Doktrina at mga Tipan 2021
Enero 25–31. Doktrina at mga Tipan 6–9: “Ito ang Diwa ng Paghahayag”


“Enero 25–31. Doktrina at mga Tipan 6–9: ‘Ito ang Diwa ng Paghahayag,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Enero 25–31. Doktrina at mga Tipan 6–9,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2021

tagasulat na sumusulat sa papel

Enero 25–31

Doktrina at mga Tipan 6–9

“Ito ang Diwa ng Paghahayag”

Magsimulang maghanda sa pagtuturo sa pamamagitan ng pagbabasa ng Doktrina at mga Tipan 6–9. Ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya at ang outline na ito ay makapagbibigay ng mga ideya kung paano magturo sa mga bata sa iyong klase.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Alam ba ng mga bata ang kuwento tungkol sa pagtanggap ni Oliver Cowdery ng sagot sa panalangin? (tingnan sa Mga Banal, 1:67–69). Marahil ay nagkaroon na rin sila ng isang karanasan sa kanilang pagdarasal na maaari nilang ibahagi.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Doktrina at mga Tipan 6:5; 8:2; 9:7–9

Ang Ama sa Langit ay maaaring mangusap sa atin sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

Tulungan ang mga bata na maunawaan na mayroon silang mapagmahal na Ama sa Langit na nakikinig sa kanilang mga panalangin at sinasagot ang mga ito sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Gamitin ang “Kabanata 5: Sina Joseph Smith at Oliver Cowdery” (Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 22–25, o ang katumbas na video nito sa ChurchofJesusChrist.org) para ikuwento sa mga bata ang tungkol kay Oliver Cowdery at sa kanyang natutuhan tungkol sa paraan kung paano nangungusap sa atin ang Ama sa Langit. Hilingin sa mga bata na sabihin sa iyo ang kanilang mga paboritong bahagi sa kuwento, at sabihin sa kanila na maghalinhinan sa pagsasabi sa iyo ng tungkol kay Oliver Cowdery.

  • Sabihin sa mga bata na sinubukan ni Oliver Cowdery na isalin ang Aklat ni Mormon pero hindi niya magawa, kaya’t itinanong ni Joseph sa Panginoon ang dahilan. Basahin sa mga bata ang sagot ng Panginoon: “Kailangan mong pag-aralan ito sa iyong isipan; pagkatapos kailangang itanong mo sa akin kung ito ay tama” (Doktrina at mga Tipan 9:8). Anyayahan sila na magkunwaring nag-aaral at nagdarasal. Tulungan ang mga bata na maunawaan na ito ang paraan kung paano tayo makatatanggap ng mga sagot mula sa Panginoon—sa pamamagitan ng pag-aaral at paghingi ng Kanyang tulong.

    Oliver Cowdery

    Oliver Cowdery, ni Lewis A. Ramsey

  • Anyayahan ang mga bata na ilagay ang kanilang kamay sa kanilang ulo at kanilang dibdib kapag nabasa mo ang mga salitang “isipan” at “puso” sa Doktrina at mga Tipan 8:2. Tulungan sila na maunawaan na nangungusap sa atin ang Ama sa Langit sa pamamagitan ng Espiritu Santo, na nagbibigay sa atin ng mga kaisipan o ideya at mga pakiramdam. Sama-samang kantahin ang isang awit tungkol sa Espiritu Santo, tulad ng “Ang Espiritu Santo” (Aklat ng mga Awit Pambata, 56). Ano ang itinuturo ng awit tungkol sa paraan kung paano nangungusap sa atin ang Espiritu? Magbahagi ng isang karanasan kung saan ay nadama mo ang Espiritu Santo sa iyong puso at isipan.

Doktrina at mga Tipan 6:33–36

Sa tulong ng Tagapagligtas, hindi ko kailangang matakot.

Maraming dahilan sina Joseph Smith at Oliver Cowdery para matakot—ang pag-uusig at kahirapan ay ilan lamang sa mga hamon o pagsubok na naranasan nila. Ang mensahe ng Panginoon kina Joseph at Oliver ay maaari ring makahikayat sa mga bata kapag sila ay natatakot.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Hilingin sa mga bata na ulitin nang ilang beses ang pariralang “huwag matakot, munting kawan” (Doktrina at mga Tipan 6:34). Ipaliwanag na ang kawan ay isang grupo ng mga hayop, tulad ng mga tupa. Ipakita ang larawan ng Tagapagligtas bilang isang pastol (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 64), at magpatotoo na Siya ay nagbabantay sa atin tulad ng isang pastol na nagbabantay sa Kanyang mga tupa. Dahil mahal Niya tayo, hindi tayo kailangang matakot.

  • Sabihin sa mga bata na magkunwaring isang kawan ng mga takot na tupa. Ano ang maaaring kinatatakutan kung minsan ng mga tupa? Sabihin sa isang bata na magkunwaring pastol na nagbabantay para manatiling ligtas ang mga tupa. Ano ang mga kinatatakutan natin kung minsan? Magpatotoo na si Jesucristo ay tulad ng isang pastol at mapapawi Niya ang ating takot. Sama-samang kumanta ng isang awit tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang pagmamahal sa atin.

  • Basahin ang Doktrina at mga Tipan 6:36 sa mga bata, at anyayahan sila na ulitin ang mga pariralang “huwag mag-alinlangan, huwag matakot.” Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga paraan na magagawa nilang “isaalang-alang,” o alalahanin, ang Tagapagligtas sa susunod na linggo (tingnan din sa pahina ng aktibidad ng linggong ito).

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Doktrina at mga Tipan 6:5, 15–16, 22–23; 8:2; 9:7–9

Ang Espiritu Santo ay nangungusap sa aking puso at isipan.

Ang mga batang tinuturuan mo ay maaaring nakatanggap na ng kaloob na Espiritu Santo. Nauunawaan ba nila kung paano tumanggap ng personal na paghahayag mula sa Espiritu?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magdrowing sa pisara ng isang ulo at isang puso. Tulungan ang mga bata na basahin ang mga sumusunod na talata at tukuyin kung paano inilalarawan ang pangungusap ng Espiritu Santo sa ating isipan, sa ating puso, o sa dalawang ito: Doktrina at mga Tipan 6:15, 23; 8:2; 9:89:9. Sabihin sa mga bata, mula sa iyong mga karanasan, kung ano ang pakiramdam kapag nangungusap ang Espiritu Santo sa iyong puso at isipan.

  • Sama-samang basahin ang Doktrina at mga Tipan 6:5, at anyayahan ang mga bata na magbahagi ng mga karanasan nila sa pananalangin at pagtanggap ng mga sagot. Tulungan silang mag-isip ng mga halimbawa ng isang tao sa mga banal na kasulatan na nagdasal at tumanggap ng sagot sa isang tanong (tingnan sa 1 Nephi 2:16; Enos 1:1–6; Eter 2:18–3:6).

  • Isulat sa pisara ang Paano nangungusap ang Espiritu Santo sa atin? Anyayahan ang mga bata na saliksikin ang Doktrina at mga Tipan 6:15–16, 22–23; 8:2; 9:7–9 para sa mga sagot sa tanong. Magbahagi ng mga karanasan kung saan nadama mo na nangungusap sa iyo ang Espiritu Santo.

Doktrina at mga Tipan 6:33–37

“Huwag matakot na gumawa ng mabuti.”

Ang mga batang tinuturuan mo ay maaaring nakadarama kung minsan ng takot na panindigan ang tama. Ang Doktrina at mga Tipan 6:33–37 ay makahihikayat sa kanila na maging matapang, kahit sa mahihirap na sitwasyon.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Sama-samang basahin ang Doktrina at mga Tipan 6:33, at talakayin kung bakit maaaring matakot ang isang tao na gumawa ng mabuti (tingnan din sa mga talata 28–29). Tulungan ang mga bata na humanap ng mga salita o parirala sa mga talata 33–37 na tutulong na magbigay sa kanila ng tapang na gawin ang tama.

  • Tulungan ang mga bata na magdrowing ng mga bagay na maididispley nila sa kanilang mga tahanan para magpaalala sa kanila na “isaalang-alang [si Jesucristo] sa bawat pag-iisip” (talata 36). Habang nagdodrowing sila, talakayin ang kahulugan ng isaalang-alang ang Tagapagligtas at kung paano sila mapapanatiling ligtas nito.

  • Sama-samang kantahin ang isang awit tungkol sa pagkakaroon ng lakas-ng-loob, tulad ng “Maglakas-loob, Tama’y Gawin” (Aklat ng mga Awit Pambata, 80) o “Magpatuloy Tayo” (Mga Himno, blg. 148). Hilingin sa mga bata na hanapin sa awit ang ilan sa mga dahilan para “huwag [tayong] matakot” (talata 36).

Doktrina at mga Tipan 8:10

Magagawa kong humingi nang may pananampalataya.

Sa buong banal na kasulatan, ipinapaalala sa atin ng Panginoon na magkaroon ng pananampalataya sa Kanya. Paano mo matutulungan ang mga batang tinuturuan mo na magkaroon ng mas malakas na pananampalataya kay Jesucristo?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Isulat sa pisara ang Kung walang ay wala kang magagawa; samakatwid humingi nang may . Anyayahan ang mga bata na mag-isip ng isang salita na akma sa dalawang patlang. Pagkatapos ay sama-samang basahin ang Doktrina at mga Tipan 8:10 upang mahanap ang sagot. Ano ang ilang bagay na magagawa natin kung may pananampalataya tayo?

  • Pagkatapos basahin nang sama-sama ang Doktrina at mga Tipan 8:10, tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga bagay na maaari nilang ihingi ng tulong sa Panginoon. Anyayahan silang magdrowing ng isang bagay na kumakatawan sa dapat na hilingin nila. Habang ipinakikita nila sa klase ang larawang idinrowing nila, ipahula sa ibang mga bata kung ano ang kinakatawan ng larawan.

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Tulungan ang mga bata na pumili ng isang maikling parirala mula sa Doktrina at mga Tipan 6–9 na gusto nilang ibahagi sa isang tao sa tahanan, tulad ng “huwag matakot na gumawa ng mabuti” (6:33), “huwag mag-alinlangan, huwag matakot” (6:36), o “kung walang pananampalataya ay wala kang magagawa” (8:10).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Gumamit ng mga kuwento. Ang mga kuwento ay makatutulong sa mga bata na maunawaan ang mga alituntunin ng ebanghelyo dahil ipinapakita ng mga ito kung paano ipinamuhay ng iba ang mga alituntuning iyon. Sa iyong pagtuturo, maghanap ng mga paraan para maisama ang mga kuwento—mula sa mga banal na kasulatan, mula sa kasaysayan ng Simbahan, o sa iyong sariling buhay—na nagpapakita ng mga alituntunin sa mga banal na kasulatan.