Doktrina at mga Tipan 2021
Enero 11–17. Doktrina at mga Tipan 2; Joseph Smith—Kasaysayan 1:27–65: “Ang mga Puso ng mga Anak ay Babaling sa Kanilang mga Ama”


“Enero 11–17. Doktrina at mga Tipan 2; Joseph Smith—Kasaysayan 1:27–65: ‘Ang mga Puso ng mga Anak ay Babaling sa Kanilang mga Ama,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Enero 11–17. Doktrina at mga Tipan 2; Joseph Smith—Kasaysayan 1:27–65,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2021

nagpakita si Moroni kay Joseph Smith

He Called Me by Name [Tinawag Niya Ako sa Pangalan], ni Michael Malm

Enero 11–17

Doktrina at mga Tipan 2; Joseph Smith—Kasaysayan 1:27–65

“Ang mga Puso ng mga Anak ay Babaling sa Kanilang mga Ama”

Simulan ang iyong paghahanda sa pagbasa ng Doktrina at mga Tipan 2 at Joseph Smith—Kasaysayan 1:27–65. Matutulungan ka ng mga ideya sa outline na ito na maituro ang mga katotohanan sa mga scripture passage na ito.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Maaari mong simulan ang klase sa pag-anyaya sa mga bata na ibahagi ang nalalaman nila tungkol sa pagbisita ng anghel na si Moroni kay Joseph Smith.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Joseph Smith—Kasaysayan 1:27–54

Tinawag ng Ama sa Langit si Joseph Smith para tulungan Siyang gawin ang Kanyang gawain.

Lalalim ang pagpapahalaga ng mga bata kay Propetang Joseph Smith kapag nalaman nila ang tungkol sa ipinagawa ng Diyos sa kanya.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipakita ang larawan ni Moroni na bumibisita kay Joseph Smith (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 91). Hilingin sa mga bata na tukuyin ang mga bagay na napansin nila sa larawan. Ibuod ang salaysay ng mga pagbisita ni Moroni kay Joseph. Kung kinakailangan, sumangguni sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:27–54 at “Kabanata 3: Si Anghel Moroni at ang mga Laminang Ginto” (Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 13–17). Anyayahan ang mga bata na magkunwaring sila si Joseph Smith sa iba’t ibang bahagi ng kuwento sa pamamagitan ng paghalukipkip na parang sila ay nananalangin, pagkukunwaring umaakyat sa Burol ng Cumorah, at iba pa.

  • Basahin nang malakas ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:33, at hilingin sa mga bata na tumayo kapag narinig nila ang pariralang “Ang Diyos ay may gawaing ipagagawa sa akin.” Ano ang nais ipagawa ng Diyos kay Joseph? Ano ang ipinapagawa Niya sa atin? Magpadrowing sa mga bata ng mga larawan ng mga bagay na nais ipagawa sa kanila ng Diyos, tulad ng pagdarasal, paglilingkod, o pagbabasa ng mga banal na kasulatan.

Doktrina at mga Tipan 2

Ibinigay ni Elijah kay Joseph Smith ang kapangyarihan na nagbubuklod sa mga pamilya.

Ang pag-aaral tungkol sa kapangyarihang magbuklod na ipinanumbalik sa pamamagitan ni Joseph Smith ay makatutulong sa mga bata na mapahalagahan ang mga pagpapala ng mga walang-hanggang pamilya.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Tulungan ang mga bata na sabihin ang pangalan na “Elijah” nang ilang beses. Hilingin sa kanila na pakinggan ang pangalang ito habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 2:1. Ipaliwanag na ito ang mga salita ni Moroni kay Joseph Smith, at itinuturo nito na darating si Elijah upang ipanumbalik ang awtoridad ng priesthood. Nagpakita nga kalaunan si Elijah kay Joseph sa Kirtland Temple at ibinigay sa Propeta ang kapangyarihan na nagbubuklod sa mga pamilya.

  • Hilingin sa mga bata na ibahagi sa klase ang isang bagay na gustung-gusto nila tungkol sa kanilang pamilya. Magdispley ng larawan ng isang pamilya sa tabi ng larawan ng isang templo—ang iyong sariling pamilya kung maaari (o tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 120). Magpatotoo na nais ng Ama sa Langit na magkasama-sama ang mga pamilya magpakailanman, at ito ang isa sa mga dahilan kaya binigyan Niya tayo ng mga templo.

  • Sama-samang awitin ang “Mag-anak ay Magsasamang Walang-Hanggan” (Aklat ng mga Awit Pambata, 98). Ano ang sinasabi sa awit na ito na magagawa natin upang makapiling ang ating pamilya magpakailanman?

Doktrina at mga Tipan 2

Ang pag-alam tungkol sa aking mga ninuno ay makapagdudulot sa akin ng kagalakan.

Kahit ang maliliit na bata ay maaaring maging sabik at makadama ng kagalakan sa family history.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang magulang ng isa sa mga bata na pumunta sa klase at magkuwento tungkol sa isang ninuno (at magdispley ng isang larawan kung mayroon). Magkuwento tungkol sa kagalakang nadarama mo kapag nalalaman mo ang tungkol sa iyong family history.

  • Bigyan ang bawat bata ng isang papel na puso. Tulungan silang isulat dito ang kanilang pangalan at ang, “Ipinapangako ko na aalalahanin ko ang aking mga ninuno.” Basahin ang Doktrina at mga Tipan 2:2, at ipaliwanag na pumarito si Elijah upang ibaling ang ating puso sa ating mga ninuno.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Joseph Smith—Kasaysayan 1:28–29

Maaari akong manalangin na mapatawad.

Kung minsan ang mga batang tinuturuan mo ay maaaring makadama na “isinumpa [sila] dahil sa [kanilang] kahinaan at mga kamalian” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:29) tulad ni Joseph Smith. Tulungan silang malaman na maaari silang humingi ng kapatawaran sa Ama sa Langit.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin ninyo ng mga bata ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:29. Ano ang naramdaman ni Joseph Smith tungkol sa kanyang mga pagkakamali? Ano ang ginawa niya sa mga ito? Ano ang maaari nating matutuhan sa halimbawa ni Joseph na makatutulong sa atin kapag nakagawa tayo ng mga pagkakamali? Itanong sa mga bata kung ano ang naramdaman nila nang malaman nila na si Joseph ay tinawag ng Diyos kahit hindi siya perpekto.

  • Bakit mahalagang isipin natin ang ating “katayuan sa harapan [ng Diyos]”? (Joseph Smith—Kasaysayan 1:29). Sabihin sa mga bata kung ano ang ginagawa mo kapag naiisip mo ang tungkol sa katayuan mo sa harapan ng Diyos.

Joseph Smith—Kasaysayan 1:30–54

Si Joseph Smith ay tinawag ng Diyos para isagawa ang isang mahalagang gawain.

Ang pag-aaral ng mensahe ni Moroni kay Joseph Smith ay makatutulong sa mga bata na mapalakas ang kanilang patotoo tungkol sa banal na tungkulin ni Joseph.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang mga bata na isadula o idrowing ang mga pangyayari sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:30–54, tulad ng pagpapakita ni Moroni kay Joseph (mga talata 30–47), pakikipag-usap ni Joseph sa kanyang ama (mga talata 48–50), at nang makita ni Joseph ang mga lamina (mga talata 51–54). Ano ang matututuhan natin sa talang ito tungkol sa gawaing ipinagagawa kay Joseph?

  • Basahin ninyo ng mga bata ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:33–35, at hilingin sa kanila na pakinggan kung ano ang nais ni Moroni na malaman ni Joseph tungkol sa gawaing ipinagagawa kay Joseph. Paano tayo napagpala dahil tinupad ni Joseph Smith ang kanyang gawain bilang tagapagsalin ng Aklat ni Mormon? Anyayahan ang mga bata na regular na basahin ang Aklat ni Mormon.

Doktrina at mga Tipan 2

Nais ng Ama sa Langit na mabuklod ang mga pamilya sa templo.

Sinabi ni Moroni kay Joseph Smith na darating si Elijah para “[i]hayag … ang Pagkasaserdote” (talata 1). Ito ay tumutukoy sa kapangyarihang magbuklod ng priesthood na nagtutulot sa mga pamilya na magkasama-sama magpakailanman at nagbibigay-kakayahan sa atin na matanggap ang mga ordenansa para sa ating mga ninuno sa templo.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Hilingin sa mga bata na basahin ang propesiya sa Doktrina at mga Tipan 2:1. Hilingin sa kanila na hanapin kung sino ang isusugo ng Panginoon sa mga huling araw at kung ano ang ipahahayag ng taong ito. Magdispley ng isang larawan ni Elijah sa Kirtland Temple (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 95), at talakayin kung paano natupad ang propesiyang ito 13 taon makaraan ang pagbisita ni Moroni (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 110:13–15).

  • Ipaliwanag na ipinanumbalik ni Elijah ang mga susi ng priesthood na nagtutulot sa mga pamilya na mabuklod nang walang-hanggan. Magpakita ng ilang bagay na makatutulong sa mga bata na maunawaan ang ibig sabihin ng ibuklod ang isang bagay, tulad ng isang lata ng pagkain o isang plastik na may zipper lock. Paano nakatulong sa atin ang mga bagay na ito para maunawaan ang kahulugan ng mabuklod ang pamilya?

  • Magdispley ng larawan ng isang templo, at tulungan ang mga bata na makapagbanggit ng ilan sa mga bagay na ginagawa natin sa mga templo. Ipaliwanag na ang binyag para sa patay, walang-hanggang kasal, at pagbubuklod ng mga pamilya sa templo ay naging posible dahil sa mga susi ng priesthood na ipinanumbalik ni Elijah.

  • Anyayahan ang isang dalagita o binatilyo sa ward na magbahagi ng isang karanasan nang masaliksik niya ang pangalan ng isang ninuno at nagpabinyag para sa ninunong iyon sa templo.

    Palmyra New York Temple

    Ibinubuklod ang mga pamilya sa templo sa pamamagitan ng kapangyarihang ipinanumbalik sa pamamagitan ni Elijah.

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Hikayatin ang mga bata na hilingin sa kanilang mga magulang na kuwentuhan sila tungkol sa isa sa kanilang mga ninuno o tulungan silang maghanda ng paboritong pagkain ng isang ninuno at kainin ito nang magkakasama.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Tulungan ang maliliit na bata na matuto mula sa mga banal na kasulatan. Upang matulungan ang maliliit na bata na matuto mula sa mga banal na kasulatan, pagtuunan ang isang talata ng banal na kasulatan o kahit ang isang mahalagang parirala lamang. Maaari mong anyayahan ang mga bata na tumayo o itaas ang kanilang mga kamay kapag narinig nila ang salita o pariralang iyon. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 21.)