“Enero 4–10. Joseph Smith—Kasaysayan 1:1–26: ‘Ako ay Nakakita ng Isang Haligi ng Liwanag,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Enero 4–10. Joseph Smith—Kasaysayan 1:1–26,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2021
Enero 4–10
Joseph Smith—Kasaysayan 1:1–26
“Ako ay Nakakita ng Isang Haligi ng Liwanag”
Habang pinag-aaralan mo ang mga banal na kasulatan, isipin mo ang mga batang tinuturuan mo. Ang Espiritu Santo ay makapagbibigay-inspirasyon sa iyo, sa pamamagitan ng mga impresyong natatanggap mo, para malaman kung ano ang pagtutuunan mong ituro sa klase.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Anyayahan ang ilang bata na ibahagi ang nalalaman nila tungkol kay Joseph Smith at sa kanyang pagdarasal sa Sagradong Kakahuyan (makatutulong ang pagpapakita ng isang larawan ng Unang Pangitain). Tanungin sila kung ano ang nadarama nila kapag naririnig nila na dinalaw ng Ama sa Langit at ni Jesucristo si Joseph Smith. Kung bibisita sa ating klase si Joseph Smith, ano kaya ang itatanong natin sa kanya tungkol sa kanyang karanasan?
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Joseph Smith—Kasaysayan 1:3–20
Si Joseph Smith ay inihanda para maging propeta ng Diyos.
Ang pag-aaral tungkol sa kabataan ni Joseph Smith ay makatutulong sa mga bata na makaugnay sa kanya at maihanda sila na matuto mula sa kanyang mga karanasan. Marahil ay matutulungan mo silang makita kung paano inihanda si Joseph ng kanyang mga karanasan noong bata pa siya para maging propeta ng Diyos.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Hilingin sa isang bata na hawakan ang larawan ni Joseph Smith (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 87) habang ibinabahagi mo ang ilang impormasyon tungkol kay Joseph na nasa Joseph Smith—Kasaysayan 1:3–14 (tingnan din sa “Kabanata 1: Si Joseph Smith at ang Kanyang Mag-anak,” Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 6–8, o sa katumbas na video nito sa ChurchofJesusChrist.org). Tulungan silang ikumpara sa kanilang sarili ang mga detalye tungkol sa kanyang pamilya at sa kanyang buhay. Ibahagi ang iyong patotoo na si Joseph ay pinili ng Diyos at inihanda na maging propeta (tingnan sa “Mga Tinig ng Panunumbalik: Pamilya ni Joseph Smith,” sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya). Kung kinakailangan, ituro sa mga bata na ang propeta ay isang tao na nagsasalita para sa Diyos.
-
Anyayahan ang isang binatilyo sa ward na bumisita sa klase mo at magkunwaring si Joseph Smith. Maghanda ng ilang tanong na maitatanong ng mga bata sa kanya na ang mga sagot ay nasa Joseph Smith—Kasaysayan 1:3–20 (maaari mong ibahagi ang mga tanong na ito sa binatilyo nang maaga). Pagkatapos ay anyayahan ang binatilyo na basahin ang ilan sa mga sariling salita ni Joseph Smith tungkol sa Unang Pangitain (halimbawa, Joseph Smith—Kasaysayan 1:25).
Joseph Smith—Kasaysayan 1:10–17
Naririnig at sinasagot ng Ama sa Langit ang aking mga panalangin.
Ang karanasan ni Joseph Smith ay makakahikayat sa mga bata na manalangin nang may pananampalataya na maririnig sila ng Diyos.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Sabihin sa mga bata ang tungkol sa mga tanong ni Joseph Smith (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:10). Ano ang maaari nating gawin kapag may mga tanong tayo tungkol sa Diyos? Ipakita sa mga bata ang isang kopya ng Biblia, at ipaliwanag na noong magbasa si Joseph ng Biblia, nalaman niya na maaari siyang “humingi sa Dios” o magtanong (Santiago 1:5; tingnan din sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 89). Magpatotoo na maaari tayong magtanong sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin.
-
Ikuwento ang isang karanasan noong ikaw ay nalito, humingi ng tulong sa Diyos, at nakatanggap ng sagot. Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga pagkakataon na sinagot ang kanilang mga panalangin. Maaari mo ring ibahagi ang isang kuwento mula sa mga magasin ng Simbahan tungkol sa isang nasagot na panalangin ng isang bata.
Joseph Smith—Kasaysayan 1:17–19
Nakita ni Joseph Smith ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo.
Matutulungan mo ang mga bata na magkaroon ng pundasyon para sa isang malakas na patotoo tungkol sa Unang Pangitain ni Joseph Smith. Ibahagi sa kanila kung paano ka nagkaroon ng patotoo tungkol sa mahalagang pangyayaring ito.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipakita ang larawan ng Unang Pangitain sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya, at ikuwento sa sarili mong salita ang nangyari nang manalangin si Joseph. Anyayahan ang mga bata na idrowing ang sarili nilang paglalarawan sa kuwento.
-
Anyayahan ang mga bata na kulayan ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito at gamitin ito para ikuwento ang Unang Pangitain (tingnan din ang “Kabanata 2: Unang Pangitain ni Joseph Smith,” Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 9–12, o sa katumbas na video nito sa ChurchofJesusChrist.org).
-
Basahin ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:17, at bigyang-diin sa mga bata ang mga salitang sinabi ng Ama sa Langit kay Joseph Smith.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Joseph Smith—Kasaysayan 1:10–13
Masasagot ng Diyos ang mga tanong ko sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan.
Nakatanggap si Joseph Smith ng inspirasyon sa isang talata na nabasa niya sa Biblia, at ito ay humantong sa Unang Pangitain at sa Panunumbalik ng Simbahan ni Cristo. Tulungan ang mga bata na makita kung paano makatutulong sa kanila ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan para mahanap ang mga sagot sa kanilang espirituwal na mga tanong.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magpakita sa mga bata ng iba’t ibang aklat (tulad ng encyclopedia o cookbook), at tulungan silang mag-isip ng mga tanong na masasagot ng mga aklat na ito. Pagkatapos ay ipakita sa kanila ang isang kopya ng mga banal na kasulatan. Anong mga tanong ang masasagot ng mga aklat na ito? Maaari kang magbigay ng halimbawa ng isang tanong na nasagot sa mga banal na kasulatan. Basahin nang sabay-sabay ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:10–11 para malaman kung ano ang mga tanong ni Joseph Smith at ano ang mga sagot na natagpuan niya sa mga banal na kasulatan.
-
Tulungan ang mga bata na mahanap ang mga salita sa talata 12 na naglalarawan kung paano nakaapekto kay Joseph Smith ang pagbabasa ng Santiago 1:5. Magbahagi ng naging karanasan mo sa mga banal na kasulatan—halimbawa, nang mahanap mo ang sagot sa isa sa iyong mga tanong sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga banal na kasulatan. Sama-samang awitin ang “Babasahin, Uunawain, at Mananalangin,” (Aklat ng mga Awit Pambata, 66).
Joseph Smith—Kasaysayan 1:10–19
Naririnig at sinasagot ng Ama sa Langit ang aking mga panalangin.
Kilala ng Diyos si Joseph Smith, at nang manalangin si Joseph, narinig siya ng Diyos. Bagama’t maaaring iba ang mga karanasan ng mga batang iyong tinuturuan sa karanasan ni Joseph, matutulungan mo silang madama na kilala sila ng Diyos at naririnig Niya sila kapag nananalangin sila.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang isang magulang ng isa sa mga bata na tumayo sa labas ng silid-aralan at sagutin ang mga tanong na galing sa mga bata gamit ang mga paraan na tulad ng pagpapadala ng text message, pagtawag sa telepono, pagsulat ng liham, o pagpapadala ng isang mensahero. Ano ang ilan sa mga paraan na nakikipag-usap sa atin ang Ama sa Langit? (tingnan sa “Paghahayag,” Gabay sa mga Banal na Kasulatan, scriptures.ChurchofJesusChrist.org). Ayon sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:16–19, paano tinugon ng Ama sa Langit ang panalangin ni Joseph Smith? Paano Niya sinagot ang ating mga panalangin?
-
Sama-samang kantahin ang “Panalangin ng Isang Bata,” (Aklat ng mga Awit Pambata, 6–7).
Joseph Smith—Kasaysayan 1:14–19, 25
Nagpakita ang Ama sa Langit at si Jesucristo kay Joseph Smith.
Kailangan ng bawat isa sa mga batang tinuturuan mo ng patotoo tungkol sa karanasan ni Joseph Smith sa Sagradong Kakahuyan. Paano mo sila matutulungan na magkaroon o mapalakas ang kanilang patotoo?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Para marebyu ang salaysay ng Unang Pangitain, isulat ang buod ng bawat talata sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:14–19 sa magkakahiwalay na piraso ng papel. Ilagay ang mga papel sa isang lalagyan, at anyayahan ang mga bata na isa-isang kumuha sa mga ito at ilagay ang mga ito sa pisara sa tamang pagkakasunud-sunod.
-
Anyayahan ang mga bata na ipikit ang kanilang mga mata at isipin kung ano ang pakiramdam kung sila si Joseph habang binabasa mo ang mga piling bahagi ng Joseph Smith—Kasaysayan 1:14–17. Hilingin sa kanila na ibahagi ang kanilang naiisip at nadarama tungkol sa karanasan ni Joseph.
-
Sama-samang basahin ang patotoo ni Joseph sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:25. Hilingin sa mga bata na humanap ng mga salita at parirala na nagpapakita ng pananampalataya ni Joseph. Paano tayo mananatiling tapat sa Diyos at sa ating mga patotoo kapag hindi sumasang-ayon ang ibang tao sa atin?
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Anyayahan ang mga bata na ikuwento ang Unang Pangitain ni Joseph Smith sa isang tao—kung maaari, sa isang taong hindi pa nakarinig nito. Maaari nilang gamitin ang pahina ng aktibidad sa linggong ito para matulungan sila na magkuwento.