Doktrina at mga Tipan 2021
Enero 18–24. Doktrina at mga Tipan 3–5: “Ang Aking Gawain ay Magpapatuloy”


“Enero 18–24. Doktrina at mga Tipan 3–5: ‘Ang Aking Gawain ay Magpapatuloy,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Enero 18–24. Doktrina at mga Tipan 3–5,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2021

mga lalaking nagtatrabaho sa bukid

Harvest Time in France [Tag-ani sa France], ni James Taylor Harwood

Enero 18–24

Doktrina at mga Tipan 3–5

“Ang Aking Gawain ay Magpapatuloy”

Habang pinag-aaralan mo ang Doktrina at mga Tipan 3–5, maaari kang makatanggap ng mga impresyon tungkol sa kung ano ang kailangang maunawaan ng mga batang tinuturuan mo. Ang mga aktibidad sa outline na ito ay maaari ring makapagbigay sa iyo ng mga ideya.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Idispley ang larawan ni Joseph Smith mula sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya, at tulungan ang mga bata na maibahagi ang nalalaman nila tungkol sa kuwentong inilalarawan nito. Tulungan silang maalala ang kuwento tungkol kay Martin Harris nang mawala niya ang mga unang pahina ng pagsasalin ng Aklat ni Mormon (tingnan sa “Kabanata 4: Si Martin Harris at ang mga Nawalang Pahina,” Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 18–21; o sa Mga Banal, 1:58–64).

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Doktrina at mga Tipan 3:7–10

Kaya kong piliin ang tama kapag pinipilit ako ng iba na gumawa ng mali.

Tulungan ang mga bata na matutuhan kung ano ang natutuhan ni Joseph Smith: kung magtitiwala sila sa Ama sa Langit, Siya ay “[makakasama nila] sa bawat panahon ng kaguluhan” (Doktrina at mga Tipan 3:8).

Mga Posibleng Aktibidad

  • Rebyuhin ang kuwento ni Martin Harris at ang mga pahina ng nawalang manuskrito (tingnan sa Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 18–21, o sa katumbas na video nito sa ChurchofJesusChrist.org). Sabihin sa mga bata ang ilang posibleng sitwasyon kung saan maaaring matukso sila na gumawa ng isang bagay na hindi tama. Paano tayo matutulungan ng Ama sa Langit na pumili ng tama? (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 3:8).

    Martin Harris

    Martin Harris, ni Lewis A. Ramsey

  • Basahin ang mga salitang ito mula sa Doktrina at mga Tipan 3:8: “Kanya sanang iniunat ang kanyang bisig at itinaguyod ka.” Anyayahan ang mga bata na tumayo at iunat ang kanilang mga bisig habang binabasa mong muli ang parirala. Ibahagi sa kanila ang ilang pamamaraan na iniuunat ng Panginoon ang Kanyang bisig upang tulungan sila kapag pinipilit sila ng iba na gumawa ng mali. Sabihin sa kanila na halinhinan nilang iunat ang kanilang mga bisig habang sinasabi nila ang iba pang mga paraan na iniuunat ng Panginoon ang Kanyang bisig para tulungan tayo.

Doktrina at mga Tipan 4

Kailangan ako ng Panginoon para gawin ang Kanyang gawain.

Ang mga bata ay maaaring “[humarap] sa paglilingkod sa Diyos” (Doktrina at mga Tipan 4:2) sa maraming paraan, at makapaghahanda na sila ngayon para sa karagdagang mga oportunidad sa hinaharap.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin ang Doktrina at mga Tipan 4:1 sa mga bata. Magdala ng ilang larawan na nagpapakita ng “kagila-gilalas” na gawain ng Diyos sa mga huling araw (tulad ng mga larawan ng mga missionary, templo, at Aklat ni Mormon). Sabihin sa mga bata na maghalinhinan sa pagpili ng larawan at pagsasalita tungkol dito. Ibahagi kung bakit kagila-gilalas sa iyo ang gawain ng Panginoon.

  • Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga gawa o magdrowing ng mga larawan na nagpapakita ng pariralang “[paglingkuran] mo siya nang buong puso, kakayahan, pag-iisip at lakas” (Doktrina at mga Tipan 4:2). Magbahagi ng isang halimbawa ng isang taong kilala mo na naglilingkod sa Diyos sa ganitong paraan.

  • Sama-samang kantahin ang isang awit tungkol sa gawaing misyonero, tulad ng “Nais Ko nang Maging Misyonero” (Aklat ng mga Awit Pambata, 90). Talakayin kung ano ang itinuturo ng awit tungkol sa paraan kung paano natin matutulungan ang Diyos na magawa ang Kanyang gawain.

Doktrina at mga Tipan 5:10

Natanggap natin ang salita ng Diyos sa pamamagitan ni Joseph Smith.

Paano mo matutulungan ang mga bata na mapalakas ang kanilang patotoo na si Joseph Smith at ang iba pang mga propeta ay nagtuturo ng salita ng Diyos?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Itago ang larawan ni Joseph Smith sa isang lugar sa silid (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 87). Basahin ang Doktrina at mga Tipan 5:10, at anyayahan ang mga bata na hanapin ang larawan upang malaman kung sino ang tinutukoy ng salitang “mo.” Magpatotoo na natanggap natin ang salita ng Diyos sa pamamagitan ni Joseph Smith.

  • Magpakita sa mga bata ng isang kopya ng Aklat ni Mormon at ng Doktrina at mga Tipan. Ipaliwanag na ibinigay ng Diyos sa atin ang mga banal na kasulatang ito sa pamamagitan ni Joseph Smith. Ibahagi ang ilan sa mga paborito mong talata mula sa mga aklat na ito, at sabihin kung bakit nagpapasalamat ka para sa mga ito.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Doktrina at mga Tipan 3:5–10; 5:21–22

Dapat kong mas isipin ang pagbibigay-lugod sa Diyos kaysa sa tao.

Habang natututuhan ng mga bata ang tungkol sa karanasan ni Joseph Smith sa mga nawalang pahina ng pagsasalin ng Aklat ni Mormon, maaari silang mabigyang-inspirasyon na manatiling tapat kapag tinutukso sila ng iba na sumuway.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ilang araw bago ito, anyayahan ang isa sa mga bata na dumating sa klase na handang ibahagi ang kuwento tungkol kina Joseph Smith at Martin Harris nang mawala sa kanila ang mga unang pahina ng pagsasalin ng Aklat ni Mormon (tingnan sa Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 18–21; o Mga Banal, 1:58–64). Sama-samang basahin ang Doktrina at mga Tipan 3:5–8; 5:21–22, at alamin ang mga pagpapalang dumarating kapag nananatili tayong tapat sa Diyos.

  • Bigyan ang mga bata ng oras na isipin ang isang sitwasyon kung saan maaaring ipagpilitan ng isang kaibigan na gawin nila ang mali. Anyayahan sila na maghanap ng isang talata sa Doktrina at mga Tipan 3:5–8; 5:21–22 na makatutulong sa kanila sa mga sitwasyong iyon. Isadula ang ilang halimbawa.

Doktrina at mga Tipan 4

Kailangan ako ng Panginoon para gawin ang Kanyang gawain.

Ang Doktrina at mga Tipan 4 ay makapagbibigay-inspirasyon sa mga bata na maging bahagi ng “kagila-gilalas na gawain” ng Panginoon (talata 1).

Mga Posibleng Aktibidad

  • Isulat sa pisara ang Maglingkod sa Diyos. Anyayahan ang mga bata na saliksikin ang Doktrina at mga Tipan 4 at ilista ang mga bagay na natutuhan nila tungkol sa ibig sabihin ng maglingkod sa Diyos. Hilingin sa kanila na idagdag sa listahan ang mga bagay na natutuhan nila mula sa awit na “Ako’y Magiging Magiting” (Aklat ng Awit Pambata, 85) o isa pang awit tungkol sa paglilingkod sa Diyos.

  • Magdala ng mga kagamitan (o larawan ng mga kagamitan) na ginagamit sa pagtrabaho sa bukid. Paano tayo natutulungan ng mga kagamitang ito? Tulungan ang mga bata na maghanap ng mga bagay sa Doktrina at mga Tipan 4:5–6 na maaaring maging mga kagamitan sa paggawa ng gawain ng Diyos.

  • Anyayahan ang mga full-time o ward missionary na magbahagi ng isang bagay mula sa Doktrina at mga Tipan 4 na naghikayat sa kanila na gawin ang gawain ng Diyos. Ano ang magagawa natin para makatulong sa gawain ng Diyos?

Doktrina at mga Tipan 5:1–7, 11, 16, 23–24

Makapagpapatotoo ako na ang Aklat ni Mormon ay totoo.

Pinangakuan si Martin Harris na maaari siyang maging isa sa mga saksi ng mga laminang ginto kung siya ay tapat. Hindi natin makikita ang mga lamina tulad ni Martin, pero maaari tayong makatanggap ng espirituwal na patotoo sa Aklat ni Mormon. Paano mo matutulungan ang mga bata na magkaroon at magbahagi ng kanilang sariling patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Isulat sa pisara ang mga tanong na gaya ng sumusunod, at tulungan ang mga bata na hanapin ang sagot sa Doktrina at mga Tipan 5:1–3, 7, 11: Ano ang ninais na malaman ni Martin Harris? Kanino maaaring ipakita ni Joseph Smith ang mga laminang ginto? Bakit tila hindi sapat na makita lamang ang mga lamina para makumbinsi ang isang tao na ang Aklat ni Mormon ay totoo?

  • Itanong sa mga bata kung ano ang isang saksi at bakit mahalaga ang isang saksi. Ano ang kailangang gawin ni Martin Harris upang maging saksi sa mga laminang ginto? (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 5:23–24). Kahit hindi natin nakita ang mga lamina, ano ang maaari nating gawin upang maging mga saksi ng Aklat ni Mormon? (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 5:16; Moroni 10:3–5).

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Hikayatin ang mga bata na isulat ang kanilang mga patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon at ibahagi ito sa isang taong kilala nila.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Iangkop ang mga aktibidad para maisama ang mga batang may kapansanan. Tiyak na matututo ang lahat ng bata sa maliliit na pag-aangkop sa mga aktibidad. Halimbawa, kung iminumungkahi sa isang aktibidad na magpakita ng isang larawan, maaaring kumanta na lamang kayo para maisama ang mga batang may kapansanan sa paningin.