilya na basahin nang malakas ang isang bahagi o buong mensahe ni Moroni mula sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:33–42 nang apat na beses (dahil apat na beses na inulit ni Moroni ang mensaheng ito). Sa bawat pagbasa, hilingin sa iba pang mga miyembro ng pamilya na ibahagi ang naaalala nila mula sa kanyang mensahe, nang hindi tumitingin sa mga banal na kasulatan. Bakit kaya ilang beses inuulit ng Panginoon ang mahahalagang mensahe? Ano ang ilang iba pang paraan na tinuturuan tayo ng Panginoon sa pamamagitan ng pag-uulit?

Doktrina at mga Tipan 2:2.Para maipaunawa sa inyong mga anak ang “mga pangakong ginawa sa mga ama,” maaari ninyong sama-samang basahin ang Abraham 2:9–11 o panoorin ang video na “Special Witnesses of Christ—President Russell M. Nelson” (ChurchofJesusChrist.org). Tukuyin ang mga pangakong ginawa ng Diyos bilang bahagi ng Kanyang tipan kay Abraham. Paano natin “itatanim” ang mga pangakong ito sa ating puso?

3:34

Doktrina at mga Tipan 2:2–3.Para matulungan ang mga miyembro ng pamilya na ibaling ang kanilang puso sa kanilang mga ama (o mga ninuno), maaari ninyo silang anyayahang alamin ang tungkol sa isang ninuno at ibahagi ang nalaman nila sa iba pang mga miyembro ng pamilya. Bakit nais ng Panginoon na malaman natin ang tungkol sa mga miyembro ng ating pamilya at isagawa natin ang mga ordenansa sa templo para sa kanila? Paano tayo pinagpapala kapag nakikibahagi tayo sa gawain sa family history at sa templo? (tingnan sa Dale G. Renlund, “Family History at Gawain sa Templo: Pagbubuklod at Pagpapagaling,” Liahona, Mayo 2018, 46–49).

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awitin: “Kasaysayan ng Mag-anak,” Aklat ng mga Awit Pambata, 100.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Gamitin ang mga tulong sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Ang mga kasangkapang tulad ng mga footnote, Gabay sa mga Banal na Kasulatan, at ChurchofJesusChrist.org ay makakatulong sa iyo na mas maunawaan ang mga tao, kaganapan, at parirala sa mga banal na kasulatan.

si Moroni na ibinibigay ang mga laminang ginto kay Joseph Smith

Joseph Receives the Plates [Tinanggap ni Joseph ang mga Lamina], ni Gary E. Smith