Doktrina at mga Tipan 2021
Pebrero 15–21. Doktrina at mga Tipan 14–17: “Makatayo Bilang Isang Saksi”


“Pebrero 15–21. Doktrina at mga Tipan 14–17: ‘Makatayo Bilang Isang Saksi,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Pebrero 15–21. Doktrina at mga Tipan 14–17,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2021

si Joseph Smith at ang Tatlong Saksi na nakaluhod at nananalangin

Pebrero 15–21

Doktrina at mga Tipan 14–17

“Makatayo Bilang Isang Saksi”

Paano mo matutulungan ang mga bata na makatayo bilang mga saksi ng ebanghelyo? Ang mga aktibidad sa outline na ito ay makapagbibigay sa iyo ng mga ideya.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Anyayahan ang ilang bata na magbahagi ng natutuhan nila sa linggong ito, sa bahay o sa Primary, na pinaniniwalaan nilang totoo.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Doktrina at mga Tipan 14:1–7

Matutulungan ko ang Panginoon sa paggawa ng Kanyang gawain.

Isipin kung paano makatutulong ang mga salita ng Panginoon kay David Whitmer upang maunawaan ng mga bata kung paano sila maaaring makibahagi sa gawain ng Diyos.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ibahagi nang maikli ang ilang detalye tungkol sa pamilya Whitmer (tingnan sa Mga Banal, 1:68–71 o sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya). Halimbawa, ibahagi kung sino si David Whitmer at kung paano siya tumulong at ang kanyang pamilya kay Joseph Smith noong isinasalin nito ang Aklat ni Mormon.

  • Tulungan ang mga bata na maunawaan ang mga paghahambing sa pagtatrabaho sa bukid at sa pakikibahagi sa “dakila at kagila-gilalas na gawain” ng Diyos (talata 1). Halimbawa, ang paggapas ng ani ay sumisimbolo sa pagdadala ng mga kaluluwa kay Cristo. Maaari kang magpakita ng larawan ng isang magsasaka, magdala ng mga damit ng magsasaka para isuot ng mga bata, o talakayin ang gawain sa araw-araw ng mga magsasaka. Ipaliwanag na si David Whitmer ay isang magsasaka na nagnais malaman kung paano niya matutulungan ang Panginoon. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 14:3–4 sa mga bata, at tulungan silang matuklasan kung ano ang sinabi ng Panginoon na dapat gawin ni David Whitmer. Paano tayo makatutulong sa gawain ng Panginoon?

  • Gumamit ng isang regalo para maituro sa mga bata ang tungkol sa kaloob ng Diyos na buhay na walang hanggan. Halimbawa, magpakita sa mga bata ng isang regalo na may isang papel sa loob na may nakasulat na “Buhay na Walang Hanggan” (Doktrina at mga Tipan 14:7). Pabuksan sa isang bata ang regalo, at basahin nang malakas ang Doktrina at mga Tipan 14:7. Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng buhay na walang-hanggan ay mabuhay magpakailanman sa piling ng Diyos at maging katulad Niya. Magpatotoo sa mga pagpapala ng pagsunod sa mga kautusan at pagtanggap ng buhay na walang hanggan.

    mga missionary na nagtuturo sa isang pamilya

    Ang gawaing misyonero ay isang paraan na makatutulong tayo para magawa ng Panginoon ang Kanyang gawain.

Doktrina at mga Tipan 15:6; 16:6

Matutulungan ko ang iba na lumapit kay Jesucristo.

Sina John Whitmer at Peter Whitmer Jr. ay mga kapatid ni David Whitmer. Tulad ni David, gusto nilang malaman kung paano nila matutulungan ang Panginoon. Iniutos Niya sa kanila na tumulong na “[magdala] ng mga kaluluwa” sa Kanya.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Hilingin sa mga bata na maglarawan ng isang bagay na mahalaga sa kanila (tulad ng laruan, aklat, o laro). Basahin ang Doktrina at mga Tipan 15:616:6, at hilingin sa mga bata na itaas ang kanilang mga kamay kapag narinig nila ang sinabi ng Panginoon na “pinakamahalaga.”

  • Kasama ang mga bata, ilista ang mga paraan na matutulungan nila ang isang tao na sundin si Jesucristo, tulad ng pakikipagkaibigan sa iba, pagbabahagi ng mga banal na kasulatan sa isang kaibigan, o pagdarasal para sa isang taong nangangailangan. Upang mabigyan ng mga ideya ang mga bata, maaari kang magpakita ng ilang kaugnay na larawan mula sa mga magasin ng Simbahan o sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo. O maaaring magdrowing ang mga bata ng sarili nilang mga larawan. Anyayahan sila na subukang gawin sa linggong ito ang isang bagay na inilista nila.

Doktrina at mga Tipan 17

Maaari akong maging saksi ng mga bagay na ginawa ng Diyos para sa akin.

Si David Whitmer ay naging isa sa Tatlong Saksi ng Aklat ni Mormon, at kabilang sa Walong Saksi ang apat sa kanyang mga kapatid na lalaki. Tulad ni David at ng kanyang mga kapatid, ang bawat isa sa atin ay maaaring “makatayo bilang isang saksi” ng katotohanan (Doktrina at mga Tipan 14:8).

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ikuwento sa mga bata ang tungkol sa Tatlo at Walong Saksi (tingnan sa “Kabanata 7: Nakita ng mga Saksi ang mga Laminang Ginto” [Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 31–33], o sa katumbas na video nito sa ChurchofJesusChrist.org). Anyayahan ang mga bata na magdrowing ng isang larawan nang makita ng mga saksi ang mga lamina.

    25:5
  • Anyayahan ang mga bata na kulayan ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito, at gamitin ito para ikuwento ang tungkol sa Tatlong Saksi.

  • Itaas ang isang kopya ng Aklat ni Mormon, at basahin sa mga bata ang huling linya ng Doktrina at mga Tipan 17:6: “Yayamang ang inyong Panginoon at inyong Diyos ay buhay ito ay totoo.” Sabihin sa mga bata kung paano mo nalaman na ang Aklat ni Mormon ay totoo. Anyayahan ang mga bata na maging mga saksi ng Aklat ni Mormon sa pamamagitan ng pagbabasa nito at pagdarasal para malaman kung ito ay totoo at pagkatapos ay ibahagi sa iba ang kanilang patotoo.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Doktrina at mga Tipan 14–16

Matutulungan ko ang Panginoon sa paggawa ng Kanyang gawain.

Kapag tinalakay mo ang mga paghahayag para sa magkakapatid na Whitmer, maaari mong ibahagi ang ilang paraan kung paano inaanyayahan ng Panginoon ang bawat isa sa atin na tulungan Siya sa Kanyang gawain.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magbahagi ng mga kuwento tungkol kay David Whitmer at sa kanyang pamilya na sa pakiramdam mo ay makapagbibigay-inspirasyon sa mga bata (tingnan sa Mga Banal, 1:78–81). Paano ginamit ng Panginoon ang mga Whitmer para makatulong sa pagtatayo ng Kanyang kaharian?

  • Sa mga piraso ng papel, isulat ang mga simpleng tanong at kaugnay na mga reperensya mula sa Doktrina at mga Tipan 14–16. Halimbawa: Sa anong bagay inihalintulad ang salita ng Diyos? (14:2). Ano ang pinakadakilang kaloob ng Diyos? (14:7). Ano ang sinabi ng Panginoon na pinakamahalaga? (15:6; 16:6). Anyayahan ang bawat bata na pumili ng isang tanong at hanapin ang mga sagot sa mga talata.

  • Isulat ang dalawang heading sa pisara: Gawain sa Bukirin at Ang Gawain ng Panginoon. Tulungan ang mga bata na hanapin sa Doktrina at mga Tipan 14:3–4 ang mga parirala na may kaugnayan sa gawain sa bukid, at isulat ang mga ito sa ilalim ng unang heading. Ano ang itinuturo sa atin ng mga pariralang ito tungkol sa gawain ng Diyos? Isulat ang mga sagot ng mga bata sa ilalim ng pangalawang heading. Paano tayo makatutulong sa gawain ng Panginoon?

Doktrina at mga Tipan 17

Maaari akong maging saksi ng mga bagay na ginawa ng Diyos para sa akin.

Sa Doktrina at mga Tipan 17, sinabi ng Panginoon kina Oliver Cowdery, David Whitmer, at Martin Harris na sila ang magiging Tatlong Saksi ng Aklat ni Mormon. Tulungan ang mga bata na matutuhan kung paano rin sila magiging mga saksi ng katotohanan.

  • Anyayahan ang isang bata na dumating na handang ikuwento ang tungkol sa Tatlong Saksi (tingnan sa “Kabanata 7: Nakita ng mga Saksi ang mga Laminang Ginto” [Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 31–33], o sa katumbas na video nito sa ChurchofJesusChrist.org). Ano ang matututuhan natin mula sa salaysay na ito tungkol sa paraan kung paano maging matapang na saksi?

  • Sama-samang basahin ang pangako ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 17:1–3, at tulungan ang mga bata na makita ang katuparan nito sa “Ang Patotoo ng Tatlong Saksi” sa Aklat ni Mormon.

  • Sama-samang basahin ang Doktrina at mga Tipan 17:3–5 upang malaman kung ano ang ipinagawa kina Oliver Cowdery, Martin Harris, at David Whitmer matapos makita ang mga laminang ginto. Ano ang ilang katotohanan na mapatototohanan natin? Ikuwento kung paano mo ibinahagi ang iyong patotoo sa iba, at anyayahan ang mga bata na ibahagi ang anumang karanasan nila.

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Anyayahan ang mga bata na tumayo bilang saksi ng isang bagay na natutuhan nila sa klase ngayon. Hilingin sa kanila na ibahagi sa klase sa susunod na linggo kung paano nila ito ginawa.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Hayaang maging aktibo ang mga bata. Maaari mong magamit ang likas na pagiging aktibo ng mga bata sa pamamagitan ng pag-anyaya sa kanila na isadula ang isang kuwento o i-aksiyon ang isang awit o isang talata sa banal na kasulatan. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 25–26.)