“Pebrero 8–14. Doktrina at mga Tipan 12–13; Joseph Smith—Kasaysayan 1:66–75: ‘Sa Inyo na Aking Kapwa Tagapaglingkod,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Pebrero 8–14. Doktrina at mga Tipan 12–13; Joseph Smith—Kasaysayan 1:66–75,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2021
Pebrero 8–14
Doktrina at mga Tipan 12–13; Joseph Smith—Kasaysayan 1:66–75
“Sa Inyo na Aking Kapwa Tagapaglingkod”
Ang mga batang tinuturuan mo ay mula sa iba’t ibang sitwasyon at magkakaiba ng mga pangangailangan. Habang naghahanda ka, isipin kung paano mo sila pinakamainam na matutulungan para malaman nila ang mga katotohanang itinuro sa Doktrina at mga Tipan 12–13 at Joseph Smith—Kasaysayan 1:66–75.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng mga pagkakataon na nakita nilang nagpabinyag o tumanggap ng basbas ng priesthood ang isang tao. Paano natanggap nina Joseph Smith at Oliver Cowdery ang priesthood?
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Ipinanumbalik ni Juan Bautista ang Aaronic Priesthood.
Noong Mayo 15, 1829, si Juan Bautista ay nagpakita kina Joseph Smith at Oliver Cowdery at ipinagkaloob sa kanila ang Aaronic Priesthood. Paano pagpapalain ang mga batang tinuturuan mo kapag nalaman nila ang tungkol sa pangyayaring ito?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ikuwento sa mga bata kung paano ipinanumbalik ang Aaronic Priesthood (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1: 68–70; tingnan din sa “Kabanata 6: Sina Joseph at Oliver ay Binigyan ng Pagkasaserdote,” Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 26–27) . O anyayahan ang isang lalaki sa ward na pumunta sa klase at isalaysay ang kuwento na parang siya si Juan Bautista, binabasa sa mga bata ang sinabi ni Juan kina Joseph Smith at Oliver Cowdery.
-
Idispley ang mga larawan ng pagbibinyag ni Juan Bautista sa Tagapagligtas at pagpapanumbalik niya ng Aaronic Priesthood (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, 35, 93; tingnan din ang larawan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya). Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng nalalaman nila tungkol sa nangyayari sa mga larawan (tingnan sa Mateo 3:13–17; Doktrina at mga Tipan 13; Joseph Smith—Kasaysayan 1:68–70).
-
Tulungan ang mga bata na matutuhan ang isang awit tungkol sa priesthood, tulad ng “Ang Pagkasaserdote ay Naipanumbalik” (Aklat ng mga Awit Pambata, 60). Anyayahan ang mga bata na magmartsa sa paligid ng silid habang kumakanta sila, naghahalinhinan sa paghawak ng larawan mula sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya.
Ang priesthood ay kapangyarihan ng Diyos.
Ang mga lesson tungkol sa panunumbalik ng Aaronic Priesthood ay magandang pagkakataon para matulungan ang mga bata na mas maunawaan kung ano ang priesthood at kung paano sila mapagpapala nito.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magdala ng ilang bagay sa klase, kabilang ang isang susi. Idispley ang mga bagay, at hilingin sa mga bata na makinig habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 13 at hanapin ang bagay na binanggit sa banal na kasulatan. Saan natin magagamit ang susi? Ipakita ang mga larawan ng mga bagay na magagawa natin dahil naipanumbalik ang Aaronic Priesthood (tingnan sa pahina ng aktibidad para sa linggong ito; tingnan din sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, 103–4, 107–8). Sabihin sa mga bata kung paano napagpala ng priesthood ang iyong buhay.
-
Upang matulungan ang mga bata na matutuhan ang pariralang Ang priesthood ay kapangyarihan ng Diyos, hilingin sa kanila na pumalakpak habang sinasabi nila ang bawat pantig. Magpakita ng isang bagay na nangangailangan ng baterya para gumana, at ituro na, tulad ng baterya na nagpapagana sa bagay na ito, ang priesthood ay nagdadala ng kapangyarihan ng Diyos sa ating buhay. Magpatotoo tungkol sa mga pagpapalang dumating sa iyo dahil sa priesthood.
Joseph Smith—Kasaysayan 1:66–75
Maaari akong magpabinyag.
May nabasa sina Joseph Smith at Oliver Cowdery tungkol sa pagbibinyag sa Aklat ni Mormon at naghangad na malaman ang tungkol dito. Matutulungan mo ang mga batang iyong tinuturuan na kasabikan ang kanilang binyag at malaman pa ang tungkol sa sagradong ordenansang ito.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipanood ang video na “Restoration of the Aaronic Priesthood” (ChurchofJesusChrist.org). I-pause ang video paminsan-minsan para itanong sa mga bata ang tulad nito “Bakit pumunta sina Joseph Smith at Oliver Cowdery sa kakahuyan?” at “Ano sa palagay ninyo ang nadama nina Joseph Smith at Oliver Cowdery matapos silang mabinyagan?” Hilingin sa kanila na ibahagi kung ano sa palagay nila ang madarama nila kapag sila ay nabinyagan.
-
Sabihin sa mga bata ang tungkol sa binyag nina Joseph Smith at Oliver Cowdery (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:68–74; tingnan din sa “Kabanata 6: Sina Joseph at Oliver ay Binigyan ng Pagkasaserdote,” Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 26–28). Bigyang-diin ang kagalakang nadama nina Joseph at Oliver, at ikuwento sa mga bata ang tungkol sa iyong binyag. Anyayahan sila na idrowing ang kanilang sarili na binibinyagan balang-araw.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Doktrina at mga Tipan 13; Joseph Smith—Kasaysayan 1:66–72
Ipinanumbalik ni Juan Bautista ang Aaronic Priesthood.
Ang mga salaysay tungkol sa pagpapanumbalik ng Aaronic Priesthood ay maaaring makatulong sa mga batang tinuturuan mo na maunawaan ang mahahalagang katotohanan tungkol sa priesthood at mga ordinasyon sa priesthood.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Sama-samang basahin ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:66–72, at anyayahan ang mga bata na idrowing ang inilalarawan sa mga talatang ito. Pagkatapos ay ipasalaysay sa mga bata ang kuwento gamit ang kanilang idinrowing na larawan. Anyayahan ang isang tao na magbahagi ng karanasan kung saan nakita niyang inorden ang isang tao sa isang katungkulan sa priesthood. Paano iyan natutulad sa paraan ng pag-orden kina Joseph at Oliver na inilarawan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:66–72?
-
Bigyan ang mga bata ng ilang minuto para maisulat ang lahat ng nalalaman nila tungkol kay Juan Bautista, at pagkatapos ay bigyan sila ng pagkakataon na ibahagi ang isinulat nila. Anyayahan ang mga bata na magpartner-partner at basahin ang isa sa mga na talata at idagdag ito sa kanilang isinulat: Mateo 3:13–17; Doktrina at mga Tipan 13; Joseph Smith—Kasaysayan 1:66–72.
Tumatanggap ako ng mga pagpapala sa pamamagitan ng Aaronic Priesthood.
Tumatanggap tayo ng maraming pagpapala sa pamamagitan ng Aaronic Priesthood. Ano ang magagawa mo para matulungan ang mga batang tinuturuan mo na maunawaan na ang mga pagpapalang ito ay naging posible dahil naipanumbalik na ang priesthood?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Maglagay ng mga larawan ng pagbibinyag at sakramento sa isang lalagyan na nangangailangan ng susi para mabuksan. Talakayin kung bakit mahalaga ang mga susi, at ipagamit sa mga bata ang susi para mabuksan ang lalagyan. Anyayahan ang mga bata na basahin ang Doktrina at mga Tipan 13 at hanapin ang mga salita at parirala na nagtuturo sa kanila kung anong mga pagpapala ang dumarating mula sa Aaronic Priesthood.
-
Ipanood ang video na “Blessings of the Priesthood” (ChurchofJesusChrist.org), at hilingin sa mga bata na tukuyin kung paano napagpala ang mga tao sa video dahil sa priesthood.
3:7
Joseph Smith—Kasaysayan 1:73–74
Matutulungan ako ng Espiritu Santo na maunawaan ang mga banal na kasulatan.
Matapos mabinyagan sina Joseph Smith at Oliver Cowdery, tinulungan sila ng Espiritu Santo na mas maunawaan ang mga banal na kasulatan. Maaari itong makahikayat sa mga bata, na maaaring nahihirapang maunawaan ang mga banal na kasulatan.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magdala sa klase ng isang simpleng puzzle, at anyayahan ang mga bata na buuin ito. Habang binubuo nila ito, itanong sa kanila kung paano natutulad ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan sa pagbuo ng isang puzzle. Sama-samang basahin ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:73–74, at anyayahan ang mga bata na ibahagi kung ano ang tumulong kina Joseph at Oliver na maunawaan ang mga banal na kasulatan. Ano ang maaari nating gawin para makahingi ng tulong sa Espiritu Santo sa pag-aaral natin ng mga banal na kasulatan?
-
Anyayahan ang mga bata na gumawa ng bookmark na mailalagay nila sa kanilang mga banal na kasulatan para magpaalaala sa kanila na hingin ang tulong ng Espiritu Santo kapag nagbabasa sila. Maaaring makakita sila ng isang nagbibigay-inspirasyong parirala sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:74 na maaari nilang isulat sa kanilang bookmark.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Kung walang oras para tapusin ng mga bata sa klase ang pahina ng aktibidad maari mong ipauwi sa kanilang bahay ang mga kopya para magawa ang mga ito ng mga bata kasama ng kanilang pamilya.