Doktrina at mga Tipan 2021
Pebrero 1–7. Doktrina at mga Tipan 10–11: “Nang Ikaw ay Magtagumpay”


“Pebrero 1–7. Doktrina at mga Tipan 10–11: ‘Nang Ikaw ay Magtagumpay,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Pebrero 1–7. Doktrina at mga Tipan 10–11,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2021

manuskito ng Aklat ni Mormon

Replika ng orihinal na manuskrito ng Aklat ni Mormon.

Pebrero 1–7

Doktrina at mga Tipan 10–11

“Nang Ikaw ay Magtagumpay”

Basahin nang may panalangin ang Doktrina at mga Tipan 10–11 na pinagninilayan kung paano mo matutulungan ang mga bata na maunawaan ang mga katotohanan sa mga bahaging ito. Ang mga ideya sa outline na ito—kapwa para sa mas maliliit na bata at para sa nakatatandang mga bata—ay makatutulong.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Hilingin sa mga bata na ibahagi ang naaalala nila mula sa nakaraang lesson tungkol kay Martin Harris at sa mga nawalang pahina ng pagsasalin ng Aklat ni Mormon. Ibahagi ang anumang detalye na hindi nila naalala. Maaari kang sumangguni sa “Kabanata 4: Si Martin Harris at ang mga Nawawalang Pahina” (Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 18–21).

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Doktrina at mga Tipan 10:5

Kapag palagi akong nananalangin, pagpapalain ako ng Ama sa Langit.

Kung minsan, iniisip ng mga bata na maaari lamang silang manalangin sa partikular na mga oras at lugar, at kung nakaluhod o nakapikit lamang ang kanilang mga mata. Paano mo sila matutulungan na matutuhan kung paano “manalangin tuwina”?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magpakita ng mga larawan ng mga bagay na madalas nating ginagawa, tulad ng pagkain, pagtulog, o paglalaro. Paano tayo natutulungan ng mga bagay na ito? Magdispley ng larawan ng isang batang nananalangin habang binabasa mo sa mga bata ang mga salitang “manalangin tuwina” mula sa Doktrina at mga Tipan 10:5. Hilingin sa mga bata na ulitin nang ilang beses ang mga salitang ito. Paano makatutulong sa atin ang pananalangin palagi o tuwina?

  • Gamitin ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito para matulungan ang mga bata na maisip ang maraming lugar at oras na maaari tayong manalangin.

  • Anyayahan ang mga bata na idrowing ang kanilang sarili o kanilang pamilya na nananalangin sa iba’t ibang oras at lugar, tulad sa simbahan, bago pumasok sa paaralan, o bago matulog. Ipaliwanag na ang pananalangin sa tuwina ay nangangahulugang madalas na pananalangin sa buong maghapon. Paano tayo magdarasal kahit may kasama tayong ibang tao, tulad sa paaralan o kapag kasama ang ating mga kaibigan?

    mga batang lalaking nagdarasal

    Tutulungan tayo ng Panginoon kapag nagdarasal tayo.

Doktrina at mga Tipan 11:12–13

Inaakay tayo ng Espiritu Santo na gumawa nang mabuti.

Kahit sa murang edad, makahihiwatig na ang mga bata kapag nangungusap sa kanila ang Espiritu.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magtago sa silid ng bombilya o flashlight at larawan ng isang masayang mukha. Hilingin sa mga bata na hanapin ang mga bagay na ito. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 11:13, at tulungan ang mga bata na matukoy ang mga salita na may kaugnayan sa mga bagay na nahanap nila. Ano ang itinuturo ng mga salitang ito tungkol sa paraan kung paano tayo tinutulungan ng Espiritu Santo?

  • Bigyan ang mga bata ng ilang sitwasyon kung saan kailangan nilang mamili sa tama o mali—tulad ng pagpili na magsabi ng totoo o magsinungaling, o maging mabait o maging salbahe. Paano natin malalaman kung alin sa mga pagpipilian ang tama? Sama-samang basahin ang Doktrina at mga Tipan 11:12, at patotohanan na tutulungan tayo ng Espiritu Santo na pumili ng tama kung makikinig tayo sa Kanya.

  • Kantahin ang isang awit tungkol sa paggabay ng Espiritu Santo. Itanong sa mga bata kung ano ang itinuturo sa kanila ng awit tungkol sa paraan kung paano tayo tinutulungan ng Espiritu Santo.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Doktrina at mga Tipan 10:5

Kapag palagi akong nananalangin, mapaglalabanan ko ang mga tukso ni Satanas.

Matutulungan mo ang mga bata na maunawaan na ang palagiang pananalangin ay nagbibigay sa kanila ng lakas na mapaglabanan ang tukso.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Isulat sa mga piraso ng papel ang mga salita o parirala mula sa Doktrina at mga Tipan 10:5, at hilingin sa mga bata na pagsunud-sunurin ang mga ito. Hikayatin silang hanapin ang talata kung kailangan nila ng tulong. Ayon sa talatang ito, anong mga pagpapala ang dumarating kapag lagi tayong nananalangin? Paano makatutulong sa atin ang pag-alaala na manalangin sa buong araw, lalo na kapag natutukso tayong gumawa ng mali?

  • Anyayahan ang mga bata na ilista ang ilan sa mga pagkakataon na maaari tayong manalangin at ang mga lugar kung saan maaari tayong manalangin. Para sa mga karagdagang ideya, hikayatin silang tingnan ang Alma 34:17–27.

  • Tulungan ang mga bata na gumawa ng isang maliit na karatula o larawan na magpapaalala sa kanila na manalangin sa tuwina o manalangin palagi. Anyayahan sila na isabit ang kanilang mga karatula sa kanilang tahanan kung saan palagi nila itong makikita.

Doktrina at mga Tipan 11:12–13

Inaakay ako ng Espiritu Santo na gumawa ng mabuti.

Madalas na iniisip ng mga kabataan kung ano ang pakiramdam ng mapatnubayan ng Espiritu Santo. Magagamit mo ang Doktrina at mga Tipan 11 para ituro sa mga bata kung paano mahihiwatigan ang “Espiritung yaon na nag-aakay sa paggawa ng mabuti” (talata 12).

Mga Posibleng Aktibidad

  • Tulungan ang mga bata na gumawa ng listahan ng mga taong nilalapitan nila kapag nangangailangan sila ng tulong o kapag may tanong sila. Bakit tayo nagtitiwala na tutulungan tayo ng mga taong ito? Anyayahan ang mga bata na basahin ang Doktrina at mga Tipan 11:12 at hanapin kung ano ang sinabi kay Hyrum Smith na dapat niyang pagkatiwalaan. Ano ang matututuhan natin sa talatang ito tungkol sa dahilan kung bakit dapat tayong magtiwala sa paggabay ng Espiritu Santo?

  • Itanong sa mga bata kung ano ang sasabihin nila sa isang kaibigan na nagtatanong sa kanila kung ano ang pakiramdam kapag nangungusap sa kanila ang Espiritu Santo. Anyayahan ang mga bata na basahin ang Doktrina at mga Tipan 11:12–13 para mahanap ang ilang posibleng sagot.

  • Ibahagi sa mga bata ang ilang karanasan mo kung saan ay ginabayan ka ng Espiritu Santo na gumawa ng mabubuting bagay. Anyayahan ang mga bata na isipin kung naranasan din nila ang tulad nito at pagkatapos ay sabihin na ibahagi ang mga ito kung gusto nila. Magpatotoo na nais ng Ama sa Langit na gabayan tayo sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Hikayatin ang mga bata na pansinin sa darating na linggo kung nadama nila ang mga inilarawan sa Doktrina at mga Tipan 11:12–13.

Doktrina at mga Tipan 11:21, 26

Kailangan kong malaman ang ebanghelyo para matulungan ko ang iba na mahanap ang katotohanan.

Ang mga batang tinuturuan mo ay magkakaroon ng maraming pagkakataon na ibahagi ang ebanghelyo. Maituturo sa kanila ng mga talatang ito kung paano maghanda para sa mga pagkakataong ito.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang mga bata na isadula kung paano nila sasabihin ang tungkol sa ebanghelyo sa isang tao na hindi pa ito narinig noon. Halimbawa, paano nila sasagutin ang mga tanong tungkol sa Aklat ni Mormon? Paano nila ipapaliwanag kung sino si Jesucristo? Basahin ninyo ng mga bata ang Doktrina at mga Tipan 11:21, 26. Ano ang sinabi ng Panginoon kay Hyrum Smith na kailangan niyang gawin upang maituro niya ang ebanghelyo? Ano ang ibig sabihin ng “matamo” ang salita ng Diyos, at paano natin magagawa ito? Paano natin “pahahalagahan” ang salita ng Diyos sa ating puso?

  • Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng isang scripture verse na gusto nila at ipaliwanag kung bakit nila ito gusto. Bigyan sila ng pagkakataong magsalita kung paano pinagpapala ng mga banal na kasulatan ang kanilang buhay at kung ano ang ginagawa nila para pag-aralan ang salita ng Diyos sa tahanan. Hikayatin silang magtakda ng mga mithiin na basahin ang salita ng Diyos nang mas madalas.

  • Sama-samang kantahin ang isang awit tungkol sa pagbabahagi ng ebanghelyo, tulad ng “Nais Ko nang Maging Misyonero” (Aklat ng mga Awit Pambata, 90). Ano ang itinuturo ng awit na ito tungkol sa kung paano tayo maaaring maging missionary araw-araw?

  • Magbahagi ng isang bagay mula sa “Pag-asa ng Israel” nina Pangulong Russell M. Nelson at Sister Wendy W. Nelson (pandaigdigang debosyonal para sa kabataan, Hunyo 3, 2018, ChurchofJesusChrist.org) upang mahikayat ang mga bata na tumulong sa pagtitipon ng mga anak ng Diyos sa pamamagitan ng pagbabahagi ng ebanghelyo.

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Anyayahan ang mga bata na kausapin ang isang kapamilya tungkol sa isang bagay na natutuhan nila ngayon sa Doktrina at mga Tipan 1011. Halimbawa, maaari nilang ibahagi kung paano nila pinaplano na manalangin palagi.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Maghangad ng paghahayag araw-araw. Habang naghahanda kang magturo, manalangin at pag-isipan ang mga banal na kasulatan sa buong linggo. Madarama mo na ang Espiritu ay “magbibigay-liwanag sa iyong isipan” (Doktrina at mga Tipan 11:13). Ang mga ideya at impresyon kung paano magturo ay maaaring dumating sa iyo anumang oras at anumang lugar—habang papunta ka sa trabaho, gumagawa ng mga gawaing-bahay, o nakikipag-usap sa iba.