Doktrina at mga Tipan 2021
Disyembre 28–Enero 3. Doktrina at mga Tipan 1: “Makinig, O Kayong mga Tao”


“Disyembre 28–Enero 3. Doktrina at mga Tipan 1: ‘Makinig, O Kayong mga Tao,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Disyembre 28–Enero 3. Doktrina at mga Tipan 1,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2021

pamilyang nagbabasa ng mga banal na kasulatan

Disyembre 28–Enero 3

Doktrina at mga Tipan 1

“Makinig, O Kayong mga Tao”

Ang dapat na maging unang hakbang mo sa paghahandang magturo ay ang pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 1 nang may panalangin. Sa paggawa mo nito, makinig sa mga pahiwatig tungkol sa mga pangangailangan ng mga bata, at alamin ang mga alituntunin na magiging makabuluhan sa kanila. Ang mga pahiwatig na ito ay tutulong sa iyo na magplano ng makabuluhang mga aktibidad para maituro ang mga alituntuning ito.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Itaas ang Doktrina at mga Tipan, at hilingin sa mga bata na magbahagi ng anumang bagay na nalalaman nila tungkol sa aklat na ito. Sino ang sumulat nito? Ano ang nilalaman nito? Bakit ito mahalaga? Para sa tulong, maaari kang sumangguni sa “Kabanata 23: Ang Doktrina at mga Tipan” (Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 90–92). Ibahagi ang pagmamahal mo sa Doktrina at mga Tipan at ang iyong pagnanais na matuto mula rito ngayong taon.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Doktrina at mga Tipan 1:4

Sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta, ang Panginoon ay nagbibigay ng babala sa atin tungkol sa espirituwal na panganib.

Ipinahayag ng Panginoon na ang Kanyang tinig ay “tinig ng babala.” Paano mo hihikayatin ang mga bata na makinig at sumunod sa mga babala na ibinibigay Niya?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipahawak sa mga bata ang mga larawan ng mga babala—tulad ng mga panganib sa kalsada, masamang panahon, o lason—at pag-usapan kung paano tayo binabalaan ng mga ito sa panganib. O ikuwento ang isang pangyayari na sinunod mo ang isang babala. Ihambing ang mga babalang ito sa mga babalang ibinibigay sa atin ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta. Magpatotoo na binabalaan Niya tayo dahil mahal Niya tayo at nais Niya tayong maging ligtas (tingnan din sa pahina ng aktibidad ng linggong ito).

  • Basahin sa mga bata ang Doktrina at mga Tipan 1:4: “At ang tinig ng babala ay mapapasalahat ng tao.” Magbahagi ng isang bagay na itinuro kamakailan ng propeta na makapagliligtas sa atin. Magpakita ng mga kaugnay na larawan, kung maaari. Ikuwento kung paano mo sinusunod ang payo ng propeta.

Doktrina at mga Tipan 1:17, 29

Si Joseph Smith ay propeta ng Diyos.

Sa pagsisimula ninyo ng mga bata ng pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan, tulungan silang patibayin ang kanilang patotoo sa banal na tungkulin ni Joseph Smith.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipakita ang larawan ni Propetang Joseph Smith (tingnan sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya; tingnan din sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 87). Hilingin sa mga bata na tumayo sa tabi ng larawan at ibahagi ang nalalaman nila tungkol kay Joseph Smith.

  • Ipahawak sa mga bata ang isang larawan ng Tagapagligtas at isang larawan ni Joseph Smith. Sabihin sa kanila kung ano ang ibinigay ng Tagapagligtas sa atin sa pamamagitan ni Joseph Smith, tulad ng mga kautusan (tingnan sa talata 17) at Aklat ni Mormon (tingnan sa talata 29). Sabihin sa mga bata na sa Doktrina at mga Tipan, matututuhan nila ang tungkol sa mga kautusang ibinigay ng Panginoon sa Simbahan sa pamamagitan ni Joseph Smith.

  • Ibahagi ang iyong nadarama tungkol kay Joseph Smith, at patotohanan na “tinawag [ng Diyos] ang [Kanyang] tagapaglingkod na si Joseph Smith, Jun., at nangusap [Siya] sa kanya mula sa Langit” (talata 17).

Doktrina at mga Tipan 1:38

Ang mga salita ng propeta ay mga salita ng Diyos.

Maaaring narinig na ng mga batang tinuturuan mo na magsalita ang Pangulo ng Simbahan, ngunit maaaring hindi nila naunawaan na ang kanyang mga salita ay nagmula sa Diyos. Tulungan silang maunawaan na ang mga salita ng mga propeta ay mga salita ng Diyos.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Maglaro ng isang simpleng laro sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga tagubilin sa isang bata at pagsasabi sa kanya na sabihin din ang mga tagubilin na iyon sa iba pang mga bata. Tulungan silang makita na ang pagsunod sa mga tagubilin ng bata ay katulad ng pagsunod sa mga tagubilin mo at ang pagsunod sa propeta ay katulad ng pagsunod sa Panginoon. Basahin sa kanila ang huling linya ng Doktrina at mga Tipan 1:38: “Maging sa pamamagitan ng sarili kong tinig o sa tinig man ng aking mga tagapaglingkod, ito ay iisa.”

  • Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa mga propeta, tulad ng huling talata ng “Propeta’y Sundin” (Aklat ng mga Awit Pambata, 58). Magpatotoo na sinasabi ng propeta ang salita ng Diyos.

  • Magpakita ng isang larawan, recording, o video clip ng buhay na propeta. Magpatotoo na sinasabi sa atin ng propeta ang nais ng Diyos na malaman natin. Anyayahan ang mga bata na ibahagi ang kanilang nadarama tungkol sa propeta.

    sesyon ng pangkalahatang kumperensya

    Itinuturo sa atin ng propeta ang nais ng Diyos na malaman natin.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Doktrina at mga Tipan 1:15–17, 29–30

Alam ng Panginoon ang mga pagsubok na haharapin natin, kaya ipinanumbalik Niya ang ebanghelyo sa pamamagitan ni Joseph Smith.

Matutulungan mo ang mga bata na maghanda para sa darating na mga pagsubok sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila kung paano nagbibigay ng espirituwal na proteksyon ang Panunumbalik ng ebanghelyo.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Tulungan ang mga bata na mag-isip ng ilan sa mga problema sa mundo ngayon. Rebyuhin sa kanila ang Doktrina at mga Tipan 1:15–16, at tulungan silang tukuyin ang ilan sa mga problemang ipinropesiya ng Panginoon na mangyayari. Hikayatin sila na alamin sa mga talata 17 at 29–30 ang ginawa ng Panginoon para tulungan tayong harapin ang mga pagsubok sa ating panahon.

  • Hilingin sa mga bata na isipin kunwari na sila ay naghahanda para sa isang paglalakbay. Ano ang ieempake nila? Paano sila matutulungan nito na malaman na uulan sa kanilang paglalakbay o mapa-flat ang gulong ng kanilang sasakyan? Sama-samang basahin ang talata 17, at talakayin kung ano ang alam ng Panginoon na mangyayari sa atin at kung paano Siya naghanda para dito. (Kung kailangan, ipaliwanag na ang “kalamidad” ay matinding kapighatian o isang kakila-kilabot na bagay.) Paano tumutulong sa atin ang mga kautusan ng Diyos sa pagharap sa mga pagsubok at problema ng ating panahon?

Doktrina at mga Tipan 1:30

Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang “tunay at buhay na simbahan” ng Panginoon.

Paano mo matutulungan ang mga bata na pahalagahan ang napakalaking pagpapala na mapabilang sa “tanging tunay at buhay na simbahan”?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang mga bata na ilista ang ilang bagay na may buhay at ang ilang bagay na walang buhay (kung maaari, magdala ng mga larawan o halimbawa). Ano ang pagkakaiba ng bagay na may buhay at ng bagay na walang buhay? Sama-samang basahin ang talata 30. Ano ang ibig sabihin ng “totoo” ang Simbahan? o ito ay “buhay”?

  • Magdispley ng isang larawan, tulad ng isang ipinintang larawan ng Tagapagligtas, at hilingin sa mga bata na ilarawan ito habang patay ang mga ilaw sa silid. Gamitin ang aktibidad na ito upang matulungan ang mga bata na maunawaan na para sa maraming tao, ang totoong Simbahan ng Tagapagligtas ay nasa “pagkakatago” at “kadiliman.” Paano natin matutulungan ang iba na malaman ang tungkol sa Simbahan?

Doktrina at mga Tipan 1:37–38

Ang salita ng Panginoon ay walang-hanggan.

Matutulungan mo ang mga bata na palakasin ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila na ang Kanyang mga salita ay tiyak at maaasahan.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Tulungan ang mga bata na ihambing ang mga bagay na panandalian lamang, gaya ng bula o snowflake, sa mga bagay na tila permanente, gaya ng bundok o ng araw. Hilingin sa kanila na hanapin sa mga talata 37–38 ang isang bagay na sinabi ng Panginoon na permanente. Bakit isang pagpapala na malaman na ang salita ng Diyos “ay hindi lilipas”?

  • Tulungan ang mga bata na maunawaan na ang “tinig ng aking mga tagapaglingkod,” ay kinabibilangan ng mga tinig ng ating mga apostol at propeta. Tulungan ang mga bata na maghanap ng “mga propesiya at pangako” sa mensahe ng isa sa mga tagapaglingkod ng Panginoon sa huling pangkalahatang kumperensya. Magpatotoo na ang mga salitang ito ay binigyang-inspirasyon ng Panginoon at “matutupad na lahat.”

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Rebyuhin sa mga bata ang natutuhan nila ngayong araw, at anyayahan sila na pumili ng isang bagay na sa palagay nila ay dapat malaman ng lahat. Hikayatin silang ibahagi ito sa isang kaibigan o kapamilya.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Natututo ang mga bata sa maraming paraan. “Hindi lahat ng bata ay pare-pareho, at bawat bata ay mabilis na umuunlad. Ang mga pagsisikap mong turuan ang mga bata ay magiging napakaepektibo kapag gumamit ka ng iba’t ibang pamamaraan sa pagtuturo,” na kinabibilangan ng mga kuwento, visual aid, at musika (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 25).